Ang Zion ay tutubusin ng katarungan, at ang kanyang mga nanunumbalik sa pamamagitan ng katuwiran. Isaias 1:27. KDB 342.1
Maaari tayong magkaroon ng pananaw ng hinaharap, ng kabutihan ng kalangitan. Sa Biblia ay nahahayag ang mga pangitain ng kaluwalhatian sa hinaharap, mga eksenang inilarawan ng kamay ng Diyos, at ang mga ito'y mahalaga sa Kanyang iglesya. Maaari tayong tumayo sa pintuan ng walang-hanggang lunsod sa pamamagitan ng pananampalataya, at marinig ang mabiyayang pagtanggap na ibinibigay sa kanilang nakikipagtulungan kay Cristo sa buhay na ito, na kinikilalang karangalan ang magdusa para sa Kanya. . . . Doo'y binabati nilang natubos ang mga nagdala sa kanila sa Tagapagligtas, at lahat ay nagkakaisa sa pagpuri sa Kanya na namatay upang magkaroon ang mga tao ng buhay na kasukat ng buhay ng Diyos. Tapos na ang tunggalian. Nagwakas na ang kapighatian at pag-aalitan. Pinupuno ang buong kalangitan ng mga awit ng tagumpay habang ang mga natubos ay inaawit ang masayang awitin, “Karapat- dapat ang Korderong pinatay, at nabuhay na mag-uli, isang matagumpay na mananakop.”— The Acts of the Apostles, pp. 601, 602. KDB 342.2
Tuwing mayroong nagwawaksi sa kanyang kasalanan, na ito ang paglabag sa kautusan, madadala ang kanyang buhay sa pagkakasundo sa kautusan, sa ganap na pagsunod. Ito ang gawain ng Banal na Espiritu. Ang liwanag ng Salita na maingat na pinag-aralan, ang tinig ng konsyensya, ang pagsusumikap ng Espiritu ay nagbibigay sa puso ng tunay na pagmamahal para kay Cristo, na ibinigay ang Kanyang sarili, isang kumpletong handog upang tubusin ang buong pagkatao, katawan, kaluluwa, at espiritu. At naipakikita ang pagmamahal sa pagsunod. . . . KDB 342.3
Dapat na magkaroon ng matinding pagnanasa ang mga tapat na Cristiano na dalhin ang kaluluwang nagsisisi sa wastong pagkakilala sa katuwirang na kay Cristo Jesus. . . . Hindi nila dapat na kaligtaan ang tapat, matimyas, at mapagmahal na pagtuturo na kailangan ng mga nakababatang mga nahikayat upang hindi magkaroon ng gawaing hindi bukal sa kalooban. Kailangang maging tama ang pinakaunang karanasan.— Testimonies for the Church, vol. 6, p. 92. KDB 342.4