At ako, kapag ako'y itinaas na mula sa lupa, ang lahat ng mga tao ay papalapitin ko sa aking sarili. Juan 12:32. KDB 340.1
Ang dakilang panukala ng pagtubos ay nagreresulta sa ganap na pagpapanumbalik ng sanlibutan sa pabor ng Diyos. Ang lahat ng nawala dahil sa kasalanan ay napanumbalik. Hindi lamang tao kundi pati ang lupa ay natubos, na magiging walang-hanggang tahanan ng masunurin. Sa loob ng anim na libong taon, nakipagpunyagi si Satanas para mapanatili ang pag- aari sa lupa. Ngayo'y natupad na ang orihinal na layunin ng Diyos sa paglalang. “Ngunit tatanggapin ng mga banal ng Kataas-taasan ang kaharian, at aangkinin ang kaharian magpakailan kailanpaman.”— Patriarchs and Prophets, p. 342. KDB 340.2
Ang tunay na layon ng edukasyon ay ang pagpapanumbalik ng larawan ng Diyos sa kaluluwa. Sa pasimula, nilalang ng Diyos ang tao sa Kanyang sariling wangis. Binigyan Niya ito ng mararangal na katangian. May mabuting balanse ang kanyang pag-iisip, at ang lahat ng kapangyarihan ng kanyang pagkatao ay magkasuwato. Ngunit sinira ang mga kaloob na ito ng pagkakasala at ng mga bunga nito. . . . Upang ibalik siya sa kadalisayan kung saan una siyang nilalang ay siyang dakilang layon ng buhay—ang layon na nasa likod ng bawat iba pa. Gawain ng mga magulang at guro, sa pagtuturo sa mga kabataan, na makipagtulungan sa banal na layunin; at sa pagsasagawa nito'y nagiging “mga manggagawa silang kasama ng Diyos.”—Ibid., p. 595. KDB 340.3
Tataglayin ng tema ng pagtubos ang pinakamatinding pag-aaral, at hindi ganap na magagalugad ang mga kalaliman nito. Huwag kayong matakot na inyong mauubos ang kamangha-manghang temang ito. Magtungo ka mismo sa bukal, upang masiyahan ka sa kaginhawahan. Uminom nang malalim sa balon ng kaligtasan, upang maging balon ng tubig sa iyo si Jesus, na bumubukal sa walang-hanggang buhay.— Counsels to Parents, Teachers, and Students, p. 528. KDB 340.4