Sapagkat kanyang inililigtas ang nangangailangan kapag ito'y nananawagan, ang dukha at ang taong walang kadamay. Awit 72:12. KDB 345.1
Napakarami ngayon na totoong nasa ilalim ng kapangyarihan ng masasamang espiritu na kagaya ng lalaking inalihan ng masasamang espiritu sa Capernaum. Lahat ng sinasadyang lumisan sa mga kautusan ng Diyos ay inilalagay ang kanilang sarili sa ilalim ng kontrol ni Satanas. Marami ang pinaglalaruan ang kasamaan, na iniisip niyang makalalayo siya kung kailan niya ninanais; ngunit siya'y patuloy na naaakit, hanggang makita niya ang kanyang sarili na kinokontrol ng isang kapangyarihang mas malakas kaysa sa kanyang sarili. Maaari siyang bihagin ng lihim na pagkakasala o nangingibabaw na pagnanasa na wala siyang magagawa katulad ng inalihan ng demonyo sa Capernaum. KDB 345.2
Ngunit ang kanyang kalagayan ay hindi walang pag-asa. Hindi kinokontrol ng Diyos ang ating mga pag-iisip na wala ang ating pahintulot; kundi malaya ang bawat tao na pumili kung aling kapangyarihan ang maghahari sa kanya. Walang nahulog nang napakababa, walang labis na napakasama, na hindi makahahanap ng kaligtasan kay Cristo. . . . Walang hinaing mula sa kaluluwang nangangailangan, bagaman hindi ito mabigkas sa mga salita, na hindi pakikinggan. Silang pumapayag na pumasok sa pakikipagtipan sa Diyos ay hindi pinababayaan sa kapangyarihan ni Satanas o sa kahinaan ng sarili nilang likas. The Ministry of Healing, pp. 92, 93. KDB 345.3
Samantalang tinutulungan ang mga mahihirap sa mga pansamantalang bagay, palagi ninyong tingnan ang kanilang mga pangangailangang espirituwal. Itulot na magpatotoo ang sarili ninyong buhay sa nagpapanatiling kapangyarihan ng Tagapagligtas. . . . Nasa lahat ng Kanyang mga nilalang ang pangangalaga ng Panginoon. Minamahal Niya ang lahat, at hindi tinitingnang magkakaiba, malibang mayroon Siyang pinakamagiliw na habag para roon sa mga tinawagang dalhin ang pinakamabigat na pasanin ng buhay. Kailangang salubungin ng mga anak ng Diyos ang mga pagsubok at kahirapan. Ngunit kailangan nilang tanggapin ang kanilang kalagayan na may malugod na espiritu, na iniisip na papalitan ng Diyos ng pinakamabuting biyaya ang lahat ng kinaligtaang igawad ng sanlibutan.— Ibid., pp. 198, 199. KDB 345.4