Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Isang Iglesiang Mapagkaloob

    Sa unang liham ni Pablo sa iglesia sa Corinto, nagbigay siya ng mga tagubilin tungkol sa mga pangkalahatang simulain sa pagtataguyod ng gawain ng Dios sa lupa. Sa pagsulat tungkol sa kanyang paggawa para sa kanila, nagtanong ang apostol:AGA 254.1

    “Sinong kawal ang magpakailanman ay naglilingkod sa kanyang sariling gugol? sino ang nagtatanim ng isang ubasan, at hindi kumakain ng bunga niyaon? o sino ang nagpapakain sa kawan, at hindi kumakain ng gatas ng kawan? Ang mga ito baga’y sinasalita ko ayon sa kaugalian lamang ng mga tao? o di baga sinasabi rin naman ang gayon ng kautusan? Sapagkat nasusulat sa kautusan ni Moises, Huwag mong lalagyan ng busal ang baka pagka gumigiik. Ang mga baka baga ay iniingatan ng Dios? o sinasabi kayang tunay ito dahil sa atin? Oo, dahil sa atin sinasabi ito: sapagkat ang nagsasaka ay dapat magsaka sa pag-asa; at ang gumigiik ay sa pag-asa na makababahagi.AGA 254.2

    “Kung ipinaghasik namin kayo ng mga bagay ayon sa espiritu,” patuloy na tanong ng apostol, “malaking bagay baga na aming anihin ang inyong mga bagay na ayon sa laman? Kung ang iba ay mayroon sa inyong matuwid, hindi baga lalo pa kami? Gayunman ay hindi namin ginamit ang matuwid na ito; kundi aming tinitiis ang lahat ng mga bagay, upang huwag kaming makahadlang sa ebanghelyo ni Kristo. Hindi baga ninyo nalalaman na ang mga nagsisipangasiwa sa mga bagay na banal, ay magsisikain ng mga bagay na ukol sa templo, at ang mga nagsisipaglingkod sa dambana ay mga kabahagi ng dambana? Gayon din ay ipinag-utos ng Panginoon na ang mga nagsisipangaral ng ebanghelyo ay dapat mangabuhay sa pamamagitan ng ebanghelyo.” 1 Corinto 9:7-14.AGA 254.3

    Ang tinutukoy ng apostol ay ang panukala ng Panginoon sa ikabubuhay ng mga saserdoteng naglilingkod sa templo. Sila ang mga ibinukod sa banal na tungkulin at tinangkilik ng mga kapatid na pinaglilingkuran nila ng mga pagpapalang espirituwal. “At katotohanan na ang mga anak ni Levi, na nagsisitanggap ng katungkulang saserdote, ay mayroong utos na kumuha ng ikasampung bahagi sa bayan ayon sa kautusan.” Hebreo 7:5. Ang angkan ni Levi ay pinili ng Panginoon ukol sa mga banal na tungkulin sa templo at sa pagkasaserdote. Tungkol sa mga saserdote ay sinabi, “Ang Panginoong Dios ang pumili sa kanya...upang tumayong naglilingkod sa pangalan ng Panginoon.” (Deuteronomio 18:5.) Ang ikasampung bahagi ng lahat ng pakinabang ay inaangkin ng Panginoon bilang Kanya, at ang pag-iilit ng ikapu ay itinuturing Niyang pagnanakaw.AGA 254.4

    Ang ganitong pagtataguyod ng gawain ang tinutukoy ni Pablo nang sabihin niya, “Gayon din ay idnalaga ng Panginoon, na silang nangangaral ng ebanghelyo ay mabubuhay sa ebanghelyo.” Sa pagsulat kay Timoteo, sinabi ng apostol, “Ang nagpapagal ay karapat-dapat sa kaupahan sa kanya.” 1 Timoteo 5:18.AGA 255.1

