Kabanata 4 - Ang Solusyon
Napuno ng kalungkutan ang langit nang makita ng lahat na napahamak ang sangkatauhan at mapupuno ang nilikhang daigdig ng Diyos ng mga taong nakatadhana sa kasawian, sakit, at kamatayan, at walang daang matatakasan para sa mga lumabag. Kailangang mamatay ang buong sambahayan ni Adan.KP 23.1
Ipinaalam ni Jesus sa hukbo ng mga anghel na isang daang matatakasan ang ginawa para sa napahamak na sangkatauhan. Sinabi Niya na nakikiusap Siya sa Kanyang Ama at nag-alok na ibibigay ang Kanyang buhay bilang pantubos. Aakuin Niya ang sentensyang kamatayan, upang makasumpong ang mga tao ng kapatawaran sa pamamagitan Niya. Sa pamamagitan ng bisa ng Kanyang dugo at pagsunod sa kautusan ng Diyos, puwede nilang matamo ang pabor ng Diyos, at sila'y maibalik sa magandang halamanan at makakain ng bunga ng puno ng buhay.KP 23.2
Ibinunyag ni Jesus sa kanila ang panukala ng kaligtasan. Sinabi Niya na tatayo Siya sa pagitan ng galit ng Kanyang Ama at ng nagkasalang sangkatauhan, na magpapasan Siya ng kasalanan at panghahamak, at iilan lang ang tatanggap sa Kanya bilang Anak ng Diyos. Kamumuhia’t itatakwil Siya. Iiwanan Niya ang buo Niyang kaluwalhatian sa langit, lilitaw sa lupa bilang tao, magpapakababa bilang tao, malalaman Niya sa sariling karanasan ang sari-saring tuksong pumipinsala sa sangkatauhan, upang malaman Niya kung paano tutulungan ang mga tinutukso. Panghuli, kapag natapos ang Kanyang misyon bilang tagapagturo, ibibigay Siya sa mga masasamang kamay at magbabata ng halos lahat ng kalupitan at pagdurusang maiuudyok ni Satanas at kanyang mga anghel na igawad ng masasamang tao. Mamamatay Siya sa pinakamalupit na paraan ng kamatayan, nakabitin sa pagitan ng langit at lupa bilang salaring makasalanan at nagdurusa ng kalagim-lagim na mga oras ng paghihirap, na hindi kayang tingnan pati ng mga anghel, kundiKP 23.3
Batay sa Genesis 3:15, 21-24. 23 ikukubli ang kanilang mga mukha sa tanawing iyon. Hindi lamang hirap ng katawan ang pagtitiisan Niya, kundi hirap ng kaisipan, na hindi maikukumpara ang pagdurusa ng katawan. Ipapatong sa Kanya ang bigat ng mga kasalanan ng buong sanlibutan. Mamamatay at mabubuhay Siyang muli sa ikatlong araw, at aakyat sa Ama upang mamagitan para sa mga taong nagkasala't nalilihis ng landas.
Iisang Posibleng Paraan ng Kaligtasan—Yumukod ang mga anghel sa harap Niya. Inialok nila ang kanilang buhay Sinabi ni Jesus sa kanila na ililigtas Niya ang marami sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan, na hindi kayang makabayad sa pagkakautang ang buhay ng isang anghel. Ang buhay lamang Niya ang puwedeng tanggapin ng Kanyang Ama bilang katubusan sa sangkatauhan. Sa dakong huli, magiging Kanya ang mga tinubos, at tutubusin Niya ang marami sa Kanyang kamatayan at pupuksain si Satanas, na siyang may kapangyarihan sa kamatayan. At ibibigay sa Kanya ng Ama ang kaharian at ang kadakilaan ng kaharian sa silong ng buong langit, at aariin Niya ito magpakailan-kailanpaman. Lilipulin si Satanas at mga makasalanan. Hindi na nila kailanman gagambalain ang langit o nilinis na bagong lupa.KP 24.1
Pero itinakda Niya sa mga anghel ang kanilang magiging gawain, ang magpanhik-manaog taglay ang nagpapalakas na tulong mula sa kaluwalhatian upang paglingkuran at paginhawahin Siya sa Kanyang mga pagdurusa. At saka, babantayan nila't iingatan ang mga sakop ng biyaya mula sa mga masasamang anghel at kadilimang parati nang ihahagis ni Satanas sa palibot nila. Imposible para sa Diyos na palitan o baguhin ang Kanyang kautusan para lamang iligtas ang mga nawaglit at napahamak na makasalanan. Kung kaya’t pinayagan Niya ang minamahal Niyang Anak na mamatay para sa kanilang pagsalangsang.KP 24.2
Nagalak ulit si Satanas kasama ng kanyang mga anghel na sa pagpapabagsak sa sangkatauhan ay mapapababa niya ang Anak sa napakataas Niyang katayuan. Sinabi niya sa kanyang mga anghel na kapag kinuha na ni Jesus ang likas ng nagkasalang sangkatauhan, magagapi niya Siya at mahahadlangan ang tagumpay ng panukala ng kaligtasan.KP 24.3
Nilisan nina Eva’t Adan sa kapakumbabaa’t di-maipahayag na kalungkutan ang magandang halamanan kung saan napakasaya nila hanggang sa labagin nila ang utos ng Diyos. Nagbago ang kapaligiran. Hindi na ito pirmihan kagaya ng dati bago sila magkasala. Dinamitan sila ng Diyos ng mga balat ng hayop upang protektahan sila sa lamig at init kung saan sila lantad.KP 25.1
Di-Mababagong Kautusan ng Diyos—Nagluksa ang buong langit dahil sa pagsuway at pagkakasala nilang naghatid sa galit ng Diyos sa buong lahi ng tao. Nahiwalay sila sa pakikisama ng Diyos at nasadlak sa walang pag-asang kasawian.KP 25.2
Kasingsagrado ng Diyos ang Kanyang kautusan, ang pundasyon ng Kanyang pamahalaan sa langit at lupa, at hindi matatanggap ng Diyos ang buhay ng isang anghel bilang sakripisyo sa pagsalangsang. Mas mahalaga pa sa Kanyang paningin ang Kanyang kautusan kaysa mga banal na anghel sa palibot ng Kanyang trono. Hindi puwedeng ipawalang-bisa o baguhin ng Ama ang isa mang alituntunin ng Kanyang kautusan para lamang abutin ang mga tao sa nagkasala nilang kalagayan. Subalit ang Anak, na lumikha sa kanila kasama ng Ama, ay puwedeng gumawa para sa kanila ng katubusang katanggap-tanggap sa Diyos sa pamamagitan ng pagbibigay ng Kanyang buhay bilang sakripisyo’t pagpasan sa galit ng Kanyang Ama. Ipinaalam ng mga anghel kay Adan na kung paanong nagdala ng kamataya't kaabaan ang kanyang kasalanan, magdadala ng buhay at kawalang-kamatayan tungo sa liwanag ang sakripisyo ni Jesu-Cristo.KP 25.3
Isang Pananaw sa Hinaharap—Inihayag ng Diyos kay Adan ang mahahalagang pangyayari sa hinaharap, mula sa pagpapaalis sa kanya sa Eden hanggang sa Baha, at padiretso sa unang pagdating ni Cristo sa lupa. Ang Kanyang pagmamahal kay Adan at sa lahi nito ang magbibigay-daan sa Anak na bumaba upang kunin ang likas ng tao, at itaas ang lahat ng sasampalataya sa Kanya sa pamamagitan ng sarili Niyang pagpapakababa. Sapat na ang ganoong sakripisyo para iligtas ang buong sanlibutan. Subalit iilan lang ang tatanggap sa kaligtasang inihatid sa kanila ng ganoong kamangha-manghang sakripisyo. Hindi susunod ang nakararami sa mga kondisyong hinihingi sa kanila para matanggap ang dakila Niyang pagliligtas. Mas gugustuhin pa nila ang kasalana't pagsalangsang sa kautusan ng Diyos sa halip na pagsisisi’t pagsunod, na umaasa sa pananampalataya sa mga nagawa ng sakripisyong inihandog. Lubhang walang-hangganan ang kahalagahan ng sakripisyong ito anupa’t ginagawang mas mahalaga pa sa purong ginto ang sinumang tatanggap dito.KP 25.4
Sakripisyong Handog—Nang maghandog ng hayop si Adan para sa kasalanan ayon sa natatanging tagubilin ng Diyos, naging pinakamasaklap na seremonya ito para sa kanya. Kailangang kumitil ng buhay ang kanyang kamay, na Diyos lamang ang makapagbibigay, at gumawa ng paghahandog para sa kasalanan. Unang beses iyon na nakakita siya ng namamatay. Habang tinitingnan niya ang duguang biktima, na namimilipit sa hirap ng kamatayan, kailangan niyang tuminging may pananampalataya sa Anak, na Siyang sinisimbolo ng biktima, na mamamatay bilang sakripisyo para sa sangkatauhan.KP 26.1
Magiging palagiang paalaala kay Adan sa kanyang paglabag ang seremonyang paghahandog, na itinatag ng Diyos, at nagsisising pagkilala na rin sa kanyang kasalanan. Ang pagkitil ng buhay ay nagbigay kay Adan ng buhay ng mas malalim at mas ganap na pagkadama ng kanyang pagsalangsang, na tanging kamatayan lang ng Anak ang makalilinis. Namangha siya sa walang-katapusang kabutiha't walang-kapantay na pag-ibig na magbibigay ng ganoong pantubos para mailigtas ang nagkasala. Habang pinapatay ni Adan ang inosenteng hayop, parang dugo ng Anak ang pinadadanak niya gamit ang kanyang kamay. Kung nanatiling totoo lang sana siya sa Diyos at sa Kanyang banal na kautusan, wala sanang kamatayan ng hayop o tao man. Sa sakripisyong mga handog, na nakaturo sa dakila't sakdal na handog ng sariling Anak, ay may lumitaw na bituin ng pag-asang liliwanag sa madilim at kakila-kilabot na hinaharap, inaalisan ito ng lubos na kawalang pag-asa't pagkawasak.KP 26.2
Nang pasimula, itinuturing na pinuno’t pari ng sarili niyang sambahayan ang ulo ng bawat pamilya. Bandang huli, habang dumarami ang lahi ng tao sa lupa, ang mga taong itinalaga ng Diyos ang siya nang nagsagawa ng taimtim na pagsambang ito ng paghahandog para sa mga tao. Dapat iugnay ng isipan ng mga makasalanan ang dugo ng mga hayop sa dugo ng Anak. Ang kamatayan ng biktimang hayop ay dapat magpatotoo sa lahat na ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan. Sa pag-aalay ng sakripisyo, kinikilala ng mga makasalanan ang kanilang pagkakasala at ipinapakita ang kanilang pananampalataya, na nakatanaw sa dakila t sakdal na sakripisyo ng Anak, na siyang paunang inilalarawan ng paghahandog ng mga hayop. Kung wala ang pagtubos ng Anak wala ring pagkakaloob mula sa Diyos ng pagpapala o kaligtasan sa mga makasalanan. Seryoso ang Diyos sa pagtataguyod sa karangalan ng Kanyang kautusan. Nagdulot ng kalagim-lagim na paghihiwalay ng Diyos at mga makasalanan ang pagsalangsang sa kautusan. Pinayagan ng Diyos si Adan noong wala pa siyang kasalanan na magkaroon ng direkta, malaya, at masayang pakikipag-usap sa Kanya. Pagkatapos ng pagsalangsang, makikipag-usap na lang ang Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ni Cristo at ng mga anghel.KP 26.3