Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    2—Pag-uusig Noong mga Unang Dantaon

    Nang ibunyag ni Jesus sa Kanyang mga alagad ang kapalaran ng Jerusalem at ang mga tagpo ng ikalawang pagdating, hinulaan din Niya ang karanasan ng Kanyang bayan mula sa panahon na Siya’y kukunin na sa kanila, hanggang sa Kanyang pagbabalik sa kapangyarihan at kaluwalhatian para sila’y iligtas. Mula sa Bundok ng mga Olibo ay nakita ng Tagapagligtas ang mga bagyong malapit nang dumating sa iglesya ng mga apostol; at sa mas malalim na paglagos sa hinaharap, ay nakita Niya ang matitindi at mapangwasak na mga unos na hahagupit sa Kanyang mga tagasunod sa dumarating na mga panahon ng kadiliman at pag-uusig. Sa ilang maiikling salita na may malaking kahalagahan, Kanyang hinulaan ang bahaging igagawad ng mga pinuno ng sanlibutang ito sa iglesya ng Diyos (Mateo 24:9, 21, 22). Dapat ding tahakin ng mga tagasunod ni Cristo ang ganong landas ng paghamak, kahihiyan, at pagtitiis na tinahak ng kanilang Panginoon. Ang galit na sumabog laban sa Manunubos ng sanlibutan ay makikita din laban sa lahat ng sasampalataya sa Kanyang pangalan.ADP 25.2

    Ang kasaysayan ng unang iglesya ay nagpatunay sa katuparan ng mga sinabi ng Tagapagligtas. Ang mga kapangyarihan ng lupa at ng impiyerno ay nagsihanda laban kay Cristo na nasa katauhan ng mga tagasunod Niya. Nakita ng paganismo na ang mga templo at mga altar nito ay mapapalis kung ang ebanghelyo ay magtatagumpay; kaya tinipon nito ang kanyang puwersa upang wasakin ang Kristiyanismo. Ang apoy ng pag-uusig ay sinindihan. Ang mga Kristiyano ay inalisan ng kanilang mga ari-arian at pinalayas sa kanilang mga tahanan. Sila’y “nagtiis ng matinding pakikipaglaban na may pagdurusa” (Hebreo 10:32). Sila’y “nagtiis ng pagkalibak at paghagupit, at maging ng mga tanikala at pagkabilanggo” (Hebreo 11:36). Malaking bilang ang nagtatak ng kanilang dugo sa kanilang patotoo. Ang mga mararangal at mga alipin, mayayaman at mahihirap, may pinag-aralan at wala, ay pare-parehong pinagpapatay nang walang-awa.ADP 25.3

    Ang mga pag-uusig na ito, simula kay Nero noong panahon ng pagkamartir ni Pablo, ay nagpatuloy na kung minsa’y may mas matindi o kaya’y may di-gaanong kabangisan sa loob ng daan-daang taon. Ang mga Kristiyano ay pinagbibintangan ng mga nakapangingilabot na krimen at idinideklarang siyang sanhi ng mga kalamidad—taggutom, salot, at lindol. At habang sila ang nagiging tuon ng matinding galit at paghihinala ng mga tao, ang mga tagapagsumbong naman ay humanda upang ipagkanulo ang mga walang-kasalanan, para lamang sa pakinabang. Sila’y kinundena bilang mga rebelde sa imperyo, bilang mga kaaway ng relihiyon, at mga salot sa pamayanan. Napakaraming itinapon sa mababangis na hayop o kaya’y sinusunog nang buhay sa mga arena. Ang ilan ay ipinako sa krus; ang iba’y binabalutan ng mga balat ng mababangis na hayop at itinatapon sa gitna ng arena upang luray-lurayin ng mga aso. Ang mga kaparusahan sa kanila ay madalas na ginagawang pangunahing libangan sa mga pampublikong pagdiriwang. Napakaraming tao ang nagtitipon upang magpakasaya sa panoorin at salubungin ng tawanan at palakpakan ang matitinding hirap ng kanilang paghihingalo.ADP 25.4

    Saanman sila maghanap ng kanlungan, ang mga tagasunod ni Cristo ay tinutugis na parang mga maninilang hayop. Sila’y napipilitang maghanap ng mapagtataguan sa mga lugar na mapanglaw at walang tao. “Mga naghihirap, pinag-uusig, inaapi (na sa mga iyon ay hindi karapat-dapat ang sanlibutan). Sila’y nagpalabuy-laboy sa mga ilang, sa mga kabundukan, sa mga yungib, at sa mga lungga sa lupa” (Hebreo 11:37, 38). Ang mga kuwebang libingan ay nagbigay ng kanlungan sa libu-libong Kristiyano. Sa ilalim ng mga burol sa labas ng lunsod ng Roma ay may mahahabang lagusan na binutas sa ilalim ng lupa at bato; ang madilim at masalimuot na sanga-sangang lagusan ay umaabot ng milya-milya sa kabila ng mga pader ng lunsod. Sa mga taguang ito sa ilalim ng lupa inilibing ng mga tagasunod ni Cristo ang kanilang mga patay; at dito rin sila nakakasumpong ng tahanan kapag pinaghihinalaan at ipinapaskil ang mga pangalan bilang nahatulan ng kamatayan at kinukumpiska ang mga ari-arian. Kapag gigisingin na ng Tagapagbigay-buhay yung mga nakipaglaban ng mabuting pakikipaglaban, maraming martir alang-alang kay Cristo ang lalabas mula sa madidilim na kuwebang iyon.ADP 26.1

    Sa gitna ng pinakamatinding pag-uusig, ang mga saksing ito para kay Jesus ay iningatang malinis ang kanilang pananampalataya. Bagaman pinagkaitan ng lahat ng kaginhawahan, itinaboy mula sa liwanag ng araw, na naninirahan sa madilim ngunit maamong kailaliman ng lupa, sila’y walang sinambit na reklamo. Sa mga salita ng pananampalataya, pagtitiis, at pag-asa ay pinalakas nila ang loob ng isa’t isa na tiisin ang kasalatan at kagipitan. Ang kawalan ng lahat ng makalupang biyaya ay hindi kayang pumilit sa kanila na itakwil ang kanilang paniniwala kay Cristo. Ang mga pagsubok at pag-uusig ay mga hakbang lamang na mas malapit na naghatid sa kanila sa kapahingahan at gantimpala nila.ADP 26.2

    Gaya ng mga lingkod ng Diyos noong una, marami ang “ pinahirapan at tumangging tumanggap ng paglaya upang makamit nila ang higit na mabuting pagkabuhay na muli” (talatang 35). Inalala ng mga ito ang mga sinabi ng kanilang Panginoon, na kapag sila’y inuusig alang-alang kay Cristo, sila’y dapat na magsaya nang labis, sapagkat malaki ang gantimpala nila sa langit; sapagkat ganon din pinag-uusig ang mga propeta na nauna sa kanila. Sila’y nagalak na sila’y ibinilang na karapat-dapat magtiis para sa katotohanan, at ang mga awit ng pagtatagumpay ay pumailanglang mula sa gitna ng naglalagablab na apoy. Nakatingin paitaas sa pananampalataya, kanilang nakita si Cristo at ang mga anghel na dumudungaw mula sa muog ng langit, at nakatanaw sa kanila nang may taos-pusong malasakit at pinahahalagahan ang kanilang katatagan nang may pagsang-ayon. Isang tinig ang bumaba sa kanila mula sa trono ng Diyos, “Maging tapat ka hanggang sa kamatayan, at ibibigay Ko sa iyo ang korona ng buhay” (Apocalipsis 2:10).ADP 26.3

    Walang kabuluhan ang pagsisikap ni Satanas na wasakin ang iglesya ni Cristo sa pamamagitan ng dahas. Ang malaking tunggalian kung saan ay ibinuwis ng mga alagad ni Jesus ang kanilang buhay, ay hindi nagtapos nang ang mga tapat na tagapagdalang ito ng bandila ay bumagsak sa kanilang kinatatayuan. Sa pamamagitan ng pagkatalo, sila’y nagtagumpay. Ang mga manggagawa ng Diyos ay pinagpapatay, ngunit ang Kanyang gawain ay matatag na sumulong. Ang ebanghelyo ay nagpatuloy na kumalat at ang bilang ng mga tagasunod nito ay nagpatuloy na dumami. Ito’y nakapasok sa mga lugar na hindi marating kahit ng mga agilang sagisag ng Roma. Sabi ng isang Kristiyano, na nakikipangatwiran sa mga pinunong pagano na nagpipilit na isulong ang pag-uusig: Maaaring “mapatay ninyo kami, pahirapan kami, hatulan kami.... Ang inyong kawalang-katarungan ang patunay na kami’y walang kasalanan.... Maging ang inyong kalupitan...ay hindi makakatulong sa inyo.” Ito’y isang mas malakas na paanyaya lamang upang pati ang iba ay mahimok sa kanilang pananam-palataya. “Kung mas madalas na kami’y tinatabas ninyo, mas lalo kaming dadami; ang dugo ng mga Kristiyano ay binhi”— Tertullian, Apology, parapo 50.ADP 26.4

    Libu-libo ang ibinilanggo at pinatay; ngunit may iba namang sumulpot upang pumalit sa kanila. At yung mga pinatay dahil sa kanilang pananampalataya ay ligtas na kay Cristo at itinuturing Niyang mga nagtagumpay. Sila’y nakipaglaban ng mabuting pakikipaglaban, at sila’y tatanggap ng korona ng kaluwalhatian kapag si Cristo ay dumating na. Ang mga paghihirap na tiniis ng mga Kristiyano ay naglapit sa kanila sa isa’t isa at sa kanilang Manunubos. Ang kanilang buhay na halimbawa at patotoo habang namamatay ay isang walang-tigil na saksi para sa katotohanan; at kung kailang hindi gaanong inaasahan, ang mga tagasunod ni Satanas ay umalis sa paglilingkod sa kanya at nagpatala sa ilalim ng bandila ni Cristo.ADP 26.5

    Kaya inilatag ni Satanas ang kanyang mga panukala upang mas matagumpay na makipaglaban sa pamahalaan ng Diyos sa pamamagitan ng pagtusok ng kanyang bandila sa loob ng iglesyang Kristiyano. Kung ang mga tagasunod ni Cristo ay madadaya at maakay na huwag bigyanglugod ang Diyos, kung gayon ang kanilang lakas, tibay ng loob at katatagan ay mawawala, at sila’y madaling mabibiktima.ADP 27.1

    Pinagsikapan ngayon ng matinding kaaway na matamo sa pamamagitan ng pandaraya ang hindi niya nakuha sa pamamagitan ng dahas. Ang pag-uusig ay tumigil, at dito’y ipinalit ang mga mapanganib na pang-akit ng makalupang kariwasaan at makasanlibutang karangalan. Ang mga sumasamba sa diyus-diyosan ay nahimok na tanggapin ang isang bahagi ng pananampalatayang Kristiyano, samantalang tinatanggihan ang ibang mahahalagang katotohanan. Sila’y nagsasabing tinatanggap si Jesus bilang Anak ng Diyos at naniniwala sa Kanyang kamatayan at pagkabuhay na muli; subalit wala silang pagkadama ng pagiging makasalanan at hindi nadarama ang pangangailangang magsisi o baguhin ang puso. Dahil sila’y may ilang paniniwalang isinuko, kanilang iminumungkahi na ang mga Kristiyano ay dapat ding gumawa ng mga pagbibigay, upang ang lahat ay magkaisa sa simulain ng paniniwala kay Cristo.ADP 27.2

    Ngayon ang iglesya ay nasa isa nang nakakatakot na panganib. Mas pagpapala pa ang bilangguan, pagpapahirap, apoy, at tabak kung ikukumpara dito. Ang ilan sa mga Kristiyano ay nanindigang matibay, na ipinahahayag na hindi sila maaaring makipagkompromiso. Ang iba naman ay sang-ayon sa pagsusuko o pagbabago ng ilang mga bahagi ng kanilang pananampalataya at kasama nung mga tumanggap sa isang bahagi lang ng Kristiyanismo, ay iginigiit na baka ito ang maging paraan ng kanilang lubos na pagkahikayat. Iyon ay isang panahon ng matinding pagdadalamhati para sa mga tapat na tagasunod ni Cristo. Sa ilalim ng balatkayo ng pakunwaring Kristiyanismo, isiningit ni Satanas ang kanyang sarili sa loob ng iglesya, upang pasamain ang kanilang pananampa-lataya at ibaling ang kanilang mga pag-iisip mula sa Salita ng katotohanan.ADP 27.3

    Sa wakas ay marami sa mga Kristiyano ang pumayag na ibaba ang kanilang pamantayan, at isang pagsasanib ang nabuo sa pagitan ng Kristiyanismo at paganismo. Bagaman ang mga sumasamba sa diyusdiyosan ay nagsasabing nahikayat na, at kaisa na ng iglesya, sila’y nakakapit pa rin sa kanilang pagsamba sa diyus-diyosan, binago lamang nila sa mga imahen ni Jesus, at pati na ni Maria at ng mga santo ang mga pinagsasasamba nila. Ang bulok na lebadura ng pagsamba sa diyus-diyosan, dahil naipasok nang ganyan sa iglesya, ay ipinagpatuloy ang masamang gawain nito. Ang mga doktrinang hindi ayon sa katotohanan, mga mapamahiing seremonya, at mga seremonya ng pagsamba sa diyus-diyosan ay isinama sa paniniwala at pagsamba ng iglesya. Sa pakikiisa ng mga tagasunod ni Cristo sa mga sumasamba sa diyus-diyosan, ang relihiyong Kristiyano ay naging masama at ang kalinisan at kapangyarihan ng iglesya ay nawala. Ganon pa man, merong ilan na hindi nailigaw ng mga panlilinlang na ito. Pinanatili pa rin nila ang kanilang katapatan sa May-akda ng katotohanan at ang Diyos lamang ang kanilang sinamba.ADP 27.4

    Laging may dalawang klase sa mga nagsasabing tagasunod ni Cristo. Samantalang ang isang klase ay pinag-aaralan ang buhay ng Tagapagligtas at masigasig na pinagsisikapang iwasto ang kanilang mga kakulangan at tumulad sa Huwaran, ang isang klase naman ay iniiwasan ang mga maliwanag at praktikal na katotohanan na naglalantad sa kanilang mga kamalian. Kahit sa kanyang pinakamabuting kalagayan, ang iglesya ay hindi lubos na binubuo ng mga tunay, dalisay, at tapat na mga tao. Itinuro ng ating Tagapagligtas na yung mga sadyang pinagbibigyan ang kasalanan ay hindi dapat tanggapin sa iglesya; ngunit iniuugnay Niya sa Kanyang sarili ang mga taong may kapintasan sa katangian, at ipinagkakaloob sa kanila ang mga pakinabang ng Kanyang mga aral at halimbawa, upang sila’y magkaroon ng pagkakataong makita ang kanilang mga pagkakamali at maitama ang mga ito. Kasama sa labindalawang alagad ay isang traydor. Si Judas ay tinanggap, hindi dahil sa mga kapintasan ng kanyang katangian, kundi sa kabila ng mga ito. Siya’y isinama sa mga alagad, upang sa pamamagitan ng mga turo at halimbawa ni Cristo, ay matutunan niya kung anong bumubuo sa katangian ng Kristiyano, at sa gayo’y maakay na makita ang kanyang mga kamalian, magsisi, at sa tulong ng banal na biyaya ay dalisayin ang kanyang kaluluwa “sa pagsunod sa katotohanan.” Ngunit si Judas ay hindi lumakad sa liwanag na buong pagmamahal na hinayaang lumiwanag sa kanya. Sa pagbibigay-hilig sa kasalanan, kanyang inanyayahan ang mga tukso ni Satanas. Ang masasamang ugali ng kanyang katangian ay nangibabaw. Ipinasakop niya ang kanyang isipan sa pagkontrol ng mga kapangyarihan ng kadiliman, siya’y nagagalit kapag ang kanyang mga pagkakamali ay sinasaway, kung kaya’t siya’y naitulak na gumawa ng kakila-kilabot na krimen ng pagkakanulo sa kanyang Panginoon. Ganon din kinamumuhian nung lahat ng nag-iingat ng kasamaan habang nagpapanggap ng kabanalan yung mga gumagambala sa kanilang kapayapaan dahil sa pagsumbat sa kanilang landasin ng kasalanan. Kapag nagkaroon ng isang magandang pagkakataon, gaya ni Judas ay ipagkakanulo nila yung mga nagsikap na pagsabihan sila para sa ikabubuti nila.ADP 27.5

    Nakaharap ng mga apostol sa loob ng iglesya yung mga nagpapanggap ng kabanalan samantalang lihim na nag-iingat ng kasalanan. Si Ananias at si Safira ay ginampanan ang bahagi ng mandaraya, na nagkukunwaring naghandog ng buo para sa Diyos, samantalang may kasakiman nilang itinabi ang isang bahagi para sa kanilang sarili. Inihayag ng Espiritu ng katotoha nan sa mga apostol ang tunay na likas ng mga mapagkunwaring ito, at inalis ng mga kahatulan ng Diyos sa iglesya itong napakaraming dungis sa kalinisan nito. Ang babalang katibayang ito tungkol sa nakakakitang Espiritu ni Cristo sa iglesya ay isang lagim sa mga mapagkunwari at manggagawa ng kasamaan. Hindi na nila kayang manatili pang kaugnay nung mga palaging kumakatawan kay Cristo sa gawi at pag-uugali; at nang dumating ang mga pagsubok at pag-uusig sa Kanyang mga tagasunod, yun lamang mga laang iwanan ang lahat alang-alang sa katotohanan ang nagnais na maging mga alagad Niya. Kaya, habang ang pag-uusig ay nagpapatuloy, ang iglesya ay nanatiling medyo malinis. Ngunit nang ito’y tumigil na, nadagdag ang mga bagong kaanib na hindi gaanong tapat at natatalaga, at nabuksan ang daan para si Satanas ay magkaroon ng matutuntungan.ADP 28.1

    Subalit walang pakikiisa ang Prinsipe ng liwanag sa prinsipe ng kadiliman, at di maaaring magkaroon ng pakikiisa sa pagitan ng kanilang mga tagasunod. Nang ang mga Kristiyano ay pumayag na makiisa doon sa mga kalahati lamang ang pagkahikayat mula sa paganismo, sila’y pumasok sa isang landas na maglalayo nang maglalayo sa katotohanan. Si Satanas ay nagdiwang dahil siya’y nagtagumpay sa pagdaya sa napakaraming tagasunod ni Cristo. Saka niya ginamit ang kanyang kapangyarihan upang ganap na mapangunahan ang mga ito, at kinilos sila na usigin yung mga nananatiling tapat sa Diyos. Wala nang mas nakakaunawang maigi kung paano lalabanan ang tunay na pananampalatayang Kristiyano kaysa doon sa mga dating tagapagtanggol nito; at ang mga tumalikod na Kristiyanong ito, sa pakikipagkaisa sa kanilang mga kasamang kalahating-pagano, ay siyang nangasiwa sa kanilang pakikipaglaban sa pinakamahahalagang bahagi ng mga doktrina ni Cristo.ADP 28.2

    Nangailangan ng isang matinding pakikipunyagi yung mga gustong tumayong matibay laban sa mga pandaraya at mga kasuklam-suklam na bagay na nakabalatkayo sa kasuotan ng saserdote at ipinasok sa iglesya. Ang Biblia ay hindi tinanggap na pamantayan ng pananampalataya. Ang doktrina ng kalayaang panrelihiyon ay tinaguriang maling paniniwala, at ang mga tagapagtaguyod nito ay kinamumuhian, hinahatulan ng kamatayan at kinukuha ang mga pag-aari.ADP 28.3

    Pagkatapos ng matagal at matinding tunggalian, ang iilang tapat ay nagpasyang buwagin na ang lahat ng pakikiisa sa tumalikod na iglesya kung tatanggi pa rin itong palayain ang sarili nito mula sa kasinungalingan at pagsamba sa diyusdiyosan. Nakita nilang ang paghiwalay ay lubhang kailangan kung nais nilang sundin ang Salita ng Diyos. Hindi sila nangahas na pabayaan na lang ang mga kamalian na mapaminsala sa sarili nilang kaluluwa, at magbigay ng halimbawang magsasapanganib sa pananampalataya ng kanilang mga anak at sa mga anak ng kanilang mga anak. Upang magtamo ng kapayapaan at pagkakaisa, handa silang gumawa ng anumang pakikipagkasundo na kaayon ng katapatan sa Diyos; ngunit nadama nilang maging ang kapayapaan ay napakamahal ang pagkakabili kung isasakripisyo ang prinsipyo. Kung ang pagkakaisa ay matatamo lamang sa pama-magitan ng pagkompromiso sa katotohanan at katuwiran, magkaroon na lang ng di-pagkakasundo, at kahit pa digmaan.ADP 29.1

    Magiging mabuti para sa iglesya at sa sanlibutan kung ang mga prinsipyong nagpakilos.sa matatatag na kaluluwang iyon ay muling mabubuhay sa mga puso ng nagsasabing bayan ng Diyos. Merong nakakapangambang pagwawalang-bahala ukol sa mga doktrina na siyang mga haligi ng pananampalatayang Kristiyano. Nananaig ang kuru-kuro na kunsabagay daw, ang mga ito ay hindi naman gaanong mahalaga. Pinalalakas ng paglubhang ito ang mga kamay ng mga ahensya ni Satanas, upang ang mga maling aral at mapaminsalang pandaraya na noong nakaraan ay isinapanganib ng mga tapat ang kanilang buhay upang labanan at ilantad, ay may pagsang-ayon nang kinikilala ngayon ng libu-libong nagsasabing mga tagasunod ni Cristo.ADP 29.2

    Ang mga unang Kristiyano ay talaga ngang katangi-tanging mga tao. Ang kanilang walang-dungis na ugali at matatag na pananampalataya ay isang patuloy na sumbat na gumugulo sa kapayapaan ng makasalanan. Bagaman iilan lamang, walang kayamanan, posisyon, o mga bansag ng pagkilala, sila’y isang lagim sa mga gumagawa ng kasamaan saanman nakikilala ang kanilang katangian at mga doktrina. Kaya’t sila’y kinamumuhian ng mga masasama, gaya ni Abel na kinamuhian ng makasalanang si Cain. Sapagkat sa ganon ding dahilan ng pagpatay ni Cain kay Abel, pinatay nung mga taong nagsisikap na itakwil ang pagpigil ng Banal na Espiritu ang mga tao ng Diyos. Sa ganon ding dahilan itinakwil at ipinako ng mga Judio sa krus ang Tagapagligtas—dahil ang kalinisan at kabanalan ng Kanyang likas ay isang patuloy na saway sa kanilang pagkamakasarili at katiwalian. Mula sa kapanahunan ni Cristo hanggang ngayon, ang Kanyang mga tapat na alagad ay pumukaw sa galit at pagsalungat nung mga nagmamahal at sumusunod sa mga daan ng kasalanan.ADP 29.3

    Papaano ngayon matatawag na mensahe ng kapayapaan ang ebanghelyo? Nang ihula ni Isaias ang kapanganakan ng Mesiyas, kanyang iniukol sa Kanya ang bansag na, “Prinsipe ng Kapayapaan.” Nang ipaalam ng mga anghel sa mga pastol na si Cristo ay ipinanganak na, sila’y nag-awitan sa papawirin ng kapatagan ng Bethlehem, “Luwalhati sa Diyos sa kataas-taasan, at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan Niya” (Lucas 2:14). Parang magkasalungat ang mga hulang pahayag na ito at ang mga sinabi ni Cristo na, “Hindi Ako pumarito upang magdala ng kapayapaan, kundi ng tabak” (Mateo 10:34). Ngunit kung naunawaan nang tama, ang dalawang ito ay lubos na magkatugma. Ang ebanghelyo ay mensahe ng kapayapaan. Ang Kristiyanismo ay isang sistema na, kung tatanggapin at susundin, ay magpapalaganap ng kapayapaan, pagkakasundo, at kaligayahan sa buong lupa. Pagkakaisahin ng relihiyon ni Cristo sa malapit na pagkakapatiran ang lahat ng tumatanggap sa mga turo nito. Misyon ni Jesus ang ipagkasundo ang tao sa Diyos, at sa gayo’y sa isa’t isa na rin. Ngunit ang sanlibutan sa kabuuan ay nasa ilalim ng pamamahala ni Satanas, ang pinakamatinding kalaban ni Cristo. Ang ebanghelyo ay naghaharap sa kanila ng mga prinsipyo ng buhay na kaibang-kaiba sa kanilang mga ugali at kagustuhan, kaya’t sila’y naghihimagsik laban dito. Ayaw nila ang kalinisang nagbubunyag at humuhusga sa kanilang mga kasalanan, kaya’t kanilang inuusig at nililipol yung mga nagpipilit sa kanila ng mga matuwid at banal na hinihingi nito. Sa kaisipang ito tinatawag na tabak ang ebanghelyo—dahil ang dakilang katotohanan na dala nito ay lumilikha ng galit at kaguluhan.ADP 29.4

    Ang mahiwagang pamamatnubay na nagpapahintulot na dumanas ng pag-uusig ang mga banal sa kamay ng masasama ay isang sanhi ng malaking kalituhan sa maraming mahihina sa pananampalataya. Ang iba ay handa pa ngang iwaksi ang kanilang pagtitiwala sa Diyos dahil hinahayaan Niyang magtagumpay ang mga pinakamasamang tao, samantalang ang mga pinakamabuti at pinakadalisay ay sinasaktan at pinahihirapan ng malulupit nilang kapangyarihan. Naitatanong nila kung papaanong ang Isang matuwid at maawain, at saka walang-hanggan sa kapangyarihan, ay pinababayaan ang ganyang kawalang-katarungan at pang-aapi? Ito’y isang katanungan na wala tayong kinalaman. Ang Diyos ay nagbigay sa atin ng sapat na katibayan ng Kanyang pagibig, at tayo’y hindi dapat mag-alinlangan sa Kanyang kabutihan dahil hindi natin maunawaan ang mga paggawa ng Kanyang pamamatnubay. Dahil nakikita ang mga pag-aalinlangan na pipiga sa kaluluwa ng Kanyang mga alagad sa mga panahon ng pagsubok at kadiliman, ang sabi sa kanila ng Tagapagligtas: “Alalahanin ninyo ang salitang sinabi Ko sa inyo, Ang alipin ay hindi higit na dakila kaysa kanyang panginoon.’ Kung Ako’y kanilang inusig, kayo man ay kanilang uusigin din” (Juan 15:20). Si Jesus ay nagdanas para sa atin ng higit kaysa maipararanas sa sinuman sa mga tagasunod Niya sa pamamagitan ng kalupitan ng masasamang tao. Yung mga tinatawagan upang magtiis ng pagpapahirap at kamatayan dahil sa pananampalataya ay sumusunod lamang sa mga yapak ng mahal na Anak ng Diyos.ADP 30.1

    “ Hindi mabagal ang Panginoon tungkol sa Kanyang pangako” (2 Pedro 3:9). Hindi Niya kinakalimutan o pinababayaan ang Kanyang mga anak; kundi pinahihintulutan Niyang ipakita ng masasama ang kanilang tunay na likas, upang sa mga nagnanais na gawin ang Kanyang kalooban ay walang madaya ukol sa kanila. Muli, ang matutuwid ay inilalagay sa pugon ng kahirapan, upang sila mismo ay madalisay; upang mapaniwala ng kanilang halimbawa ang iba sa pagiging tunay ng pananampalataya at kabutihan; at saka upang ang kanilang hindi pabagu-bagong landasin ay humatol sa masasama at sa mga hindi sumasampalataya.ADP 30.2

    Pinapayagan ng Diyos na magtagumpay ang masasama, at ipakita ang kanilang pagkapoot laban sa Kanya, upang kapag napuno na nila ang sukatan ng kanilang kasamaan ay makita ng lahat ang Kanyang katarungan at kaawaan sa lubos na paglipol sa kanila. Ang araw ng Kanyang paghihiganti ay nagmamadali, na ang lahat ng sumuway sa Kanyang kautusan at umapi sa Kanyang bayan ay magtatamo ng makatarungang kagantihan sa kanilang mga ginawa; na ang lahat ng pagmamalupit o kawalang-katarungan sa mga tapat na anak ng Diyos ay parurusahan, na para bang ang mga ito’y ginawa kay Cristo mismo.ADP 30.3

    Merong isa pa at mas mahalagang tanong na dapat pag-ukulan ng pansin ng mga iglesya ngayon. Ipinahayag ni apostol Pablo na “ang lahat ng ibig mabuhay na may kabanalan kay Cristo Jesus ay daranas ng pag-uusig” (2 Timoteo 3:12). Bakit naman kaya sa malaking antas ay parang natutulog ang pag-uusig? Ang tanging dahilan ay, ang iglesya ay nakiayon na sa pamantayan ng sanlibutan, kung kaya’t hindi pumupukaw ng anumang pagsalungat. Ang relihiyon na laganap sa ating kapanahunan ay hindi na dalisay at banal na siyang tanda ng pananampalatayang Kristiyano noong panahon ni Cristo at ng mga apostol. Kung bakit parang kilalangkilala ang Kristiyanismo sa sanlibutan ay tanging dahil lamang sa espiritu ng pakikipagkasundo sa kasalanan, dahil ang mga dakilang katotohanan ng Salita ng Diyos ay talagang winawalang-halaga, at dahil may napakaliit na kabanalang kinakailangan sa iglesya. Hayaang magkaroon ng rebaybal ng pananampalataya’t kapangyarihan ng unang iglesya, at ang espiritu ng pag-uusig ay muling mabubuhay, at ang mga apoy ng pag-uusig ay muling magliliyab.ADP 30.4

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents