Kabanata 8 - Ang Sakripisyo
Pagkakanulo Kay Cristo
Dinaya ni Satanas si Judas at pinaniwala siyang tunay siyang alagad ni Cristo, bagaman nanatiling makamundo ang puso niya. Saksi siya sa mga makapangyarihang gawa ni Jesus, kasama Niya sa ministeryo. Sumang-ayon din siya sa di-maipagkakailang katibayan na Siya nga ang Mesiyas. Subalit maramot at sakim si Judas. Mukha siyang pera. Pagalit siyang nagreklamo sa mamahaling pabangong ibinuhos ni Maria kay Jesus.KP 60.1
Mahal ni Maria ang kanyang Panginoon. Pinatawad Niya ito sa kanyang maraming mga kasalanan at muling binuhay ang pina- kamamahal niyang kapatid. Pakiramdam niya’y walang anumang napakamahal para ibigay kay Jesus. Kung mas mahal ang pabango, mas makapagpapahayag ito ng pasasalamat niya sa kanyang Tagapagligtas.KP 60.2
Upang pagtakpan ang kanyang pagkagahaman, iginiit ni Judas na ibinenta na lang sana ang pabango at ibinigay sa mahihirap. Pero hindi dahil may anumang malasakit siya sa mahihirap. Siya’y makasarili, at kadalasa’y ginagamit niya nang personal ang mga pondong ipinagkatiwala sa kanyang pag-iingat para ipamigay sa mahihirap. Ni walang pakialam si Judas sa ginhawa at pangangailangan ni Jesus, at upang pagtakpan ang kanyang pag-iimbot, madalas niyang ipinagsasangkalan ang mahihirap. Ang kagandahang-loob ni Maria ang pinakamatinding saway sa kanyang kasakiman. Ito ang nagbigay- daan sa agarang pagtanggap ni Judas sa tukso ni Satanas.KP 60.3
Galit ang mga pari’t mga pinuno kay Jesus, subalit napakaraming tao ang nagdadagsaan para pakinggan ang mga salita Niya ng karunungan at saksihan ang makapangyarihan Niyang mga gawa. Nagkaroon ng malalim na interes ang mga tao at sabik silang sumunod kay Jesus para mapakinggan ang mga turo ng kahanga- hangang Guro. Marami sa mga pinuno ang naniwala sa Kanya, pero hindi sila nangahas na ipahayag ang kanilang pagsampalataya dahil sa takot na mapalayas sa sinagoga. Ipinasya ng mga pari’t matatanda na dapat gumawa ng hakbang para mailayo ang pansin ng mga tao kay Jesus. Nangamba silang baka maniwala ang lahat sa Kanya.KP 60.4
Nakita nilang sila'y nanganganib. Mawawalan sila ng posisyon o ipapapatay si Jesus. Matapos nila Siyang maipapatay, nariyan pa rin ang mga buhay na patotoo ng Kanyang kapangyarihan.KP 61.1
Binuhay ni Jesus si Lazaro mula sa mga patay, at natakot silang kung mapatay man nila si Jesus, magpapatotoo si Lazaro sa matindi Niyang kapangyarihan. Dinagsa rin ng mga tao ang taong binuhay mula sa mga patay. Nagpasya ang mga pinuno na patayin na rin si Lazaro nang matigil ang pananabik. Sa gayo’y maibabaling na nila ang mga tao sa mga tradisyon at doktrina ng tao, sa pag-iikapu sa herbabuena at anis, at maibabalik ang kanilang impluwensya. Nagkasundo silang hulihin si Jesus kung nag-iisa lang Siya, dahil kung tatangkain nila ito sa gitna ng karamihan, habang sabik ang isipan ng mga tao sa Kanya, sila'y babatuhin.KP 61.2
Alam ni Judas kung gaano katindi ang pagnanais nilang makuha si Jesus. Inalok niyang ipagkanulo Siya sa mga punong pari’t matatanda kapalit ng ilang piraso ng pilak. Itinulak siya ng hilig niya sa kuwarta na ipagkanulo ang kanyang Panginoon sa kamay ng Kanyang mga mortal na kaaway. Direktang kumilos si Satanas kay Judas, at sa gitna ng nakamamanghang tagpo ng huling hapunan, gumawa ng mga piano ang traydor upang ipagkanulo ang kanyang Panginoon. Malungkot na sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad na lahat sila'y tatalikod sa gabing iyon dahil sa Kanya. Buong alab namang iginiit ni Pedro na tumalikod man ang lahat dahil sa Kanya, hindi siya tatalikod. Sinabi ni Jesus kay Pedro, “Hiningi ni Satanas na ligligin kayo gaya ng trigo, subalit Ako ay nanalangin para sa iyo upang ang iyong pananampalataya ay huwag mawala; kung makabalik ka nang muli, ay palakasin mo ang iyong mga kapatid.” Lucas 22:31, 32.KP 61.3
Sa Halamanan—Nasa halamanan ng Getsemani si Jesus kasama ng Kanyang mga alagad. Hiniling Niya nang may malalim na kalumbayan na magpuyat sila at manalangin, upang huwag silang mahulog sa tukso. Alam Niyang susubukin ang kanilang pananampalataya at mabibigo ang kanilang mga inaasahan. Kakailanganin nila ang lahat ng lakas mula sa masugid na paghahanda at maningas na pananalangin. Humihikbi at lumuluhang nanalangin si Jesus, “Ama, kung ibig Mo, ilayo Mo sa Akin ang kopang ito; gayunma'y huwag ang kalooban Ko ang mangyari kundi ang sa Iyo.” Lucas 22:42. Nanalangin ang Anak ng Diyos sa matinding sakit. Lumabas ang malalaking butil ng dugo sa Kanyang mukha at pumatak sa lupa. Lumipad-lipad ang mga anghel doon, mga saksi sa tagpong iyon, pero isa lang ang inatasang humayo’t palakasin ang Anak ng Diyos.KP 61.4
Matapos manalangin, pinuntahan ni Jesus ang Kanyang mga alagad, ngunit tulog sila. Sa malagim na oras na iyon, hindi Niya nakamit ang pagdamay at mga panalangin maging ng Kanyang mga alagad. Mahimbing ang tulog ni Pedrong napakasigasig kani-kanina lang. Ipinaalala ni Jesus ang mga tahasang pahayag niya at sinabi, “Samakatuwid, hindi ninyo kayang makipagpuyat sa Akin ng isang oras?” Mateo 26:40. Tatlong beses na nanalangin ang Anak ng Diyos sa matinding paghihirap.KP 62.1
Ipinagkanulo ni Judas si Jesus—Pagkatapos, dumating si Judas kasama ng kanyang grupo ng armadong kalalakihan. Lumapit siya sa Kanyang Panginoon gaya ng dati para batiin Siya. Pinalibutan ng armadong grupo si Jesus, subalit ipinamalas Niya ang banal Niyang kapangyarihan nang sabihin Niyang, “Sino ang inyong hinahanap?” “Ako nga iyon.” Bumagsak sila sa lupa. Itinanong ito ni Jesus para masaksihan nila ang Kanyang kapangyarihan at patunayang kaya Niyang iligtas ang Kanyang sarili sa kanilang mga kamay kung gugustuhin Niya.KP 62.2
Nabuhayan ng loob ang mga alagad nang makita nilang agad na tumumba ang mga may dalang pamalo at itak. Nang sila’y bumangon at muling pinaligiran ang Anak ng Diyos, binunot ni Pedro ang kanyang itak at tinaga ang alila ng punong pari, na natapyasan naman ang tainga. Inutusan siya ni Jesus na ibalik ang itak: “O sa akala mo bay hindi Ako maaaring tumawag sa Aking Ama, at padadalhan Niya Ako ngayon din ng mahigit sa labindalawang lehiyon ng mga anghel?” Mateo 26:53. Nang sabihin niya ang mga salitang ito, sumigla ang mukha ng mga anghel. Nais nilang agad na palibutan ang kanilang Pinuno at itaboy ang galit na pulutong. Pero muli silang nalungkot nang idagdag ni Jesus, “Ngunit kung gayo’y paanong matutupad ang mga Kasulatan, na ganito ang kinakailangang mangyari?” Mateo 26:54. Nalubog sa kawalang pag-asa at masaklap na kabiguan ang puso ng mga alagad nang magpaubaya si Jesus sa Kanyang mga kaawayKP 62.3
Natakot mamatay ang mga alagad. Nagsitakas silang lahat. Naiwang mag-isa si Jesus sa mga kamay ng mga taong handang pumatay. O, anong galak noon ni Satanas! Anong lungkot at lumbay naman ng mga anghel ng Diyos! Maraming pangkat ng mga banal na anghel, na bawat isa'y pinangungunahan ng matangkad na namumunong anghel, ang isinugo para saksihan ang tagpong iyon. Kailangan nilang ilista ang bawat insulto’t kalupitang ipapataw sa Anak ng Diyos, at itala ang bawat hapdi ng dalamhating daranasin ni Jesus, sapagkat muling makikita ng mismong mga taong bahagi ng nakapanghihilakbot na tagpong iyon ang lahat ng ito sa isang tila buhay na palabas.KP 62.4