    Ang pagbabayad ng ikapu ay bahagi ng panukala ng Dios upang matustusan ang Kanyang gawain. Mga iba’t ibang kaloob at handog ay binanggit din ng langit. Sa sistemang Judio ang bayan ay tinuruang magmahal sa diwa ng kagandahang-loob sa pagtataguyod ng gawain ng Dios at pagbibigay para sa pangangailangan ng mga dukha. Sa mga tanging okasyon, may mga kusang-loob na handog. Sa pag-aani ng trigo at ng ubasan, ang mga unang bunga ng bukid—mais, alak, at langis—ay itinatalaga bilang handog sa Panginoon. Ang mga naiwan ng mag-aani at mga sulok ng bukid ay iniuukol sa mga dukha. Ang mga unang bunga ng lana kapag ang mga tupa ay binabalatan, at ang butil ng trigo kapag ginigiik ay ibinubukod sa Dios. Gayon din ang mga panganay na anak ng lahat ng hayop; at isa namang pangtubos ay ibinabayad sa mga panganay na anak na lalaki. Ang mga unang bunga ay inihaharap sa Panginoon sa santuwaryo at itinatalaga upang magamit ng mga saserdote.AGA 255.2

    Sa sistemang ito ng kagandahang-loob sinikap ng Panginoon na ituro sa Israel na sa lahat ng bagay ay dapat na Siya ang mauna. Sa ganito ay napaalalahanan sila na ang Dios ang may-ari ng mga bukid nila, mga hayop at mga kawan; na Siya ang nagpapadala ng ulan at sikat ng araw na nagpapatubo at nagpapahinog sa aanihin. Lahat ng kanilang tinatangkilik ay sa Kanya; sila ay mga katiwala lamang ng Kanyang mga kayamanan.AGA 255.3

    Hindi adhikain ng Dios na ang mga Kristianong higit ang mga karapatang tinanggap kaysa bansang Judio, ay mas maliit ang ipagkakaloob kaysa kanila. “At sa sinumang binigyan ng marami ay marami ang hihingin sa kanya.” Lucas 12:48. Ang pagkamapagbigay na hiniling sa mga Hebreo ay sa kabutihan na rin ng kanilang bansa. Ngayon ang gawain ng Dios ay laganap sa lupa. Sa kamay ng mga alagad ay inilagay ni Kristo ang mga kayamanan ng ebanghelyo, at sa kanila rin ay ibinigay ang kapanagutan ng pagkakaloob ng mabuting balita ng kaligtasan sa sanlibutan. Tunay na ang mga katungkulan natin ay higit kaysa sinaunang Israel.AGA 255.4

    Sa paglaganap ng gawain ng Dios, higit na panawagan ang darating. Upang matugunan ang mga pangangailangang ito, ang mga Kristiano ay dapat sumunod sa utos, “Dalhin ninyo ang buong ikasampung bahagi sa aking bahay.” Malakias 3:10. Kung ang mga nag-aangking Kristiano ay tapat lamang na magdadala ng kanilang ikapu at handog, ang Kanyang kabang-yaman ay mapupuno. Hindi na kailangan pa ang mga loterya, karnabal, mga kasayahan upang magtipon ng salapi para sa pagtangkilik ng ebanghelyo.AGA 256.1

    Mga tao ay natutuksong gamitin ang kayamanan sa pagpapasasa sa sarili, sa pagsunod sa panlasa, sa personal na gayak, o sa pagpapaganda ng bahay. Sa mga bagay na ito ay hindi nag-aatubili ang kaanib ng iglesia upang gumastos na maluho. Ngunit kung hihingan ukol sa kabang-yaman ng Panginoon upang maipagpatuloy ang gawain sa lupa, sila ay bantulot. Sapagkat napipilitan lamang, nagbibigay sila ng handog na higit na maliit sa kanilang ginagastos sa sariling layaw. Wala silang tunay na pag-ibig sa gawain ni Kristo, walang maningas na interes sa kaligtasan ng kaluluwa. Hindi nakapagtataka na ang kabuhayang Kristiano ng mga ganito ay bansot at may karamdaman!AGA 256.2

    Siyang ang puso ay nagniningning sa pag-ibig ni Kristo ay ituturing na hindi lamang tungkulin, kundi isang kaluguran, ang tumulong sa pagpapasulong ng pinakamataas, pinakabanal na gawaing itinalaga sa tao—ang gawain ng paghaharap sa sanlibutan ng kayamanan ng kabutihan, kahabagan, at katotohanan.AGA 256.3

    Ang diwa ng pag-iimbot ang umaakay sa tao na gamitin para sa sariling kalayawan ang mga kayamanang ang Dios ang tunay na may-ari, at ang diwang ito ay kasuklam-suklam sa Kanya tulad din nang matigas na nagsansala ang propeta sa Kanyang bayan noon, “Ninakawan baga ng tao ang Dios? Gayunman ay ninakawan ninyo ako. Ngunit sinasabi ninyo, Saan ka namin ninakawan? Sa ikapu at mga handog. Kayo’y nangasumpa ng sumpa: sapagkat inyo akong ninakawan, samakatuwid baga’y nitong buong bansa.” Malakias 3:8, 9.AGA 256.4

    Ang diwa ng kagandahang-loob ang siyang diwa ng langit. Ang diwang ito ay higit na nahayag sa sakripisyo ni Kristo sa krus. Para sa atin, ibinigay ng Ama ang Kanyang Bugtong na Anak; at si Kristo, matapos ipagkaloob ang lahat na sa Kanya, ay ibinigay ang Sarili, upang ang tao ay maligtas. Ang krus ng Kalbaryo ay dapat manawagan sa kagandahang-loob ng bawat alagad ng Tagapagligtas. Ang simulaing inilalarawan dito ay magbigay, magbigay. “Siyang nagsasabing nananahan sa kanya ay dapat namang lumakad, tulad ng paglakad niya.” 1 Juan 2:6.AGA 257.1

    Sa kabilang dako, ang diwa ng kasakiman ang siyang diwa ni Satanas. Ang simulaing nahahayag sa mga makasanlibutan ay kumuha, kumuha. Sa ganito ay umaasa silang magtamong kaligayahan at kaginhawahan, ngunit ang bunga ng kanilang pagtatanim ay pagkaaba at kamatayan.AGA 257.2

    Kung titigil na ang Dios sa pagkakaloob ng pagpapala sa Kanyang mga anak, ay saka lamang sila titigil sa pagbabalik ng Kanyang bahagi. Hindi lamang nila ibabalik ang bahaging hinihingi sa kanila, kundi magdadala din sila sa Kanyang kabang-yaman, ng isang handog ng pagpapasalamat, isang malayang parangal. May kagalakan ang puso, sila ay magtatalaga sa Manlalalang ng mga unang bunga ng kanilang kayamanan,—pinakapiling tinatangkilik, pinakamabuti, at pinakabanal na paglilingkod. Sa ganito ay magtatamo sila ng pinakamayamang pagpapala. Sila ay gagawin ng Dios na tulad ng harding nadidiligan na hindi magkukulang sa tubig. At kapag ang huling dakilang pagaani ay naisagawa na, ang mga uhay na kanilang dadalhin sa Panginoon ang magiging kabayaran sa kanilang hindi makasariling paggamit ng mga talentong pahiram sa kanila.AGA 257.3

    Ang mga piniling mensahero ng Dios, na abala sa masikap na paggawa, ay hindi dapat humayo sa pakikibaka sa sariling gastos, na walang mairugin at mapagmalasakit na tulong ng mga kapatid. Bahagi ng mga kaanib ng iglesia na magkaloob nang sagana sa kanilang mag-iiwan ng sekular na paggawa upang lubusang magkaloob ng sarili sa ministri. Kapag ang mga ministro ng Dios ay napasigla, ang Kanyang gawain ay lalagong mainam. Ngunit, kung dahilan sa kasakiman ng tao, ang matuwid nilang suporta ay hindi ibinibigay, ang kanilang mga kamay ay manghihina, at kadalasang napipilay ang kanilang bisa.AGA 257.4

