Guminhawa nawa silang sa iyo ay nagmamahal! Awit 122:6. KDB 346.1
Kung nasa iyo ang pagpapala ng Diyos dahil isinuko mo ang lahat sa Kanya, giginhawa ka. Kung lalayo ka sa Diyos, lalayo Siya sa iyo. Mas mabilis magpangalat ang Kanyang kamay kaysa sa iyong matitipon. . . . Itinuturo tayo ng ating Tagapagligtas sa mga ibon sa langit, na hindi naghahasik, hindi umaani, ni nagtitipon sa mga kamalig, ngunit pinapakain sila ng kanilang Ama sa langit. . . . “At bakit kayo nababalisa tungkol sa pananamit? Pansinin ninyo ang mga liryo sa parang.” Higit na sinasang-ayunan ng Diyos ang mga liryong ito, sa kanilang kapayakan at kawalang-muwang kaysa kay Solomon sa kanyang mamahaling palamuti, ngunit walang makalangit na kagayakan. . . . Hindi ba ninyo magagawang magtiwala sa Ama sa langit? Hindi ba ninyo magagawang magtiwala sa Kanyang mabiyayang pangako? “Ngunit hanapin muna ninyo ang kanyang kaharian at ang kanyang katuwiran, at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.” Napakahalagang pangako! Hindi ba tayo maaaring magtiwala rito?— Testimonies for the Church, vol. 2, pp. 496, 497. KDB 346.2
Hindi binubuo ng dami ng ating makalupang tinatangkilik ang haba at pagiging kapaki-pakinabang ng buhay. Silang ginagamit ang kanilang kayamanan sa paggawa ng mabuti ay hindi makakikita ng pangangailangan para sa maraming natitipon sa mundong ito; sapagkat ang kayamanan na ginagamit upang isulong ang layunin ng Diyos, at ibinibigay sa nangangailangan sa ngalan ni Cristo, ay ibinibigay kay Cristo, at tinitipon Niya ito para sa atin sa bangko sa langit, sa mga sisidlang hindi naluluma. Siyang gumagawa nito ay mayaman sa Diyos, at madadala ang kanyang puso kung saan ligtas ang kanyang mga kayamanan. KDB 346.3
Siyang mapagpakumbabang gumagamit sa ibinigay ng Diyos para sa karangalan ng Nagbigay, na malayang nagbibigay kung paano niya tinanggap, ay maaaring makadama ng kapayapaan at katiyakan sa lahat ng kanyang pinagkakaabalahan, na nasa kanya ang kamay ng Diyos para sa kabutihan, at siya mismo ay magtataglay ng tatak ng Diyos, na tinataglay ang ngiti ng Ama.— Ibid., vol. 3, p. 546. KDB 346.4