Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Kabanta 2 - Isang Gawaing Pangalawa sa Wala

    Matagumpay na Ministeryo sa Pagliligtas ng Kaluluwa.—Ang pagkakambas, kung isasagawa sa wastong paraan, ay isang gawaing misyonerong nasa pinakamataas na antas, at iyon ang magaling at matagumpay ding paraan na magagamit sa pagpapaabot sa mga tao ng mahahalagang katotohanan para sa panahong ito. Totoong napakahalaga ang gawain ng pagkaministro; subalit maraming nagugutom sa tinapay ng buhay ang walang pagkakataong makarinig ng salita mula sa mga mangangaral na sugo ng Diyos. Dahil dito, lubhang kailangan na ang ating mga nilalathala ay malawak na maipakalat. Sa ganito’y makakaabot ang mensahe sa mga lugar na hindi maaaring marating ng mga mangangaral, at matatawag ang pansin ng marami sa mahahalagang pangyayari na may kinalaman sa katapusang yugto ng kasaysayan ng sanlibutan.MTP 20.1

    Isang Gawaing Inordenahan ng Diyos .—Inordenahan ng Diyos ang gawain ng pagkakambas bilang paraan ng paghahayag sa mga tao ng liwanag na nilalaman ng ating mga aklat, at dapat maikintal sa mga nagkakambas ang kahalagahan ng mabilis na paghahatid sa mundo ng mga aklat na kailangan para sa kanilang edukasyon at kaliwanagang espirituwal. Ito mismo ang gawaing nais ng Panginoong gawin ng Kanyang bayan sa panahong ito. Lahat ng nagtatalaga ng kanilang sarili sa Diyos sa pamamagitan ng pagkakambas ay tumutulong sa paghahatid ng huling mensahe ng babala sa mundo. Hindi natin lubhang mahuhusgahan ang gawaing ito; sapagkat kung hindi dahil sa pagsisikap ng mga nagkakambas, marami ang hindi makakarinig ng babala.— Testimonies , vol. 6, p. 313. (1900)MTP 20.2

    Isang Pinakamahalagang Gawain.—Kung may isang gawaing mas mahalaga kaysa iba, iyon ay ang paghahatid ng ating mga babasahin sa madla, sa gayo’y inaakay silang suriin ang Kasulatan. Ang gawaing misyonero—pagpapakilala ng ating mga babasahin sa mga pamilya, pakikipag-usap, at pananalangin kasama nila at para sa kanila—ay isang magandang gawain at siyang magtuturo sa mga lalaki at babae ng gawaing pangpastor.— Testimonies, vol. 4, p. 390. (1880)MTP 21.1

    Kapag napagtanto ng mga kaanib ng iglesya ang kahalagahan ng pagpapakalat ng ating mga babasahin, mas maraming oras ang kanilang ilalaan sa gawaing ito. Ang mga babasahin, mga polyeto, at mga aklat ay mapapasatahanan ng mga tao para ipangangaral ang ebanghelyo sa iba’t ibang linya ng mga ito.... Dapat pagtuunan ng pansin ng iglesya ang gawain ng pagkakambas. Ito ay isang paraan upang ang iglesya ay magliwanag sa sanlibutan. At siya ay hahayong “kasingganda ng buwan, kasinliwanag ng araw, at kakila-kilabot gaya ng hukbong may mga bandila.”— Manuscript 113, 1901.MTP 21.2

    Isang Panawagan sa Nagising na Interes.—Ang kahalagahan ng pagkakambas ay patuloy na nananatili sa akin. Hindi sana naantala ang gawaing ito kung ang buhay na minsang ibinigay ng mga dating ahente na nagpakadalubhasa sa gawaing ito ay ibinuhos nila dito. Ang mga nagkakambas ay tinatawagan mula sa kanilang gawain ng pangangaral ng ebanghelyo para lumahok sa ibang trabaho. Hindi dapat ganito ang mangyari. Marami sa mga nagkakambas natin, kung tunay na nahikayat at nagtalaga, ay mas maraming magagawa sa linyang ito ng gawain kaysa ibang pamamaraan ng paghahatid ng napapanahong katotohanan sa mga tao.MTP 21.3

    Nasa atin ang salita ng Diyos upang ipakita na nalalapit na ang wakas. Kailangang mabigyan ng babala ang mundo, at di gaya noon, ngayon dapat tayo ay maging kamanggagawa ni Cristo. Ang gawaing ito ay ipinagkatiwala sa atin. Dapat tayo ay maging mga daluyan ng liwanag sa sanlibutan, na ibinabahagi sa iba ang liwanag na tinanggap natin mula sa dakilang Tagapagdala ng Liwanag. Ang mga salita at gawa ng lahat ng tao ay susubukin. Huwag na tayong umurong pa. Hindi na dapat patagalin pa ang pagbibigay ng babalang kailangang malaman ng sanlibutan. Huwag pabayaang tumamlay ang gawaing ito ng pagkakambas. Bayaang ang mga aklat na naglalaman ng liwanag tungkol sa napapanahong katotohanan ay mapasa kamay ng posibleng dami ng tao.— Testimonies, vol. 6, p. 329. (1900)MTP 21.4

    Kasing Halaga ng Pagmiministro.—Ang mga nagkakambas ay dapat humayo sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Ang kahalagahan ng gawaing ito ay lubos na katumbas ng pagmiministro. Ang buhay na mangangaral at ang tahimik na tagapagbalita ay parehong kailangan sa pagtapos ng malaking gawaing nasa harap natin.— Review and Herald, April 1, 1880.MTP 22.1

    Ang pagkakambas ng ating mga babasahin ay isang mahalaga at kapaki-pakinabang na linya ng gawain ng pangangaral. Ang ating mga babasahin ay nakakarating sa mga lugar na hindi napagdadausan ng pagtotolda. Sa gayong mga lugar, ang tapat na misyonerong nagkakambas ay pumapalit sa buhay na mangangaral ng ebanghelyo. Sa pagkakambas, ang katotohanan ay naipapahayag sa Iibu-libong taong disin sana’y hindi nakarinig.— Review and Herald, October 7, 1902.MTP 22.2

    Wala nang panahon na dapat sayangin. Mahalaga ang gawaing iniatas sa atin, at kung tayo ay magiging tamad, siguradong mawawala ang gantimpala ng langit para sa atin. Ngunit iilan lamang ang may malawak at malalim na pananaw kung paanong maaabot ang mga tao sa pamamagitan ng personal at may malasakit na pagsasagawa ng tamang pamamahagi ng ating mga babasahin. Marami sa mga hindi naaakit sa pakikinig ng katotohanang sinasabi ng buhay na mangangaral ay tumatanggap ng polyeto o anumang babasahin at magbabasa nito; at karamihan sa mababasa ni la ay angkop sa kanilang ideya, na dahilan upang patuloy na basahin ang lahat ng nilalaman nito.— Review and Herald, Dec. 19, 1878.MTP 22.3

    Para Maintindihan ang ating Tungkulin.—May panganib na tayo ay pumasok sa pangangalakal at mawili sa makamundong negosyo na anupa’t ang kadalisayan at kapangyarihan ng mga katotohanan ng salita ng Diyos ay hindi maisakabuhayan. Ang pag-ibig sa pangangalakal at tubo ay mas nagiging laganap. Mga kapatid ko, sikapin ninyong maging tunay na hikayat. Kung meron mang panahong dapat nating maintindihan ang ating tungkulin, iyon ay ngayon na, na ang katotohanan ay nakalugmok sa mga lansangan at ang katarungan ay hindi makapasok. Si Satanas ay bumaba na may matinding kapangyarihan upang gumawa na may lahat ng pandaraya ng kalikuan sa mga napapahamak; at lahat ng puwedeng yanigin ay yayanigin, at yung mga hindi nayanig ay matitira. Tunay na nalalapit na ang pagparito ng Panginoon, at pinapasok na natin ang mga eksena ng kalamidad. Ang mga ahensiya ni Satanas, bagaman hindi nakikita, ay kumikilos upang wasakin ang buhay ng tao. Subalit kung ang ating buhay ay natatago sa Diyos kasama ni Cristo, masasaksihan natin ang Kanyang biyaya at pagliligtas. Paririto si Cristo upang itatag ang Kanyang kaharian sa daigdig. Pakabanalin natin ang ating mga dila at gamitin sa pagluwalhati sa Kanya. Tayo ay gumawa ngayon ng higit kaysa dati. Tayo ay pinapayuhang “magsikap sa kapanahunan at sa di-kapanahunan.” 2 Timoteo 4:2. Gumawa tayo ng mga paraan para maipasok ang katotohanan. Pagbutihin natin ang bawat pagkakataong makapag-akay ng mga kaluluwa kay Cristo.MTP 22.4

    Bilang isang bayan, dapat tayo ay muling mahikayat, ang ating buhay ay maging banal para ipahayag ang katotohanan gaya ng kay Jesus. Sa pagpapakalat ng ating mga babasahin, tayo ay makakapagsalita tungkol sa pag-ibig ng isang Tagapagligtas mula sa buhay at tumitibok na puso. Ang Diyos lamang ang may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan; kung hindi natin ito sasabihin sa mga hindi pa nahihikayat, ang ating kapabayaan ang magpapasya ng kanilang pagkawasak.... Ang Panginoon ay nananawagan sa ating lahat na pagsikapang iIigtas ang mga napapahamak na kaluluwa. Si Satanas ay kumikilos upang dayain maging ang mga hinirang, at ngayon ang panahon ng ating alistong paggawa. Ang ating mga aklat at babasahin ay kailangang mabigyang pansin ng mga tao; ang ebanghelyo ng napapanahong katotohanan ay dapat maipamahagi agad. Hindi ba tayo kikilos sa ating tungkulin?— Testimonies, vol. 9, pp. 62, 63. (1909)MTP 23.1

    Ang Gawain ng Diyos.—Dapat tandaan ng nagkakambas na siya ay may pagkakataong maghasik sa tabi ng lahat ng tubigan. Tandaan niya, na habang siya ay nag-aalok ng mga aklat na magpapabatid ng katotohanan, ay ginagawa niya ang gawain ng Diyos at bawat talento ay dapat gamitin sa pagluwalhati ng Kanyang pangalan. Ang Diyos ay makakasama ng sinumang nagsisikap unawain ang katotohanan upang maibahagi niya ito nang malinaw sa iba. Ang Diyos ay nagsalita ng naiintindihan at malinaw. “Ang Espiritu at ang babaing ikakasal ay nagsasabi, Halika. At ang nakikinig ay magsabi, Halika.” Apocalipsis 22:17. Hindi na natin dapat pang patagalin na ipaalam ang tagubilin sa mga nangangailangan nito, upang sila’y makaalam ng katotohanan na gaya ng kay Jesus.— Testimonies, vol. 6, pp. 314, 315. (1900)MTP 23.2

    Mga Bantay at mga Tagapagbalita.—Dumating na ang panahon na ang isang malaking gawain ay dapat gawin ng mga nagkakambas. Tulog ang sanlibutan, at bilang mga bantay, dapat nilang patunugin ang kampanang babala upang magising sa kanilang panganib ang mga nangatutulog. Hindi alam ng mga iglesya ang panahon ng paghatol sa kanila. Kadalasan, mas nalalaman nila ang katotohanan dahilan sa pagsisikap ng mga nagkakambas. Yung mga humahayo sa pangalan ng Panginoon ay Kanyang mga tagapagbalitang maghahatid ng masayang balita ng kaligtasan kay Cristo sa pagsunod sa kautusan ng Diyos, doon sa napakaraming taong nasa kadiliman at kamalian.— Testimonies, vol. 6, p. 315. (1900)MTP 24.1

    Makitang Nahihikayat ang mga Kaluluwa.—Hayaang humayo ang mga nagkakambas na dala ang salita ng Panginoon, na tinatandaan na ang mga sumusunod sa mga utos at itinuturo din sa iba na sundin iyon ay gagantimpalaan sa pamamagitan ng makitang nahihikayat ang mga kaluluwa, at ang isang kaluluwang tunay na nahikayat ay mag-aakay din ng ibang tao kay Cristo. Sa gayo’y ang gawain ay makakapasok sa bagong teritoryo.— Testimonies, vol. 6, p. 315. (1900)MTP 24.2

    Habang may Kalayaan pa.—Habang may kalayaan pa, meron ding pagkakataong gumawa ang nagkakambas. Kapag ang mga relihiyon ay nakiisa na sa kapapahan upang pagmalupitan ang bayan ng Diyos, ang mga lugar na may kalayaang pangrelihiyon ay mabubuksan ng pangangaral na pagkakambas. Kung malala ang pag-uusig sa isang lugar, dapat sundin ng mga manggagawa ang bilin ni Cristo. “Kapag inuusig kayo sa isang bayan, tumakas kayo tungo sa kasunod.” Kapag nagkaroon ng pag-uusig doon, pumunta kayo sa iba pang lugar. Pangungunahan ng Diyos ang Kanyang bayan at gagawing pagpapala sa maraming lugar. Kung hindi dahil sa paguusig sila ay hindi malawakang mangangalat para ipahayag ang katotohanan. At ang sabi ni Cristo: “Hindi ninyo mapupuntahan lahat ang mga bayan ng Israel, bago dumating ang Anak ng Tao.” Mateo 10:23. Laging may lugar na puwedeng makagawa, at may mga pusong tatanggap ng pabalita hanggang sabihin sa langit ang salitang, “Natupad na.”— Testimonies, vol. 6, p. 478. (1900)MTP 24.3

    May malaking gawaing dapat tapusin at bawat pagsisikap na magagawa ay dapat maghayag na si Cristo ay mapagpatawad na Tagapagligtas, Tagapasan ng kasalanan at maningning na Tala sa umaga; at ang Panginoon ay magbibigay sa atin ng pabor sa harap ng sangkatauhan hanggang ang gawain ay matapos.— Testimonies, vol. 6, pp. 20, 21. (1900)MTP 25.1

    Walang mas Mataas pang Gawain.—Wala nang hihigit pang gawain sa pangangaral na pagkakambas, sapagkat kasama dito ang pagsasagawa ng pinakamataas na tungkuling moral. Yung mga kasangkot sa gawaing ito ay dapat palaging nasa ilalim ng kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos. Hindi dapat magtaas ng sariIi. Ano bang nasa atin na hindi nanggaling kay Cristo? Dapat tayong magmahalan bilang magkakapatid at ipakita natin ito sa pamamagitan ng pagtutulungan sa isa’t isa. Dapat tayo’y maging maawain at magalang. Sama-sama tayong magpatuloy, at humihila na pantay-pantay ang tali. Sila lamang na namumuhay sang-ayon sa panalangin ni Cristo, at ginagawa iyon sa praktikal na pamumuhay, ang makakatayo sa pagsubok na darating sa buong sanlibutan. Silang nagtataas ng kanilang sariIi ay nagpapasakop sa kapangyarihan ni Satanas at handang magpadaya. Ang sabi ng Panginoon sa Kanyang bayan ay itaas nang itaas ang pamantayan. Kung ating susundin ang Kanyang sinasabi, Siya ay gagawang kasama natin, at ang ating pagsusumikap ay gagantimpalaan ng tagumpay. Sa ating paglilingkod, tayo ay tatanggap ng masaganang pagpapala mula sa langit at mag-iipon ng kayamanan sa tabi ng trono ng Diyos.MTP 25.2

    Kung alam lamang natin ang naghihintay sa atin, hindi sana tayo patigil-tigiI sa gawain ng Panginoon.MTP 25.3

    Mananagot sa Gawaing Natapos Sana Natin.—Nasa panahon na tayo ng pagliliglig, panahon na ang lahat ng puwedeng mayanig ay yayanigin. Hindi paliligtasin ng Panginoon yung mga nakakaalam ng katotohanan kapag hindi ni la sinunod sa kanilang salita at gawa ang Kanyang mga utos. Kung hindi tayo gumagawa ng paraan para magdala ng kaluluwa kay Cristo, tayo ay mananagot sa gawaing natapos sana natin subalit hindi natin ginawa dahil sa katamarang espirituwal. Yung mga kabilang sa kaharian ng Panginoon ay dapat lang na magsumikap para sa kaligtasan ng maraming kaluluwa. Dapat nilang gawin ang kanilang bahagi sa pagbigkis ng kautusan at pagtatak nito sa gitna ng mga alagad.MTP 25.4

    Sino ang Hahayo?—Ipinanukala ng Panginoon na ang ilaw na ibinigay Niya sa mga Kasulatan ay magliwanag nang malinaw at matingkad; at tungkulin ng ating mga nagkakambas ang mag-ukol ng malakas at pinagsama-samang pagsisikap para maisakatuparan ang panukala ng Diyos. Isang malaki at mahalagang gawain ang kinakaharap natin. Alam ito ng kaaway, at ginagawa niya sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng paraan upang akayin ang nagkakambas sa ibang linya ng gawain. Kailangang mabago ang mga ganitong takbo ng pangyayari. Tinatawagan ng Diyos ang mga dating nagkakambas na bumalik sa kanilang gawain. Tumatawag Siya ng mga boluntaryo, na ibubuhos ang kanilang buong lakas at kaalaman sa gawain upang makatulong saanmang may pangangailangan. Ang Panginoon ay nananawagan sa bawat isa na gawin ang tungkuling ibinigay sa kanya ayon sa kanyang kakayahan. Sino ang tutugon sa panawagan? Sino ang hahayo ayon sa karunungan at biyaya at pagibig ni Cristo para sa mga nasa malapit at malayo? Sino ang magsasakripisyo ng kaginhawahan at kalayawan, at papasok sa mga lugar ng kasamaan, pamahiin at kadiliman upang gumawang may sikap at tiyagang maghahayag ng katotohanan sa simpleng paraan, mananalanging may pananampalataya, at magbabahay-bahay? Sino sa ngayon ang hahayong palabas ng kampo na puspos ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, magtitiis ng kahihiyan alang-alang kay Cristo, magbubukas ng mga Kasulatan sa mga tao, at mananawagang magsipagsisi? MTP 26.1

    May mga manggagawa ang Diyos sa bawat panahon. Ang panawagan ng oras ay matutugon sa pamamagitan ng paglapit ng tao. Kaya nga kapag ang banal na tinig ay nanawagan, “Sinong susuguin ko, at sinong hahayo para sa Amin?” may tutugon, “Narito ako; suguin mo ako!” Isaias 6:8. Dapat madama sa puso ng bawat gumagawa sa larangan ng pagkakambas, na kanilang ginagawa ang gawain ng Panginoon sa paglilingkod sa mga kaluluwang hindi nalalaman ang katotohanan para sa kasalukuyan. Pinatutunog nila ang tono ng babala sa mga daang-bayan at mga sangang-daan upang maghanda ng mga tao para sa dakilang araw ng Panginoon, na malapit nang dumating sa mundo. Hindi na dapat pang mag-aksaya ng panahon. Dapat himukin ang ganitong gawain. Sino ngayon ang hahayo dala ang ating mga babasahin?MTP 26.2

    Ipinagkakaloob ng Panginoon ang pagiging angkop sa gawain sa bawat lalaki at babaing makikiisa sa banal na kapangyarihan. Lahat ng kailangang talento, lakas ng loob, pagtitiyaga, pananampalataya, at pamamaraan ay darating habang isinusuot nila ang sandata. Isang malaking gawain ang dapat tapusin sa ating mundo, at ang mga tao bilang ahensiya ay siguradong tutugon sa pangangailangan. Dapat marinig ng mundo ang babala. Pag dumating ang panawagan, “Sinong susuguin ko, at hahayo para sa Amin?” gawing malinaw ang sagot, “Narito ako; suguin mo ako!”— Testimonies, vol. 6, pp. 331-333. (1900)MTP 27.1

    Komentaryo ng mga Walang Ingat na Tumitingin.—Ang mga walang-ingat na tumitingin sa inyo ay maaaring hindi kilalanin ang inyong trabaho o makita ang kahalagahan nito. Puwedeng isipin nilang ito’y isang negosyong panay kalugihan at isang buhay na hindi napapasalamatan ang pagpapagal at sakrispisyo. Ngunit ang lingkod naman ni Jesus ay tumitingin dito ayon sa liwanag na nagmumula sa krus. Ang kanyang sakripisyo ay nagmumukhang maliit kung ikukumpara sa mga sakrispiyo ng mapalad na Panginoon, subalit masaya siyang sumusunod sa Kanyang mga yapak. Ang bunga ng kanyang pagpapagal ang nagbibigay sa kanya ng pinakadalisay na kagalakan at iyon ang pinakamariwasang pabuya sa buhay na matiyagang nagpapakasakit.— Testimonies, vol. 6, p. 340. (1900)MTP 27.2

    Walang Panahon na Dapat Sayangin.—Ang pagkakambas ay isang gawaing may malaking responsibilidad at napakamakabuluhan sa mga lalaki at babaing sangkot sa gayong gawain. Nabubuhay tayo sa panahong may isang malaking gawaing dapat tapusin, at ano pang mas magandang pagkakataon ang meron tayo para ibigay ang panawagan sa hapunang inihanda ni Cristo? Yung mga nagkakambas sa panahong ito na may pagtitiyaga at pagtatalaga ay tunay na pagpapalain. Wala na kayong panahon na dapat sayangin. Ibigay ninyo sa gawaing ito ang inyong sarili nang maluwag sa loob at buong puso. Tandaan na ito’y may likas ng pangangaral, at nakakatulong sa pagbibigay-babala na talaga namang kailangan.— Manuscript 113, 1901.MTP 27.3

    Mga tanong na dapat pag-isipan

    1. Paano ipinahahayag ang paglalarawang “pangalawa sa wala” ng publishing ministry?
    a. “Ang pagkakambas, kung isasagawa sa wastong paraan, ay isang gawaing misyonerong nasa ____________ na ____________.”
    b. “Kung may isang gawaing ________________________________________________kaysa iba....”
    c. “Ang kahalagahan ng gawaing ito ay ____________ na ____________ ng pagmiministro.”
    d. “Wala ____________ nang pang ____________ sa pangangaral na pagkakambas....”
    MTP 28.1

    2. Paano itinuturing ng mga taong “walang ingat na tumitingin” ang publishing ministry?
    a. “Hindi ____________ ang inyong trabaho.”
    b. “Hindi ______________ ang kahalagahan nito.”
    c. “Isipin nilang ito’y isang negosyong ________________.”
    d. Isang buhay na hindi ________________ ang pagpapagal at ____________________________________
    MTP 28.2

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents