25—Ang Kautusan ng Diyos ay Hindi Mababago
Ang Dakilang Pag-Asa
- Contents- Panimula
- Pagpapakilala
- 1—Ang Pagkawasak Ng Jerusalem
- 2—Pag-uusig Noong mga Unang Dantaon
- 3—Panahon ng Espirituwal na Kadiliman
- 4—Ang mga Waldenses
- 5—Si John Wycliffe
- 6—Sina Huss at Jerome
- 7—Ang Paghiwalay ni Luther sa Roma
- 8—Si Luther sa Harap ng Konseho
- 9—Ang Swiss na Repormador
- 10—Pagsulong ng Reporma sa Germany
- 11—Ang Protesta ng mga Prinsipe
- 12—Ang Repormasyon sa France
- 13—Sa Netherlands At Sa Scandinavia
- 14—Ang mga Huling Repormador na taga-England
- 15—Ang Biblia at ang French Revolution
- 16—Ang mga Pilgrim Fathers
- 17—Mga Tagapagbalita ng Umaga
- 18—Isang Amerikanong Repormador
- 19—Liwanag sa Kadiliman
- 20—Isang Malaking Pagkagising sa Relihiyon
- 21—Isang Babalang Tinanggihan
- 22—Mga Hulang Natupad
- 23—Ano ang Santuwaryo?
- 24—Ang paksa tungkol sa santuwaryo ay
- 25—Ang Kautusan ng Diyos ay Hindi Mababago
- 26—Isang Gawain ng Reporma
- 27—Ang mga Makabagong Rebaybal
- 28—Pagharap sa Talaan ng Buhay
- 29—Ang Pinagmulan ng Kasamaan
- 30—Alitan sa Pagitan ng Tao at ni Satanas
- 31—Ahensya ng Masasamang Espiritu
- 32—Mga Bitag ni Satanas
- 33—Ang Unang Malaking Pandaraya
- 34—Makakausap ba Natin ang mga Patay?
- 35—Nanganganib ang Kalayaan ng Budhi
- 36—Ang Napipintong Labanan
- 37—Ang Kasulatan ay Sanggalang
- 38—Ang Huling Babala
- 39—Ang Panahon ng Kaguluhan
- 40—Iniligtas ang Bayan ng Diyos
- 41—Ang Giba-gibang Lupa
- 42—Ang Tunggalian ay Winakasan
Search Results
- Results
- Related
- Featured
- Weighted Relevancy
- Content Sequence
- Relevancy
- Earliest First
- Latest First
- Exact Match First, Root Words Second
- Exact word match
- Root word match
- EGW Collections
- All collections
- Lifetime Works (1845-1917)
- Compilations (1918-present)
- Adventist Pioneer Library
- My Bible
- Dictionary
- Reference
- Short
- Long
- Paragraph
No results.
EGW Extras
Directory
25—Ang Kautusan ng Diyos ay Hindi Mababago
“At nabuksan ang templo ng Diyos na nasa langit at nakita sa Kanyang templo ang kaban ng Kanyang tipan” (Apocalipsis 11:19). Ang kaban ng tipan ng Diyos ay nasa kabanal-banalang dako, sa ikalawang silid ng santuwaryo. Sa paglilingkod sa tabernakulo sa lupa, na naglilingkod “sa anyo at anino ng mga makalangit na bagay” (Hebreo 8:5), ang silid na ito ay binubuksan lamang sa dakilang Araw ng Pagtubos para sa paglilinis ng santuwaryo. Samakatuwid ang pagbibigay-alam na ang templo ng Diyos ay nabuksan sa langit at nakita ang kaban ng Kanyang tipan ay tumutukoy sa pagbubukas ng kabanal-bana-lang dako ng santuwaryo sa langit noong 1844, nang si Cristo ay pumasok doon upang isagawa ang pangwakas na gawain ng pagtubos. Yung mga taong sa pananampalataya’y sumunod sa kanilang dakilang Punong Pari habang sinisimulan Niya ang Kanyang paglilingkod sa kabanal-banalang dako, ay namasdan ang kaban ng Kanyang tipan. Sa kanilang pag-aaral sa paksa ng santuwaryo ay naunawaan nila ang pagpapalit ng paglilingkod ng Tagapagligtas, at nakita nila na Siya ngayo’y naglilingkod na sa harapan ng kaban ng Diyos, na isinasamo ang Kanyang dugo para sa mga makasalanan.ADP 249.1
Ang kaban ng tabernakulo sa lupa ay naglalaman ng dalawang tapyas na bato, na doo’y nakaukit ang mga alituntunin ng kautusan ng Diyos. Ang kaban ay isang lalagyan lamang ng mga tapyas ng kautusan, at ang presensya ng mga banal na alituntuning ito ang siyang nagbigay ng halaga at kabanalan dito. Nang mabuksan ang templo ng Diyos sa langit, ang kaban ng Kanyang tipan ay nakita. Sa loob ng kabanalbanalang dako sa santuwaryo sa langit ay nakatabi ang banal na kautusan—ang kautusang sinalita mismo ng Diyos sa gitna ng mga kulog doon sa Sinai, at isinulat ng sarili Niyang daliri sa mga tapyas na bato.ADP 249.2
Ang kautusan ng Diyos sa santuwaryo sa langit ay siyang dakilang orihinal, kung saan ang mga alituntuning iniukit sa mga tapyas na bato, at isinulat ni Moises sa Pentateuch ay isang walang-maling kopya nito. Yung mga nakaunawa sa mga mahalagang puntong ito ay nakita sa gayon ang banal at hindi nagbabagong likas ng banal na kautusan. Ngayon lang nila nakita ang tindi ng mga sinabi ng Tagapagligtas na, “Hanggang sa mawala ang langit at lupa, ang isang tuldok o isang kudlit ay hindi mawawala sa kautusan” (Mateo 5:18). Ang kautusan ng Diyos bilang kapahayagan ng Kanyang kalooban, at kopya ng Kanyang karakter, ay dapat manatili magpakailanman bilang isang “tapat na saksi sa langit” (Awit 89:37). Wala ni isa mang utos na pinawalang-bisa; wala ni isang tuldok o kudlit ang binago. Ang sabi ng mang-aawit: “Magpakailanman, O Panginoon, ang Iyong Salita ay natatag sa langit.” “Ang lahat Niyang mga tuntunin ay mapagkakatiwalaan, ang mga iyon ay itinatag magpakailanpaman” (Awit 119:89; 111:7, 8).ADP 249.3
Sa pinakadibdib ng Sampung Utos ay naroon ang ikaapat na utos ayon sa unang pagkakapahayag dito: “Alalahanin mo ang araw ng Sabbath, upang ingatan itong banal. Anim na araw kang gagawa at iyong gagawin ang lahat ng iyong gawain; ngunit ang ikapitong araw ay Sabbath sa Panginoon mong Diyos. Sa araw na ito ay huwag kang gagawa ng anumang gawain, ikaw o ang iyong anak na lalaki, ang iyong anak na babae, ang iyong aliping lalaki, ang iyong aliping babae, ang iyong mga baka, ang dayuhang nasa loob ng iyong mga pintuan; sapagkat sa loob ng anim na araw ay ginawa ng Panginoon ang langit at lupa, ang dagat, at lahat ng naroroon, at nagpahinga sa ikapitong araw; kaya’t binasbasan ng Panginoon ang araw ng Sabbath, at ginawa itong banal” (Exodo 20:8-11).ADP 249.4
