13—Sa Netherlands At Sa Scandinavia
Ang Dakilang Pag-Asa
- Contents- Panimula
- Pagpapakilala
- 1—Ang Pagkawasak Ng Jerusalem
- 2—Pag-uusig Noong mga Unang Dantaon
- 3—Panahon ng Espirituwal na Kadiliman
- 4—Ang mga Waldenses
- 5—Si John Wycliffe
- 6—Sina Huss at Jerome
- 7—Ang Paghiwalay ni Luther sa Roma
- 8—Si Luther sa Harap ng Konseho
- 9—Ang Swiss na Repormador
- 10—Pagsulong ng Reporma sa Germany
- 11—Ang Protesta ng mga Prinsipe
- 12—Ang Repormasyon sa France
- 13—Sa Netherlands At Sa Scandinavia
- 14—Ang mga Huling Repormador na taga-England
- 15—Ang Biblia at ang French Revolution
- 16—Ang mga Pilgrim Fathers
- 17—Mga Tagapagbalita ng Umaga
- 18—Isang Amerikanong Repormador
- 19—Liwanag sa Kadiliman
- 20—Isang Malaking Pagkagising sa Relihiyon
- 21—Isang Babalang Tinanggihan
- 22—Mga Hulang Natupad
- 23—Ano ang Santuwaryo?
- 24—Ang paksa tungkol sa santuwaryo ay
- 25—Ang Kautusan ng Diyos ay Hindi Mababago
- 26—Isang Gawain ng Reporma
- 27—Ang mga Makabagong Rebaybal
- 28—Pagharap sa Talaan ng Buhay
- 29—Ang Pinagmulan ng Kasamaan
- 30—Alitan sa Pagitan ng Tao at ni Satanas
- 31—Ahensya ng Masasamang Espiritu
- 32—Mga Bitag ni Satanas
- 33—Ang Unang Malaking Pandaraya
- 34—Makakausap ba Natin ang mga Patay?
- 35—Nanganganib ang Kalayaan ng Budhi
- 36—Ang Napipintong Labanan
- 37—Ang Kasulatan ay Sanggalang
- 38—Ang Huling Babala
- 39—Ang Panahon ng Kaguluhan
- 40—Iniligtas ang Bayan ng Diyos
- 41—Ang Giba-gibang Lupa
- 42—Ang Tunggalian ay Winakasan
Search Results
- Results
- Related
- Featured
- Weighted Relevancy
- Content Sequence
- Relevancy
- Earliest First
- Latest First
- Exact Match First, Root Words Second
- Exact word match
- Root word match
- EGW Collections
- All collections
- Lifetime Works (1845-1917)
- Compilations (1918-present)
- Adventist Pioneer Library
- My Bible
- Dictionary
- Reference
- Short
- Long
- Paragraph
No results.
EGW Extras
Directory
13—Sa Netherlands At Sa Scandinavia
Sa Netherlands, maaga pa lang ay nagbangon na ng disididong pagtutol ang kalupitan ng papa. Pitong daang taon pa bago ang kapanahunan ni Luther, ang papa sa Roma ay walang-takot nang pinatalsik ng dalawang obispo, noong matuklasan ang tunay na likas ng “banal na pangasiwaan,” matapos na ipadalang embahador sa Roma: Ang Diyos “ay nagkaloob sa Kanyang reyna at asawa, ang iglesya, ng isang marangal at walang-hanggang panustos para sa sambahayan nito, isang bigay-kaya na hindi kumukupas o nabubulok, at binigyan siya ng walang-hanggang korona at setro;...na pawang pinakikinabangan mo kagaya ng pagharang ng isang magnanakaw. Itinatag mo ang iyong sarili sa templo na parang Diyos; sa halip na isang pastol ay nagging lobo ka sa mga tupa;...gusto mo kaming maniwala na ikaw ang kataas-taasang obispo, ngunit ikaw ay mas nag-aasal pang malupit na pinuno.... Dapat sana’y lingkod ka ng mga lingkod, gaya ng tawag mo sa sarili mo, ngunit sinikap mong maging panginoon ng mga panginoon.... Inilagay mo sa kahihiyan ang mga utos ng Diyos.... Ang Banal na Espiritu ang tagapagtatag ng lahat ng iglesya sa buong nasasaklaw ng lupa.... Ang lunsod ng ating Diyos, na dito’y mga mamamayan tayo, ay saklaw ang lahat ng dako sa kalangitan; at ito’y mas malawak kaysa sa lunsod na pinangalanang Babilonia ng mga banal na propeta, na nagpapanggap na banal, na natamo raw ang pagsang-ayon ng langit, at ipinagmamayabang na ang kanyang karunungan ay walang-katapusan; at ang huli, siya raw ay hindi nagkakamali, ni kailanma’y magkakamali, bagaman walang paliwanag.”—Gerard Brandt, History of the Reformation in and About the Low Countries, book 1, p. 6.ADP 139.3
