Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Tesalonica

    Paglisan sa Filipos, sina Pablo at Silas ay naglakbay tungo sa Tesalonica. Dito ay nagkaroon sila ng karapatang magsalita sa malalaking pagtitipon sa mga sinagoga ng Judio. Sa kanilang anyo ay taglay pa rin ang mga tanda ng kahihiyan at pahirap na kanilang dinanas, at kinailangang ipaliwanag nila ang lahat. Ginawa nila ito na hindi itinataas ang sarili, kundi Siyang nagligtas sa kanila.AGA 168.1

    Sa pangangaral sa mga taga Tesalonica, si Pablo ay nanawagan sa mga propesiyang nagtuturo sa Mesias. Si Kristo at ang Kanyang paglilingkod ang nagbukas sa isipan ng mga alagad tungkol sa mga propesiyang ito; “pasimula kay Moises at lahat ng mga propeta, binuksan Niya sa kanila ang mga bagay na isinasaad tungkol sa Kanya ng mga Kasulatan.” Lucas 24:27. Sa pangangaral ni Pedro tungkol kay Kristo, nagbigay ito ng mga ebidensya mula sa Lumang Tipan. Si Esteban ay sinundan ang katulad na paraan. At si Pablo sa kanyang paglilingkod ay nanawagan tungkol sa mga propesiya ng pagsilang, pagdurusa, kamatayan, pagkabuhay na muli, at pagpanhik ni Kristo sa langit. Sa kinasihang patotoo ni Moises at mga propeta, malinaw na pinatunayan niya na si Jesus ng Nasaret ang Mesias, at ipinalata ring mula kay Adan ang tinig ni Kristo ang nagsasalita sa mga patriarka at propeta.AGA 168.2

    Malinaw at tiyakang propesiya ang ibinigay tungkol sa pagdating ng ipinangakong Manunubos. Ibinigay kay Adan ang tiyak na pagdating ng Manunubos. Ang hatol na iginawad kay Satanas, “Pagaalitin ko ikaw at ang babae, at ang iyong binhi at kanyang binhi: ito ang dudurog ng iyong ulo, at ikaw ang dudurog ng kanyang sakong” (Genesis 3:15), ay naging pangako sa ating mga unang magulang ng pagtubos na isasagawa sa pamamagitan ni Kristo.AGA 168.3

    Kay Abraham ay ibinigay din ang pangako na sa kanyang hanay ay darating ang Tagapagligtas ng sanlibutan: “Sa iyong binhi ay pagpapalain ang lahat ng mga bansa.” “Hindi sinasabi ng Dios, At sa mga binhi, na gaya baga sa marami; kundi gaya sa iisa lamang, At sa iyong binhi, na si Kristo.” Genesis 22:18; Galacia 3:16.AGA 168.4

    Sa pagwawakas ng gawain ni Moises bilang isang lider at guro sa Israel, siya ay malinaw na nagpropesiya ng pagdating ng Mesias. “Palilitawin sa iyo ng Panginoong Dios ang isang Propeta sa gitna mo, sa iyong mga kapatid, na gaya ko; sa Kanya kayo makikinig,” kanyang sinabi sa mga natipong karamihan ng Israel. At tiniyak ni Moises sa Israel na ang Dios mismo ang naghayag nito sa kanya habang nasa bundok ng Horeb, na nagsasabi, “Aking palilitawin sa kanila ang isang Propeta sa gitna ng kanyang mga kapatid, na gaya mo; at Aking ilalagay ang Aking mga salita sa bibig Niya; at Kanyang sasalitain sa kanila ang lahat ng Aking iniuutos sa Kanya.” Deuteronomio 18:15, 18.AGA 169.1

    Ang Mesias ay dapat sa angkang makahari, sapagkat sa propesiya ni Jacob ay sinalita ng Panginoon, “Ang setro ay hindi mahihiwalay sa Juda, ni ang tungkod ng pagkapuno sa pagitan ng kanyang mga paa, hanggang sa ang Shiloh ay dumating; at sa Kanya tatalima ang mga bansa.” Genesis 49:10.AGA 169.2

    Nagpropesiya si Isaias: “At may lalabas na usbong sa puno ni Isai, at isang sanga mula sa kanyang mga ugat ay magbubunga.” “Inyong ikiling ang inyong tainga, at magsiparito kayo sa Akin: kayo’y magsipakinig, at ang inyong kaluluwa ay mabubuhay; at Ako’y makikipagtipan sa inyo ng walang hanggan, samakatuwid baga’y ng tunay na mga kaawan ni David. Narito, ibinigay Ko Siya na pinakasaksi sa mga bayan, na patnubay at tagapag-utos sa mga bayan. Narito, ikaw ay tatawag ng bansa na hindi mo nakikilala at bansa na hindi ka nakildlala ay tatakbo sa iyo dahil sa Panginoon mong Dios, at dahil sa Banal ng Israel; sapagkat Kanyang niluwalhati ka.” Isaias 11:1; 55:3-5.AGA 169.3

    Si Jeremias man ay sumaksi sa pagdating ng Manunubos bilang isang Prinsipe sa bahay ni David: “Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na Ako’y magbabangon kay David ng matuwid na Sanga, at Siya’y maghahari na gaya ng hari, at gagawang may kapantasan, at magsasagawa ng kahatulan at kaganapan sa lupain. Sa Kanyang mga kaarawan ay maliligtas ang Juda, at ang Israel ay tatahang tiwasay: at ito ang Kanyang pangalan na itatawag sa Kanya, Ang Panginoon ay Ating Katuwiran.” At muli pa: “Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon: Si David ay hindi kukulangin kailanman ng lalaki na mauupo sa luklukan ng bahay ng Israel; ni hindi kukulangin ang mga saserdote na mga Levita ng lalaki sa harap Ko na maghahandog ng mga handog na susunugin, at upang magsunog sa mga alay, at upang maghaing palagi.” Jeremias 23:5, 6; 33:17, 18.AGA 169.4

    Kahit na ang dakong sisilangan ng Mesias ay sinabi sa propesiya: “Ngunit ikaw, Bethlehem Ephrata, na maliit upang lumagay sa libulibo sa Juda, mula sa iyo ay lalabas sa Akin ang isa na Magpupuno sa Israel; na ang mga pinagbuhatan Niya ay mula ng una, mula sa walang hanggan.” Mikas 5:2.AGA 170.1

    Ang gawaing gagampanan ng Tagapagligtas dito sa lupa ay malinaw na naibalangkas: “At ang Espiritu ng Panginoon ay sasa-Kanya, ang diwa ng karunungan at ng kaunawaan, ang diwa ng payo at ng katibayan, ang diwa ng kaalaman at ng takot sa Panginoon; at ang Kanyang kaluguran ay magiging sa pagkatakot sa Panginoon.” Ang Siyang sa ganito ay pinahiran “upang ipangaral ang mabubuting balita sa mga maamo;...upang magpagaling ng mga bagbag na puso, upang magtanyag ng kalayaan sa mga bihag, at magbukas ng bilangguan sa nangabibilanggo; upang magtanyag ng kalugod-lugod na taon ng Panginoon, at ng kaarawan ng paghihiganti ng ating Dios; upang aliwin yaong lahat na nagsisitangis; upang iukol sila na nagsisitangis sa Sion, upang bigyan sila ng putong na bulaklak na kahalili ng mga abo, ng langis ng kagalakan na kahalili sa pagtangis, ng damit na kapurihan na kahalili ng kabigatan ng loob; upang sila’y matawag na mga punong kahoy ng katuwiran, na pananim ng Panginoon, upang Siya’y luwalhatiin.” Isaias 11:2, 3; 61:1-3.AGA 170.2

    “Narito, ang Aking lingkod na Aking inaalalayan; ang Aking hinirang na kinalulugdan ng Aking kaluluwa; isina Kanya Ko ang Aking Espiritu: Siya’y maglalapat ng kahatulan sa mga bansa. Siya’y hindi hihiyaw, o maglalakas man ng tinig, o iparirinig man ang Kanyang tinig sa lansangan. Ang gapok na tambo ay hindi Niya babaliin, ni ang timsim na umuusok ay hindi Niya papatayin; Siya’y maglalapat ng kahatulan sa katotohanan. Siya’y hindi manlulupaypay o maduduwag man, hanggang sa maitatag Niya ang kahatulan sa lupa, at ang mga pulo ay maghihintay sa Kanyang kautusan.” Isaias 42:1-4.AGA 170.3

    Taglay ang kapangyarihan nangatuwiran si Pablo mula sa Lumang Tipan na “si Kristo ay kailangang magdusa, at muling mabuhay sa mga patay.” Hindi ba ayon sa propesiya ni Mikas, “Kanilang hahampasin sa pisngi ang Hukom ng Israel ng isang tungkod?” Mikas 5:1. At hindi ba Siya na ring Ipinangako ang nagpropesiya tungkol sa Kanyang sarili? “Aking ipinain ang Aking likod sa mga mananakit, at ang Aking mga pisngi sa mga bumabaltak ng balbas: hindi Ko ikinubli ang Aking mukha sa mga kahihiyan at sa paglura”? Isaias 50:6. Sa pamamagitan ng mang-aawit si Kristo ay nagpropesiya sa pakikitungo sa Kanya na tatanggapin mula sa tao: Ako ay...duwahagi sa mga tao, at hinamak ng bayan. Silang lahat na nangakita sa Akin ay tinatawanang mainam Ako: inilalawit nila ang labi, iginagalaw nila ang ulo, na sinasabi, Magpakatiwala Ka sa Panginoon; iligtas Niya Siya; iligtas Niya Siya yamang kinaluluguran Niya Siya.” “Aking maisasaysay ang lahat ng Aking mga buto: kanilang minamasdan at pinapansin Ako. Hinapak nila ang Aking mga kasuotan sa gitna nila, at kanilang pinagsapalaran ang Aking kasuotan.” “Ako’y naging iba sa Aking mga kapatid, at taga-ibang lupa sa mga anak ng Aking ina. Sapagkat napuspos Ako ng sikap sa Iyong bahay; at ang mga pagduwahagi nila na nagsisiduwahagi sa Iyo ay nangahulog sa Akin.” “Kaduwahagihan ay sumira ng Aking puso; at Ako’y lipos ng kabigatan ng loob: at Ako’y naghintay na may maawa sa Akin, ngunit wala; at mga mang-aaliw, ngunit wala Akong nasumpungan.” Awit 22:6-8, 17, 18; 69:8, 9,20.AGA 170.4

    Gaano nga kalinaw ang mga propesiya ni Isaias tungkol sa paghihirap at kamatayan ni Kristo! “Sinong naniwala sa aming balita?” tanong ng propeta, “at kanino nahayag ang bisig ng Panginoon? Sapagkat Siya’y tumubo sa harap Niya na gaya ng sariwang pananim, at gaya ng ugat sa tuyong lupa: walang anyo o kagandahan man; at pagka ating minamasdan Siya, ay walang kagandahan na mananais tayo sa Kanya. Siya’y hinamak at itinakwil ng mga tao; isang taong kapanglawan, at bihasa sa karamdaman: at gaya ng isa na pinagkublihan ng kanilang mukha ng mga tao, na Siya’y hinamak, at hindi natin hinahalagahan Siya.AGA 171.1

    “Tunay na Kanyang dinala ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kapanglawan: gayon ma’y ating pinalagay Siya ng hinampas, sinaktan ng Dios, at dinalamhati. Ngunit Siya’y nasugatan dahil sa ating pagsalangsang, Siya’y nabugbog dahil sa ating mga kasamaan: ang parusa ng tungkol sa ating kapayapaan ay nasa Kanya; at sa pamamagitan ng Kanyang mga latay ay nagsigaling tayo.AGA 171.2

    “Tayong lahat na gaya ng mga tupa ay naligaw; tayo ay tumungo bawat isa sa kanyang sariling daan; at ipinasan sa Kanya ng Panginoon ang kasamaan nating lahat. Siya’y napighad, gayon man nang Siya’y dinalamhati ay hindi nagbuka ng Kanyang bibig, gaya ng kordero na dinadala sa patayan, at gaya ng tupang nasa harap ng mga manggugupit sa kanya ay pipi, gayon ma’y hindi Niya binuka ang Kanyang bibig. Sa pamamagitan ng kapighatian at kahatulan ay dinala Siya; at tungkol sa Kanyang lahi, sino sa kanila ang gumunita na Siya’y nahiwalay sa lupain ng buhay? Dahil sa pagsalangsang ng aking bayan ay nasaktan Siya.” Isaias 53:1-8.AGA 171.3

    Kahit na ang paraan ng Kanyang kamatayan ay binigyang anino. Kung paanong ang tansong ahas ay nataas sa ilang, gayon din ay matataas ang darating na Manunubos, “upang sinumang manampalataya sa Kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” Juan 3:16.AGA 172.1

    “At sasabihin ng isa sa Kanya, Ano ang mga sugat na ito sa pagitan ng Iyong mga bisig? Kung magkagayo’y Siya’y sasagot, Iyan ang mga naging sugat Ko sa bahay ng Aking mga kaibigan.” Zacarias 13:6.AGA 172.2

    “At ginawa Niya ang Kanyang libingan na kasama ng mga masama, at kasama ng isang lalaking mayaman sa Kanyang kamatayan; bagaman hindi Siya gumawa ng pangdadahas, o wala mang anumang karayaan sa Kanyang bibig. Gayunma’y ldnalugdan ng Panginoon na mabugbog Siya; inilagay Niya Siya sa pagdaramdam.” Isaias 53:9, 10.AGA 172.3

    Datapuwat Siyang dadanas ng kamatayan sa kamay ng masamang tao ay muling babangon bilang mananagumpay sa kasalanan at libingan. Sa ilalim ng inspirasyon ng Makapangyarihan sa lahat, ang Matamis na Mang-aawit ng Israel ay nagpatotoo ng kaluwalhatian ng umaga ng pagkabuhay na mag-uli. “Ang Akin namang katawan,” kanyang ipinahayag na may kagalakan, “ay tatahang tiwasay. Sapagkat hindi Mo iiwan ang Aking kaluluwa sa Sheol; ni hindi Mo titiisin ang Iyong Banal na makakita ng kabulukan.” Awit 16:9, 10.AGA 172.4

    Ipinakita ni Pablo kung gaano kalapit na iniugnay ng Dios ang mga serbisyo ng paghahandog sa mga propesiya tungkol sa Isa na “parang tupang dinadala sa patayan.” Ang Mesias ay magkakaloob ng buhay bilang “handog sa kasalanan.” Sa pagtingin sa mga daantaon tungo sa tanawin ng pagtubos ng Tagapagligtas, nagpatotoo ang propeta Isaias na ang Kordero ng Dios “ay nagdulot ng Kanyang kaluluwa sa kamatayan: at ibinilang na kasama ng mananalangsang; gayunma’y dinala Niya ang mga kasalanan ng marami, at namagitan sa mga mananalangsang.” Isaias 53:7, 10, 12.AGA 172.5

    Ang Tagapagligtas ayon sa propesiya ay darating, hindi bilang haring pansamantala, na magliligtas sa bansang Judio mula sa mga mang-uusig, kundi bilang isang tao sa gitna ng mga tao, upang mabuhay sa kahirapan at kababaan, at sa wakas ay libakin, tanggihan, at patayin. Ang Tagapagligtas na sinabi sa propesiya sa Lumang Tipan ay maghahandog ng Sarili bilang sakripisyo sa taong nagkasala, at tutuparin ang kahilingan ng kautusang nalabag. Sa Kanya ang mga anino ng pagsasakripisyo at handog ay makasusumpong ng katawan at ang Kanyang kamatayan sa krus ay magbibigay kahalagahan sa buong kabuhayan ng mga Judio.AGA 173.1

    Sinabi ni Pablo sa mga Judio sa Tesalonica ang tungkol sa kanyang dating sigasig sa mga batas seremonyal at kahanga-hangang karanasan niya sa daang patungo sa Damasco. Bago siya nahikayat ay may tiwala siya sa namanang kabanalan, isang maling pag-asa. Ang kanyang pananampalataya ay hindi kay Kristo; kundi sa mga porma at seremonya. Ang sigasig niya sa kautusan ay hiwalay sa pananampalataya kay Kristo at sa gayon ay walang kabuluhan. Sa kabila ng pagmamalaking siya ay walang kapintasan sa pagganap ng mga gawa ng kautusan, tinatanggihan naman niya Siyang nagbibigay katumran sa kautusan.AGA 173.2

    Datapuwat sa oras ng kanyang pagkahikayat lahat ay nabago. Si Jesus ng Nasaret na kanyang inuusig sa katauhan ng mga banal, ay napakita sa kanya bilang ipinangakong Mesias. Nakita ng manguusig Siya na Anak ng Dios, ang nanaog dito sa lupa upang tuparin ang mga propesiya, at sa Kanyang buhay ay sinapatan ang bawat kahilingan ng Banal na Sulat.AGA 173.3

    Habang sa banal na tapang ay ipinahayag ni Pablo ang ebanghelyo sa sinagoga sa Tesalonica, isang baha ng kaliwanagan ay ipinagkaloob upang ibigay ang tunay na kahulugan ng mga ritwal at seremonyang kaugnay ng mga serbisyo sa tabernakulo. Dinala niya ang isipan ng mga nakikinig sa kabila ng mga serbisyo sa lupa tungo sa ministri ni Kristo sa santuwaryo sa langit at sa oras ng pagtatapos ng pamamagitan ni Kristo, Siya ay muling babalik sa kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian, upang magtatag ng Kanyang kaharian dito sa lupa. Si Pablo ay nanampalataya sa ikalawang pagparito ni Kristo; maliwanag at may puwersang ipinangaral niya ang mga katotohanang kaugnay ng pangyayari, anupa’t ang katotohanang ito ay hindi naalis sa isipan ng mga nakinig.AGA 173.4

    Sa loob ng tatlong magkakasunod na Sabbath si Pablo ay nangaral sa Tesalonica tungkol sa salita ng Kasulatan tungkol sa buhay, kamatayan, pagkabuhay na mag-uli, gawain, at panghinaharap na kaluwalhatian ni Kristo, ang “Korderong pinaslang mula sa pagkakatatag ng sanlibutan.” Apocalipsis 13:8. Itinaas niya si Kristo, ang matuwid na pagkaunawa sa kanyang ministri na siyang magbubukas ng Lumang Tipan, na magbibigay daan sa mga kayamanan nito.AGA 174.1

    Sa pamamahayag ng katotohanan ng ebanghelyo sa Tesalonica na may malakas na kapangyarihan, ang pansin ng malaking bilang ay natawag. “Ilan sa kanila ay nanampalataya, at sumama kay Pablo at Silas; at isang malaking bilang na mga banal na Griyego, at marami sa mga pangunahing kababaihan.”AGA 174.2

    Tulad din sa mga unang dakong pinasok nila, ang mga apostol ay nakasagupa ng mahigpit na pagsalungat. “Ang mga Judiong hindi nanampalataya” ay “kinilos ng inggit.” Ang mga Judiong ito ay hindi kaayon ng kapangyarihan ng Roma, at di natatagalan, ay naghimagsik laban sa Roma. May hinala sa kanila, at ang kanilang kalayaang kumilos ay pigil. Ngayon ay nakakita sila ng pagkakataong makabawi at muling maging kaibigan ng pamahalaan, habang kanilang inilalagay sa kahihiyan ang mga apostol at mga nahikayat sa Kristianismo.AGA 174.3

    Isinagawa nila ito sa pamamagitan ng pagsanib sa “ilang mga taong masama” at sila’y nagtagumpay na “gisingin ang bayan.” Sa pagasang matagpuan ang mga apostol, ay “nilusob nila ang bahay ni Jason;” datapuwat hindi nila natagpuan si Pablo o si Silas man. At “nang hindi sila nasumpungan,” sa galit ng karamihang ito ay “dinala nila si Jason at ilang mga kapatid sa mga pinuno ng bayan, sa pagsigaw ng, Ang mga taong itong naparito upang baligtarin ang sanlibutan ay tinanggap ni Jason: at ang bagay na ito ay laban sa mga utos ni Ceasar, sa pagsasabing may isa pang ibang hari, si Jesus.”AGA 174.4

    Sapagkat wala si Pablo at Silas, ipiniit ang mga pinagbibintangang mananampalataya upang ang katahimikan ay mapangalagaan. Sa pangambang magkaroon pa ng karahasan, “agad ay pinaalis ng mga kapatid sina Pablo at Silas patungong Berea.”AGA 174.5

    Ang mga iyon sa ngayon ay nagtuturo ng mga katotohanang hindi popular ay di dapat manlupaypay kung sila ay nakakatagpo ng mga hadlang tulad ng naranasan ni Pablo at mga kasamang manggagawa, kahit na sa kamay ng mga nag-aangkin na sila’y Kristiano. Ang mga mensahero ng krus ay dapat na magtaglay ng pagbabantay at pananalangin, at humayong may pananampalataya at tapang, na laging gumagawa sa pangalan ni Jesus. Dapat na itaas nila si Kristo bilang tagapamagitan ng tao sa santuwaryo sa langit, sa Kanya na ang lahat ng mga sakripisyo sa Lumang Tipan ay nakasentro, at sa tumutubos na sakripisyo ay makatagpo ang lumabag sa kautusan ng Dios ng kapayapaan at pagpapatawad.AGA 174.6

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents