33—Ang Unang Malaking Pandaraya
Ang Dakilang Pag-Asa
- Contents- Panimula
- Pagpapakilala
- 1—Ang Pagkawasak Ng Jerusalem
- 2—Pag-uusig Noong mga Unang Dantaon
- 3—Panahon ng Espirituwal na Kadiliman
- 4—Ang mga Waldenses
- 5—Si John Wycliffe
- 6—Sina Huss at Jerome
- 7—Ang Paghiwalay ni Luther sa Roma
- 8—Si Luther sa Harap ng Konseho
- 9—Ang Swiss na Repormador
- 10—Pagsulong ng Reporma sa Germany
- 11—Ang Protesta ng mga Prinsipe
- 12—Ang Repormasyon sa France
- 13—Sa Netherlands At Sa Scandinavia
- 14—Ang mga Huling Repormador na taga-England
- 15—Ang Biblia at ang French Revolution
- 16—Ang mga Pilgrim Fathers
- 17—Mga Tagapagbalita ng Umaga
- 18—Isang Amerikanong Repormador
- 19—Liwanag sa Kadiliman
- 20—Isang Malaking Pagkagising sa Relihiyon
- 21—Isang Babalang Tinanggihan
- 22—Mga Hulang Natupad
- 23—Ano ang Santuwaryo?
- 24—Ang paksa tungkol sa santuwaryo ay
- 25—Ang Kautusan ng Diyos ay Hindi Mababago
- 26—Isang Gawain ng Reporma
- 27—Ang mga Makabagong Rebaybal
- 28—Pagharap sa Talaan ng Buhay
- 29—Ang Pinagmulan ng Kasamaan
- 30—Alitan sa Pagitan ng Tao at ni Satanas
- 31—Ahensya ng Masasamang Espiritu
- 32—Mga Bitag ni Satanas
- 33—Ang Unang Malaking Pandaraya
- 34—Makakausap ba Natin ang mga Patay?
- 35—Nanganganib ang Kalayaan ng Budhi
- 36—Ang Napipintong Labanan
- 37—Ang Kasulatan ay Sanggalang
- 38—Ang Huling Babala
- 39—Ang Panahon ng Kaguluhan
- 40—Iniligtas ang Bayan ng Diyos
- 41—Ang Giba-gibang Lupa
- 42—Ang Tunggalian ay Winakasan
Search Results
- Results
- Related
- Featured
- Weighted Relevancy
- Content Sequence
- Relevancy
- Earliest First
- Latest First
- Exact Match First, Root Words Second
- Exact word match
- Root word match
- EGW Collections
- All collections
- Lifetime Works (1845-1917)
- Compilations (1918-present)
- Adventist Pioneer Library
- My Bible
- Dictionary
- Reference
- Short
- Long
- Paragraph
No results.
EGW Extras
Directory
33—Ang Unang Malaking Pandaraya
Sa pinakaunang kasaysayan pa lang ng tao, ay pinasimulan na ni Satanas ang kanyang mga pagsisikap na dayain ang ating lahi. Siyang nagsulsol ng paghihimagsik sa langit ay hinangad na makaisa ang mga naninirahan sa lupa sa pakikidigma niya laban sa pamahalaan ng Diyos. Sina Adan at Eva ay maligayang-maligaya sa pagsunod sa kautusan ng Diyos, at ang katotohanang ito ay patuloy na patotoo laban sa pahayag na iginiit ni Satanas sa langit, na ang kautusan daw ng Diyos ay malupit at sagabal sa kabutihan ng Kanyang mga nilalang. At bukod dito, si Satanas ay naiinggit nang makita niya ang magandang tahanang inihanda para sa walang-kasalanang mag-asawa. Kanyang ipinasyang sila’y pabagsakin, upang kapag sila’y naihiwalay na niya sa Diyos at mapasailalim sa kanyang kapangyarihan, magiging pag-aari na niya ang lupa at dito’y maitatatag ang kanyang kaharian, laban sa Kataas-taasan.ADP 304.4
Kung ipinakita ni Satanas ang kanyang sarili sa tunay niyang likas, agad sana siyang itinaboy, sapagkat sina Adan at Eva ay binigyan ng babala laban sa mapanganib na kaaway na ito; ngunit siya’y gumawa sa dilim, na itinatago ang kanyang pakay, upang maisagawa niya nang mas maigi ang kanyang layunin. Gamit ang ahas bilang kasangkapan niya, na noon ay isang nilalang na may kaakit-akit na hitsura, siya’y nagsalita kay Eva, “Sinabi ba ng Diyos, ‘Huwag ninyong kakainin ang mula sa alinmang punungkahoy sa halamanan?’ ” (Genesis 3:1). Kung iniwasan lang sana ni Eva ang makipagtalo sa manunukso, ligtas sana siya; subalit siya’y nangahas na makipag-usap sa kanya, kaya’t siya’y naging biktima ng kanyang mga pandaraya. Ganyan ang nangyayari kung bakit marami pa rin ang nagagapi. Sila’y nag-aalinlangan at nakikipagtalo tungkol sa mga ipinaguutos ng Diyos; at sa halip na sundin ang mga banal na utos ay tinatanggap nila ang mga teorya ng tao, na tagapagkubli lamang ng mga pakana ni Satanas.ADP 304.5
“Sinabi ng babae sa ahas, ‘Makakain namin ang bunga ng mga punungkahoy sa halamanan; subalit sinabi ng Diyos, Huwag ninyong kakainin ang bunga ng punungkahoy na nasa gitna ng halamanan; huwag din ninyo itong hihipuin, kundi kayo’y mamamatay.’ Subalit sinabi ng ahas sa babae, Tiyak na hindi kayo mamamatay Sapagkat nalalaman ng Diyos na kapag kayo’y kumain noon ay mabubuksan ang inyong mga mata, at kayo’y magiging kagaya ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama’ ” (talatang 2-5). Sinabi niya na sila’y magiging kagaya ng Diyos, mag-aangkin ng mas malawak na karu-nungan kaysa dati, at may kakayahang makaabot sa mas mataas pang kalagayan ng pamumuhay. Si Eva ay nagpatukso; at sa pamamagitan ng kanyang impluwensya, si Adan ay nagkasala rin. Tinanggap nila ang mga sinabi ng ahas, na hindi totoo ang sinabi ng Diyos; hindi nila pinagtiwalaan ang Lumikha sa kanila, at inisip na hinihigpitan Niya ang kanilang kalayaan, at maaari silang magtamo ng higit pang karunungan at pagkakataas sa paglabag sa Kanyang kautusan.ADP 305.1
Ngunit pagkatapos na magkasala, ano ang natuklasan ni Adan na kahulugan ng mga salitang, “Sa araw na ikaw ay kumain niyon ay tiyak na mamamatay ka”? Natuklasan ba niya, gaya ng ipinaniwala sa kanya ni Satanas, na ang ibig sabihin nito’y magsisimula na siya sa isang mas mataas na kalagayan ng pamumuhay? Kung gayon ay meron nga talagang malaking kabutihang papakinabangin sa pagsuway, at si Satanas ay talaga ngang tagapagpala ng sangkatauhan. Ngunit hindi ito ang natuklasan ni Adan na kahulugan ng banal na sentensya. Sinabi ng Diyos na bilang parusa sa kanyang kasalanan, ang tao ay babalik sa alabok na pinagkunan sa kanya: “Ikaw ay alabok, at sa alabok ka babalik” (talatang 19). Ang sinabi ni Satanas na, “Mabubuksan ang iyong mga mata,” ay napatunayang totoo lamang sa paraang ito: Pagkatapos na suwayin nina Adan at Eva ang Diyos, ang kanilang mga mata ay nabuksan para makita ang kanilang kahangalan; nalaman nga nila ang masama, at natikman nila ang mapait na bunga ng pagsuway.ADP 305.2
Sa gitna ng Eden ay naroon ang punungkahoy ng buhay na ang bunga’y may kapangyarihang magpamalagi ng buhay Kung si Adan lamang ay nanatiling masunurin sa Diyos, patuloy sana niyang natatamasa ang kalayaang makalapit sa punungkahoy na ito, at nabuhay sana siya magpakailanman. Ngunit nang siya’y magkasala, siya’y pinagbawalan nang kumain ng bunga ng punungkahoy ng buhay, at napasailalim siya sa kamatayan. Ang banal na sentensyang, “Ikaw ay alabok, at sa alabok ka babalik,” ay tumutukoy sa lubos na pagkalipol ng buhay.ADP 305.3
