Mahalagang mga aral
Sa sermon Niya sa bundok, ay itinuro ni Kristo sa Kanyang mga alagad ang mahalagang aral tungkol sa kailangang pagtitiwala sa Diyos. Ang mga aral na ito ay itinalagang magpasigla sa mga anak ng Diyos sa buong panahon, at umabot sa ating kapanahunan na puno ng mga pangaral at kaaliwan. Itinuro ng Tagapagligtas sa mga sumusunod sa Kanya ang ibon sa himpapawid samantalang umaawit ng mga pagpuri, na hindi binabagabag ng anumang pag-aalaala, sapagka’t “hindi sila nangaghahasik o nagsisigapas.” Gayon may ipinagkakaloob ng dakilang Ama ang kanilang mga kailangan. Itinatanong ng Tagapagligtas: “Hindi baga lalong higit ang halaga ninyo kay sa kanila?” Mateo 6: 26. Binububuksan ng dakilang Tagapagkaloob ang Kanyang kamay at pinagkakalooban ang lahat Niyang kinapal. Ang mga ibon sa himpapawid ay hindi Niya kinaliligtaan. Hindi Niya sila sinusubuan ng pagkain, subali’t inihahanda Niya ang kanilang mga kailangan. Kailangan nilang tipunin ang mga butil na Kanyang isinabog para sa kanila. Dapat nilang ihanda ang kanilang gagawing pugad. Dapat nilang pakanin ang kanilang mga inakay. Nagsisiyaon sila sa paggawa na nangag-aawitan, sapagka’t “sila’y pinakakain ng inyong Ama sa kalangitan.” At “hindi baga higit ang halaga ninyo kay sa Kanila?” Kayong mga may pag-iisip, at sumasamba ukol sa espiritu, hindi baga higit ang halaga ninyo kay sa mga ibon sa himpapawid? Kung magtitiwala lamang tayo ay hindi baga ibibigay ang ating mga kailangan ng Gumawa sa atin, na Tagapag-ingat ng ating buhay, at Isang nag-anyo sa atin ng ayon sa Kanyang sariling larawan.PK 171.1