Kinilos ng Espiritu ng Diyos ang mga puso nung mga nag-aaral na iyon ng Kanyang Salita. Iginiit sa kanila ang kumbiksyon na walang kamalay-malay na pala nilang nilalabag ang utos na ito sa pama-magitan ng di-pagpapahalaga sa araw ng kapahingahan ng Lumikha. Sinimulan nilang siyasatin ang mga dahilan kung bakit ipinangingilin ang unang araw sa halip na ang araw na binanal ng Diyos. Wala silang makitang patunay sa Kasulatan na ang ikaapat na utos ay pinawi na, o ang Sabbath ay binago na; ang pagpapala na unang nagpabanal sa ikapitong araw ay hindi kailanman inalis. Matagal na silang tapat na nagsisikap upang malaman at gawin ang kalooban ng Diyos; ngayon, nang makita nilang sila’y manlalabag ng Kanyang kautusan, ang kanilang mga puso ay napuno ng kalungkutan, at ipinakita nila ang kanilang katapatan sa Diyos sa pamamagitan ng pagpapanatiling banal sa Kanyang Sabbath.ADP 250.1
Marami at masisigasig ang mga pagsisikap na ginawa para pabagsakin ang kanilang pananampalataya. Walang sinuman ang hindi makakaunawa na kung ang santuwaryo sa lupa ay simbolo o halimbawa ng nasa langit, ang kautusang nakalagay sa loob ng kaban sa lupa ay isang tumpak na kopya ng kautusang nasa loob ng kaban sa langit; at kasama ng pagtanggap sa katotohanang tungkol sa santuwaryo sa langit ay ang pagkilala sa mga hinihingi ng kautusan ng Diyos at sa obligasyon ng tao sa Sabbath ng ikaapat na utos. Narito ang lihim ng matindi at determinadong pagsalungat sa magkakatugmang paliwanag ng mga Kasulatang nagbubunyag sa paglilingkod ni Cristo sa santuwaryo sa langit. Sinikap ng mga tao na isara ang pintuang binuksan ng Diyos, at buksan ang pintuang isinara Niya. Subalit Siyang “nagbubukas at hindi maisasara ng sinuman, na nagsasara at walang makakapagbukas,” ay nagsabi, “Tingnan mo, inilagay Ko sa harapan mo ang isang pintong bukas, na hindi maisasara ng sinuman” (Apocalipsis 3:7, 8). Binuksan ni Cristo ang pintuan, o ang paglilingkod sa kabanal-banalang dako, sumisikat ang liwanag mula sa bukas na pintuang iyon ng santuwaryo sa langit, at ang ikaapat na utos ay makikitang kasama sa kautusang nakadambana roon; kung ano ang itinatag ng Diyos, ay di kayang pabagsakin ng sinumang tao.ADP 250.2
Yung mga tumanggap sa liwanag tungkol sa pamamagitan ni Cristo at sa pamamalagi ng kautusan ng Diyos, ay natuklasang ito ang mga katotohanang inihahayag sa Apocalipsis 14. Ang mga mensahe sa kapitulong ito ay binubuo ng babalang may tatlong bahagi (Tingnan ang Apendiks), na siyang maghahanda sa mga naninira-han sa lupa para sa ikalawang pagparito ng Panginoon. Ang pahayag na, “Dumating na ang oras ng Kanyang paghuhukom,” ay tumutukoy sa pangwakas na gawain ng paglilingkod ni Cristo para sa kaligtasan ng mga tao. Ibinabalita nito ang isang katotohanang dapat maipahayag hanggang ang pamamagitan ng Tagapagligtas ay matapos na, at Siya’y babalik na sa lupa upang tanggapin ang Kanyang bayan sa Kanyang sarili. Ang gawain ng paghuhukom na nagsimula noong 1844 ay kailangang magpatuloy hanggang ang mga kaso ng lahat ay mapagpasyahan, parehong ng mga buhay at ng mga patay; kaya’t ito’y aabot hanggang sa pagsasara ng palugit sa tao. Upang ang mga tao’y maging handang tumayo sa paghuhukom, iniuutos sa kanila ng mensahe na “matakot sa Diyos, at magbigayluwalhati sa Kanya,” “at sambahin Siya na gumawa ng langit, ng lupa, ng dagat, at ng mga bukal ng tubig.” Ang resulta ng pagtanggap sa mga mensaheng ito ay ibinigay sa mga salitang, “Narito ang. . .mga tumutupad sa mga utos ng Diyos, at humahawak nang matatag sa pananampalataya ni Jesus” (Apocalipsis 14:12). Upang maging handa sa paghuhukom, kinakailangang tuparin ng mga tao ang kautusan ng Diyos. Ang kautusang iyon ang magiging pamantayan ng karakter sa paghuhukom. Sinasabi ni apostol Pablo, “Ang lahat ng nagkasala sa ilalim ng kautusan ay sa kautusan hahatulan...sa araw na hahatulan ng Diyos ang mga lihim ng mga tao...sa pamamagitan ni Jesu-Cristo.” At sinasabi niya na “ang tumutupad sa kautusan ay aariing-ganap” (Roma 12:12-16). Ang pananampalataya ay lubhang kailangan upang matupad ang kautusan ng Diyos; sapagkat “kung walang pananampalataya ay hindi maaa- ring kalugdan ng Diyos” (Hebreo 11:6). At “ang anumang hindi batay sa pananampalataya ay kasalanan” (Roma 14:23).ADP 250.3
Sa pamamagitan ng unang anghel, ang mga tao ay tinatawagang “matakot sa Diyos, at magbigay-luwalhati sa Kanya,” at sambahin Siya bilang Lumikha ng langit at ng lupa. Upang magawa ito, dapat nilang sundin ang Kanyang kautusan. Ang sabi ng matalinong tao, “Matakot ka sa Diyos, at sundin mo ang Kanyang mga utos; sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao” (Eclesiastes 12:13). Kung walang pagsunod sa Kanyang mga utos, wala ring pagsambang magiging kalugud-lugod sa Diyos. “Ito ang pag-ibig sa Diyos, na ating tuparin ang Kanyang mga utos” (1 Juan 5:3). “Ang naglalayo ng kanyang pandinig sa pakikinig ng kautusan, maging ang kanyang panalangin ay karumaldumal” (Kawikaan 28:9).ADP 251.1
Ang tungkuling sambahin ang Diyos ay nakabatay sa katotohanang Siya ang Lumikha at sa Kanya’y utang ng lahat ng iba pang nilalang ang kanilang buhay. At kahit saanman ipahayag sa Biblia ang Kanyang pag-aangkin sa paggalang at pagsamba nang higit sa mga diyos ng mga pagano, doon ay binabanggit din ang katibayan ng Kanyang kapangyarihang lumikha. “Lahat ng mga diyos sa mga bayan ay mga diyus-diyosan, ngunit ang Panginoon ang lumikha ng mga kalangitan” (Awit 96:5). “Kanino nga ninyo Ako itutulad, upang makatulad niya Ako? sabi ng Banal. Itingin ninyo ang inyong mga mata sa itaas, at tingnan ninyo kung sinong lumikha ng mga ito.” “Ganito ang sabi ng Panginoon na lumikha ng langit, na Siyang Diyos na naganyo sa lupa at gumawa niyaon. . .Ako ang Panginoon; at wala nang iba” (Isaias 40:25, 26; 45:18). Ang sabi naman ng mang-aawit, “Alamin ninyo na ang Panginoon ay Siyang Diyos; Siya ang lumalang sa atin, at tayo’y Kanya.” “O parito kayo, tayo’y sumamba at yumukod; tayo’y lumuhod sa harapan ng Panginoon, ang ating Manlilikha!” (Awit 100:3; 95:6). At ang mga banal na nilalang na sumasamba sa Diyos sa langit ay nagsasabi, bilang dahilan kung bakit sa Kanya nauukol ang kanilang pagsamba, “Karapatdapat Ka, O Panginoon at Diyos namin, na tumanggap ng kaluwalhatian at karangalan at kapangyarihan, sapagkat nilikha Mo ang lahat ng mga bagay” (Apocalipsis 4:11).ADP 251.2
Sa Apocalipsis 14 ay tinatawagan ang mga tao na sumamba sa Lumikha; at ipinapakita ng propesiya ang isang grupo ng mga tao na sumusunod sa mga utos ng Diyos, bilang resulta ng mensaheng may tatlong bahagi. Ang isa sa mga utos na ito ay tuwirang tumutukoy sa Diyos bilang Manlalalang. Sinasabi ng ikaapat na utos: “Ang ikapitong araw ay Sabbath sa Panginoon mong Diyos...sapagkat sa loob ng anim na araw ay ginawa ng Panginoon ang langit at lupa, ang dagat, at lahat ng naroroon, at nagpahinga sa ikapitong araw; kaya’t binasbasan ng Panginoon ang araw ng Sabbath, at ginawa itong banal” (Exodo 20:10, 11). Tungkol sa Sabbath ay sinasabi pa ng Panginoon na ito’y “tanda... upang inyong malaman na Akong Panginoon ang inyong Diyos” (Ezekiel 20:20). “Sapagkat sa loob ng anim na araw ay ginawa ng Panginoon ang langit at lupa, at sa ikapitong araw Siya ay nagpahinga at naginhawahan” (Exodo 31:17).ADP 251.3
“Ang kahalagahan ng Sabbath bilang pinakaalaala ng paglalang ay, lagi nitong pinananatili ang tunay na dahilan kung bakit ang pagsamba ay nararapat sa Diyos,“— dahil Siya ang Manlalalang, at tayo’y Kanyang mga nilalang. “Samakatuwid, ang Sabbath ay naroroon sa pinakapundasyon ng banal na pagsamba; sapagkat itinuturo nito ang dakilang katotohanang ito sa pinakamabisang paraan, at wala nang ibang naitatag ang nakagagawa nito. Ang tunay na batayan ng banal na pagsamba, hindi lamang nung tuwing ikapitong araw, kundi ng lahat ng pagsamba, ay makikita sa pagkakaiba ng Lumalang sa Kanyang mga nilalang. Ang dakilang katotohanang ito ay hindi lilipas kailanman, at hindi dapat kalimutan.”—J.N. Andrews, History of the Sabbath, chapter 27. Itinatag ng Diyos ang Sabbath sa Eden upang pamalagiin sa isipan ng mga tao ang katotohanang ito; at hangga’t ang katotohanang Siya ang ating Manlalalang ay nagpapatuloy na maging dahilan kung bakit dapat natin Siyang sambahin, ang Sabbath ay magpapatuloy din bilang pinakatanda at alaala nito. Kung pangkalahatan lamang sanang ipinangingilin ang Sabbath, ang mga iniisip at pagmamahal ng mga tao ay naituro sana sa Lumikha bilang sentro ng paggalang at pagsamba, at wala sanang mapagsamba sa diyus-diyosan, ateista, o hindi naniniwala sa Diyos. Ang pangingilin ng Sabbath ay tanda ng katapatan sa tunay na Diyos, “ang gumawa ng langit, ng lupa, ng dagat at ng mga bukal ng tubig.” Nangangahulugan na ang mensaheng nag-uutos sa mga tao na sumamba sa Diyos at sumunod sa Kanyang mga utos, ay espesyal na nananawagan sa kanila na sundin ang ikaapat na utos.ADP 251.4
Kataliwas nung mga tumutupad sa mga utos ng Diyos at may pananampalataya ni Jesus, itinuturo naman ng ikatlong anghel ang isa pang grupo ng mga tao, na laban sa kanilang mga kamalian ay binigkas ang isang taimtim at nakakatakot na babalang ito: “Kung ang sinuman ay sumasamba sa hayop at sa kanyang larawan, at tumatanggap ng tanda sa kanyang noo, o sa kanyang kamay, ay iinom din naman siya ng alak ng kagalitan ng Diyos” (Apocalipsis 14:9, 10). Ang isang tamang pagpapaliwanag sa mga simbolong ginamit dito ay kinakailangan upang maunawaan ang mensaheng ito. Ano ang sinisimbuluhan ng hayop, ng larawan, at ng tanda?ADP 252.1
Ang hanay ng hulang kasusumpungan ng mga simbolong ito ay nagsisimula sa Apocalipsis 12, sa dragon na nagsikap na patayin si Cristo noong Siya’y ipanganak. Ang dragon ay sinasabing si Satanas (Apocalipsis 12:9); siya ang nagpakilos kay Herodes na patayin ang Tagapagligtas. Ngunit ang pinakainstrumento ni Satanas sa pakikilaban kay Cristo at sa Kanyang bayan noong mga unang dantaon ng kapanahunang Kristiyano ay ang imperyo ng Roma, kung saan ay paganismo ang umiiral na relihiyon. Kaya bagaman unang-una, ang dragon ay kumakatawan kay Satanas, sa pangalawang kahulugan ay simbolo ito ng paganong Roma.ADP 252.2
Sa kapitulo 13 (talatang 1-10) ay inilalarawan ang isa pang hayop, na “katulad ng isang leopardo,” na pinagbigyan ng dragon ng “kanyang kapangyarihan, at ng kanyang trono, at dakilang kapamahalaan.” Ang simbolong ito, gaya ng pinaniniwalaan ng maraming Protestante, ay kumakatawan sa kapapahan, na pumalit sa kapangyarihan at trono at kapamahalaan na dati’y hawak ng sinaunang imperyo ng Roma. Tungkol sa hayop na katulad ng leopardo ay ipinahayag: “Ang halimaw [o hayop] ay binigyan ng isang bibig na nagsasalita ng mga palalong bagay at ng mga kalapastanganan.... At ibinuka niya ang kanyang bibig upang magsalita ng mga kalapastanganan sa Diyos, upang lapastanganin ang Kanyang pangalan, at ang Kanyang tahanan gayundin ang mga naninirahan sa langit. Ipinahintulot din sa kanya na makipagdigma sa mga banal at sila’y lupigin. Binigyan siya ng kapangyarihan sa bawat angkan, bayan, wika at bansa.” Ang hulang ito, na halos kapareho ng pagkakalarawan sa maliit na sungay ng Daniel 7 ay walang-dudang tumutukoy sa kapapahan.ADP 252.3
“Pinahintulutan siyang gumamit ng kapangyarihan sa loob ng apatnapu’t dalawang buwan.” At ang sabi ng propeta, “At nakita ko ang isa sa kanyang mga ulo na waring sinugatan ng ikamamatay.” At muli, “Siyang nagdadala sa pagkabihag ay dadalhin sa pagkabihag. Siyang pumapatay sa pamamagitan ng tabak, sa pamamagitan din ng tabak siya dapat patayin.” Ang 42 buwan ay kapareho rin ng “isang panahon, mga panahon at kalahati ng isang panahon,” tatlo’t kalahating taon, o 1,260 araw ng Daniel 7—ang panahon nang pagmalupitan ng kapangyarihan ng kapapahan ang bayan ng Diyos. Ang panahong ito, gaya ng nasabi na sa mga nakaraang kabanata, ay nagsimula sa pangingibabaw ng kapapahan noong 538 A.D., at nagwakas noong 1798. Nang panahong iyan, ang papa ay ginawang bihag ng mga sundalo ng France, ang kapangyarihan ng kapapahan ay nakatanggap ng nakamamatay na sugat nito, at ang hulang ito ay natupad, “Siyang nagdadala sa pagka-bihag ay dadalhin sa pagkabihag.”ADP 252.4
Sa bahaging ito isa pang simbolo ang ipinakilala. Ang sabi ng propeta, “At nakita ko ang ibang hayop na umaahon sa lupa; at may dalawang sungay na katulad ng sa isang kordero” (talatang 11). Parehong ang hitsura at ang paraan ng pag-ahon ng hayop na ito ay nagpapahiwatig na ang bansang kinakatawanan nito ay hindi gaya nung mga bansang ipinakita sa mga naunang simbolo. Ang mga dakilang kaharian na naghari sa mundo ay ipinakita kay propeta Daniel bilang mga hayop na maninila, na umaahon kapag “ang apat na hangin ng langit ay humihihip sa mala-king dagat” (Daniel 7:2). Sa Apocalipsis 17, ipinaliwanag ng anghel na ang tubig ay kumakatawan sa “mga bayan, napakaraming tao, mga bansa, at mga wika” (Apocalipsis 17:15). Ang mga hangin ay simbolo ng kaguluhan. Ang apat na hangin ng langit na humihihip sa malaking dagat ay kumakatawan sa mga kakila-kilabot na tagpo ng pananakop at paghihimagsik na siyang paraan ng mga kaharian sa pagkamit ng kapangyarihan.ADP 252.5
Ngunit ang hayop na may mga sungay na katulad ng sa kordero ay nakitang “umaahon sa lupa.” Sa halip na pabagsakin ang ibang makapangyarihang bansa upang itatag ang sarili, ang bansang inilalarawan nang gayon ay dapat na magmula sa lupaing hindi pa dati pinaninirahan, at umunlad nang dahan-dahan at tahimik. Kung gayon hindi maaaring ito’y magmula sa gitna ng mga nagsisiksikan at naglalaban-labang bansa sa Matandang Daigdig [Europa]— sa magulong dagat na iyon ng “mga bayan, napakaraming tao, mga bansa, at mga wika.” Ito’y dapat hanapin sa Kanlurang Kontinente.ADP 253.1
Anong bansa sa Bagong Daigdig ang noong 1798 ay bumabangon sa kapangyarihan, na nagpapakitang magiging malakas at dakila, at tumatawag sa pansin ng sanlibutan? Ang pag-uukol ng simbolong ito ay hindi mapag-aalinlanganan. Isang bansa, at isa lamang ang nakakatugon sa mga detalye ng hulang ito; malinaw na ito’y tumutukoy sa Estados Unidos ng America. Paulit-ulit na ang isipan, at halos ang eksaktong pananalita ng banal na manunulat ay hindi sinasadyang nagagamit ng mga mananalumpati at manunulat ng kasaysayan sa paglalarawan sa pagbangon at pag-unlad ng bansang ito. Ang hayop ay nakitang “umaahon sa lupa;” at sang-ayon sa mga tagapagsalin, ang salitang dito’y isinaling “umaahon” ay literal na nangangahulugang “sumibol o tumubo na gaya ng isang halaman.” At gaya ng ating nakita, ang bansang ito ay dapat na magmula sa isang lupaing hindi pa dati pinaninirahan. Isang sikat na manunulat na inilalarawan ang pagbangon ng Estados Unidos ang nagsalita tungkol sa “hiwaga ng paglitaw nito mula sa kawalangtao,” at sinabi, “Gaya ng tahimik na binhi tayo’y lumago sa isang imperyo.”—G.A. Townsend, The New World Compared With the Old, pahina 462. Isang pahayagan sa Europa noong 1850 ang nagsalita tungkol sa Estados Unidos bilang isang kahangahangang imperyo, na noo’y “lumilitaw” at “sa gitna ng katahimikan ng daigdig ay araw-araw na dinadagdagan ang kapangyarihan at karangalan nito”— The Dublin Nation. Si Edward Everett, sa isang talumpati tungkol sa mga nagtatag na Pilgrim ng bansang ito, ay nagsabi: “Naghanap ba sila ng isang liblib na lugar, na hindi makakasakit dahil hindi kilala, at ligtas dahil sa kalayuan nito, kung saan doon ay maaaring matamasa ng maliit na iglesya ng Leyden ang kalayaan ng budhi? Tingnan ninyo ang mga makapangyarihang rehiyon, na sa mapayapang pananakop. . .ay dinala nila rito ang watawat ng krus!”—Talumpating binigkas sa Plymouth, Massachusetts, Disyembre 22, 1824, pahina 11.ADP 253.2
“At ito ay may dalawang sungay na katulad ng sa isang kordero.” Ang mga sungay na gaya ng sa kordero ay palatandaan ng kabataan, kawalang-malay, at kabaitan, na angkop na kumakatawan sa katangian ng Estados Unidos nang ito’y ipakita sa propeta na “umaahon” noong 1798. Kasama sa mga Kristiyanong ipinatapon at unang tumakas patungong America at naghanap ng kanlungan mula sa pagmamalupit ng mga hari at kahigpitan ng mga pari ay ang karamihan na determinadong magtatag ng pamahalaan sa malapad na pundasyon ng kalayaang sibil at relihiyon. Ang kanilang mga pananaw ay nailagay sa Declaration of Independence, na siyang nagpapahayag sa dakilang katotohanan na “ang lahat ng tao ay nilalang nang pantay-pantay,” at pinagkalooban ng hindi maipagkakait na karapatan sa “buhay, kalayaan, at paghahanap ng kaligayahan.” Kaya’t tinitiyak ng Konstitusyon sa mga tao ang karapatan sa kasarinlan, basta’t ang mga kinatawang ibinoto ng nakararami ay pagtitibayin at ipatutupad ang mga batas. Ang kalayaan sa pananampalatayang panrelihiyon ay ipinagkaloob din, at ang bawat tao’y pinahihintulutang sumamba sa Diyos ayon sa dikta ng kanyang budhi. Ang Republikanismo at Protestantismo ang naging mga pangunahing prinsipyo ng bansa. Ang mga prinsipyong ito ang naging sekreto ng kapangyarihan at kasaganaan nito. Ang mga sinisiil at inaapi sa buong Sangkakristiyanuhan ay bumaling sa lupaing ito nang may pananabik at pag-asa. Milyun-milyon ang naghanap sa mga baybayin nito, at ang Estados Unidos ay umangat sa isang kalagayang kasama ng pinakamakapangyarihang mga bansa sa lupa.ADP 253.3
Subalit ang hayop na may mga sungay na gaya ng sa isang kordero “ay nagsasalita na parang dragon. Kanyang ginagamit ang buong kapangyarihan ng unang halimaw na nasa kanyang paningin, at pinasasamba niya ang lupa at ang mga naninirahan dito sa unang halimaw na ang sugat na ikamamatay ay gumaling na,...na sinasabi sa mga naninirahan sa lupa na dapat silang gumawa ng isang larawan ng halimaw na sinugatan ng tabak ngunit nabuhay” (Apocalipsis 13:11-14).ADP 254.1
Ang mga sungay na gaya ng sa kordero at ang boses ng dragon sa simbolo ay tumutukoy sa kapansin-pansing pagkakaiba ng mga pagpapahayag ng paniniwala at ng ginagawa ng bansang inilalarawan dito. Ang “pagsasalita” ng bansang ito ay ang pagkilos ng mga pambatasan at panghukumang awtoridad nito. Sa pamamagitan ng gayong pagkilos ay magbibigay ito ng kasinungalingan sa mga bukas at mapayapang prinsipyong iyon na iniharap nito bilang pundasyon ng patakaran nito. Ang hula, na magsasalita ito “na parang dragon” at gagamit ng “buong kapangyarihan ng unang halimaw” ay malinaw na ipinagpapauna ang isang pagsulong ng diwa ng kahigpitan sa relihiyon at pang-uusig na ipinakita ng mga bansang kinakatawanan ng dragon at ng hayop na katulad ng leopardo. At ang pahayag na ang hayop na may dalawang sungay ay “pinasasamba. . .ang lupa at ang mga naninirahan dito sa unang halimaw,” ay nangangahulugan na ang kapangyarihan ng bansang ito ay gagamitin para sa pagpapatupad ng pangingiling magiging isang gawain ng pagsamba sa kapapahan.ADP 254.2
Ang ganyang pagkilos ay lubusang salungat sa mga prinsipyo ng pamahalaang ito, sa mga karunungan ng malalayang institusyon nito, sa malilinaw at taimtim na pahayag ng Declaration of Independence, at sa Konstitusyon. May katalinuhang pinagsikapan ng mga nagtatag sa bansang ito na magbantay laban sa paggamit ng iglesya ng kapangyarihan ng pamahalaan, pati na sa mga di-maiiwasang resulta nito—ang paghihigpit sa relihiyon at pang-uusig. Ang Konstitusyon ay nagtatakda na ang “Kongreso ay hindi gagawa ng anumang batas na kumikilala sa pagtatatag ng relihiyon, o magbabawal sa malayang pagsasagawa nito,” at “walang anumang pagsubok na panrelihiyon ang kakailanganin bilang kuwalipikasyon sa anumang tungkuling pampubliko sa ilalim ng pamahalaan ng Estados Unidos.” Sa pamamagitan lamang ng lantarang paglabag sa mga pansanggalang na ito sa kalayaan ng bansa maaaring ipatupad ng pamahalaang sibil ang anumang panrelihiyong pangingilin. Subalit ang pagiging salungat ng gayong pagkilos ay hindi hihigit kaysa sa inilalarawan ng simbolo. Ang hayop na may mga sungay na gaya ng sa kordero—na sa pagpapahayag ay malinis, mabait, at hindi nang-aano—ay siyang nagsasalita na parang dragon.ADP 254.3
“Na sinasabi sa mga naninirahan sa lupa, na dapat silang gumawa ng isang larawan ng halimaw.” Dito ay malinaw na ipinahahayag ang isang sistema ng pamahalaan na ang kapangyarihang gumawa ng batas ay nakasalalay sa mga tao, isang pinakakapansin-pansing katibayan na ang Estados Unidos ang siyang bansang ipinapakilala sa hula.ADP 254.4
Subalit ano naman ang “larawan ng hayop?” At paano ito mabubuo? Ang larawan ay ginawa ng hayop na may dalawang sungay, at ito’y larawan para sa unang hayop. Ito rin ay tinatawag na larawan ng hayop. Kaya’t para malaman kung ano ang hitsura ng larawan at kung paano ito mabubuo ay dapat nating pag-aralan ang mga katangian ng hayop mismo—ang kapapahan.ADP 254.5
Nang maging masama ang unang iglesya dahil sa paghiwalay nito sa kasimplihan ng ebanghelyo at pagtanggap sa mga ritwal at kaugalian ng mga pagano, nawala sa kanya ang Espiritu at kapangyarihan ng Diyos; at para makontrol ang budhi ng mga tao ay pinagsikapan niyang matamo ang tulong ng pamahalaan. Ang naging resulta ay ang kapapahan, isang iglesyang kumukontrol sa kapangyarihan ng pamahalaan at ginagamit ito upang itaguyod ang kanyang mga sariling layunin, lalo na sa pagpaparusa sa “erehiya.” Para makabuo ng larawan ng hayop ang Estados Unidos, dapat ay talagang makontrol ng kapangyarihang panrelihiyon ang pamahalaang sibil anupa’t ang kapangyarihan ng pamahalaan ay magagamit din ng simbahan upang maisagawa ang mga layunin niya.ADP 254.6
Kapag ang simbahan ay nagkakamit ng kapangyarihang sekyular, ginagamit niya ito upang parusahan ang mga tumututol sa kanyang mga doktrina. Ang mga Protestanteng iglesya na sumunod sa mga hakbang ng Roma sa pamamagitan ng pagbuo ng pakikiisa sa mga makapangyarihang bansa ng sanlibutan ay nagpakita ng ganon ding pagnanais na higpitan ang kalayaan ng budhi. Ang isang halimbawa nito ay ipinapakita sa matagal na pag-usig ng Church of England sa mga tumututol dito. Noong ika16 at ika-17 siglo, libu-libong ministro na hindi sumasang-ayon ang napilitang umalis sa kanilang mga iglesya at marami sa mga pastor at sa mga tao ang pinagmulta, ibinilanggo, pinahirapan, at naging martir.ADP 255.1
Pagtalikod ang siyang nagtulak sa unang iglesya na pagsikapang matamo ang tulong ng pamahalaang sibil, at ito ang naghanda ng daan upang matatag ang kapapahan—ang hayop. Sinabi ni Pablo na may magaganap na “pagtalikod,” at mahahayag “ang taong makasalanan” (2 Tesalonica 2:3). Kaya ang pagtalikod sa iglesya ang maghahanda ng daan para sa larawan ng hayop.ADP 255.2
Sinasabi ng Biblia na bago dumating ang Panginoon ay magkakaroon muna ng isang kalagayan ng paglala ng relihiyon na katulad nung mga unang siglo. “Sa mga huling araw ay darating ang mga panahon ng kapighatian. Sapagkat ang mga tao’y magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mayayabang, mga mapagmalaki, mapanlait, suwail sa mga magulang, mga walang utang na loob, walang kabanalan, walang katutubong pag-ibig, mga walang habag, mga mapanirang-puri, mga walang pagpipigil sa sarili, mababangis, mga hindi maibigin sa mabuti, mga taksil, matitigas ang ulo, mga palalo, mga maibigin sa kalayawan sa halip na mga maibigin sa Diyos; na may anyo ng kabanalan, ngunit tinatanggihan ang kapangyarihan nito” (2 Timoteo 3:1-5). “Ngayon ay maliwanag na sinasabi ng Espiritu na sa mga huling panahon ang iba’y tatalikod sa pananampalataya sa pamamagitan ng pakikinig sa mga mandarayang espiritu at sa mga aral ng mga demonyo” (1 Timoteo 4:1). Si Satanas ay gagawang “may buong kapangyarihan at mga tanda at mga mapanlinlang na kababalaghan, at may lahat ng mapandayang kasamaan.” At ang lahat ng “tumanggi... [na] ibigin ang katotohanan upang sila’y maligtas,” ay hahayaang makatanggap “ng makapangyarihang pagkalinlang upang maniwala sila sa kasinungalingan” (2 Tesalonica 2:9-11). Kapag ang ganitong kalagayan ng kasamaan ay narating na, ang ganon ding resulta ay susunod gaya nung mga unang siglo.ADP 255.3
Ang malawak na pagkakaiba-iba ng paniniwala ng mga Protestanteng iglesya ay ipinalalagay ng marami na isang di mapagaalinlanganang katibayan na kailanma’y walang magagawang pagsisikap upang makamit ang sapilitang pagkakaparepareho. Subalit sa mga nakaraang taon, sa mga iglesya ng pananampalatayang Protestante, ay may isang malakas at lumalagong damdamin para sa pagkakaisa batay sa mga magkakatulad na punto ng doktrina. Upang makamit ang ganong pagkakaisa, ang pagtalakay sa mga paksang hindi pinagkakasunduan ng lahat—gaano man ito kahalaga sa paniniwala ng Biblia—ay kinakailangang bitawan.ADP 255.4
Si Charles Beecher, sa isang sermon noong 1846, ay nagpahayag na ang ministeryo ng “mga denominasyon ng ebanghelikong Protestante” ay “hindi lamang nabuong lahat dahil sa malubhang panggigipit lamang ng takot ng tao, kundi sila’y nabubuhay at kumikilos, at humihinga sa kalagayan ng mga bagay na talagang napakasama, at tinatawagan bawat oras ang lahat ng masamang elemento ng kanilang likas upang patahimikin ang katotohanan, at iluhod ang tuhod sa kapangyarihan ng pagtalikod. Hindi ba’t ganito ang nangyari sa Roma? Hindi ba’t muli nating ipinamumuhay ang kanyang buhay? At ano ang nakikita natin sa hinaharap? Isa na namang pangkalahatang konsilyo! Isang pagpupulong ng sanlibutan! Ebanghelikong alyansa, at pambuong sanlibutang doktrina!—Sermon on “The Bible a Sufficient Creed,” delivered at Fort Wayne, Indiana, February 22, 1846. Kapag ito ay natamo na, kung gayon, sa pagsisikap na makamit ang lubos na pagkakapare-pareho, ay may isang hakbang na lang para sa paggamit ng dahas.ADP 255.5
Kapag ang mga nangungunang iglesya sa Estados Unidos, na nagkaisa sa mga punto ng doktrina na pare-pareho nilang pinaniniwalaan ay inimpluwensyahan na ang pamahalaan na ipatupad ang kanilang mga utos, at suportahan ang kanilang mga institusyon, kung gayo’y mabubuo na ng Protestanteng America ang larawan ng pamunuan ng simbahang Romano, at ang pahirap ng mga kaparusahang sibil sa mga hindi sasangayon ay walang-pagsalang susunod.ADP 255.6
Ang hayop na may dalawang sungay ay “pinalagyan...ng isang tanda sa kanilang kanang kamay o sa noo” “ang lahat, ang hamak at ang dakila, ang mayayaman at ang mga dukha, ang mga malaya at ang mga alipin...upang walang sinumang makabili o makapagbili, maliban ang may tanda, samakatuwid, ay ng pangalan ng halimaw o ng bilang ng pangalan nito” (Apocalipsis 13:16, 17). Ang babala ng ikatlong anghel ay: “Kung ang sinuman ay sumasamba sa hayop at sa kanyang larawan, at tumatanggap ng tanda sa kanyang noo, o sa kanyang kamay, ay iinom din naman siya ng alak ng kagalitan ng Diyos” (Apocalipsis 14:9, 10). Ang “hayop” na binanggit sa mensaheng ito, na ang pagsamba ay ipinatutupad ng hayop na may dalawang sungay, ay yung unang hayop o yung hayop na gaya ng leopardo sa Apocalipsis 13—ang kapapahan. Ang “larawan ng hayop” ay kumakatawan sa sistemang iyon ng tumalikod na Protestantismo na mabubuo kapag ang mga iglesyang Protestante ay magsisikap nang matamo ang tulong ng kapangyarihang sibil para sa pagpapatupad ng kanilang mga paniniwala. Ang “tanda ng hayop” ay ipapaliwanag pa lang.ADP 256.1
Pagkatapos ng babala laban sa pagsamba sa hayop at sa kanyang larawan, ay sinabi ng hula, “Narito ang...mga tumutupad sa mga utos ng Diyos at humahawak nang matatag sa pananampalataya ni Jesus” (Apocalipsis 14:12). Dahil yung mga tumutupad sa mga utos ng Diyos ay inihambing nang ganyan sa mga sumasamba sa hayop at sa kanyang larawan, at tumatanggap ng kanyang tanda, nangangahulugan na ang pagtupad sa kautusan ng Diyos sa isang banda, at paglabag dito sa kabila, ay gagawa ng pagkakaiba sa pagitan ng mga sumasamba sa Diyos at ng mga sumasamba sa hayop.ADP 256.2
Ang naiibang katangian ng hayop, at ganon din ng kanyang larawan, ay ang paglabag sa mga utos ng Diyos. Ang sabi ni Daniel tungkol sa maliit na sungay, ang kapapahan, “Kanyang iisiping baguhin ang mga panahon at ang kautusan” (Daniel 7:25). Ang kapangyarihan ding iyon ang tinagurian ni Pablo na “taong makasalanan,” na dadakilain ang kanyang sarili nang higit sa Diyos. Pinupunan ng isang hula ang iba pang hula. Madadakila lamang ng kapapahan ang sarili nito nang higit sa Diyos sa pamamagitan lang ng pagbago sa kautusan ng Diyos; sinumang may pagkaunawang tumutupad sa kautusang binago sa ganyang paraan, ay nagbibigay ng pinakamataas na pagpaparangal sa kapangyarihang iyon na bumago rito. Ang ganong pagsunod sa mga kautusan ng papa ay magiging tanda ng katapatan sa papa sa halip na sa Diyos.ADP 256.3
Tinangka ng kapapahan na baguhin ang kautusan ng Diyos. Ang ikalawang utos, na nagbabawal sa pagsamba sa mga imahen ay inalis sa kautusan, at ang ikaapat na utos ay talagang binago anupa’t binigyang karapatan ang pangingilin ng unang araw sa halip na ang ikapitong araw bilang Sabbath. Ngunit iginigiit ng mga makapapa bilang dahilan ng pagtanggal sa ikalawang utos, na ito raw ay hindi na kinakailangan, na ito’y kasama na rin daw sa una, na ginagawa lang nila sa kautusan ang talagang pinanukala ng Diyos na pagkaunawa rito. Hindi maaaring ito ang pagbabagong inihula ng propeta. Isang sinadya, at pinag-isipang pagbabago ang ipinahayag: “Kanyang iisiping baguhin ang mga panahon at ang kautusan.” Ang pagbago sa ikaapat na utos ang talagang katuparan ng hula. Para sa pagbagong ito, ang tanging kapamahalaang sinasabi ay yung sa simbahan. Dito ay lantarang itinataas ng kapangyarihan ng kapapahan ang sarili nito nang higit sa Diyos.ADP 256.4
Samantalang ang mga sumasamba sa Diyos ay tangi nang makikilala sa kanilang paggalang sa ikaapat na utos—yamang ito ang tanda ng Kanyang kapangyarihang lumikha, at saksi sa Kanyang karapatan sa paggalang at pagsamba ng tao—ang mga sumasamba naman sa hayop ay makikilala sa pagsisikap na wasakin ang bantayog ng Lumikha, upang itaas ang itinatag ng Roma. Alang-alang sa Linggo kung bakit unang iginiit ng kapapahan ang kanyang mapagmataas na pag-aangkin (tingnan ang Apendiks); at ang una nitong pagdulog sa kapangyarihan ng pamahalaan ay upang ipilit ang pangingilin ng Linggo bilang “araw ng Panginoon.” Subalit itinuturo ng Biblia na ang araw ng Panginoon ay ang ikapitong araw at hindi ang unang araw. Ang sabi ni Cristo: “Ang Anak ng Tao ay Panginoon maging ng Sabbath” (Marcos 2:28). Sinasabi ng ikaapat na utos: “Ang ikapitong araw ay Sabbath ng Panginoon.” At sa pamamagitan ni propeta Isaias ay tinawag ito ng Panginoon na, “Aking banal na araw” (Isaias 58:13).ADP 256.5
Ang pahayag na napakadalas sabihin, na binago na raw ni Cristo ang Sabbath ay pinasisinungalingan ng sarili na rin Niyang pananalita. Sa Kanyang sermon sa bundok ay sinabi Niya: “Huwag ninyong isiping pumarito Ako upang sirain ang kautusan o ang mga propeta; pumarito Ako hindi upang sirain, kundi upang tuparin ang mga ito. Sapagkat katotohanang sinasabi Ko sa inyo, hanggang sa mawala ang langit at lupa, ang isang tuldok o isang kudlit ay hindi mawawala sa kautusan, hanggang sa matupad ang lahat ng mga bagay. Kaya’t sinumang sumuway sa isa sa pinakamaliit sa mga utos na ito, at magturo nang gayon sa mga tao ay tatawaging pinakamaliit sa kaharian ng langit; ngunit ang sinumang tumupad at magturo ng mga ito ay tatawaging dakila sa kaharian ng langit” (Mateo 5:17-19).ADP 257.1
Isang katotohanan na pangkalahatang inaamin ng mga Protestante, na hindi ipinahihintulot ng Banal na Kasulatan ang pagbago sa Sabbath. Ito’y malinaw na ipinahahayag sa mga lathalaing ipinalabas ng American Tract Society at ng American Sunday School Union. Isa sa mga nilathalang ito ay umaamin sa “lubos na pananahimik ng Bagong Tipan tungkol sa anumang malinaw na utos ukol sa Sabbath [ang tinutukoy ay Linggo, ang unang araw ng sanlinggo] o tungkol sa mga tiyak na tuntunin para sa pangingilin nito”—George Elliot, The Abiding Sabbath, p. 184.ADP 257.2
Ang isa pa ay nagsasabi: “Hanggang sa kamatayan ni Cristo ay walang anumang pagbabagong ginawa sa araw na iyon;” at “kung ayon sa ipinapakita ng mga kasulatan, sila [ang mga apostol] ay hindi... nagbigay ng anumang malinaw na utos na nagtatagubiling iwanan na ang Sabbath na ikapitong araw, at ipangilin ito sa unang araw ng sanlinggo”—A. E. Waffle, The Lord’s Day, pp. 186-188.ADP 257.3
Kinikilala ng mga Romano Katoliko na ang pagbago sa Sabbath ay ginawa ng kanilang iglesya, at sinasabi na dahil sa pangingilin ng Linggo, ang mga Protestante ay kumikilala rin sa kanyang kapangyarihan. Sa Catholic Catechism of Christian Religion, bilang sagot sa tanong tungkol sa kung anong araw ang dapat ipangilin bilang pagsunod sa ikaapat na utos, ang pahayag na ito ay sinasabi: “Sa panahon ng matandang kautusan, ang Sabado ang siyang araw na pinakabanal; subalit ang simbahan, ayon sa utos ni Jesu-Cristo at patnubay ng Espiritu ng Diyos ay ipinalit ang Linggo sa Sabado; kaya’t ngayon ay binabanal namin ang unang araw, at hindi ang ikapito. Ang Linggo ay nangangahulugang araw ng Panginoon, at ito na nga ngayon ang araw ng Panginoon.”ADP 257.4
Bilang tanda ng kapamahalaan ng Simbahang Katoliko ay binabanggit ng mga makapapang manunulat “ang mismong paglipat ng Sabbath sa Linggo, na pinayagan naman ng mga Protestante;... sapagkat sa pamamagitan ng pangingilin ng Linggo ay kinilala nila ang kapangyarihan ng simbahan na magtalaga ng mga kapistahan, at utusan sila sa ilalim ng kasalanan.”—Henry Tuberville, An Abridgement of the Christian Doctrine, pahina 58. Ano pa nga ba ang pagbago sa Sabbath, kundi ang tatak, o tanda ng kapamahalaan ng Simbahang Romano— “ang tanda ng hayop?”ADP 257.5
Hindi binitawan ng Simbahang Romano ang pag-aangkin nito sa pangingibabaw; at kapag tinatanggap ng sanlibutan at ng mga iglesyang Protestante ang sabbath na ginawa nito, habang itinatakwil ang Sab-bath ng Biblia, ay talaga ngang kinikilala nila ang pag-aangking ito. Maaari nilang gamitin ang kapamahalaan ng tradisyon at ng mga Church Father para sa ginawang pagbago; subalit sa paggawa nito ay winawalang-bahala nila ang pinakaprinsipyong naghihiwalay sa kanila sa Roma—na “ang Biblia, at ang Biblia lamang, ang siyang relihiyon ng mga Protestante.” Nakikita ng mga makapapa na dinadaya ng mga Protestante ang kanilang sarili, na sadyang ipinipikit ang kanilang mga mata sa mga katotohanan sa nangyayari. At habang ang pagkilos para sa pagpapatupad ng araw ng Linggo ay nagtatamo ng pagsang-ayon, sila’y natutuwa, na nakasisigurong sa wakas ay madadala nito ang buong daigdig ng Protestante sa ilalim ng bandila ng Roma.ADP 257.6
Sinasabi ng mga Romanista na “ang pangingilin ng mga Protestante sa Linggo ay isang paggalang sa kapamahalaan ng Simbahan [ng Katoliko], at paghamak sa kanilang sarili.”—Mgr. Segur, Plain Talk About Protestantism of Today, pahina 213. Ang pagpapatupad ng pangingilin ng Linggo sa panig ng mga iglesyang Protestante ay pagpapatupad ng pagsamba sa kapapahan—ang hayop. Yung mga taong pinipili pa ring ipangilin ang huwad na sabbath sa halip na ang tunay na Sabbath, bagaman nauunawaan ang mga hinihingi ng ikaapat na utos, sa ganyang paraan ay nagbibigay-galang sa kapangyarihang iyon na siyang tanging nag-uutos nito. Ngunit sa mismong pagpapatupad ng tungku-ling panrelihiyon sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pamahalaan, ang mga iglesya mismo ay bumubuo ng larawan para sa hayop; kaya’t ang pagpapatupad ng Estados Unidos sa pangingilin ng Linggo ay pagpapatupad ng pagsamba sa hayop at sa kanyang larawan.ADP 258.1
Subalit ang mga Kristiyano sa mga nakaraang henerasyon ay nangilin ng Linggo, sa pag-aakalang sa gayon ay ipinangingilin nila ang Sabbath ng Biblia; at ngayon ay may mga tunay na Kristiyano sa bawat iglesya, maging sa kapulungan ng Romano Katoliko, na tapat na naniniwalang ang Linggo ay siyang Sabbath na itinalaga ng Diyos. Tinatanggap ng Diyos ang katapatan ng kanilang layunin at ang kanilang katapatan sa harapan Niya. Subalit kapag ang pangingilin ng Linggo ay ipatupad na ng batas at ang sanlibutan ay maliwanagan tungkol sa pananagutan nila sa tunay na Sabbath, kung gayon ang sinumang lalabag sa utos ng Diyos, para sumunod sa utos na walang mas mataas na kapama-halaan kaysa sa Roma, ay pinararangalan sa ganyang paraan ang kapapahan nang higit sa Diyos. Siya’y nagbibigay-galang sa Roma at sa kapangyarihang nagpapatupad sa institusyong ipinag-utos ng Roma. Siya ay sumasamba sa hayop at sa larawan nito. Habang itinatakwil naman ng mga tao ang institusyon na ang sabi ng Diyos ay magiging tanda ng Kanyang kapamahalaan, at kapalit nito ay pararangalan yung pinili ng Roma bilang tanda ng kanyang paghahari, sa ganyang paraan ay tinatanggap nila ang tanda ng katapatan sa Roma—“ang tanda ng hayop.” At matatanggap lamang nung mga nagpapatuloy sa paglabag ang “tanda ng hayop,” kapag ang usapin ay naiharap na nang malinaw sa mga tao, at sila’y pinapili na sa pagitan ng utos ng Diyos at ng utos ng mga tao.ADP 258.2
Ang pinakakakila-kilabot na pagbabantang kailanma’y sinabi sa mga tao ay ang nasa mensahe ng ikatlong anghel. Napakabigat siguro ng kasalanang iyon na tumawag sa galit ng Diyos na walang-halong habag. Ang mga tao ay hindi dapat hayaan sa kadiliman tungkol sa napakahalagang bagay na ito; ang babala laban sa kasalanang ito ay dapat maipahayag sa sanlibutan bago ang pagdalaw ng mga kahatulan ng Diyos, upang malaman ng lahat kung bakit sila’y mapaparusahan, at magkaroon ng pagkakataong makatakas sa mga ito. Sinasabi ng hula na ang unang anghel ay magbibigay-babala sa “bawat bansa, lipi, wika at bayan.” Ang babala ng ikatlong anghel na kabahagi pa rin ng mensaheng iyon na may tatlong bahagi ay dapat maipakalat nang ganon kalawak. Ito’y inilalarawan sa hula na ipinahahayag sa isang malakas na tinig, ng anghel na lumilipad sa gitna ng himpapawid; at makukuha nito ang pansin ng sanlibutan.ADP 258.3
Sa pinagtatalunan ng labanang ito, ang buong Sangkakristiyanuhan ay mahahati sa dalawang malaking grupo—yung mga tumutupad sa mga utos ng Diyos at may pananampalataya ni Jesus, at yung mga sumasamba sa hayop at sa kanyang larawan at tumanggap sa kanyang tanda. Kahit pa pagsanibin ng simbahan at ng pamahalaan ang kanilang kapangyarihan upang pilitin “ang lahat, ang hamak at ang dakila, ang mayayaman at ang mga dukha, ang mga malaya at ang mga alipin,” upang tanggapin “ang tanda ng hayop” (Apocalipsis 13:16), hindi pa rin ito tatanggapin ng bayan ng Diyos. Nakita ng propeta sa Patmos “ang mga dumaig sa halimaw [o hayop] at sa larawan nito, at sa bilang ng pangalan nito na nakatayo sa tabi ng dagat na kristal at may hawak na mga alpa ng Diyos,” at inaawit nila ang awit ni Moises at ng Kordero (Apocalipsis 15:2, 3).ADP 258.4