Ang pagiging imortal o walang-kamatayan na ipinangako sa tao sa kondisyong siya’y susunod ay nawala dahil sa pagsuway Hindi kayang isalin ni Adan sa susunod niyang lahi yung wala naman sa kanya; at wala sanang pag-asa para sa nagkasalang lahi kung hindi inilagay ng Diyos sa abotkamay nila ang kawalang-kamatayan sa pamamagitan ng pagsasakripisyo sa Kanyang Anak. Bagaman “dumating sa lahat ng mga tao ang kamatayan, sapagkat ang lahat ay nagkasala,” si Cristo ay “nagdala sa buhay at sa kawalan ng kamatayan... sa liwanag sa pamamagitan ng ebanghelyo” (Roma 5:12; 2 Timoteo 1:10). At sa pamamagitan lamang ni Cristo maaaring makamit ang pagiging imortal. Ang sabi ni Jesus: “Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan; ngunit ang hindi sumusunod sa Anak ay hindi makakakita ng buhay” (Juan 3:36). Ang bawat tao ay maaaring magtaglay ng walang kasinghalagang pagpapalang ito kung siya ay susunod sa mga kondisyon. Ang lahat “na sa pamamagitan ng pagtitiyaga sa mabubuting gawa, na naghahanap ng kaluwalhatian at karangalan at ng kawalan ng kasiraan,” ay tatanggap ng “buhay na walang hanggan” (Roma 2:7).ADP 305.4
Ang kaisa-isahang nangako kay Adan ng buhay sa pamamagitan ng pagsuway ay ang dakilang mandaraya. At ang pahayag ng ahas kay Eva doon sa Eden na—“Tiyak na hindi kayo mamamatay”—ay siyang kauna-unahang sermon na ipinangaral tungkol sa pagiging walang-kamatayan ng kaluluwa. Ngunit ang pahayag na ito, na sa awtoridad lamang ni Satanas nakabatay, ay inuulit-ulit sa mga pulpito ng Sangkakristiyanuhan at tinatanggap ng karamihan sa sangkatauhan na kasindali ng pagtanggap ng una nating mga magulang. Ang banal na sentensyang, “Ang [kaluluwang] nagkakasala ay mamamatay” (Ezekiel 18:20), ay binigyan ng kahulugan na: Ang kaluluwa (otaong) nagkakasala ay hindi mamamatay, kundi mabubuhay magpakailanman. Wala tayong magawa kundi ang manggilalas sa kakaibang kahibangang ito na ginawang napakamapaniwalain ang mga tao sa mga sinasabi ni Satanas at napakawalang paniwala sa mga sinasabi ng Diyos.ADP 305.5
Kung ang tao pagkatapos na magkasala ay pinayagang makalapit nang malaya sa punungkahoy ng buhay, siya sana ay mabubuhay magpakailanman, at sa gayo’y naging walang-katapusan sana ang kasalanan. Ngunit binantayan ng mga kerubin at ng isang nagniningas na tabak “ang daang patungo sa punungkahoy ng buhay” (Genesis 3:24) at wala ni isa man sa pamilya ni Adan ang pinahintulutang makatawid sa harang at makakain ng bungang nagbibigay-buhay. Kaya walang makasalanang hindi namamatay. Ngunit pagkatapos na magkasala angtao, inutusan ni Satanas ang kanyang mga anghel na gumawa ng isang tanging pagsisikap na itanim sa isipan ng tao ang paniniwala sa likas na imortalidad o pagiging walang-kamatayan ng tao; at kapag nasulsulan na nila ang mga tao na tanggapin ang kamaliang ito, kanila naman silang aakaying ipalagay na ang makasalanan ay mabubuhay sa walang-hanggang paghihirap. Ipapakilala naman ngayon ng prinsipe ng kadiliman, na gumagawa sa pamamagitan ng kanyang mga alagad, na ang Diyos ay isang mapaghiganting pinuno ng kalupitan, at sinasabi pang inihahagis daw Niya sa impiyerno ang lahat ng hindi Niya kinalulugdan, at ipinaparamdam sa kanila ang Kanyang galit magpakailanman; at habang sila’y dumaranas ng di-maipahayag na kahirapan, at namimilipit sa walang-katapusang apoy, masaya naman daw silang pinanonood ng kanilang Manlalalang.ADP 306.1
Ganyan dinaramtan ng punong-demonyo ng sarili niyang mga katangian ang Lumikha at Tagapagpala ng sangkatauhan. Ang kalupitan ay makademonyo. Ang Diyos ay pag-ibig; at ang lahat Niyang nilikha ay dalisay, banal, at kahali-halina hanggang ang kasalanan ay ipasok ng kauna-unahang dakilang rebelde. Si Satanas mismo ang siyang kaaway na tumutukso sa tao para magkasala, at pagkatapos ay lilipulin ito kung magagawa niya; at kapag nakatiyak na siya sa kanyang biktima, siya’y nagpapakasaya sa malaking kapahamakang nagawa niya. Kung pahihintulutan lang, wawalisin niya ang buong lahi sa kanyang lambat. Kung hindi lang namamagitan ang kapangyarihan ng Diyos, wala ni isa mang anak ni Adan ang makakatakas.ADP 306.2
Sinisikap ni Satanas na madaig ang mga tao ngayon, gaya ng pananaig niya sa una nating mga magulang, sa pamamagitan ng pagyanig sa pagtitiwala nila sa kanilang Manlalalang at pag-akay sa kanila na pagdudahan ang karunungan ng Kanyang pamamahala at ang katarungan ng Kanyang mga kautusan. Ipinakikilala ni Satanas at ng kanyang mga sugo na ang Diyos ay mas masama pa kaysa sa kanila, para lang ipagmatuwid ang sarili nilang kasamaa’t paghihimagsik. Sinisikap ng dakilang mandaraya na ilipat ang sarili niyang nakakatakot na kalupitan ng ugali sa ating Ama sa langit, upang palabasin na siya ang labis na ginawan ng masama dahil sa pagpapaalis sa kanya sa langit sapagkat ayaw niyang magpasakop sa ganong napakawalang-katarungang tagapamahala. Ipiniprisinta niya sa sanlibutan ang kalayaang maaari nilang matamasa sa ilalim ng banayad niyang pamamahala, kataliwas ng pang-aaliping ipinapataw ng mahihigpit na utos ni Jehova. Ganyan siya nagtatagumpay sa pag-akit sa mga kaluluwa palayo sa kanilang pagtatapat sa Diyos.ADP 306.3
Lubhang kasuklam-suklam sa bawat damdaming may pag-ibig at awa, at maging sa pagpapahalaga natin sa katarungan, ang doktrina na ang mga patay na makasalanan ay pinahihirapan nang maigi ng apoy at asupre sa isang impiyernong walang-katapusang naglalagablab; na dahil lamang sa mga kasalanan ng isang maikling pamumuhay sa lupa ay magdadanas sila ng labis na pahirap hangga’t ang Diyos ay nabubuhay. Subalit ang aral na ito'y malawakan pa ring itinuturo, at kabilang pa rin sa karamihan ng mga doktrina ng Sangkakristiyanuhan. Ang sabi ng isang may pinag-aralang doktor ng teolohiya: “Ang tanawin ng paghihirap sa impiyerno ang magtatampok sa kagalakan ng mga banal magpakailanman. Kapag nakita nilang nakalubog sa ganong paghihirap ang ibang tao na kapareho nila ang likas at ipinanganak sa ganon ding kalagayan, at sila’y talagang naiiba, ito ang magpapadama sa kanila kung gaano sila kasaya.” Ang isa naman ay ginamit ang pananalitang ito: “Habang ang hatol na pagsumpa ay walang-hanggang nagaganap sa mga lalagyan ng galit, ang usok ng kanilang paghihirap ay walang-hanggang papailanglang sa paningin ng mga nasa lalagyan ng awa, na sa halip na nakikibahagi sa mga kahiya-hiyang bagay na ito, ay sasabihin, Amen, Aleluia! Purihin ang Panginoon!”ADP 306.4
Saan sa mga pahina ng Salita ng Diyos makikita ang ganyang turo? Ang mga natubos ba sa langit ay mawawalan na ng lahat ng damdamin ng awa’t kahabagan, at pati ng mga pakiramdam na karaniwan sa sangkatauhan? Ang mga ito ba ay mapapalitan ng kawalang-malasakit ng mga taong parang bato o ng kalupitan ng mga taong hindi sibilisado? Hindi, hindi; hindi ganyan ang turo ng Aklat ng Diyos. Yung mga naghaharap ng mga kuru-kurong ipinapa-hayag sa mga siping nasa itaas ay maaaring mga may pinag-aralan at mga tapat na tao pa nga; subalit sila’y inililigaw ng mga panlilinlang ni Satanas. Pinangungunahan niya sila na bigyan ng maling kahulugan ang matitibay na pahayag ng Kasulatan, na ang pananalita nito’y bigyang-kulay ng galit at kasamaang nauukol sa kanyang sarili, at hindi sa ating Manlalalang. “Kung paanong buhay Ako, sabi ng Panginoong Diyos, wala Akong kasiyahan sa kamatayan ng masama, kundi ang masama ay tumalikod sa kanyang lakad at mabuhay. Manumbalik kayo, manumbalik kayo mula sa inyong masasamang lakad; sapagkat bakit kayo mamamatay?” (Ezekiel 33:11).ADP 307.1
Anong pakinabang sa Diyos kung tatanggapin natin na Siya’y natutuwang makita ang walang-tigil na pagpapahirap; na Siya’y naaaliw sa mga daing at mga tili at mga pagmumura ng mga nagdurusang nilalang na Kanyang pinipigilan sa apoy ng impiyerno? Ang mga nakapangingilabot bang ingay na ito ay magiging isang musika sa pandinig ng Walang-Hanggang Pag-ibig? May mga naggigiit na ang pagpaparusa raw ng walang-katapusang paghihirap sa mga masasama ay magpapakita sa galit ng Diyos sa kasalanan bilang kasamaang nakakapinsala sa kapayapaa’t kaayusan ng sansinukob. O, nakakapangilabot na kalapastanganan! Na para bang ang galit ng Diyos sa kasalanan ay siyang dahilan kung bakit ito’y pamamalagiin. Sapagkat, ayon sa mga turo ng mga teologong ito, ang tuluy-tuloy na paghihirap na walang pag-asa sa kahabagan ay nagpapagalit nang labis sa mga hamak na biktima nito, at habang ibinubuhos nila ang kanilang galit sa pamamagitan ng mga pagmumura’t kalapastanganan, ay lalo raw nilang dinadagdagan magpakailanman ang kanilang pasan na kasalanan. Ang kaluwalhatian ng Diyos ay hindi nadaragdagan sa ganyang pamamalagi ng patuloy na dumaraming kasalanan hanggang sa walang-katapusang panahon.ADP 307.2
Higit pa sa kakayahan ng isipan ng tao ang matantiya ang kasamaang nagawa ng maling paniniwala sa walang-hanggang pagpapahirap. Ang relihiyon ng Biblia, na punung-puno ng pag-ibig at kabutihan, at sagana sa kaawaan, ay pinadidilim ng pamahiin at dinadamtan ng kilabot. Kung iisipin natin kung anong mga maling kulay ang ipinipinta ni Satanas sa karakter ng Diyos, magtataka pa ba tayo kung bakit ang ating maawaing Manlalalang ay kinatatakutan, pinangingilabutan, at kinamumuhian pa nga? Ang mga nakapanghihilakbot na paniniwala tungkol sa Diyos na kumalat sa buong sanlibutan mula sa mga itinuturo sa pulpito ay gumawa ng libu-libo, oo, milyun-milyon pa ngang mapag-alinlangan at walang relihiyon.ADP 307.3
Ang teorya sa walang-hanggang pagpapahirap ay isa sa mga maling doktrina na bumubuo sa alak ng mga kasuklam-suklam na bagay ng Babilonia, na ipinainom niya sa lahat ng mga bansa (Apocalipsis 14:8; 17:2). Talagang isang hiwaga kung bakit ang maling paniniwalang ito ay tinanggap ng mga ministro ni Cristo at ipinahayag sa banal na pulpito. Tinanggap nila ito sa Roma, gaya ng pagtanggap nila sa maling Sabbath. Totoo nga, ito’y itinuturo ng mga dakila’t mabubuting tao; ngunit ang liwanag sa paksang ito ay hindi nakarating sa kanila gaya ng pagdating nito sa atin. Sila’y mananagot lamang sa liwanag na sumikat sa kanilang kapanahunan; tayo’y mananagot sa liwanag na sumisikat sa atin ngayon. Kung tayo’y lilihis sa patotoo ng Salita ng Diyos, at tanggapin ang mga maling doktrina dahil sa ito’y itinuro ng ating mga magulang, tayo’y napapasailalim sa kahatulang iginawad sa Babilonia; tayo’y umiinom ng alak ng kanyang mga kasuklam-suklam na gawain.ADP 307.4
Ang malaking grupo ng mga tao na para sa kanila’y kasuklam-suklam ang aral ng walang-hanggang pagpapahirap ay napapadpad naman sa kabilang kamalian. Nakikita nila na inilalarawan ng mga Kasulatan ang Diyos bilang isang Diyos ng pag-ibig at kahabagan, at hindi nila mapapaniwalaan na ibibigay Niya ang Kanyang mga nilalang sa apoy ng impiyernong walang-hanggang nagniningas. Ngunit dahil naniniwalang ang kaluluwa ay likas na walang-kamatayan, wala silang mapagpilian kundi ang pagtibayin na ang lahat ng tao sa bandang huli ay maliligtas. Ipinalalagay ng marami na ang mga pagbabanta ng Biblia ay ginawa lamang upang takutin ang mga tao para sumunod, at hindi literal na matutupad. Kaya ang makasalanan ay maaaring mamuhay sa pansariling kalayawan, na binabale-wala ang mga iniuutos ng Diyos, pero makakaasa pa rin na sa bandang huli ay tanggap sa Kanyang kabutihang-loob. Ang ganyang doktrina, na lubhang pinagsasamantalahan ang kahabagan ng Diyos, subalit winawalang-bahala ang Kanyang katarungan ay nakakalugod sa pusong makalaman, at pinalalakas ang loob ng mga makasalanan sa kanilang kasamaan.ADP 308.1
Upang ipakita kung paanong binabaluktot ng mga naniniwala sa pangkalahatang kaligtasan ang Kasulatan para patunayan ang kanilang mga doktrinang nagpapahamak ng mga kaluluwa, kailangan lamang na banggitin ang sarili nilang sinasabi. Sa libing ng isang kabataang hindi makaDiyos, na agad na namatay sa isang aksidente, pinili ng isang Universalistang ministro bilang talata niya ang pahayag sa Kasulatan tungkol kay David: “Siya’y naaliw na tungkol kay Amnon, yamang siya ay patay na” (2 Samuel 13:39).ADP 308.2
“Madalas akong tinatanong,” sabi ng tagapagsalita, “kung ano ang magiging kapalaran nung mga pumanaw sa sanlibutan na makasalanan, namatay marahil sa kalasingan, namatay nang may bahid pa rin ng dugo ng krimen sa kanilang mga damit, o namatay kagaya ng kabataang ito na kailanma’y hindi nakapagpahayag ng pananampalataya o nagkaroon ng karanasang panrelihiyon. Tayo’y nasisiyahan sa Kasulatan; ang kasagutan nito ang lulutas sa nakakapangilabot na suliraning ito. Si Amnon ay lubhang makasalanan; hindi siya nagsisi, siya ay nilasing, at habang lasing, siya ay pinatay. Si David ay isang propeta ng Diyos; alam niya kung magiging mabuti o hindi para kay Amnon sa kabilang buhay Ano ang ipinahahayag ng kanyang puso? ‘Si Haring David ay nanabik na puntahan si Absalom, sapagkat siya’y naaliw na tungkol kay Amnon, yamang siya ay patay na’ (talatang 39)ADP 308.3
“At ano ang pahiwatig ng pananalitang ito? Hindi ba’t walang bahagi sa kanyang paniniwalang panrelihiyon ang walangkatapusang pagdurusa? Ganyan din ang pagkaunawa natin; at dito’y natutuklasan natin ang isang matagumpay na paliwanag bilang suporta sa mas nakalulugod, mas naliwanagan, at mas mabait na palagay tungkol sa huling pandaigdigang kalinisan at kapayapaan. Siya’y naaliw na, yamang ang kanyang anak ay patay na. At bakit nga ba? Dahil sa pamamagitan ng mata ng propesiya ay kaya niyang tumanaw sa maluwalhating hinaharap at makita ang anak na iyon na inilayo sa lahat ng tukso, pinalaya sa pagkaalipi’t nilinis sa mga kasamaan ng kasalanan, at pagkatapos na gawing may sapat na kabanalan at kaliwanagan, ay tinanggap sa kapulungan ng mga umakyat at nagkakatuwaang espiritu. Ang tangi niyang kaaliwan ay ito, sa pagkakaalis mula sa kasalukuyang kalagayan ng kasalanan at paghihirap, ang kanyang mahal na anak ay naparoon sa lugar na ang pinakamarangal na paghinga ng Banal na Espiritu ay mabubuhos sa nadidiliman niyang kaluluwa; na doon ang kanyang isipan ay mabubuksan sa karunungan ng langit at sa matamis na kaligayahan ng walang-maliw na pag-ibig, at sa gayo’y naihanda taglay ang napabanal na likas upang tamasahin ang kapahingahan at samahan ng makalangit na pamana.ADP 308.4
“Sa mga kaisipang ito, tayo’y makikilalang naniniwala na ang kaligtasan ng langit ay hindi nakabatay sa anumang magagawa natin sa lupang ito; ni sa pagbago ng puso ngayon, ni sa kasalukuyang paniniwala, o kaya’y sa kasalukuyang pagpapahayag ng relihiyon.”ADP 308.5
Ganyan inulit-ulit ng nagsasabing ministro ni Cristo ang kasinungalingan na sinabi ng ahas sa Eden: “Tiyak na hindi kayo mamamatay.” “Kapag kayo’y kumain noon ay mabubuksan ang inyong mga mata, at kayo’y magiging kagaya ng Diyos.” Sinasabi niya na ang mga pinakamasasamang makasalanan—ang mga mamamatay-tao, ang mga magnanakaw, ang mga mangangalunya—matapos mamatay ay magiging handa nang pumasok sa walang-hanggang kaligayahan.ADP 309.1
At saan kinuha ng tagapilipit na ito ng Kasulatan ang kanyang mga konklusyon? Mula sa iisang pangungusap na nagpapahayag ng pagpapasakop ni David sa pangangasiwa ng Diyos. Ang kanyang kaluluwa ay “nanabik na puntahan si Absalom, sapagkat siya’y naaliw na tungkol kay Amnon, yamang siya ay patay na.” Dahil napalambot na ng panahon ang tindi ng kanyang kalungkutan, ang kanyang mga iniisip ay nabaling mula sa namatay na anak tungo sa buhay na anak, na lumayas dahil natakot sa nararapat na kaparusahan ng kanyang krimen. At ito raw ang patunay na nang mamatay, ang mahalay at lasing na si Amnon ay kaagad daw na inilipat sa tahanan ng lubos na kaligayahan upang linisin doon at ihanda para sa pakikisama ng mga hindi nagkasalang anghel! Talaga ngang isa itong nakalulugod na kasinungalingan, angkop na angkop na makapagpalugod sa pusong makalaman! Ito ay sariling doktrina ni Satanas, at mahusay nitong gina-gawa ang kanyang gawain. Dapat pa ba tayong magulat na sa ganyang pagtuturo ay dumarami ang kasamaan?ADP 309.2
Ang daang tinatahak ng isang bulaang tagapagturong ito ay naglalarawan sa landasin ng marami pang iba. Ang ilang pananalita ng Kasulatan ay inihihiwalay sa konteksto, na sa maraming pagkakataon ay nagpapakita na ang kahulugan ng mga ito, ay sadyang kabaligtaran pala ng pakahulugang ibinigay rito; at ang ganyang pinaghiwa-hiwalay na mga talata ay pinipilipit at ginagamit na patunay sa mga doktrinang walang batayan sa Salita ng Diyos. Ang patotoong binanggit bilang patunay na ang lasing na si Amnon ay nasa langit na ay isang pala-palagay lamang, na sadyang tinututulan ng maliwanag at positibong pahayag ng Kasulatan na walang maglalasing na magmamana ng kaharian ng Diyos (1 Corinto 6:10). Ganyan ginagawang kasinungalingan ng mga mapagduda, mga walang-paniniwala, at mga mapag-alinlangan ang katotohanan. At napakarami na ang nadaya ng kanilang panlilinlang, at pinatulog sa duyan ng kasiguruhang makalaman.ADP 309.3
Kung totoo nga na ang mga kaluluwa ng lahat ng tao ay lumilipat diretso sa langit sa oras ng kamatayan, di mas maigi pang naisin natin ang mamatay kaysa mabuhay. Marami ang naakay ng paniniwalang ito na tapusin na ang kanilang buhay. Kapag lipos ng problema, kabalisahan, at kabiguan, parang isang madaling bagay ang putulin na ang malutong na hibla ng buhay at lumipad na patungo sa lubusang kaligayahan ng walang-hanggang daigdig.ADP 309.4
Ang Diyos ay nagbigay sa Kanyang Salita ng matibay na patunay na parurusahan Niya ang mga lumalabag sa Kanyang kautusan. Yung mga niloloko ang kanilang sarili, na lubhang napakamaawain daw ng Diyos para magpairal ng katarungan sa mga makasalanan, ay kailangan lamang tumingin sa krus ng Kalbaryo. Ang kamatayan ng walang-dungis na Anak ng Diyos ay nagpapatotoo na “ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan,” na ang bawat paglabag sa kautusan ng Diyos ay dapat tumanggap ng makatwirang kaparusahan nito. Si Cristo na walang-kasalanan ay naging kasalanan dahil sa tao. Kanyang tiniis ang bigat ng pagsalangsang at ang pagkukubli ng mukha ng Kanyang Ama, hanggang sa mawasak ang Kanyang puso at ang Kanyang buhay ay makitil. Ang lahat ng sakripisyong ito ay ginawa upang ang mga makasalanan ay matubos. Wala nang ibang paraan pa para mapalaya ang tao sa parusa ng kasalanan. At ang bawat kaluluwang ayaw maging kabahagi ng katubusang inilaan sa ganon kalaking halaga ay dapat dalhin sa sarili niyang katauhan ang bigat at kaparusahan ng pagsalangsang.ADP 309.5
Pag-aralan natin kung ano pa ang itinuturo ng Biblia tungkol sa mga makasalanan at di-nagsisisi, na inilalagay ng mga Universalista sa langit bilang banal, at masasayang mga anghel.ADP 309.6
“Ang nauuhaw ay Aking paiinumin nang walang bayad sa bukal ng tubig ng buhay” (Apocalipsis 21:6). Ang pangakong ito ay para lamang doon sa mga nauuhaw. Walang iba kundi yung mga nakakadama lamang ng pangangailangan nila sa tubig ng buhay, at hahanapin ito mawala man ang lahat ng bagay, ang siyang bibigyan nito. “Ang magtagumpay ay magmamana ng mga bagay na ito; at Ako’y magiging Diyos niya at siya’y magiging anak Ko” (talatang 7). Dito rin ay tiyakang binabanggit ang mga kondisyon. Upang magmana ng lahat ng bagay, kailangan nating laba-nan at panagumpayan ang kasalanan.ADP 309.7
Sinasabi ng Panginoon sa pamamagitan ni propeta Isaias, “Sabihin ninyo sa matuwid, na iyon ay sa ikabubuti nila.” “Kahabag-habag ang masama! Ikasasama nila iyon, sapagkat ang ginawa ng kanyang mga kamay ay gagawin sa kanya” (Isaias 3:10, 11). “Bagaman ang makasalanan ay gumawa ng kasamaan na makaisandaang ulit,” sabi ng matalinong tao, “at humahaba ang kanyang buhay, gayunma’y tunay na nalalaman ko, na magiging tiwasay para sa mga natatakot sa Diyos, na natatakot sa harapan Niya; ngunit hindi ikabubuti ng masama” (Eclesiastes 8:12, 13). At pinatutunayan ni Pablo na ang makasalanan ay nagtitipon para sa kanyang sarili ng “poot sa araw ng kapootan at pagpapahayag ng matuwid na paghuhukom ng Diyos. Kanyang gagantihan ang bawat tao ayon sa kanyang mga gawa;” “magkakaroon ng hirap at pighati sa bawat kaluluwa ng tao na gumagawa ng kasamaan” (Roma 2:5, 6, 9).ADP 310.1
“Bawat mapakiapid, o mahalay, o sakim, na sumasamba sa mga diyus-diyosan, ay walang mamanahin sa kaharian ni Cristo at ng Diyos” (Efeso 5:5). “Pagsikapan ninyong magkaroon ng kapayapaan sa lahat at ng kabanalan na kung wala nito’y walang sinumang makakakita sa Panginoon” (Hebreo 12:14). “Mapapalad ang mga tumutupad ng Kanyang mga utos, upang sila’y magkaroon ng karapatan sa punungkahoy ng buhay at makapasok sa lunsod sa pamamagitan ng mga pintuan. Nasa labas ang mga aso, mga mangkukulam, mga mapakiapid, mga mamamatay-tao, mga sumasamba sa mga diyus-diyosan, at ang bawat umiibig at gumagawa ng kasinungalingan” (Apocalipsis 22:14, 15, KJV).ADP 310.2
Ang Diyos ay nagbigay sa mga tao ng pahayag tungkol sa Kanyang karakter at sa Kanyang pamamaraan ng pakikitungo sa kasalanan. “Ang Panginoon, isang Diyos na puspos ng kahabagan at mapagpala, hindi magagalitin, at sagana sa wagas na pag-ibig at katapatan, na nag-iingat ng wagas na pag-ibig sa libu-libo, nagpapatawad ng kasamaan, ng pagsuway, at ng kasalanan, ngunit sa anumang paraan ay hindi ituturing na walang sala ang may sala” (Exodo 34:6, 7). “Lahat ng masama ay lilipulin Niya.” “Ang mga sumusuway ay sama-samang pupuksain; ang susunod na lahi ng masama ay puputulin” (Awit 145:20; 37:38). Ang kapangyarihan at awtoridad ng banal na pamahalaan ay gagamitin upang lupigin ang paghihimagsik; subalit lahat ng kapahayagan ng katarungang pangkaparusahan ay ganap na kaayon ng karakter ng Diyos bilang maawain, hindi magagalitin, at mabait na katauhan.ADP 310.3
Hindi pinipilit ng Diyos ang kalooban o pagpapasya ng sinuman. Hindi Siya nalulugod sa pagsunod na parang alipin. Nais Niyang mahalin Siya ng mga nilalang ng Kanyang mga kamay dahil Siya’y karapatdapat na mahalin. Gusto Niyang sundin nila Siya dahil meron silang matalinong pagpapahalaga sa Kanyang karunungan, katarungan, at kabutihang-loob. At ang lahat ng may tamang pagkaunawa sa mga katangiang ito ay magmamahal sa Kanya at napapalapit sa Kanya dahil sa paghanga sa Kanyang mga katangian.ADP 310.4
Ang prinsipyo ng kabutihan, kaawaan, at pag-ibig, na itinuro at inihalimbawa ng ating Tagapagligtas, ay kopya ng kalooban at karakter ng Diyos. Sinabi ni Cristo na wala Siyang itinuturo kundi yun lamang natanggap Niya mula sa Kanyang Ama. Ang mga prinsipyo ng banal na pamamahala ay ganap na kaayon ng alituntunin ng Tagapagligtas na, “Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway” (Mateo 5:44). Ang Diyos ay nagpapairal ng katarungan sa mga masasama para sa kabutihan ng sansinukob, at para sa kabutihan din nung mga dinadalaw ng Kanyang kahatulan. Pasasayahin Niya sila kung magagawa Niya iyon ayon sa mga kautusan ng Kanyang pamahalaan at sa katuwiran ng Kanyang karakter. Pinalilibutan Niya sila ng mga palatandaan ng Kanyang pag-ibig, binibigyan sila ng pagkaalam sa Kanyang kautusan, at sinusundan sila ng mga alok ng Kanyang kaawaan; subalit hinamak nila ang Kanyang pag-ibig, winalang-halaga ang Kanyang kautusan, at tinanggihan ang Kanyang kahabagan. Samantalang patuloy na tumatanggap ng Kanyang mga kaloob, sinisiraan nila ang Tagapagbigay; kinamumuhian nila ang Diyos dahil alam nilang kinasusuklaman Niya ang kanilang mga kasalanan. Ang Panginoon ay matagal nang nagtitiis sa kanilang katigasan ng ulo; subalit ang tiyak na oras ay darating din sa wakas, na ang kanilang kahahantungan ay pagpapasyahan na. Kanya ba ngayong gagapusin sa Kanyang tabi ang mga rebeldeng ito? Pupuwersahin ba Niya sila na gawin ang Kanyang kalooban?ADP 310.5
Yung mga pumili kay Satanas bilang pinuno nila, at kinukontrol ng kanyang kapangyarihan ay hindi handang pumasok sa presensya ng Diyos. Ang pagmamalaki, pandaraya, kahalayan, at kalupitan, ay naging pirmihan na sa kanilang pagkatao. Makakapasok kaya sila sa langit, upang manirahan magpakailanman kasama nung mga hinamak at kinamuhian nila sa lupa? Hindi kailanman magiging kasiya-siya sa mga sinungaling ang katotohanan; hindi makakalugod sa kapalaluan at pagmamalaki ang kaamuan; hindi katanggap-tanggap sa mga makasalanan ang kalinisan; ang walang pag-iimbot na pagmamahal ay hindi kaakit-akit sa mga makasarili. Anong pagmumulan ng kagalakan ang maiaalok ng langit para doon sa mga gumon na gumon sa mga makalupa at pansariling kapakanan?ADP 311.1
Yun bang ang mga buhay ay ginugol sa paghihimagsik laban sa Diyos ay kaagad na malilipat sa langit at masasaksihan ang mataas at banal na kalagayan ng kasakdalan na laging umiiral doon—na bawat kaluluwa’y puspos ng pag-ibig, bawat mukha’y nasisinagan ng kagalakan, may nakakagalak na musika ng matatamis na awiting pumapailanglang para sa kapurihan ng Diyos at ng Kordero, at walang-tigil na agos ng liwanag na dumadaloy sa mga tinubos mula sa mukha Niya na nakaupo sa trono—yun bang ang mga puso ay puno ng pagkamuhi sa Diyos, sa katotohanan, at sa kabanalan ay makakasama doon sa napakaraming tao sa langit at makakasali sa kanilang mga awitan ng papuri? Matatagalan kaya nila ang kaluwalhatian ng Diyos at ng Kordero? Hindi, hindi; marami nang taon ng palugit ang ibinigay sa kanila para sila’y makabuo ng karakter para sa langit; subalit kailanma’y hindi nila sinanay ang kanilang isip na kahiligan ang kalinisan; hindi nila natutunan ang salita ng langit, at ngayo’y huling-huli na. Ang buhay ng paghihimagsik laban sa Diyos ang siyang sa kanila’y nagpaging hindi angkop para sa langit. Ang kalinisan, kabanalan, at kapayapaan nito ay magiging pahirap sa kanila; ang kaluwalhatian ng Diyos ay magiging isang apoy na tumutupok. Hahangarin nilang makatakas sa banal na lugar na iyon. Malugod nilang tatanggapin ang pagkalipol upang sila’y maikubli mula sa mukha Niyang namatay para tubusin sila. Ang kahahantungan ng masasama ay itinatakda ng sarili nilang pagpili. Ang di-pagtanggap sa kanila sa langit ay kusang-loob nila, at katarungan at kahabagan naman sa panig ng Diyos.ADP 311.2
Gaya ng tubig noong Baha, ang apoy ng dakilang araw ay nagpapahayag sa hatol ng Diyos na ang masasama ay wala nang lunas pa. Wala silang hilig na magpasakop sa banal na kapamahalaan. Ang kanilang kalooban ay sinanay sa paghihimagsik; at kapag ang buhay ay tapos na, talagang huli na upang ibaling ang agos ng kanilang isipan sa kabilang direksyon, huling-huli na upang tumalikod sa pagsuway tungo sa pagsunod, sa pagkamuhi tungo sa pagmamahal.ADP 311.3
Sa pagpapaligtas sa buhay ng mamamatay-taong si Cain ay binigyan ng Diyos ang mundo ng isang halimbawa kung ano ang magiging resulta kapag pababayaang mabuhay ang makasalanan upang magpatuloy sa isang pamumuhay ng dimapigilang kasamaan. Sa impluwensya ng turo at halimbawa ni Cain, napakarami sa lahi niya ang naitulak sa pagkakasala, hanggang sa naging “napakasama na ng tao sa lupa, at ang bawat haka ng mga pagiisip ng kanyang puso ay palagi na lamang masama.” “At naging masama ang daigdig sa harapan ng Diyos at ang lupa ay napuno ng karahasan” (Genesis 6:5,11).ADP 311.4
Dahil sa pagkahabag sa sanlibutan, nilipol ng Diyos ang masasamang taong naninirahan dito noong panahon ni Noe. Dahil sa kahabagan, tinupok Niya ang masasamang taga-Sodoma. Sa pamama-gitan ng mapandayang kapangyarihan ni Satanas, natatamo ng mga gumagawa ng kasamaan ang pagdamay at paghanga, at sa gayo’y laging umaakay ng iba sa paghihimagsik. Ganyan ang nangyari noong kapanahunan ni Cain at ni Noe, at noong panahon nina Abraham at Lot; at ganyan din sa ating kapanahunan. Dahil sa kahabagan sa sansinukob kung bakit sa wakas ay lilipulin ng Diyos ang mga di-tumanggap sa Kanyang biyaya.ADP 311.5
“Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan; ngunit ang kaloob ng Diyos na walang bayad ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na Panginoon natin” (Roma 6:23). Samantalang ang mamanahin ng mga matutuwid ay buhay, kamata-yan naman ang kabahagi ng masasama. Sinabi ni Moises sa Israel: “Inilagay ko sa harapan mo sa araw na ito ang buhay at kabutihan, kamatayan at kasamaan” (Deuteronomio 30:15). Ang kamatayang tinutukoy sa mga talatang ito ay hindi yung inihatol kay Adan, sapagkat ang buong sangkatauhan ay dumaranas ng kaparusahan ng kanyang pagsuway. Ito ay ang “ikalawang kamatayan” na inihahambing sa buhay na walang-hanggan.ADP 312.1
Bilang bunga ng kasalanan ni Adan ay dinanas ng buong lahi ng tao ang kamatayan. Ang lahat ay pare-parehong nananaog sa libingan. At sa pamamagitan ng mga paglalaan ng panukala ng kaligtasan, ang lahat ay ibabangon sa kanilang mga libingan. “Magkakaroon ng muling pagkabuhay ng mga matuwid at ng mga hindi matuwid;” “sapagkat kung paanong kay Adan ang lahat ay namamatay, gayundin kay Cristo ang lahat ay bubuhayin” (Gawa 24:15; 1 Corinto 15:22). Ngunit may pagkakaiba ang dalawang klase ng taong ibabangon. “Ang lahat ng nasa libingan ay makakarinig ng Kanyang tinig, at magsisilabas, ang mga gumawa ng mabuti ay tungo sa pagkabuhay na muli sa buhay, at ang mga gumawa ng masama ay tungo sa pagkabuhay na muli sa kahatulan” (Juan 5:28, 29). Silang mga “itinuring na karapat-dapat” sa pagkabuhay na muli sa buhay ay “mapalad at banal.” “Sa mga ito’y walang kapangyarihan ang ikalawang kamatayan” (Apocalipsis 20:6). Ngunit yung mga hindi nagtamo ng kapatawaran, sa pamamagitan ng pagsisisi at pananampalataya, ay dapat tanggapin ang kaparusahan ng kanilang pagsuway—“ang kabayaran ng kasalanan.” Daranas sila ng kaparusahan na may magkakaibang tagal at tindi, “ayon sa kanilang mga gawa,” ngunit sa wakas ay magtatapos din sa ikalawang kamatayan (Apocalipsis 20:12-15; 21:8). At dahil imposible para sa Diyos na iligtas ang makasalanan sa mga pagkakasala niya, alinsunod sa Kanyang katuwiran at kahabagan, pagkakaitan Niya siya ng buhay na naiwala niya dahil sa kanyang mga pagsalangsang, na dito’y pinatunayan niyang hindi siya karapat-dapat. Ang sabi ng isang kinasihang manunulat, “Gayunma’y sandali na lamang, at ang masama ay mawawala na; kahit tingnan mong mabuti ang kanyang lugar, siya ay wala roon” (Awit 37:10). At sinasabi ng isa pa, Sila’y “magiging wari bang sila’y hindi nabuhay” (Obadias 16). Dahil balot ng labis na kasamaan, sila’y lulubog sa walang pagasa’t walang-hanggang pagkalimot.ADP 312.2
Ganyan wawakasan ang kasalanan, pati ang lahat ng kasawian at pagkawasak na ibinunga nito. Ang sabi ng mang-aawit: “Nilipol Mo ang masama, pinawi Mo ang kanilang pangalan magpakailanman. Ang kaaway ay naglaho sa walang hanggang pagkawasak” (Awit 9:5, 6). Si Juan sa Apocalipsis, sa pagtunghay niya sa kalagayan sa walang-hanggan, ay nakarinig ng pandaigdigang awit ng pagpupuri, na hindi ginugulo ng kahit isang sintunadong tunog. Bawat nilalang na nasa langit at nasa lupa, ay narinig na iniuukol ang kaluwalhatian sa Diyos (Apocalipsis 5:13). Kung gayo’y wala nang mga napapahamak na kaluluwang lalapastangan pa sa Diyos, habang namimilipit sa walang-katapusang paghihirap; walang mga napakasamang nilalang sa impiyerno na magtititili kasabay ng pag-aawitan ng mga naligtas.ADP 312.3
Sa ibabaw ng pangunahing kamaliang ito na ang tao’y likas raw na imortal o walang-kamatayan ay nakasalig ang doktrina na ang patay daw ay may-malay— isang doktrina na, gaya ng walang-katapusang paghihirap, ay salungat sa mga itinuturo ng Kasulatan, sa mga idinidikta ng katwiran, at sa mga damdamin nating mga tao. Sang-ayon sa laganap na paniniwalang ito, alam daw ng mga natubos sa langit ang lahat ng nangyayari sa lupa lalo na ang pamumuhay ng mga kaibigan na naiwan nila. Subalit paanong magiging bukal ng kaligayahan ng mga patay ang malaman ang mga kabalisahan ng mga buhay, ang masaksihan ang mga kasalanang ginagawa ng kanilang mga mahal sa buhay, at ang makita silang nagtitiis ng lahat ng kalungkutan, kabiguan, at hirap ng buhay? Gaanong kaligayahan ng langit ang matatamasa nung mga palipad-lipad sa ibabaw ng kanilang mga kaibigan sa lupa? At gaano kalubusang nakakasuklam ang paniniwala na sa sandaling umalis na ang hininga sa katawan, ang kaluluwa ng taong hindi nagsisi ay inihahatid na sa apoy ng impiyerno! Anong lalim ng pagdadalamhating kasasadlakan nung mga nakakakita na ang kanilang mga kaibigan ay namamatay nang hindi handa, para simulan ang walang-hanggang kasawian at kasalanan! Marami ang napadpad sa kabaliwan dahil sa nakapanlulumong isipang ito.ADP 312.4
Ano ba ang sinasabi ng mga Kasulatan tungkol sa mga bagay na ito? Sinasabi ni David na ang tao ay wala nang malay kapag siya’y namatay na. “Ang kanyang espiritu ay humiwalay, siya’y bumabalik sa kanyang lupa; sa araw ding iyon ay naglalaho ang kanyang mga panukala” (Awit 146:4). Ganon din ang patotoo ni Solomon: “Nalalaman ng mga buhay na sila’y mamamatay, ngunit hindi nalalaman ng patay ang anumang bagay.” “Ang kanilang pag-ibig, pagkapoot, at ang pagkainggit ay nawala na, wala na silang anumang bahagi pa magpakailanman sa anumang bagay na nagawa sa ilalim ng araw.” “Walang gawa, kaisipan, kaalaman, ni karunungan man sa Sheol, na iyong patutunguhan” (Eclesiastes 9:5, 6, 10).ADP 313.1
Noong ang buhay ni Hezekias ay pinatagal pa ng 15 taon bilang kasagutan sa kanyang panalangin, ang nagpapasalamat na hari ay nagbigay sa Diyos ng isang parangal na papuri dahil sa Kanyang kahabagan. Sa awit na ito ay sinasabi niya ang dahilan kung bakit siya’y nagagalak nang ganon: “Hindi Ka maaaring pasalamatan ng Sheol [libingan], hindi Ka maaaring purihin ng kamatayan! Silang nagsisibaba sa hukay ay hindi makakaasa sa Iyong katapatan. Ang buhay, ang buhay, siya’y nagpapasalamat sa Iyo, gaya ng ginagawa ko sa araw na ito” (Isaias 38:18, 19). Inilalarawan ng laganap na teolohiya na ang matutuwid na patay daw ay nasa langit na, pumasok na sa lubos na kagalakan, at nagpupuri na sa Diyos sa pamamagitan ng walang-kamatayang dila; subalit si Hezekias ay walang nakikitang ganong maluwalhating pag-asa sa kamatayan. Ang sinabi niya ay sinasang-ayunan ng patotoo ng mang-aawit: “Sa kamatayan ay hindi Ka naaalala; sa Sheol naman ay sinong sa Iyo ay magpupuri pa?” “Ang patay ay hindi pumupuri sa Panginoon, ni sinumang bumababa sa katahimikan” (Awit 6:5; 115:17).ADP 313.2
Si Pedro, noong araw ng Pentecostes, ay nagsabing ang patriyarkang si David “ay namatay at inilibing, at nasa atin ang kanyang libingan hanggang sa araw na ito.” “Sapagkat hindi umakyat si David sa mga langit” (Gawa 2:29, 34). Ang kato-tohanang si David ay nananatili pa rin sa libingan hanggang sa muling pagkabuhay ay nagpapatunay na ang mga matuwid ay hindi pumupunta sa langit kapag namatay. Sa pamamagitan lamang ng pagkabuhay na muli, at sa bisa ng katotohanang si Cristo ay muling nabuhay, na sa wakas si David ay uupo na rin sa kanang kamay ng Diyos.ADP 313.3
At ang sabi ni Pablo, “Kung ang mga patay ay hindi muling binubuhay, si Cristo man ay hindi muling binuhay. Kung si Cristo ay hindi muling binuhay, ang inyong pananampalataya ay walang kabuluhan, kayo’y nananatili pa rin sa inyong mga kasalanan. Kung gayon, ang mga namatay kay Cristo ay napahamak” (1 Corinto 15:1618). Kung sa loob ng lumipas na 4,000 taon ang mga matutuwid ay pumupunta na agad sa langit pagkamatay, paanong nasabi ni Pablo na kung walang pagkabuhay na muli, “ang mga namatay kay Cristo ay napahamak?” Wala nang pagkabuhay na muli pang kakailanganin.ADP 313.4
Ang martir na si Tyndale, kaugnay sa kalagayan ng mga patay, ay nagsabi: “Lantaran kong ipinagtatapat, na ako’y hindi naniniwala na sila’y nasa lubos na kaluwalhatian na, kung saan naroon si Cristo, o ang mga hirang na anghel ng Diyos. Hindi rin ito bahagi ng aking pananampalataya; dahil kung ganon, wala akong nakikita kundi walangkabuluhan ang pangangaral ng tungkol sa pagkabuhay na muli ng katawan.”—William Tyndale, Preface to New Testament (ed. 1534). Muling inilimbag sa British Reformers—Tindal, Frith, Barnes, p. 349.ADP 313.5
Isang katotohanang hindi maitatanggi, na ang pag-asa sa walang-hanggang kaligayahan sa oras ng kamatayan ay naging dahilan ng laganap na pagbale-wala sa doktrina ng Biblia tungkol sa muling pagkabuhay. Ang ugaling ito ay napuna ni Dr. Adam Clarke, na nagsabi: “Ang doktrina ng muling pagkabuhay ay parang mas pinahahalagahan ng mga unang Kristiyano kaysa ngayon! Paano ito nangyari? Palagi itong iginigiit ng mga apostol, at ginigising ang mga tagasunod ng Diyos na magsikap, sumunod, at matuwa sa pamamagitan nito. Ngunit ang mga pumalit sa kanila sa kasalukuyang panahon ay madalang itong nababanggit. Ganon ang ipinangaral ng mga apostol, at ganon din ang pinaniwalaan ng mga unang Kristiyano; ganyan ang ipinangangaral natin, at ganyan din ang pinaniniwalaan ng mga nakikinig sa atin. Wala nang iba pang doktrina sa ebanghelyo ang mas binibigyang-diin kaysa rito; at wala nang ibang doktrina sa sistema ng pangangaral ngayon na mas binabale-wala!”—Commentary, komento sa 1 Corinto 15, parapo 3.ADP 314.1
Ito’y nagpatuloy hanggang ang maluwalhating katotohanan ng muling pagkabuhay ay halos ganap na lumabo at makalimutan ng Sangkakristiyanuhan. Ganito ang sinasabi ng isang nangungunang manunulat sa relihiyon nang magbigay ng kuru-kuro sa mga sinabi ni Pablo sa 1 Tesalonica 4:13-18: “Dahil sa lahat ng praktikal na paghahangad ng kaaliwan, ang anumang kadudadudang doktrina tungkol sa ikalawang pagdating ng Panginoon ay pinapalitan para sa atin ng doktrina ng mapalad na kawalangkamatayan ng mga matuwid. Sa kamatayan natin dumarating ang Panginoon para sa atin. Iyan ang dapat nating hintayin at abangan. Ang mga patay ay nakalipat na sa kaluwalhatian. Hindi na sila naghihintay pa sa tunog ng trumpeta para sa kanilang kahatulan at pagiging mapalad.”ADP 314.2
Ngunit nang iiwanan na ni Jesus ang Kanyang mga alagad ay hindi Niya sinabi sa kanila na di-magtatagal at sila’y pupunta na sa Kanya. “Ako’y paparoon upang ihanda Ko ang lugar para sa inyo? At kung Ako’y pumunta roon at maihanda Ko ang isang lugar para sa inyo, Ako’y babalik at kayo’y tatanggapin Ko sa Aking sarili” (Juan 14:2, 3). At sinasabi pa sa atin ni Pablo na, “ang Panginoon mismo ang bababa mula sa langit na may sigaw, may tinig ng Arkanghel, at may trumpeta ng Diyos, at ang mga namatay kay Cristo ay babangon muna. Pagkatapos, tayong nabubuhay na natitira ay aagawing kasama nila sa mga ulap, upang salubungin ang Panginoon sa papawirin; at sa gayon ay makakapiling natin ang Panginoon magpakailanman.” At kanyang idinagdag, “Mag-aliwan kayo sa isa’t isa ng mga salitang ito” (1 Tesalonica 4:16-18). Anong laki ng pagkakaiba ng pang-aliw na mga salitang ito doon sa mga sinabi ng ministrong Universalista na binanggit natin dati! Ang ministro ay inaliw ang mga naulilang kaibigan sa pamamagitan ng pagsiguro na gaano man naging makasalanan ang namatay nang bawian siya ng hininga dito, ay tatanggapin siya sa kalagitnaan ng mga anghel. Samantalang si Pablo ay itinuturo ang kanyang mga kapatiran sa pagparito ng Panginoon sa hinaharap, kung kailan ang mga tanikala ng libingan ay lalagutin na, at ang mga “namatay kay Cristo” ay ibabangon tungo sa buhay na walang-hanggan.ADP 314.3
Bago makapasok ang sinuman sa tahanan ng mga pinagpala, ang kanilang mga kaso ay dapat munang masiyasat, at ang kanilang likas at gawain ay dapat dumaan sa pagsusuri ng Diyos. Ang lahat ay hahatulan ayon sa mga nakasulat sa mga aklat, at gagantihan ayon sa kanilang mga ginawa. Ang paghuhukom na ito ay hindi nangyayari sa oras ng kamatayan. Tingnan ninyo ang sinabi ni Pablo: “Itinakda Niya ang isang araw kung kailan Niya hahatulan ang sanlibutan ayon sa katuwiran, sa pamamagitan ng Lalaking Kanyang itinalaga, at tungkol dito’y binigyan Niya ng katiyakan ang lahat ng tao, nang Kanyang muling buhayin Siya mula sa mga patay” (Gawa 17:31). Dito’y malinaw na sinasabi ng apostol na isang tiyak na panahon, na noon ay sa hinaharap pa, ang itinakda para hukuman ang sanlibutan.ADP 314.4
Ang panahon ding iyon ang tinutukoy ni Judas: “Ang mga anghel na hindi nag-ingat ng kanilang sariling katungkulan, kundi iniwan ang kanilang sariling tirahan, ay iginapos Niya sa mga tanikalang walang hanggan sa pinakamalalim na kadiliman hanggang sa paghuhukom sa dakilang araw.” At muli’y inulit niya ang sinabi ni Enoc: “Narito, dumating ang Panginoon na kasama ang Kanyang laksa-laksang mga banal, upang igawad ang hatol sa lahat” (Judas 6, 14, 15). Sinasabi ni Juan na nakita niya “ang mga patay, mga dakila at mga hamak, na nakatayo sa harapan ng trono, at binuksan ang mga aklat.... At ang mga patay ay hinatulan ayon sa kanilang mga gawa, ayon sa nakatala sa mga aklat” (Apocalipsis 20:12).ADP 314.5
Ngunit kung ang mga patay ay nagtatamasa na ng lubos na kaligayahan sa langit o kaya’y namimilipit na sa apoy ng impiyerno, bakit kailangan pa ng isang paghuhukom sa hinaharap? Ang mga itinuturo ng Salita ng Diyos tungkol sa mahahalagang paksang ito ay hindi malabo o magkakasalungat; ang mga ito’y kayang maunawaan ng mga karaniwang isipan. Ngunit kaninong tapat na isipan ang makakakita ng karunungan o katuwiran sa kasalukuyang kuru-kuro? Pagkatapos ng pagkakasiyasat sa kanilang mga kaso sa paghuhukom, matatanggap ba ng mga matuwid ang pagbati na, “Magaling! Mabuti at tapat na alipin.... Pumasok ka sa kagalakan ng iyong Panginoon,” samantalang matagal na pala silang naninirahan sa Kanyang harapan, baka napakatagal na panahon na? Ang mga makasalanan ba ay tatawagin mula sa lugar ng pagpapahirap upang tanggapin ang hatol ng Hukom ng buong lupa na, “Lumayo kayo sa Akin, kayong mga sinumpa. Doon kayo sa apoy na walang hanggan” (Mateo 25:21, 41). O, kaydakilang panghahamak! Kahiya-hiyang paninira sa karunungan at katarungan ng Diyos!ADP 315.1
Ang kuru-kuro ng pagiging imortal o walang-kamatayan ng kaluluwa ay isa doon sa mga maling doktrina ng Roma, na nang hiramin sa paganismo, ay isinama sa relihiyon ng Sangkakristiyanuhan. Iniuri ito ni Martin Luther sa “mga mala-halimaw na kasinungalingang bumubuo ng bahagi sa buntunan ng dumi ng mga kautusan ng Roma.”—E. Petavel, The Problem of Immortality, p. 255. Sa pagbibigay-paliwanag sa mga sinabi ni Solomon sa Eclesiastes, na ang mga patay ay walang anumang nalalaman, ay sinabi ng Repormador: “Ito’y isa pang talata na nagpapatunay na ang mga patay ay walang...pakiramdam. Sabi niya’y wala nang tungkulin, walang siyensya, walang kaalaman, walang karunungan doon. Ipinahahayag ni Solomon na ang mga patay ay natutulog, at walang anumang nararamdaman. Dahil nakahiga lang doon ang mga patay, na hindi inaalala ang mga araw o mga taon; ngunit kapag sila’y ginising na, para lang silang nakatulog nang wala pang isang minuto.”—Martin, Luther, Exposition of Solomons Booke Called Ecclesiastes, pahina 152.ADP 315.2
Kahit saan sa Banal na Kasulatan ay walang makikitang pahayag na pagkamatay ay pumupunta na ang mga matuwid sa kanilang gantimpala o ang mga makasalanan sa kanilang kaparusahan. Ang mga patriyarka’t propeta ay hindi nag-iwan ng ganyang katiyakan. Si Cristo at ang Kanyang mga apostol ay hindi man lang ito naipahiwatig. Maliwanag na itinuturo ng Biblia na ang mga patay ay hindi kaagad-agad na pumupunta sa langit. Sila’y inilalarawang natutulog hanggang sa muling pagkabuhay (1 Tesalonica 4:14; Job 14:10-12). Sa mismong araw na ang panaling pilak ay mapatid at ang mangkok na ginto ay mabasag, ang iniisip ng mga tao ay nawawala na (Eclesiastes 12:6). Silang nananaog sa libingan ay payapa. Wala na silang alam pa sa anumang nangyayari sa silong ng araw (Job 14:21). Kaypalad na pamamahinga para sa pagod na mga banal! Ang panahon, matagal man o madali, ay isang saglit lang para sa kanila. Sila’y natutulog; sila’y gigisingin ng trumpeta ng Diyos tungo sa isang maluwalhating kawalang-kamatayan. “Sapagkat ang trumpeta ay tutunog at ang mga patay ay mabubuhay na walang pagkasira.... Subalit kapag itong may pagkasira ay mabihisan ng walang pagkasira at itong may kamatayan ay mabihisan ng walang kamatayan, ay mangyayari ang salitang nasusulat, ‘Ang kamatayan ay nilamon sa pagtatagumpay’ ” (1 Corinto 15:52-55). Kapag sila’y tinawagan na sa kanilang mahimbing na pagkakatulog, sila’y magsisimulang mag-isip kung saan sila napatigil sa pag-iisip. Ang huling pakiramdam ay ang kirot ng kamatayan, ang huling iniisip ay yung pagkahulog nila sa ilalim ng kapangyarihan ng libingan. Kapag bumangon na sila sa libingan, ang kauna-unahan nilang masayang kaisipan ay aalingawngaw sa sigaw ng tagumpay, “O kamatayan, nasaan ang iyong pagtatagumpay? O kamatayan, nasaan ang iyong tibo?” (talatang 55).ADP 315.3