Sa bawat dantaon ay may ibang bumabangon upang ulitin ang protestang ito. At yung mga unang tagapagturo na naglalakbay sa iba’t ibang lupain at nakilala sa iba’t ibang pangalan, na taglay ang katangian ng mga misyonerong Vaudois, at pinalaganap kahit saan ang kaalaman sa ebanghelyo, ay nakapasok sa Netherlands. Ang kanilang mga doktrina ay mabilis na kumalat. Ang Biblia ng mga Waldenses ay isinalin nila sa wikang Dutch. Sinabi nila “na may malaking kapakinabangan dito; walang pagpapatawa, walang katha-katha, walang pagbibiro, walang pandaraya, kundi mga salita ng katotohanan; na talagang dito at doo’y may matigas na balat, ngunit ang kaloob-looban at linamnam ng kung ano ang mabuti at banal ay madaling matutuklasan dito.”—Ibid., b. 1, p. 14. Ganyan ang isinulat ng mga kapanalig ng sinaunang pananampalataya noong ika-12 siglo.ADP 139.4
Nagsimula ngayon ang pang-uusig ng Roma; ngunit sa kabila ng sunugan at ng mga pagpapahirap ang mga mananampalataya ay patuloy na dumami, matatag na ipinapahayag na ang Biblia lamang ang hindi nagkakamaling sanggunian sa relihiyon, at “walang sinumang tao ang dapat na piliting maniwala, kundi dapat na hikayatin sa pamamagitan ng pangangaral.”—Martyn, vol. 2, p. 87.ADP 140.1
Ang mga turo ni Luther ay nakasumpong ng kaangkop na lupa sa Netherlands, at bumangon ang masisigasig at tapat na mga tao upang ipangaral ang ebanghelyo. Mula sa isang probinsya ng Holland ay nanggaling si Menno Simons. Dahil pinag-aral na Romano Katoliko at naordenahan bilang pari, siya’y talagang walang-alam sa Biblia, at ayaw niya itong basahin dahil sa takot na malinlang ng erehiya. Nang ang pag-aalinlangan hinggil sa doktrina ng transubstantiation (na yung tinapay at alak, tuwing misa, ay nagiging aktuwal na katawan at dugo ni Cristo) ay nagpupumilit sa kanya, inisip niyang ito’y isang tuksong galing kay Satanas, kaya’t sa pamamagitan ng pananalangin at pangungumpisal ay sinikap niyang maalis ito sa kanya; ngunit walang nangyari. Sa pamamagitan ng pakikihalubilo sa mga lugar ng paglilibang ay sinikap niyang patahimikin ang nag-aakusang tinig ng konsensya; ngunit wala rin itong nagawa. Pagkaraan ng ilang panahon ay naakay siyang pag-aralan ang Bagong Tipan, at ito, pati na ang mga sinulat ni Luther, ay naging dahilan upang tanggapin niya ang bagong pananampalataya. Hindi nagtagal ay nakasaksi siya sa karatig nayon ng pagpugot sa isang tao na papatayin dahil sa muling pagpapabautismo. Ito ang nagtulak sa kanya na pag-aralan ang Biblia tungkol sa pagbabautismo ng mga sanggol. Wala siyang makitang katibayan para dito mula sa Kasulatan, kundi nakita niya na kahit saan, ang pagsisisi at pananampalataya ay kinakailangan bilang kondisyon sa pagtanggap ng bautismo.ADP 140.2
Si Menno ay humiwalay sa Simbahang Romano at itinalaga ang kanyang sarili sa pagtuturo ng mga katotohanang natanggap niya. Parehong sa Germany at sa Netherlands ay may lumitaw na mga grupo ng panatiko, na nagtataguyod ng mga kakaiba at mapanghimagsik na doktrina, na hinahamak ang kaayusan at katinuan, at nagsisimula ng karahasan at rebelyon. Nakita ni Menno ang mga nakakatakot na resultang tiyak na kahahantungan ng mga kilusang ito, at walang-pagod niyang tinutulan ang mga maling aral at kakaibang pakana ng mga panatikong ito. Gayunma’y marami na sa mga nailigaw ng mga panatikong ito ang tumalikod na rin sa mga mapaminsalang aral nila; at marami pa ring natitirang mga anak ng lahing mula sa mga sinaunang Kristiyano, mga bunga ng aral ng mga Waldenses. Sa mga taong ito si Menno ay naglingkod nang may malaking sigasig at tagumpay.ADP 140.3