    Ang gaiit ng Dios ay naroroon sa mga nagpapanggap na mga alagad Niya, ngunit pinababayaang ang mga natatalagang mang-gagawa ay magdusa sa mga pangangailangan ng buhay habang masiglang gumagawa. Ang mga sakim na ito ay tatawagan upang magsulit, hindi lamang sa maling paggamit ng salapi ng Panginoon, kundi gayon din sa kalungkutan at kirot ng pusong idinulot nila sa Kanyang mga tapat na lingkod. Silang tinawagan sa gawain ng ministeryo, at sa panawagang ito ay iiwanan ang lahat upang tumugon sa paglilingkod sa Dios, ay marapat tumanggap ng sahod sa kanilang makasakripisyong paglilingkod upang tangkilikin ang sarili at sambahayan nila.AGA 258.1

    Sa iba’t ibang sangay ng sekular na paggawa, mental at pisikal, ang mga tapat na manggagawa ay kumikita ng mabuting sahod. Hindi baga ang gawain ng pagpapalaganap ng katotohanan, at pag-akay ng tao kay Kristo, ay higit na mahalagang gawain kaysa karaniwang paggawa? At hindi ba silang kasangkot sa gawaing ito ay marapat na tumanggap ng wastong kaupahan? Sa ating paghahambing ng halaga ng paggawang ukol sa moral at pisikal, makikita ang ating pagpapahalaga sa makalangit at makalupa.AGA 258.2

    Upang magkaroon ng pondo sa kabang-yaman sa pagtatangkilik ng ministeryo, at upang masapatan ang mga panawagan sa pagtangkilik ng mga gawaing misyonero, kailangang ang bayan ng Dios ay magkaloob na masaya at masagana. Isang banal na kapanagutan ang nakababaw sa mga ministro upang ang bagay na ito ay iharap sa mga kapatid sa iglesia at turuan silang malayang magbigay. Kapag ito ay napabayaan, at ang mga iglesia ay magkulang sa pagkakaloob ukol sa pangangailangan ng iba, hindi lamang nagdurusa ang gawain ng Panginoon, kundi nahahadlangan din ang pagpapalang dapat maibahagi sa mga mananampalataya.AGA 258.3

    Kahit na ang mga dukha ay dapat magdala ng handog sa Dios. Sila man ay dapat makibahagi sa biyaya ni Kristo sa pamamagitan ng pagtanggi sa sarili upang matulungan silang higit na nangangailangan. Ang kaloob ng taong maralita, ang bunga ng pagtanggi sa sarili, ay pumapaitaas sa Dios bilang mabangong samyo ng insenso. At bawat gawa ng pagsasakripisyo sa sarili ay nagpapalakas sa diwa ng kagandahang-loob sa puso ng nagbibigay, upang siya ay lalong mapalapit sa Kanya na mayaman, gayunman sa kapakanan ng mga dukha ay naging dukha, upang sa Kanyang karukhaan tayo naman ay maging mayaman.AGA 258.4

    Ang pagbibigay ng babaeng balo ng dalawang beles—lahat ng kanyang tinatangkilik—sa kabang-yaman, ay natala upang mapasigla silang, gayong nakikipagpunyagi sa karalitaan, ay may naisin pa ring makatulong sa gawain ng Dios. Tinawagan ng Panginoon ng pansin ang mga alagad tungkol sa babaeng ito, na nagkaloob ng “lahat ng kanyang kabuhayan” Marcos 12:44. Pinahalagahan Niya ang kaloob ng babae higit sa malalaking handog nilang ang pagbibigay ay hindi nangailangan ng pagtanggi sa sarili. Sa kanilang kasaganaan ay nagbigay sila ng maliit na bahagi. Upang makapaghandog lamang, ang babaeng balo ay kinailangang agawin sa sarili ang mga pangangailangan ng buhay, na nagtiwala sa Dios na Siyang magkakaloob ng kakailanganin sa kinabukasan. Tungkol sa kanya ay sinabi ng Tagapagligtas, “Katotohanang sinasabi Ko sa inyo, na ang kawawang babaeng ito ay nagbigay ng higit, kaysa sa kanilang lahat na nagkaloob sa kabang-yaman.” Talatang 43. Sa ganito ay itinuro Niya na ang halaga ng kaloob ay sinusukat hindi sa halaga, kundi sa bahagi nito sa buong tinatangkilik, at sa motibong nagpapakilos sa nagbibigay.AGA 259.1

