Magkakaroon ng muling pag-uugnayan ng sambahayan. Kapag ating tinitingnan ang mga patay, maaari nating isipin ang umaga kung kailan tutunog ang trumpeta ng Diyos, kung kailan “ang mga patay ay mabubuhay na walang pagkasira at tayo'y babaguhin.” Sandali na lamang, at ating makikita ang Hari sa Kanyang kagandahan.—The Desire of Ages, p. 632. KDB 343.1
Sa gitna ng pagsuray ng lupa, pagkislap ng kidlat, at ugong ng kulog, tinatawag ng tinig ng Anak ng Diyos ang mga natutulog na banal. Tumitingin Siya sa mga libingan ng mga matuwid, at pagkatapos ay iniangat ang Kanyang mga kamay tungo sa langit at sumisigaw Siya, “Gising, gising, gising, kayong nangatutulog sa alabok, at magsibangon kayo!” Sa buong kahabaan at kalaparan ng lupa, maririnig ng mga patay ang tinig na iyon; at silang makaririnig ay mabubuhay. At aalingawngaw ang buong lupa sa mga yapak ng napakaraming dakilang hukbo mula sa bawat bansa, lahi, wika, at bayan. Mula sa kulungan ng kamatayan ay dumarating sila, nararamtan ng walang-hanggang kaluwalhatian, na sumisigaw, “O kamatayan, nasaan ang iyong pagtatagumpay? O kamatayan, nasaan ang iyong tibo?” At pinagkaisa ng mga nabubuhay na matuwid at ng mga nabuhay na mag-uli na mga banal ang kanilang mga tinig sa isang mahaba at malugod na sigaw ng pagtatagumpay. KDB 343.2
Bumabangon ang lahat mula sa kanilang mga libingan na may katulad na taas noong sila'y pumasok sa libingan. Si Adan, na nakatayo sa gitna ng mga nabuhay na karamihan, ay may mataas na tindig at maringal na anyo, ngunit maliit lang nang kaunti sa Anak ng Diyos. Nagpapakita siya ng malaking kaibahan sa mga tao ng mga sumunod na henerasyon; sa isang aspektong ito makikita ang malaking pagbaba ng lahi. Ngunit lahat ay bumangong may kasariwaan at kalakasan ng walang-hanggang kabataan. . . . Ang anyong mortal at namamatay, na walang kagandahan, na dati'y narurumihan ng kasalanan, ay naging sakdal, maganda, at walang kamatayan.— The Great Controversy, pp. 644, 645. KDB 343.3