Kabanata 6 - Ang Batas
Sampung Utos
Kautusan ng Diyos sa Bundok ng Sinai—Matapos bigyan ang bayan ng Israel ng mga katibayan ng Kanyang kapangyarihan, sinabi Niya sa kanila kung sino Siya: “Ako ang Panginoon mong Diyos na naglabas sa iyo sa lupain ng Ehipto, mula sa bahay ng pagkaalipin.” Siyang naghayag ng Kanyang kapangyarihan sa gitna ng mga Ehipsyo ay sinalita na ngayon ang Kanyang kautusan:KP 37.1
“Huwag kang magkakaroon ng ibang mga diyos sa harap Ko.KP 37.2
“Huwag kang gagawa para sa iyong sarili ng inukit na larawan o ng anumang kawangis ng anumang nasa langit sa itaas, o ng nasa lupa sa ibaba, o ng nasa tubig sa ilalim ng lupa. Huwag mo silang yuyukuran, o paglingkuran man sila; sapagkat Akong Panginoon mong Diyos ay Diyos na mapanibughuin, na Aking pinarurusahan ang mga anak dahil sa kasamaan ng mga magulang hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi ng mga napopoot sa Akin; ngunit pinagpapakitaan Ko ng wagas na pag-ibig ang libu-libong umiibig sa Akin at tumutupad ng Aking mga utos.KP 37.3
“Huwag mong babanggitin ang pangalan ng Panginoon mong Diyos sa walang kabuluhan, sapagkat hindi pawawalang-sala ng Panginoon ang sinumang gumagamit ng Kanyang pangalan sa walang kabuluhan.KP 37.4
“Alalahanin mo ang araw ng Sabbath, upang ingatan itong banal. Anim na araw kang gagawa at iyong gagawin ang lahat ng iyong gawain; ngunit ang ikapitong araw ay Sabbath sa Panginoon mong Diyos. Sa araw na ito ay huwag kang gagawa ng anumang gawain, ikaw o ang iyong anak na lalaki, ang iyong anak na babae, ang iyong aliping lalaki, ang iyong aliping babae, ang iyong mga baka, ang dayuhang nasa loob ng iyong mga pintuan; sapagkat sa loob ng anim na araw ay ginawa ng Panginoon ang langit at lupa, ang dagat, at lahat ng naroroon, at nagpahinga sa ikapitong araw; kaya'tKP 37.5
Batay sa Exodo 19, 20, 25-40. binasbasan ng Panginoon ang araw ng Sabbath, at ginawa itong banal.
“Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina, upang ang iyong mga araw ay humaba sa lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos.KP 38.1
“Huwag kang papatay.KP 38.2
“Huwag kang mangangalunya.KP 38.3
“Huwag kang magnanakaw.KP 38.4
“Huwag kang magiging sinungaling na saksi laban sa iyong kapwa.KP 38.5
“Huwag mong iimbutin ang bahay ng iyong kapwa; huwag mong iimbutin ang asawa ng iyong kapwa, o ang kanyang aliping lalaki o ang kanyang aliping babae, o ang kanyang baka, o ang kanyang asno, o ang anumang bagay ng iyong kapwa.”KP 38.6
Laban sa idolatriya ang una't ikalawang utos na binigkas ni Jehova, dahil ang pagsamba sa mga diyus-diyosan ay magdadala sa mga tao sa mas malalalang antas ng kasalanan at rebelyon, at nauuwi sa pag-aalay ng tao. Nais Niyang bantayan ang kahit konting paglapit sa kasuklam-suklam na bagay na ‘yun. Ibinigay ang unang apat na utos upang ipakita sa mga tao ang kanilang tungkulin sa Diyos. Nag- uugnay ang ikaapat sa pagitan ng dakilang Diyos at sangkatauhan. Ang Sabbath ay bukod-tanging ibinigay para sa kapakinabangan ng sangkatauhan at para sa karangalan ng Diyos. Nagpapakita sa atin sa katungkulan natin sa isa’t isa ang huling anim na utos.KP 38.7
Ang Sabbath ay magiging tanda sa pagitan ng Diyos at ng Kanyang bayan magpakailanman. Sa ganito ito magiging tanda— lahat ng mangingilin ng Sabbath ay ipakikita na sila'y sumasamba sa buhay na Diyos, ang Lumikha ng langit at lupa. Ang Sabbath ay magiging tanda sa pagitan ng Diyos at ng Kanyang bayan hangga't merong mga taong naglilingkod sa Kanya.KP 38.8
“Nang masaksihan ng buong bayan ang mga kulog at kidlat, ang tunog ng trumpeta at ang bundok na umuusok, ay natakot sila at nanginig, at sila'y tumayo sa malayo. Sinabi nila kay Moises, ‘Magsalita ka sa amin, at aming papakinggan, subalit huwag mong pagsalitain ang Diyos sa amin, baka kami ay mamatay.’KP 38.9
“Sinabi ni Moises sa bayan, ‘Huwag kayong matakot, sapagkat ang Diyos ay naparito upang subukin kayo, at upang ang takot sa Kanya ay sumainyo, upang huwag kayong magkasala.’ Ang taong- bayan ay tumayo sa malayo at si Moises ay lumapit sa makapal na kadiliman na kinaroroonan ng Diyos.KP 38.10
“Sinabi ng Panginoon kay Moises, ‘Ganito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel: “Kayo ang nakakita na Ako’y nakipag-usap sa inyo mula sa langit.”’” Ang dakilang presensya ng Diyos sa Sinai, at ang ligalig sa lupa na dulot ng Kanyang presensya, ang nakakatakot na mga pagkulog at pagkidlat na kalakip ng Kanyang pagbisita, ay lubhang nagtatak ng takot sa isipan ng mga tao at ng paggalang sa Kanyang sagradong kadakilaan anupa’t sila'y bigla na lang napaurong sa kapita-pitagang presensya ng Diyos, takot na baka hindi nila matagalan ang matindi Niyang kaluwalhatian.KP 39.1
Panganib ng Pagsamba sa mga Diyus-diyosan—Muli, gustong ingatan ng Diyos ang mga Israelita sa pagsamba sa diyus-diyosan. Ang sabi Niya sa kanila, “Huwag kayong gagawa ng mga diyos na pilak na iaagapay sa Akin ni huwag kayong gagawa para sa inyo ng mga diyos na ginto.” Nanganib silang gayahin ang halimbawa ng mga Ehipsyo na gumagawa ng mga imaheng kakatawan sa Diyos.KP 39.2
Gusto ng Diyos na maunawaan ng Kanyang bayan na Siya lang dapat ang maging tuon ng kanilang pagsamba. Kapag nalupig na nila ang mga bansang sumasamba sa diyus-diyosan sa palibot nila, hindi sila magtitira ng mga imaheng sinasamba nila, kundi lubusang lilipulin ang mga ito. Marami sa mga paganong diyos na ito ay napakamamahalin at napakaganda ng pagkakagawa, na baka tumukso sa mga nakakita ng pagsamba sa diyus-diyosang masyadong karaniwan sa Ehipto na pag-ukulan man lang ang mga walang-kuwentang bagay na ito ng kahit konting antas ng paggalang. Gusto ng Panginoon na malaman ng Kanyang bayan na ang idolatriya ng mga bansang ito ang nagsadlak sa kanila sa bawat antas ng kasamaan, na gagamitin Niya ang mga Israelita bilang mga instrumento Niya para parusahan sila at lipulin ang mga diyos nila.KP 39.3
Pagkatanggap ni Moises sa mga tuntuning mula sa Panginoon at maisulat ang mga ito para sa mga tao, gayundin ang mga pangakong nakabatay sa pagsunod, sinabi ng Panginoon sa kanya, ” ‘Umakyat ka sa kinaroroonan ng Panginoon, ikaw at sina Aaron, Nadab at Abihu, at pitumpu sa matatanda sa Israel, at sumamba kayo mula sa malayo. Si Moises lamang ang lalapit sa Panginoon; subalit ang iba ay huwag lalapit, at ang bayan ay huwag aakyat na kasama niya.’KP 39.4
“Dumating si Moises at sinabi sa bayan ang lahat ng mga salita ng Panginoon at ang lahat ng mga tuntunin; at ang buong bayan ay sumagot na may isang tinig, at nagsabi, ‘Lahat ng mga salita na sinabi ng Panginoon ay aming gagawin.’” Exodo 24:1-3.KP 40.1
Hindi ang Sampung Utos ang isinulat ni Moises kundi ang mga tuntuning nais ng Diyos na sundin nila at mga pangakong nakasalig sa pagsunod sa Kanya. Binasa niya ito sa mga tao, at nakipagkasundo silang susundin ang lahat ng salitang sinabi ng Panginoon. Isinulat naman niya ang taimtim nilang pangako sa isang aklat at nag-alay ng handog sa Diyos para sa mga tao. “Kanyang kinuha ang Aklat ng Tipan, binasa sa pandinig ng bayan, at kanilang sinabi, ‘Lahat ng sinabi ng Panginoon ay aming gagawin, at kami ay magiging masunurin.’ At kinuha ni Moises ang dugo at iwinisik sa bayan, at sinabi, ‘Tingnan ninyo ang dugo ng tipan na ginawa ng Panginoon sa inyo ayon sa lahat ng mga salitang ito.’” Inulit nila ang taimtim nilang pangako sa Panginoon na gagawin ang lahat ng sinabi Niya at magiging masunurin. Exodo 24:7, 8.KP 40.2
Walang-hanggang Kautusan ng Diyos—Nariyan na ang kau- tusan ng Diyos bago pa likhain ang mga tao. Ito ang namamahala sa mga anghel. Bumagsak si Satanas dahil nilabag ito. Pagkalikha ng Diyos sa mga tao, ipinaalam Niya sa kanila ang Kanyang kautusan. Hindi pa iyon nakasulat, pero itinuro na ito ni Jehova sa kanila.KP 40.3
Sa Eden ay itinatag ng Diyos ang Sabbath ng ikaapat na utos. Pagkagawa ng Diyos sa daigdig at pagkalikha sa sangkatauhan sa lupa, ginawa Niya ang Sabbath para sa kanila. Matapos ang pagkakasala at pagbagsak ni Adan, walang inalis sa kautusan ng Diyos. Ang mga prinsipyo ng Sampung Utos ay nariyan na bago pa ang pagkakasala at naaangkop sa banal na uri ng mga nilalang. Pagkatapos ng pagkakasala, ang mga prinsipyo ng mga utos na iyon ay hindi nabago, kundi nagbigay pa ang Diyos ng mga karagdagang kautusan upang abutin ang mga tao sa nagkasala nilang kalagayan.KP 40.4
Nagtatag ang Diyos ng isang sistemang hinihingi ang paghahandog ng mga hayop para ipaalala sa nagkasalang sangkatauhan ang katoto- hanang ayaw ng ahas na paniwalaan ni Eva: na ang kabayaran ng pagsuway ay kamatayan. Kinailangan ng paglabag sa kautusan ng Diyos na si Cristo’y mamatay bilang sakripisyo, at sa gayo'y gawing posible ang paraan upang matakasan ng mga makasalanan ang kabayaran, gayunma’y napapanatili ang karangalan ng kautusan ng Diyos. Ang sistema ng paghahandog ay magtuturo sa mga makasalanan ng kapakumbabaan, sa liwanag ng makasalanan nilang kalagayan. Aakayin sila nito sa pagsisisi’t pagtitiwala sa Diyos lamang, sa pamamagitan ng ipinangakong Manunubos, para sa ikapapatawad ng mga nagdaang pagsalangsang sa Kanyang kautusan. Kung walang pagsalangsang, wala rin sanang kamatayan, at hindi kakailanganin ang mga karagdagang kautusan para tugunan ang makasalanang kalagayan ng sangkatauhan.KP 40.5
Itinuro ni Adan sa kanyang lahi ang kautusan, na nakarating sa mga tapat sa pamamagitan ng mga sumunod na henerasyon. Ang patuloy na paglabag sa kautusan ay nangailangan ng baha sa lupa. Iningatan ni Noe at ng kanyang pamilya ang kautusan, at dahil sa paggawa nila ng mabuti, sila'y naligtas sa arka sa pamamagitan ng himala ng Diyos. Itinuro ni Noe sa mga naging lahi niya ang Sampung Utos. Mula kay Adan, nag-ingat ang Panginoon para sa Kanyang sarili ng mga taong nasa puso ang Kanyang kautusan. Ang sabi Niya tungkol kay Abraham, kanyang “pinakinggan...ang Aking tinig at sinunod ang Aking tagubilin, ang Aking mga utos, ang Aking mga batas at ang Aking mga kautusan.” Genesis 26:5.KP 41.1
Nagpakita ang Panginoon kay Abraham at sinabi sa kanya:KP 41.2
“Ako ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat! Lumakad ka sa harapan Ko, at maging walang kapintasan; at Ako'y makikipagtipan sa iyo at ikaw ay Aking labis na pararamihin.” Genesis 17:1, 2. “Aking itatatag ang Aking tipan sa iyo at sa iyong binhi kahit sa iyong pagkamatay sa buong lahi nila, isang tipang walang hanggan, upang maging Diyos mo at ng iyong binhi.” Genesis 17:7.KP 41.3
Ipinag-utos niya sa kanya at sa lahi nito ang pagtutuli, bilang palatandaang sila'y inihiwalay at ibinukod ng Diyos sa lahat ng mga bansa bilang Kanyang kayamanan. Sa pamamagitan ng tandang ito ay taimtim silang nangako na hindi makikipag-asawahan sa ibang mga bansa, sapagkat sa paggawa nito ay mawawala ang kanilang paggalang sa Kanya at Kanyang kautusan at magiging kagaya ng mga bansang sumasamba sa diyus-diyosan na nakapaligid sa kanila.KP 41.4
Sa pamamagitan ng pagtutuli, taos-puso silang sumang-ayon na tutuparin ang bahagi nila sa mga kondisyon ng tipanang ginawa kay Abraham, na magiging bukod sa lahat ng mga bansa at magiging sakdal. Kung ang lahi ni Abraham ay nanatili sanang bukod sa ibang mga bansa, hindi sana sila naakit sa idolatriya. Sa pananatiling bukod sa ibang mga bansa, naalis sana nila ang malaking tuksong makisali sa mga makasalanang gawain ng mga bansang iyon at maghimagsik sa Diyos. Sa malaking antas, winala nila ang bukod-tangi’t banal nilang likas sa pakikihalo sa mga bansang nakapaligid sa kanila. Upang parusahan sila, nagdala ang Panginoon ng taggutom sa kanilang lupain, na pumilit sa kanilang lumusong sa Ehipto para mailigtas ang kanilang mga buhay. Pero dahil sa tipanan Niya kay Abraham, hindi sila binayaan ng Diyos habang sila’y nasa Ehipto. Ipinahintulot Niyang sila'y apihin ng mga Ehipsyo upang sila’y bumaling sa Kanya sa kanilang paghihirap, piliin ang Kanyang matuwid at maawaing pamamahala, at sundin ang mga ipinagagawa Niya.KP 42.1
Iilang pamilya lang ang unang lumusong sa Ehipto. Ang mga ito’y lubhang dumami. May mga ingat na ingat na ituro sa kanilang mga anak ang kautusan ng Diyos, subalit marami sa mga Israelita ang nakasaksi ng sobrang daming pagsamba sa mga diyos anupa’t nagulo ang mga ideya nila sa kautusan ng Diyos. Yung mga nagpaparangal sa Diyos ay dumaing sa Kanya nang may pagdadalamhati ng espiritu na maalis na sana ang kanilang pagkaalipin at ilabas sila sa lupain ng kanilang pagkabihag upang maging malaya silang sumamba sa Kanya. Narinig ng Diyos ang kanilang mga daing at ibinangon si Moises bilang instrumento Niya para iligtas ang Kanyang bayan. Pagkaalis nila sa Ehipto at hatiin ng Diyos ang tubig ng Dagat na Pula sa harapan nila, sinubok sila ng Panginoon upang makita kung sila'y magtitiwala sa Kanyang nag-alis sa kanila bilang isang bansa mula sa isa pang bansa, sa pamamagitan ng mga tanda, mga pagsubok, at kababalaghan. Subalit hindi nila natagalan ang pagsubok. Nagreklamo sila sa Diyos dahil sa maraming hirap sa daan, at gusto na nilang bumalik na lang uli sa Ehipto.KP 42.2
Isinulat sa mga Tapyas ng Bato—Para wala silang maidahilan, ang Panginoon mismo ay nagpakababa para lumusong sa Bundok ng Sinai, na nababalot ng kaluwalhatian at napapalibutan ng Kanyang mga anghel. Sa pinakamatayog at pinakamaringal na paraan, ipinaalam Niya sa kanila ang Kanyang Sampung Utos. Hindi Niya ipinagkatiwala ang mga itong ituro ng sinumang iba pa, maging ng Kanyang mga anghel, kundi Siya mismo ang nagsalita ng Kanyang kautusan sa naririnig na tinig upang marinig ng lahat ng tao. Kahit pagkatapos nito, hindi Niya ipinagkatiwala ang mga ito sa maikling memorya ng mga taong madaling makalimot sa mga ipinagagawa Niya, kundi isinulat ang mga ito ng sarili Niyang banal na daliri sa mga tapyas ng bato. Gusto Niyang hadlangan ang lahat ng posibilidad na haluan nila ng anumang tradisyon ang mga banal Niyang kautusan o guluhin ng mga kaugalian ng tao ang Kanyang mga ipinagagawa.KP 42.3
Tapos, Siya’y lumapit pa lalo sa Kanyang bayan, na napakadaling mailigaw, at ayaw Niya silang iwanan ng sasampung utos lamang ng Dekalogo. Inutusan Niya si Moises na sumulat ng mga tuntunin at kautusan ayon sa banal na tagubilin ng Diyos, na nagbibigay ng mga detalyadong utos tungkol sa ipinagagawa Niya sa kanila. Sa ganitong paraan, binantayan Niya ang sampung alituntuning iniukit Niya sa mga tapyas ng bato. Ibinigay Niya ang mga espisipikong tagubilin at kahilingang ito upang hilahin ang mga nagkakamaling taong sumunod sa kautusang moral, na kinasanayan nilang labagin.KP 43.1
Kung sinunod lang sana ng sangkatauhan ang kautusan ng Diyos, na ibinigay kay Adan matapos siyang magkasala, na iningatan ni Noe sa arka, at sinunod ni Abraham, hindi na sana kailangan pa ang rituwal ng pagtutuli. At kung sinunod lang sana ng lahi ni Abraham ang tipanang kinakatawanan ng pagtutuli, hindi sana sila nasuong sa pagsamba sa mga diyos o pinahintulutang lumusong sa Ehipto, at hindi na rin sana kailangang ipahayag ng Diyos ang Kanyang kautusan sa Sinai, iukit sa mga tapyas ng bato, at bantayan ng mga tiyakang tagubilin sa pamamagitan ng mga tuntunin at batas ni Moises.KP 43.2
Mga Tuntunin at Batas—Isinulat ni Moises ang mga tuntuning ito na nanggaling sa bibig ng Diyos nang kasama niya Siya sa Bundok ng Sinai. Kung sinunod lang sana ng bayan ng Diyos ang mga prinsipyo ng Sampung Utos, hindi na sana nila kailangan pa ang mga espisipikong tagubiling ibinigay ng Diyos kay Moises tungkol sa katungkulan nila sa Diyos at sa isa’t isa, na isinulat sa isang aklat. Ang mga tagubiling ibinigay ng Panginoon kay Moises tungkol sa tungkulin ng Kanyang bayan sa isa t isa at mga dayuhan ay siyang mga prinsipyo ng Sampung Utos, na pinasimple't ibinigay sa tiyakang kaparaanan, upang hindi sila magkamali tungkol sa mga ito.KP 43.3
Tiyakang inutusan ng Panginoon si Moises tungkol sa mga seremonyal na paghahandog na magwawakas sa kamatayan ni Cristo. Ang sistema ng paghahandog ay umaanino sa pag-aalay kay Cristo bilang Tupang walang-kapintasan.KP 44.1
Unang itinatag ng Panginoon kay Adan ang sistema ng sak-ripisyong handog pagkatapos niyang magkasala, at itinuro ito ni Adan sa mga naging lahi niya. Ang sistemang ito ay pinasama bago ang Baha, at ng mga taong humiwalay sa mga tagasunod ng Diyos at nagtayo ng tore ni Babel. Sila'y naghandog sa mga diyos na sarili nilang kagagawan sa halip na sa Diyos ng langit. Nag- alay sila ng mga handog, hindi dahil sila'y may pananampalataya sa Manunubos na darating, kundi dahil iniisip nilang dapat nilang pasayahin ang kanilang mga diyos sa pamamagitan ng paghahandog ng napakaraming sakripisyong hayop sa marurumi nilang altar ng pagsamba sa diyus-diyosan. Dinala sila ng pagkamapamahiin nila sa napakaraming kalabisan. Itinuro nila sa mga tao na kung mas mahal ang sakripisyo, mas malaki ring kasiyahan ang maibibigay nito sa mga imahen nilang diyos at mas magiging malaki rin ang pag-unlad at mga kayamanan ng kanilang bansa. Kung kaya't kadalasa'y isinasakripisyo rin ang mga tao sa mga walang-katuturang imaheng ito. Para makontrol ang pagkilos ng mga tao, ang mga bansang iyon ay may mga kautusan at patakarang sobrang lulupit. Ang mga lider na ang mga puso'y hindi napalambot ng biyaya ay silang gumagawa ng mga kautusan nila. Habang binabale-wala nila ang pinakamasasamang krimen, ang maliit na kasalanan ay mauuwi sa pinakamalupit na kaparusahan ng awtoridad.KP 44.2
Ito ang nasa isipan ni Moises nang sabihin niya sa Israel, “Tinuruan ko kayo ng mga tuntunin at ng mga batas, na gaya ng iniutos sa akin ng Panginoon kong Diyos upang inyong gawin sa gitna ng lupain na inyong paroroonan upang angkinin. Tuparin ninyo at inyong gawin, sapagkat ito ang inyong magiging karunungan at kaalaman sa paningin ng mga tao na makakarinig ng mga tuntuning ito, at magsasabi, ‘Tunay na ang dakilang bansang ito ay matalino at may pagkaunawa.’ Sapagkat aling dakilang bansa ang may Diyos na napakalapit sa kanila, na gaya ng Panginoon nating Diyos tuwing tumatawag tayo sa Kanya? At aling dakilang bansa ang may mga tuntunin at mga batas na napakatuwid na gaya ng buong kautusang ito na aking inilagay sa harapan ninyo sa araw na ito?” Deuteronomio 4:5-8.KP 44.3