    Si apostol Pablo sa kanyang paglilingkod sa mga iglesia ay walang pagod sa pagsisikap na pasiglahin ang mga puso ng bagong nahikayat sa paggawa ng lalong dakilang bagay sa gawain ng Panginoon. Madalas na nagpayo siya ukol sa pagbibigay nang sagana. Sa mga matanda sa Efeso ay sinabi niya, “Ipinakita ko sa inyo ang lahat ng bagay, upang sa inyong paggawa ay matangkilik ninyo ang mga mahihina, at upang maalaala ang mga salita ng Panginoong Jesus, kung paanong Kanyang sinabi, Lalong mapalad ang magkaloob kaysa tumanggap.” “Siyang naghahasik ng kakaunti, ay mag-aani ng kakaunti; at siyang naghahasik ng marami, ay mag-aani ng marami. Bawat tao ayon sa adhikain ng puso, ay magkaloob na hindi mabigat sa kalooban, o ayon sa kailangan; sapagkat ang Dios ay nagmamahal sa nagkakaloob nang masaya.” Gawa 20:35; 2 Corinto 9:6, 7.AGA 259.2

    Halos lahat ng mananampalataya sa Macedonia ay mahihirap sa mga bagay ng sanlibutan, ngunit ang kanilang mga puso ay umaapaw sa pag-ibig sa Dios at sa katotohanan, at masayang sila ay nagkaloob upang tangkilikin ang ebanghelyo. Nang magkaroon ng pangkalahatang paglikom ng mga handog sa mga iglesia ng dating mga Gentil upang tumulong sa mga Judio na mananampalataya, ang kagandahang-loob ng mga taga Macedonia ay ginawang halimbawa sa ibang mga iglesia. Sa pagsulat sa mga mananampalataya sa Corinto, tinawagan ng apostol ang kanilang pansin sa “biyayang kaloob ng Dios sa mga iglesia sa Macedonia; kung paanong sa maraming pagsubok sa kapighatian ang kasaganaan ng kanilang katuwaan at ang kanilang malabis na karukhaan ay sumagana sa kayamanan ng kanilang kagandahang-loob. Sapagkat ayon sa kanilang kaya, ay nagpapatotoo ako at higit pa sa kanilang kaya, ay nagsiabuloy sila sa sariling kalooban; na lubhang ipinamamanhik sa amin ang tungkol sa biyayang ito, at sa pakikisama sa pangangasiwa ng mga abuloy sa mga banal.” 2 Corinto 8:1-4.AGA 259.3

    Ang pagiging handang magsakripisyo ng mga taga Macedonia ay bunga ng buong pusong pagtatalaga. Kinilos ng Espiritu ng Dios, “una muna ay ipinagkaloob nila ang mga sarili sa Panginoon;” (2 Corinto 8:5), at matapos ay naging laan silang magkaloob na sagana sa pagtangkilik ng ebanghelyo. Hindi na kinailangang pasiglahin pa silang magkaloob, sapagkat nagagalak silang tanggihan ang sarili upang matangkilik ang pangangailangan ng iba. Nang pinipigilan na sila ng apostol, nakiusap pa silang tanggapin nito ang kanilang mga kaloob. Sa kanilang simpleng isipan at katapatan, at pag-ibig sa mga kapatid, magalak na tinanggihan nila ang mga sarili, at nanagana sa bunga ng kagandahang-loob.AGA 260.1

    Nang isugo ni Pablo si Tito sa Corinto upang palakasin ang mga mananampalataya doon, nagbigay siya ng tagubilin na palakasin ang iglesia doon sa biyaya ng pagkakaloob; at sa isang personal na liham ay nanawagan siya. “Yamang kayo’y nagsisisagana sa lahat ng mga bagay,” kanyang pakiusap, “sa pananampalataya, at pananalita, at kaalaman, at sa buong kasipagan, at sa inyong pag-ibig sa amin ay magsisagana naman kayo sa biyayang ito.” “Datapuwat ngayo’y tapusin din naman ninyo ang paggawa upang kung paanong nagkaroon ng sikap ng pagnanais ay gayon din namang magkaroon ng pagkatapos ayon sa inyong kaya, sapagkat kung may sikap, ay tinatanggap ayon sa tinataglay, hindi ayon sa di tinataglay.” “At maaaring gawin ng Dios na ang lahat ng biyaya ay magsisagana sa inyo; upang kayo na mayroong laging buong kaya sa lahat ay magsipanagana sa bawat mabuting gawa:...yamang kayo’y pinayaman sa lahat ng mga bagay na ukol sa lahat ng kagandahang-loob, na nagsisigawa sa pamamagitan namin ng pagpapasalamat sa Dios.” 2 Corinto 8:7, 11, 12; 9:8-11.AGA 260.2

    Ang hindi makasariling kagandahang-loob ang nagbigay kagalakan sa naunang iglesia; sapagkat nakilala ng mga mananampalataya na ang kanilang mga pagsisikap ay pantulong upang maihatid ang ebanghelyo sa mga nasa kadiliman pa. Ang kanilang kagandahangloob ay patotoo na tinanggap nila ang biyaya ng Dios. Ano ang magbubunga ng gayong kagandahang-loob liban na sa pagpapabanal ng Espiritu? Sa paningin ng mga mananampalataya at sa hindi mananampalataya, ito ay kababalaghan ng biyaya.AGA 260.3

    Ang kasaganaang espirituwal ay kayakap ng kagandahang-loob ng Kristiano. Ang mga alagad ni Kristo ay dapat magalak sa karapatang ang kanilang buhay ay naghahayag ng kagandahang-loob ng Manunubos. Habang sila ay nagkakaloob sa Panginoon, may kasiguruhan silang ang kanilang mga kayamanan ay naiimpok sa langit. Nais ba ng taong maingatan ang kanilang kayamanan? Ilagak nila ito sa kamay na taglay ang mga marka ng pagkapako. Nais ba nilang maranasan ang kasiyahan dito? Gamitin nila ang kayamanang ito upang pagpalain ang mga nangangailangan at naghihirap. Nais ba nilang mapalawak ito? Dinggin ang panawagan ng Dios, “Parangalan mo ang Panginoon ng iyong tinatangkilik, at ng mga unang bunga ng lahat mong ani: sa gayo’y mapupuno ang iyong mga kamalig ng sagana, at ang iyong alilisan ay aapawan ng bagong alak.” Kawikaan 3:9, 10. Ang mag-iingat ng kayamanan sa makasariling adhikain ay magiging sa walang hanggang pagkalugi. Ngunit kung ipagkakaloob sa Dios ang mga kayamanang ito, mula sa sandaling iyon ay magtataglay ito ng tatak ng langit. Ito ay natatatakan ng Kanyang pagiging hindi mababago.AGA 261.1

    Inihahayag ng Dios, “Mapalad kayong naghahasik sa tabi ng tubig.” Isaias 32:20. Ang patuluyang pagkakaloob ng mga biyaya ng Dios para sa gawain o kung saan mang nangangailangan ng tulong ang tao, ay hindi mauuwi sa paghihirap. “May nagsasabog, at tumutubo pa, at may humahawak naman ng higit kaysa karampatan, ngunit nauuwi lamang sa pangangailangan.” Kawikaan 11:24. Ang manghahasik ay nagpaparami ng kanyang binhi sa pamamagitan ng pagsasabog nito. Gayon din sa kanilang tapat na nagbabahagi ng kanilang mga tinatangkilik na kaloob ng Dios. Sa pagbibigay ay nagpaparami sila ng pagpapala. “Mangagbigay kayo at kayo’y bibigyan; takal na mabuti, pikpik, liglig at umaapaw, ay ibibigay nila sa inyong kandungan. Lucas 6:38.AGA 261.2

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents