Ngunit ngayo'y ganito ang sabi ng PANGINOON, siya na lumalang sa iyo, O Jacob, siya na nag-anyo sa iyo, O Israel: Huwag kang matakot, sapagkat ikaw ay tinubos ko; tinawag kita sa pangalan mo, ikaw ay akin. Isaias 43:1. KDB 344.1
Habang pinangungunahan ng pastol ang kanyang kawan sa ibabaw ng mababatong mga burol, sa gitna ng mga kakahuyan at ilang na bangin, tungo sa madadamong dako sa tabing-ilog; habang kanyang minamatyagan ang mga ito sa kabundukan sa malumbay na gabi, na iniingatan sila mula sa mga magnanakaw, na magiliw na kinakalinga ang mga masakitin at mahihina, nagiging kaisa ang kanyang buhay sa kanila. Iniuugnay siya ng malakas at matimyas na pagmamahal sa mga tampulan ng kanyang pangangalaga. Gaano man kalaki ang kanyang kawan, kilala ng pastol ang bawat tupa. Ang bawat isa'y may sariling pangalan, at tumutugon sa pagtawag ng pastol. Kung paanong nakikilala ng pastol sa lupa ang kanyang mga tupa, gayundin nakikilala ng banal na Pastol ang Kanyang kawan na nangalat sa buong sanlibutan. . . . Sinasabi ni Jesus, “Tinawag kita sa pangalan mo, ikaw ay Akin.” “Aking inanyuan ka sa mga palad ng mga kamay Ko.” KDB 344.2
Nakikilala ni Jesus ang bawat isa sa atin, at nararamdaman Niya ang ating mga karamdaman. Kilala Niya tayo sa ating mga pangalan. Alam Niya ang bahay na ating tinitirhan, ang pangalan ng bawat isang naroon. May mga panahong binigyan Niya ng direksyon ang Kanyang mga lingkod na magtungo sa isang kalsada sa isang lunsod, sa isang bahay upang hanapin ang isa Niyang tupa. KDB 344.3
Ganap na kilala ni Jesus ang bawat kaluluwa na para bang siya lamang ang taong pinagbuwisan ng buhay ng Tagapagligtas. Ang kahirapan ng bawat isa'y humihipo sa Kanyang puso. Nakararating sa Kanyang pandinig ang paghingi ng tulong. Dumating Siya upang palapitin ang lahat ng tao sa Kanya. Inuutusan Niya ang bawat isa, “Sumunod ka sa Akin,” at kumikilos ang Kanyang Espiritu sa mga puso upang palapitin sila sa Kanya. Marami ang tumatangging mailapit. Alam ni Jesus kung sino sila. Nalalaman din Niya kung sino ang magalak na dumidinig sa Kanyang tawag. . . . Nagmamalasakit Siya para sa bawat isa na para bang wala ng iba sa ibabaw ng lupa.— The Desire of Ages, pp. 479, 480. KDB 344.4