Bunga ng di pananalangin
Ang kadiliman ng kasamaan ang lumiligid sa mga hindi nananalangin. Ang mga tuksong ibinubulong ng kaaway ay siyang humihila sa kanila sa pagkakasala; at ang lahat ng ito ay dahil sa hindi nila ginagamit ang mga karapatang sa kanila’y ibinibigay ng Diyos sa kanyang habiling sila’y manalangin. Bakit nga at ang mga lalaki at babaeng anak ng Diyos ay nag-aatubiling manalangin, gayong ang panalangin ay siyang susing nasa kamay ng pananampalataya, na nagbubukas ng kabang-yaman ng Diyos, na kinatataguan ng hindi nauubos na mga kayamanan ng Makapangyarihan sa lahat? Kung tayo’y hindi palaging nananala- ngin at matiyagang nagpupuyat, ay nanganganib tayo na mawalan ng ingat at lumihis tuloy sa matuwid na daan. Palaging sinisikap ng kaaway na hadlangan ang daang patungo sa luklukan ng awa, upang huwag nating matamo sa pamamagitan ng pananampalataya at maningas na panalangin ang biyaya at kapangyarihang dadaig sa tukso.PK 130.1
May ilang mga kondisyon na kinasasaligan ng ating pag-asa na diringgin at sasagutin ng Diyos ang ating mga panalangin. Ang isa sa mga panguna rito ay ang ating madama ang pangangailangan ng tulong na buhat sa Kanya. Ipinangako Niyang: “Ipagbubuhos Ko ng tubig siya na uhaw, at ng mga bukal ang tuyong lupa.” Isaias 44:3. Yaong nangagugutom at nangauuhaw sa katuwiran, na nagigiliw sa Diyos, ay makaasang sila’y bubusugin. Dapat na maging bukas ang puso sa impluensiya ng Banal na Espiritu, kung dili ay hindi matatanggap ang pagpapala ng Diyos.PK 131.1