Sa loob ng 25 taon, siya ay naglakbay kasama ang kanyang asawa at mga anak, na nagtitiis ng maraming hirap at kasalatan, at kadalasa’y nanganganib ang kanyang buhay. Binagtas niya ang Netherlands at ang hilagang Germany, na naglilingkod lalo na sa mas hamak na mga tao, ngunit nagkakaroon ng laganap na impluwensya. Palibhasa’y likas na mahusay magsalita, bagaman limitado ang pinag-aralan, siya’y isang taong may matatag na integridad, may mababang kalooban at magandang ugali, at may tapat at maalab na kabanalan, na inihahalimbawa sa sarili niyang buhay ang mga alituntuning itinuturo niya, kaya’t nakuha niya ang pagtitiwala ng mga tao. Ang kanyang mga tagasunod ay kalatkalat at inaapi. Sila’y nagtiis nang lubha dahil napapagkamalang mga panatikong Musterite. Ngunit marami ang nahikayat dahil sa kanyang mga paggawa.ADP 140.4
Wala nang ibang lugar na mas laganap na tumanggap sa mga bagong doktrina kaysa sa Netherlands. May iilang bansa lang talaga na mas matindi ang pag-uusig na dinanas ng mga tagasunod nito. Sa Germany ay ipinagbawal ni Charles V ang Repormasyon, at gusto niyang sunugin ang lahat ng tagasunod nito; ngunit ang mga prinsipe ay tumayo upang maging hadlang sa kanyang kalupitan. Sa Netherlands ay mas malakas ang kanyang kapangyarihan, at ang mga mapang-usig na kautusan ay mabilis na nagsunud-sunod. Ang magbasa ng Biblia, ang makinig o mangaral nito, o kahit magsalita tungkol dito ay mahaharap sa parusang kamatayan sa pamamagitan ng pagsunog. Ang lihim na manalangin sa Diyos, ang hindi pagyuko sa mga imahen, o ang pag-awit ng awitin ng papuri ay kamatayan din ang kaparusahan. At kahit yung mga nagtatakwil sa kanilang pagkakamali ay pinarurusahan pa rin, kapag lalaki, ay pinapatay sa taga; kapag babae ay inililibing nang buhay. Libu-libo ang namatay sa ilalim ng paghahari ni Charles at ni Philip II.ADP 141.1
Minsan, isang buong pamilya ang dinala sa harapan ng mga tagausig, na isinakdal ng hindi pagdalo sa misa, at pagsasagawa ng pagsamba sa kanilang tahanan. Sa pagsisiyasat tungkol sa kanilang lihim na ginagawa, ang pinakabunsong anak ay sumagot, “Kami’y lumuluhod, at nananalangin na nawa’y liwanagan ng Diyos ang aming isipan at patawarin ang aming mga kasalanan; idinadalangin namin ang aming mahal na hari, na sana’y maging maunlad ang kanyang paghahari at maging masaya ang kanyang buhay; idinadalangin namin ang aming mga mahistrado na sana’y ingatan sila ng Diyos.”—Wylie, b. 18, ch. 6. Ang iba sa mga hukom ay nakilos nang malalim, ngunit ang ama pati na ang isa sa kanyang mga anak ay hinatulan pa ring sunugin.ADP 141.2
Ang pagngangalit ng pag-uusig ay tinumbasan ng pananampalataya ng mga martir. Hindi lamang mga lalaki, kundi pati mga pinong kababaihan at mga dalaga ang nagpakita ng matibay na tapang ng loob. “Ang mga asawang babae ay tumatayo sa tabi ng asawa nilang sinusunog, at habang tinitiis niya ang apoy, sila’y bubulong ng mga salitang pang-aliw, o kaya’y aawit ng mga awitin ng papuri sa Diyos upang siya’y pasayahin.” “Ang mga dalaga ay nahihiga nang buhay sa paglilibingan sa kanila na para bang pumapasok sa kanilang silidtulugan sa gabi; o kaya’y pumupunta sa bitayan at sa apoy na nakasuot ng pinakamaganda nilang damit na para bang pupunta sila sa kanilang kasal.”—Ibid., b. 18, ch. 6.ADP 141.3
Gaya noong panahong sikaping lipulin ng paganismo ang ebanghelyo, ang dugo ng mga Kristiyano ay binhi (Tingnan ang sinulat ni Tertullian, Apology, parapo 50.). Ang pag-uusig ay nakatulong na paramihin ang bilang ng mga saksi para sa katotohanan. Taun-taon ang hari na lalong ginagalit ng di-magaping determinasyon ng mga tao, ay pinatitindi pa ang kanyang malupit na gawain; ngunit wala ring nangyari. Sa pamumuno ng maharlikang si William na taga-Orange, ang Rebolusyon sa wakas ay nagdala sa Holland ng kalayaang sumamba sa Diyos.ADP 141.4
Sa kabundukan ng Piedmont, sa mga kapatagan ng France at sa mga baybayin ng Holland, ang pagsulong ng ebanghelyo ay tinatakan ng dugo ng mga alagad nito. Ngunit sa mga bansa sa Hilaga, ito’y nakapasok nang mapayapa. Ang mga estudyante ng Wittenberg, pag-uwi sa kanilang mga tahanan, ay dinala ang bagong pananampalataya sa Scandinavia. Ang pagkakalathala ng mga sinulat ni Luther ay nagpakalat din sa liwanag. Ang mga simple at matatapang na mamamayan ng Hilaga ay tumalikod sa katiwalian, karangyaan, at sa mga pamahiin ng Roma, upang malugod na tanggapin ang kalinisan, ang kasimplihan, at nagbibigay-buhay na mga katotohanan ng Biblia.ADP 141.5
Si Tausen, na “Repormador ng Denmark” ay anak ng isang magbubukid. Maaga pa lang ay kinakitaan na ang batang ito ng matinding katalinuhan; kinauhawan niya ang edukasyon; ngunit ito’y naipagkait sa kanya dahilan sa kalagayan ng kanyang mga magulang, kaya’t siya’y pumasok sa kumbento. Dito’y nakuha ng kalinisan ng kanyang buhay, pati na ng kanyang kasipagan at katapatan, ang loob ng kanyang superyor. Ang pagsusuri ay nagpapakita na siya’y nagtataglay ng talento na may pagasang sa hinaharap ay magiging mabuting paglilingkod sa simbahan. Napagpasyahan na siya’y papag-aralin sa isang unibersidad sa Germany o sa Netherlands. Ang kabataang mag-aaral ay pinayagang pumili ng papasukan niyang paaralan sa isang kondisyon, na siya’y hindi mag-aaral sa Wittenberg. Ang iskolar na ito ng simbahan ay hindi dapat manganib sa lason ng erehiya. Iyan ang sabi ng mga prayle.ADP 141.6
Si Tausen ay pumasok sa Cologne, na noon, gaya rin ngayon ay isa sa mga kuta ng Romanismo. Dito hindi katagalan ay nagsawa siya sa mga kahiwagaan ng mga tagapagturo sa paaralan. Halos noong panahon ding iyon siya nakakuha ng mga isinulat ni Luther. Binasa niya ito nang may pagkamangha at kasiyahan, at labis na hinangad na matamasa ang personal na pagtuturo ng Repormador na ito. Ngunit bago magawa ito, kailangan muna niyang isapanganib na bigyan ng sama ng loob ang kanyang superyor sa monasteryo, at mawalan ng tutulong sa kanya. Kaagad din siyang nagpasya, at di-nagtagal siya’y nagpatala bilang estudyante sa Wittenberg.ADP 142.1
Pagbalik sa Denmark, siya’y muling pumunta sa kumbento niya. Wala pa ring naghihinala na siya ay isa nang Lutheran; hindi niya inihayag ang kanyang lihim, kundi siya’y nagsikap na akayin ang kanyang mga kasamahan sa mas malinis at mas banal na pamumuhay nang hindi napupukaw ang kanilang ibang mga iniisip. Binuksan niya ang Biblia, at ipinaliwanag ang tunay na kahulugan nito, at sa wakas ay ipinangaral sa kanila si Cristo bilang Siyang katuwiran ng makasalanan at ang tangi niyang pag-asa sa kaligtasan. Labis ang galit ng mga ito, na labis pa namang umasa na siya’y magiging magi ting na tagapagtanggol ng Roma. Kaagad siyang inalis sa sarili niyang monasteryo, at ikinulong siya sa kanyang selda at mahigpit na binantayan.ADP 142.2
Laking takot ng mga bagong tagapagbantay niya nang di-katagalan ay ilan sa mga monghe ang nagsabing sila’y nahikayat na ng Protestantismo. Mula sa mga rehas ng kanyang selda ay ipinabatid ni Tausen sa kanyang mga kasamahan ang kaalaman sa katotohanan. Kung bihasa lang sana ang mga paring iyon na taga-Denmark sa panukala ng simbahan ukol sa pakikitungo sa erehiya, hindi na sana muling narinig pa ang tinig ni Tausen; ngunit sa halip na ilagay siya sa isang libingan sa isang lihim na bilangguan sa ilalim ng lupa, itiniwalag nila siya sa monasteryo. At ngayon ay wala na silang magagawa. Isang batas ng hari na kalalabas pa lamang ang nagbibigay ng proteksyon sa mga tagapagturo ng bagong doktrina. Si Tausen ay nagsimulang mangaral. Ang mga simbahan ay binuksan para sa kanya, at ang mga tao ay nagdagsaan para makinig. Ang iba ay nangangaral din ng Salita ng Diyos. Ang Bagong Tipan na isinalin sa wika ng Denmark ay malawakang ipinamahagi. Ang mga pagsisikap na ginawa ng mga makapapa upang pabagsakin ang gawain ay nagresulta sa pagkakalaganap nito, at di-nagtagal ay inihayag ng Denmark ang pagtanggap nito sa bagong pananampalataya.ADP 142.3
Pati sa Sweden, ang mga kabataang nakainom sa bukal ng Wittenberg ay dinala ang tubig ng buhay sa kanilang mga kababayan. Dalawa sa mga lider ng Repormasyon sa Sweden na sina Olaf at Laurentius Petri, mga anak ng isang panday na taga-Orebro, ay nakapag-aral sa klase nina Luther at Melanchthon, at ang mga katotohanang natutunan nila dahil dito ay masikap nilang itinuro. Gaya ng dakilang Repormador, ginising ni Olaf ang mga tao sa pamamagitan ng kanyang sigasig at galing sa pagsasalita, habang si Laurentius naman, gaya ni Melanchthon ay matalino, mapag-isip, at mahinahon. Pareho silang may maalab na kabanalan, may matataas na naabot sa teolohiya, at may matibay na tapang ng loob sa pagpapasulong ng katotohanan. Hindi nawala ang pagtutol ng mga makapapa. Sinulsulan ng mga paring Katoliko ang mga walang-alam at mapamahiing mga tao. Si Olaf Petri ay madalas na dinadaluhong ng mga tao, at ilang pagkakataon na ring bahagya na siyang nakatakas nang buhay. Subalit ang mga Repormador ay pinapanigan at pinuprotektahan ng hari.ADP 142.4
Sa ilalim ng pamumuno ng Simbahang Romano, ang mga tao ay nalubog sa kahirapan, at pinagmalupitan pa ng pang-aapi. Sila’y salat sa Kasulatan; at dahil ang relihiyon nila ay panay pag-aantanda at seremonya lang, na walang inihahatid na liwanag sa isipan, sila’y pabalik nang pabalik sa mga mapamahiing paniniwala at mga paganong kaugalian ng mga pagano nilang ninuno. Ang bansa ay nahati sa mga naglalaban-labang pangkat, na ang walang-tigil na pag-aaway ay lalo pang dumagdag sa paghihirap ng lahat. Ang hari ay nagpasyang magkaroon ng reporma sa pamahalaan at sa simbahan, at malugod niyang tinanggap ang magagaling na katulong na ito sa pakikipaglaban sa Roma.ADP 142.5
Sa harapan ng hari at ng mga nangungunang tao sa Sweden, may matinding kahusayang ipinagtanggol ni Olaf Petri ang aral ng bagong pananampalataya laban sa mga tagapagtanggol ng Roma. Ipinahayag niya na ang mga turo ng mga Church Father ay dapat lamang tanggapin kung ito’y kaayon ng Kasulatan; na ang mahahalagang doktrina ng pananampalataya ay inilalahad sa Biblia sa isang malinaw at simpleng pamamaraan, upang ang mga ito’y maunawaan ng lahat ng tao. Ang sabi ni Cristo, “Ang turo Ko ay hindi Akin, kundi sa Kanya na nagsugo sa Akin” (Juan 7:16); at sinabi ni Pablo na kung siya ay mangangaral ng ibang ebanghelyo maliban doon sa kanyang tinanggap ay sumpain nawa siya (Galatia 1:8). “Paano kung gayon,” sabi ng Repormador, “na ang iba ay nangangahas na magpatibay ng mga aral sa sarili nilang kagustuhan, at ipagpilitan na ito’y mga bagay na kailangan sa kaligtasan?”