Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Ang Kaloob ng Espiritu

    Nang ibigay ni Kristo sa Kanyang mga alagad ang pangako ng Espiritu, malapit nang magtapos ang Kanyang paglilingkod sa lupa. Siya ay nakatayo na sa anino ng krus, may buong pagkadama ng bigat ng kasalanang ipapataw sa Kanya bilang tagapagdala ng kasalanan. Bago ihandog ang Sarili bilang handog na sakrispisyo, tinuruan Niya ang Kanyang mga alagad tungkol sa isang napakahalaga at ganap na kaloob na Kanyang ibibigay sa mga tagasunod Niya— ang kaloob na maghahatid sa kanilang abot-kamay ng hindi masusukat na kayamanan ng Kanyang biyaya. “Idadalangin Ko sa Ama,” wika Niya, “at ibibigay Ko sa inyo ang ibang Mang-aaliw, na Siya’y mananahan sa inyo magpakailanman; ang Espiritu ng katotohanan; na hindi matatanggap ng sanlibutan, sapagkat hindi Siya nakikita nito, ni nakikilala Siya: datapuwat kilala ninyo Siya; sapagkat Siya’y nananahan sa inyo, at sasainyo.” Juan 14:16, 17. Ang Tagapagligtas ay nakaturo sa panahong ang Banal na Espiritu ay darating upang gampanan ang makapangyarihang gawa bilang Kanyang kinatawan. Ang kasamaan ay nagtitipon sa loob ng daang taon at lalabanan ng kapangyarihang makalangit ng Banal na Espiritu.AGA 37.1

    Ano ang naging bunga ng pagbubuhos ng Espiritu sa araw ng Pentecostes? Ang masayang balita ng bumangong Tagapagligtas ay babala sa mga dulo ng sanlibutang may naninirahan. Habang inihahayag ng mga alagad ang pabalita ng tumutubos na biyaya, ang mga puso ay napasakop sa kapangyarihan ng pabalitang ito. Namasdan ng iglesia ang mga mananampalatayang dumadagsa mula sa lahat ng dako. Mga nanlupaypay ay nabawi. Mga makasalanan ay naldsanib sa mananampalataya sa paghahanap ng perlas na may malaldng halaga. Ilan sa mga mapait na kaaway ng ebanghelyo ay naging mga kampiyon nito. Ang propesiya ay natupad, “Siya na mahina...ay matutulad kay David; at ang sambahayan ni David...tulad ng anghel ng Panginoon.” Zacarias 12:8. Bawat Kristiano ay nakita sa kanyang kapatid ang pagpapahayag ng pag-ibig ng langit at kagandahang-loob. Iisang interes ang namayani; iisang suheto ng papuri ang lumamon sa iba pa. Ang ambisyon ng mga mananampalataya ay ihayag ang wangis ng likas ni Kristo, at gumawa sa ikalalaganap ng Kanyang kaharian. “May dakilang kapangyarihang ibinigay ng mga alagad ang patotoo ng pagkabuhay na mag-uli ng Panginoong Jesus: at dakilang biyaya ay sumakanila.” Gawa 4:33, Sa kanilang paggawa ay napadagdag sa iglesia ang mga piling lalaki, na sa pagtanggap ng salita ng katotohanan, ay nagtalaga ng kanilang mga buhay sa gawain ng pagkakaloob sa iba ng pag-asang purnuspos sa kanilang mga puso ng kapayapaan at kagalakan. Hindi sila mapigilan o mahintakutan man ng mga banta. Ang Panginoon ay nagsalita sa pamamagitan nila, at sa paghayo nila sa bawat dako, ang mga dukha ay napangaralan ng ebanghelyo, at mga milagro ng biyaya ng langit ay naisagawa.AGA 37.2

    Makapangyarihang ang Dios ay gagawa kapag ang tao ay nagkaloob ng sarili sa kontrol ng Kanyang Espiritu.AGA 38.1

    Ang pangako ng Banal na Espiritu ay hindi limitado sa isang panahon o alin mang lipi. Inihayag ni Kristo na ang makalangit na impluwensya ng Kanyang Espiritu ay sasa-Kanyang mga alagad hanggang sa katapusan. Mula sa araw ng Pentecostes hanggang sa kasalukuyan, ang Mang-aaliw ay isinusugo sa lahat ng magpapasakop ng sarili sa Panginoon at sa paglilingkod sa Kanya. Sa lahat ng tumanggap kay Kristo bilang kanilang personal na Tagapagligtas, ang Banal na Espiritu ay dumating bilang tagapayo, tagapagpabanal, patnubay, at saksi. Habang malapit ang paglakad ng mananampalataya sa kanyang Dios, sila ay lalong maliwanag at makapangyarihang nagpatotoo sa pag-ibig ng Manunubos at sa Kanyang nagliligtas na biyaya. Ang mga lalaki at babae sa paglakad ng mga daang taon ng pag-uusig at pagsubok ay nakatamasa ng malaking sukat ng presensya ng Espiritu sa kanilang buhay, ay tumayo bilang mga tanda at kamanghaan sa sanlibutan. Sa harapan ng mga anghel at ng tao naipakita nila ang nagpapabagong kapangyarihan ng tumutubos na pag-ibig.AGA 38.2

    Silang pinagkalooban ng kapangyarihan mula sa itaas noong Pentecostes, ay hindi naman ligtas mula sa dagdag na pagsubok at pag-uusig. Sa kanilang pagsaksi para sa katotohanan at katuwiran, paulit-ulit na sila ay sinalakay ng kaaway ng lahat na katotohanan, na nagsikap na nakawin sa kanila ang kanilang Kristianong karanasan. Napilitan silang magsikap ng buong kakayahang kaloob ng Dios upang abutin ang sukat ng mga lalaki at babae na nasa kay Kristo Jesus. Sa bawat araw ay dumalangin sila sa sariwang kaloob ng biyaya, upang maabot pa nila ang higit na mataas at mataas patungo sa kasakdalan. Sa paggawa ng Banal na Espiritu, kahit na ang pinakamahina, sa pagsasanay ng pananampalataya sa Dios, ay natutong palaguin ang ipinagkatiwala sa kanilang kapangyarihan, at maging banal, napino, at naparangal. Habang sa kaamuan ay nagpasakop sila sa humuhubog na impluwensya ng Banal na Espiritu, tinanggap nila ang kaganapan ng Kadiosan, at nahubog sa wangis ng makalangit.AGA 38.3

    Ang pagdaan ng panahon ay hindi nagpabago sa pangako ni Kristo na pagpapadala ng Banal na Espiritu bilang kinatawan Niya. Hindi dahilan sa pagpigil ng Dios na ang daloy ng kayamanan ng Kanyang biyaya ay napipigilan sa tao. Rung ang katuparan ng pangako ay nakikitang hindi ayon sa marapat, ang dahilan ay sapagkat ang pangako ay hindi pinapahalagahan. Kung ang lahat ay may nasa, ang lahat ay mapupuspos ng Banal na Espiritu. Saan mang dako ang pangangailangan sa Banal na Espiritu ay maliit lamang ang pagkadama, makikita ang espirituwal na pagkatuyot, espirituwal na kadiliman, espirituwal na pagbagsak at kamatayan. Kapag ang mga maliliit na bagay ang kumuha ng pansin, ang kapangyarihan ng langit na kailangan sa paglago at kasaganaan ng iglesia, at siyang maghahatid ng lahat ng iba pang pagpapala sa likuran niya, ay magkukulang, bagaman ito ay iniaalok sa walang hangganang sukat.AGA 39.1

    Sapagkat ito ang paraan upang tayo’y makatanggap ng kapang-yarihan, bakit hindi tayo nagugutom at nauuhaw sa kaloob ng Espiritu? Bakit hindi natin ito pag-usapan, idalangin, at ipangaral? Ang Panginoon ay higit na laang ipagkaloob ang Banal na Espiritu sa mga naglilingkod sa Kanya kaysa mga magulang na nagbibigay ng mabubuting kaloob sa kanilang mga anak. Ukol sa bawat araw ng bautismo ng Espiritu, bawat manggagawa ay dapat maghandog ng kanyang samo sa Dios. Mga pulutong ng mga Kristianong manggagawa ay dapat magtipon upang hilingin ang tanging tulong, ng tanging karunungan ng langit, upang malaman nila kung paanong magpanukala at magsagawang may talino. Tangi na ay dapat silang dumalangin sa Dios na ang mga piniling embahador sa mga bukiran ng misyon ay mabautismuhang masagana ng Kanyang Espiritu. Ang presensya ng Espiritu sa mga manggagawa ng Dios ay magkakaloob sa paghahayag ng katotohanan ng kapangyarihang hindi maibibigay ng lahat ng karangalan o kaluwalhatian ng sanlibutan.AGA 39.2

    Saan mang dako tutungo ang natatalagang manggagawa ng Dios, ang Banal na Espiritu ay sasakanya. Ang mga salitang nabigay sa mga alagad noon ay para sa atin din ngayon. Ang Mang-aaliw ay para sa atin kung paanong sa kanila noon. Ang Espiritu ang nagbibigay ng kalakasang nagpapanatili sa nakikipagpunyaging kaluluwa sa bawat kagipitan, sa gitna ng muhi ng mundo, at sa pagkadama ng kanilang sariling kabiguan at kamalian. Sa hirap at kapanglawan, kapag ang tanawin ay madilim at ang hinaharap ay nakakapanglumo, at kapag tayo ay parang walang lakas at nag-iisa, ito ang mga pagkakataong, bilang tugon sa dalangin ng pananampalataya, ang Banal na Espiritu ay naghahatid ng ginhawa sa puso.AGA 40.1

    Hindi katibayan na ang isang tao ay Kristiano kung siya ay naghahayag ng espirituwal na kagalakan sa hindi karaniwang pangyayari. Ang kabanalan ay hindi paldramdam ng sobrang tuwa: ito ay lubusang pagpapasakop ng kalooban sa Dios; ito ay nagbibigay buhay sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Dios; ito ay pagganap ng kalooban ng ating Ama sa langit; ito ay pagtitiwala sa Dios sa panahon ng pagsubok, sa kadiliman at sa liwanag; ito ay paglakad sa pananampalataya at hindi sa paningin; ito ay pagsandig sa Dios na may pagtitiwalang hindi mapag-aalinlanganan, at pamamahinga sa Kanyang pag-ibig.AGA 40.2

    Hindi mahalaga para sa atin na ipaliwanag kung ano ang Banal na Espiritu. Sinasabi sa atin ni Kristo na ang Espiritu ang Mang-aaliw, “ang Espiritu ng katotohanan na mula sa Ama.” Malinaw na inihahayag tungkol sa Banal na Espiritu, na sa Kanyang gawain na akayin ang tao sa lahat ng katotohanan, “Hindi Siya magsasalita tungkol sa Kanyang sarili.” Juan 15:26; 16:13.AGA 40.3

    Ang likas ng Banal na Espiritu ay isang misteryo. Hindi ito maipapaliwanag ng tao, sapagkat hindi naman ito inihayag ng Panginoon sa kanila. Mga taong may isipang haka-haka ay maaaring magdugtong ng mga talata ng Kasulatan at bigyang kahulugan ito; datapuwat ang pagtanggap ng mga isipang ito ay hindi magpapalakas sa iglesia. Tungkol sa mga misteryong ito na napakalalim upang maunawaan ng tao, ang katahimikan ay ginintuan.AGA 40.4

    Ang tungkulin ng Banal na Espiritu ay malinaw na tinukoy sa salita ni Kristo: “Kapag Siya ay dumating, ay sasansalain Niya ang sanlibutan sa kasalanan, at sa katuwiran, at sa paghuhukom.” Juan 16:8. Ang Banal na Espiritu ang nagpapatunay at humahatol sa kasalanan. Kapag ang makasalanan ay tumugon sa nagbibigay buhay na impluwensya ng Espiritu, siya ay dadalhin sa pagsisisi, at kikilusin sa kahalagahan ng pagsunod sa mga kahilingan ng langit.AGA 40.5

    Sa makasalanang nagsisisi, nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, ang Banal na Espiritu ay naghahayag ng Kordero ng Dios na nagaalis ng kasalanan ng sanlibutan. “Tatanggap Siya ng tungkol sa Akin, at ipapakita sa inyo,” wika ni Kristo. “Ituturo Niya ang lahat sa inyo, at dadalhin ang lahat ng bagay sa inyong alaala, anumang bagay ang sinabi Ko na sa inyo.” Juan 16:14; 14:26.AGA 41.1

    Ang Espiritu ay ibinibigay bilang ahensya ng muling pagtubo, upang gawing mabisa ang kaligtasang naisagawa ng kamatayan ng ating Manunubos. Ang Espiritu ay palaging nagsisikap na kunin ang pansin ng tao sa dakilang handog na nagawa sa krus ng Kalbaryo, upang ilahad sa sanlibutan ang pag-ibig ng Dios, at buksan sa kaluluwang hikayat ang mga mahal na bagay ng Kasulatan.AGA 41.2

    Matapos madala ang hatol ng kasalanan, at mailahad sa isipan ang pamantayan ng katuwiran, inaalis ng Banal na Espiritu ang pagmamahal ng tao sa mga bagay ng sanlibutang ito, at pinupuno ang kaluluwa ng pagnanais sa kabanalan. “Papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan” (Juan 16:13), wika ng Tagapagligtas. Kung ang tao ay laang pahubog, magkakaroon ng kabanalan sa buong pagkatao. Kukunin ng Espiritu ang mga bagay ng Dios at itatatak ito sa kaluluwa. Sa Kanyang kapangyarihan ang paraan ng pamumuhay ay magiging maliwanag anupa’t walang sinumang dapat magkamali.AGA 41.3

    Sa pasimula pa ay gumagawa na ang Dios sa pamamagitan ng Kanyang Banal na Espiritu sa pamamagitan ng tao upang isagawa ang mga adhikain Niya ukol sa lahing nagkasala. Ito ay nahayag sa buhay ng mga patriarka. Gayon din sa iglesia sa ilang, sa panahon ni Moises, ibinigay ng Dios sa kanila ang Kanyang “mabuting Espiritu upang turuan sila.” Nehemias 9:20. Nang panahon ng mga apostol ay gumawa Siyang makapangyarihan sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Ang kapangyarihang nag-ingat sa mga patriarka, na nagbigay kay Caleb at Josue ng tapang at pananampalataya, na nagbigay bisa sa gawa ng iglesia ng mga apostol, na nag-ingat sa mga tapat na anak ng Dios sa bawat kasunod na panahon. Sa kapangyarihan din ng Banal na Espiritu na sa panahon ng Madilim na Kapanahunan ang mga Kristianong Waldensian ay nakatulong sa paghahanda ng daan ng Repormasyon. Ang katulad na kapangyarihan ang nagpanagumpay sa pagsisikap ng mga dakilang lalaki at babae na nanguna sa pagtatatag ng mga makabagong misyon, at sa pagsasalin ng Biblia sa mga wika at diyalekto ng mga bansa at lahi.AGA 41.4

    At ngayon ginagamit pa rin ng Dios ang Kanyang iglesia upang ipaalam ang Kanyang layunin sa daigdig. Ngayon ang mga tagapagbalita ng krus ay nagtungo sa mga siyudad, at sa mga lupain, inihahanda ang daan sa ikalawang pagdating ni Kristo. Ang pamantayan ng kautusan ng Dios ay naitataas. Ang Espiritu ng Makapangyarihan ay kumikilos sa mga puso, at ang tumugon ay nagiging saksi para sa Dios at Kanyang katotohanan. Sa maraming mga lugar ang natatalagang mga lalaki at babae ay makikita na ibinabalita ang liwanag na nagpalinaw sa daan ng kaligtasan sa pamamagitan ni Kristo. At habang pinagniningas ang kanilang ilawan, gaya ng mga nabautismuhan ng Espiritu noong araw ng Pentecostes, kanilang tinanggap ng higit at higit ang kapangyarihan ng Espiritu. Dahil dito ang daigdig ay naliwanagan ng kaluwalhatian ng Dios.AGA 42.1

    Sa kabilang banda, mayroong ilan na, sa halip na pag-ibayuhin ang mga pagkakataon, ay nakatigil na naghihintay ng tanging panahon ng pagpapanariwang espirituwal na kung saan ang kanilang kakayahan na paliwanagan ang iba ay madagdagan. Pinabayaan ang kanilang gawain at karapatan, at hinayaang dumilim ang kanilang ilawan, habang inaabangan ang panahon na, walang paghihirap, ay matatanggap ang tanging pagpapala, na kung saan sila ay mababago at karapatdapat sa gawain.AGA 42.2

    Katotohanan na sa mga huling araw, kapag ang gawain ng Dios sa lupa ay matatapos na, ang mga gawain ng mga mananampalataya sa patnubay ng Banal na Espiritu, ay magtataglay ng tanging patotoo ng makalangit na pagsang-ayon. Sa ilalim ng anyo ng una at huling ulan, sa dakong Silangan sa paghahasik ng binhi at pag-aani, ang mga propetang Hebreo ay nagpropesiya ng pagkakaloob ng espirituwal na biyaya sa hindi pangkaraniwang sukat sa iglesia ng Dios. Ang pagbubuhos ng Espiritu sa panahon ng mga apostol ang simula ng una, o maagang ulan, at maluwalhati ang naging bunga. Sa katapusan ng panahon, ang presensya ng Espiritu ang papatnubay sa tunay na iglesia.AGA 42.3

    Datapuwat sa pagtatapos ng pag-aani ng sanlibutan, isang tanging pagkakaloob ng biyayang espirituwal ang ipinangako upang ihanda ang iglesia sa pagdating ng Anak ng tao. Ang pagbubuhos ng Espiritu ay gaya sa pagbubuhos ng huling ulan; at dahil dito sa karagdagang kapangyarihan ay dinadala ng Kristiano ang kanilang mga pagsamo sa Panginoon ng pag-aani “sa panahon ng huling ulan.” Bilang pagtugon, “sa Panginoon na nagpapakidlat, at Kanyang bibigyan sila ng ulan,” “Kanyang pinalalagpak ang ulan dahil sa inyo, ang maagang ulan at ang huling ulan.” Zacarias 10:1; Joel 2:23.AGA 42.4

    Datapuwat malibang ang mga kaanib ng iglesia ng Dios ngayon ay may buhay na kaugnayan sa Bukal ng lahat ng paglagong espirituwal, hindi sila mahahanda sa panahon ng pag-aani. Malibang ang kanilang mga ilawan ay laging pagningasin, mabibigo silang matanggap ang karagdagang biyaya sa panahon ng tanging pangangailangan.AGA 43.1

    Sila lamang na palagiang tumatanggap ng bagong kaloob na biyaya, ang magkakaroon ng kasukat na kapangyarihan para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan at kakayahang gamitin ang kapangyarihang iyon. Sa halip na tumanaw sa hinaharap na doon ay tatanggap sila ng tanging kaloob na kapangyarihang espirituwal, ngayon kung sa bawat araw ay napapasakop sila sa Dios, ay tatanggap sila ng mahimalang pag-aangkop para sa paghikayat ng kaluluwa, upang sila ay maging angkop na sisidlang magagamit Niya. Sa bawat araw ay pasusulungin nila ang mga pagkakataong kaloob sa paglilingkod na abot ng kanilang impluwensya. Sa bawat araw ay sumasaksi sila para sa Panginoon saan man sila naroroon, maging sa hamak na paggawa sa tahanan, o sa publikong buldrin ng kapakinabangan.AGA 43.2

    Sa natatalagang manggagawa ay may kaginhawahan sa pagkaalam na kahit na si Kristo sa Kanyang buhay sa lupa ay sinikap na humingi sa Kanyang Ama araw-araw ng mga kailangang biyaya; at sa kumunyong ito sa Dios ay humayo Siya upang palakasin at pagpalain ang iba. Masdan ang Anak ng Dios na nakaluhod sa panalangin sa Kanyang Ama! Bagama’t Siya ang Anak ng Dios, pinalakas pa rin Niya ang pananampalataya sa pananalangin, at sa komunyon sa langit ay tinatanggap ang kapangyarihang labanan ang kasamaan at maglingkod sa pangangailangan ng tao. Bilang Nakatatandang Kapatid ng ating lahi, alam Niya ang mga pangangailangan nilang napapaligiran ng kahinaan at nabubuhay sa isang sanlibutan ng kasalanan at tukso, gayunman ay nagnanais na maglingkod sa Kanya. Alam Niyang ang mga manggagawang Kanyang isinusugo ay mahihina, at nagkakamali; datapuwat sa lahat na lubusang magkakaloob ng sarili sa Kanya sa paglilingkod ay may pangako ng tulong ng langit. Ang Kanyang halimbawa ay isang kasiguruhan na ang taimtim at maningas na panalangin sa Dios sa pananampalataya— pananampalatayang aakay sa lubusang pagsandig sa Dios, at walang pasubaling pagtatalaga sa Kanyang gawain—ay maghahatid sa tao ng tulong ng Banal na Espiritu laban sa kasalanan.AGA 43.3

    Bawat manggagawang susunod sa halimbawa ni Kristo ay mahahandang tumanggap ng kapangyarihan at gamitin ang kapangyarihang pangako ng Dios sa Kanyang iglesia para sa pagkahinog ng ani sa lupa. Sa bawat umaga ang mga tagapagbalita ng ebanghelyo ay luluhod sa harap ng Panginoon upang sariwain ang kanilang tipan ng pagtatalaga sa Kanya, at ipagkakaloob sa kanila ang presensya ng Kanyang Espiritu, taglay ang kapangyarihang magbigay buhay at magpabanal. Sa kanilang paghayo sa mga tungkulin ng araw na iyon, nasa kanila ang kasiguruhang ang ahensyang di nakikita na Banal na Espiritu ang nagbibigay sa kanila ng lakas upang maging “kamanggagawang kasama ng Dios.”AGA 44.1

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents