Ang aklat na ito ng kautusan ay huwag aalisin sa iyong bibig, kundi ito ay iyong pagbubulay- bulayan araw at gabi, upang iyong masunod ang ayon sa lahat ng nakasulat dito; sapagkat kung magkagayo'y iyong pagiginhawahin ang iyong lakad, at magtatamo ka ng tagumpay.Josue 1:8. KDB 347.1
Ipinakilala ng Diyos sa Kanyang kautusan ang mga prinsipyo sa likod ng tunay na kaginhawahan, kapwa ng mga bansa at ng mga tao.— Prophets and Kings, p. 500. KDB 347.2
Pinagpapala ng Diyos ang gawa ng mga kamay ng tao, upang maibalik nila sa Kanya ang Kanyang bahagi. Ibinibigay Niya ang sikat ng araw at ulan; pinatutubo Niya ang mga halaman; nagbibigay Siya ng kalusugan, at kakayanan upang magtamo ng yaman. Nagmumula sa Kanyang mapagpalang kamay ang bawat biyaya, at ninanasa Niyang ipakita ng mga lalaki at babae ang kanilang pagpapasalamat sa pamamagitan ng pagbabalik sa Kanya ng bahagi sa mga ikapu at handog—sa mga handog sa pasasalamat, sa malayang handog, sa mga handog pangkasalanan. Dapat nilang italaga ang kanilang mga yaman sa Kanyang paglilingkod, upang hindi manatiling tiwangwang na lupain ang Kanyang ubasan.— Ibid., pp. 707, 708. KDB 347.3
Sa pamamagitan ng kaalaman ng banal na kautusan at pagsunod sa mga tuntunin nito, maaaring maging mga anak ng Diyos ang mga tao. Sa pamamagitan ng paglabag sa kautusan, nagiging mga lingkod sila ni Satanas. Sa isang banda, maaari silang umangat sa anumang kataasan ng karangalang moral; o sa kabilang banda, maaari silang lumubog sa anumang lalim ng pagkakasala at pagkasira.— Counsels to Parents, Teachers, and students, p. 95. KDB 347.4
Sinusubok ng Diyos ang mga tao, ang iba sa isang paraan, at ang iba nama'y sa ibang paraan. Sinusubok Niya ang ilan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng saganang kayamanan, at ang iba naman sa pamamagitan ng pagpigil ng Kanyang mga pabor. Sinusubok Niya ang mayaman upang tingnan kung mamahalin nila ang Diyos, ang Tagapagbigay, at ang kanilang kapwa na gaya ng kanilang sarili. Kapag wasto ang paggamit sa mga yamang ito, nalulugod ang Diyos; mapagkakatiwalaan Niya sila ng higit na mga pananagutan.— Testimonies for the Church, vol. 5, p. 261. KDB 347.5