—Wylie, b. 10, ch. 4. Ipinakita niya na ang mga utos ng simbahan ay walang kapamahalaan kapag ang mga ito’y salungat sa mga utos ng Diyos, at iginiit ang dakilang prinsipyo ng Protestantismo na “ang Biblia at Biblia lamang,” ang siyang tuntunin ng pananampalataya at pamumuhay.ADP 143.1
Ang labanang ito, bagaman idinaos sa isang medyo hindi gaanong tanyag na tanghalan ay nagpapakita sa atin “kung anong uri ng mga tao ang bumubuo sa mga karaniwang kaanib ng hukbo ng mga Repormador. Hindi sila mga taong walang pinag-aralan, makitid ang isip, at maiingay na nakikipagtalo—ibang-iba dito; sila’y mga taong nag-aral ng Salita ng Diyos, at alam na alam kung paano gagamitin ang mga sandatang ibinigay ng Kasulatan. Pagdating sa karunungan sila ay nauuna sa kanilang panahon. Kung itutuon natin ang ating atensyon sa mga sentro ng karunungan gaya ng Wittenberg at Zurich, at sa mga tanyag na pangalan gaya nina Luther at Melanchthon, nina Zwingli at Oecolampadius, malamang na sabihin sa atin na ang mga ito’y lider ng kilusan, at natural lang na asahan natin sa kanila ang kahanga-hangang kapangyarihan at malawak na nakamtan; pero ang mga tagasunod daw ay hindi kagaya ng mga ito. Kung ganon, bumaling tayo sa hindi gaanong tanyag na tanghalan ng Swe-den, at sa mga hamak na pangalang Olaf at Laurentius Petri—baling tayo mula sa mga pinuno tungo sa mga alagad—at ano ang ating makikita?... Mga iskolar at mga teologo; mga tao na talagang nagpakadalubhasa sa buong sistema ng katotohanan ng ebanghelyo, at madaling nagtagumpay sa mga mapanlinlang na pangangatwiran ng mga paaralan at ng mga matataas na pinuno ng Roma.”—Ibid., b. 10, ch. 4.ADP 143.2
Bilang bunga ng pagtatalong ito, tinanggap ng hari ng Sweden ang pananampalatayang Protestante, at di-nagtagal pagkatapos nito, ang pambansang kapulungan ay nagdeklara rin sa panig nito. Ang Bagong Tipan ay naisalin na ni Olaf Petri sa wika ng Sweden, at sa kagustuhan ng hari ay isinagawa ng magkapatid ang pagsasalin sa buong Biblia. Kaya’t sa kauna-unahang pagkakataon ay natanggap ng mga mamamayan ng Sweden ang Salita ng Diyos sa sarili nilang wika. Ipinag-utos ng Konseho na sa buong kaharian ay ipaliwanag ng mga ministro ang Kasulatan at ang mga bata sa paaralan ay turuang bumasa ng Biblia.ADP 143.3
Patuloy at may katiyakang pinawi ng pinagpalang liwanag ng ebanghelyo ang kadiliman ng kawalang-alam at pagkamapamahiin. Nang makalaya na sa pagpapahirap ng Roma, ang bansa ay nakaabot sa tatag at katanyagang hindi pa nito narating dati. Ang Sweden ay naging isa sa mga muog ng Protestantismo. Pagkaraan ng isang dantaon, noong panahon ng pinakamatinding panganib, ang maliit at hanggang ngayon ay mahinang bansang ito—ang kaisa-isahang bansa sa Europa na naglakas-loob na tumulong—ay sumaklolo sa Germany sa matinding pagpupunyagi sa Thirty Years’ War. Ang buong Hilagang Europa ay parang malapit nang mapasailalim uli sa kalupitan ng Roma. Ang mga sundalo ng Sweden ang tumulong sa Germany na baligtarin ang tagumpay ng kapapahan, na kamtin ang kalayaan para sa mga Protestante—para sa mga Calvinist at ganon din sa mga Lutheran—at ibalik ang kalayaan ng budhi doon sa mga bansang tumanggap sa Repormasyon.ADP 143.4