Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Si Pablo na Bilanggo

    “Nang dumating kami sa Jerusalem, tinanggap kaming masaya ng mga kapatid. Kinabukasan, si Pablo ay nakipagkita kay Santiago; at ang lahat ng matatanda ay naroroon.AGA 302.1

    Sa pagkakataong ito, pormal na iniharap ni Pablo at mga kasama sa mga lider ng gawain sa Jerusalem ang mga tulong na padala ng mga iglesia ng mga Gentil para sa mga mahihirap na kapatid na Judio. Sa pagtitipon ng mga kaloob na ito, malaking panahon, pagiisip, at pagsisikap ang ginugol ng apostol at mga kasama. Ang halagang kanilang natipon ay higit sa inaasahan ng mga matatanda sa Jerusalem, at kumakatawan sa maraming sakripisyo at kahit na sa pagtanggi sa sarili ng mga mananampalatayang Gentil.AGA 302.2

    Ang mga kusang-loob na handog na ito ay naging sagisag ng katapatan ng mga nahikayat na Gentil sa natatag na gawain ng Dios sa buong lupa, at dapat sanang tinanggap ng lahat na may pagpapasalamat; ngunit malinaw kay Pablo at sa mga kasama, na kahit na sa mga taong kaharap nila ngayon ay mayroong mga hindi makakita ng diwa ng pag-ibig sa kapatid na nagbunsod sa mga kaloob na ito.AGA 302.3

    Sa mga unang taon ng paggawa sa mga Gentil, ang ilan sa mga pangunahing lider sa Jerusalem, na nanghahawakan pa rin sa mga dating maling akala at ugali at isipan, ay hindi lubos na nakipagtulungan kay Pablo at mga kasama niya. Sa kanilang malasakit na mapanatili ang ilang walang kahulugang porma at seremonya, nawala sa kanilang paningin ang pagpapalang sasa-kanila at sa gawaing kanilang minamahal, sa pamamagitan ng pakikipagkaisa sa lahat ng sangkap ng gawain ng Panginoon. Bagama’t may naising pangalagaan ang pinakamabuting interes ng iglesia Kristiana, nagkulang silang sumabay sa pasulong na paglalaan ng Dios, at sa kanilang sariling isipang tao ay nagsikap silang bigkisan ang mga manggagawa ng mga hindi kailangang pagbabawal. Sa ganito ay bumangon ang isang pulutong ng mga lalaking walang kaalamang personal sa mga nagbabagong pangyayari at kakaibang pangangailangang nakakasagupa ng mga manggagawa sa malalayong lupain, gayunman ay nagpilit na sila ay may kapangyarihang pangunahan ang mga kapatid sa mga bukirang ito at pasunurin sa ilang takdang paraan ng paggawa. Inisip nilang ang gawain ng pangangaral ay dapat lamang magpatuloy ayon sa kanilang mga iniisip.AGA 302.4

    Ilang taon ang nakalipas matapos na ang mga kapatid sa Jerusalem, at mga kinatawan mula sa iba’t ibang dako ay nagbigay ng maingat na pag-iisip ang mga nakagugulong katanungang bumangon sa mga paraan ng paggawa nilang naldkitungo sa mga Gentil. Bunga ng konsilyong ito, ang mga kapatid ay nagkaisang magbigay ng mga tiyakang rekomendasyon sa mga iglesia tungkol sa mga ritwal at kaugalian, kasama na ang pagtutuli. Sa pangkalahatang konsilyong ito nagkaisa rin ang mga kapatid na itagubilin sina Bernabe at Pablo bilang mga manggagawang marapat tumanggap ng buong pagtitiwala ng bawat mananampalataya.AGA 303.1

    Kabilang sa mga nagtipon ay ilan sa mga mahigpit na bumatikos sa mga paraan ng paggawang sinunod ng mga apostol na sila namang may pangunahing pasanin sa gawain ng ebanghelyo sa sanlibutan ng mga Gentil. Ngunit sa panahon ng konsilyo, ang kanilang mga pananaw sa adhikain ng Dios ay napalawak, at sila ay nakisanib sa mga kapatid sa pagbuo ng matatalinong pasya upang mapagkaisa ang buong katawan ng mananampalataya.AGA 303.2

    Matapos ito, nang makitang mabilis ang paglago ng mga kapatid na Gentil, mayroong mga ilang pangunahing kapatid sa Jerusalem na muling nagbangon at nagmahal sa mga dating maling akala laban sa mga paggawa ni Pablo at mga kasama. Lalong lumakas ang mga maling akalang ito sa pagdaan ng mga taon, hanggang magpasya ang mga ilang lider na ito na ang pangangaral ng ebanghelyo ay dapat lamang na ayon sa kanilang sariling mga isipan. Kung si Pablo ay mag-aangkop ng kanyang mga pamamaraan sa ilang patakarang kanilang inilalahad, kikilalanin at tatangkilikin nila ang kanyang paggawa; kung hindi, hindi na nila siya kikilalanin o tatangkilikin man.AGA 303.3

    Ang mga lalaking ito ay nawalan ng pananaw na ang Dios ang guro sa Kanyang bayan; at ang bawat manggagawa sa Kanyang gawain av dapat magtamo ng pansariling karanasan sa pagsunod sa banal na Lider, at hindi sa tao titingin sa tuwirang patnubay; na ang Kanyang mga manggagawa ay dapat mahubog, hindi sa mga isipan ng tao, kundi sa larawan ng Dios.AGA 303.4

    Sa kanyang ministeryo si Pablo ay nagturo sa bayan “hindi sa mga salitang panghikayat ng karunungan, kundi sa patotoo ng Espiritu at ng katotohanan.” Ang mga katotohanang kanyang naipahayag ay ipinaalam sa kanya ng Banal na Espiritu, “sapagkat nasisiyasat ng Espiritu ang lahat ng mga bagay, oo, ang malalalim na mga bagay ng Dios. Sapagkat sino sa mga tao ang nakakakilala ng mga bagay ng tao, kundi ang espiritu ng tao, na nasa kanya? gayundin naman ang mga bagay ng Dios ay hindi nakikilala ng sinuman, maliban na ng Espiritu ng Dios.... Na ang mga bagay na ito,” pahayag ni Pablo, “atin namang sinasalita, hindi sa mga salitang itinuturo ng karunungan ng tao, kundi sa itinuturo ng Banal na Espiritu; na iniwawangis natin ang mga bagay na ayon sa espiritu sa mga pananalitang ayon sa espiritu.” 1 Corinto 2:4, 10-13.AGA 304.1

    Sa buong ministri niya, si Pablo ay laging nakatingin sa Dios para sa tuwirang patnubay. Kasabay nito, lagi siyang maingat na gumawang katugma ng mga pasiya ng pangkalahatang konsilyo sa Jerusalem; at bilang bunga, ang mga iglesia ay “natatag sa pananampalataya,’ at ang bilang ay dumarami sa bawat araw.” Gawa 16:5. At ngayon, sa kabila ng kawalang simpatiyang ipinapakita ng ilan, nakasumpong siya ng kaginhawahan sa pagkaalam na nagampanan niya ang kanyang tungkulin sa pagpapasigla sa mga nahikayat sa diwa ng pagiging matapat, mapagbigay, at may pag-ibig sa kapatid na nahayag sa malaya at saganang kontribusyong nadala niya sa harapan ng mga matatandang Judio.AGA 304.2

    Matapos maibigay ang mga kaloob, “inihayag ni Pablo ang mga tiyakang bagay na ginawa ng Dios sa mga Gentil sa pamamagitan ng kanyang ministri.” Ang paglalahad ng mga katunayang ito ay naghatid sa puso ng lahat, pati na ng mga nag-aalinlangan, ng paniniwalang ang pagpapala ng langit ang sumama sa kanyang mga paggawa. “Nang madinig nila ito, ay niluwalhati nila ang Panginoon.” Nadama nilang ang paraan ng paggawa ng apostol ay nagtaglay ng tatak ng Langit. Ang saganang handog na nasa kanilang paanan ay nagdagdag ng bigat sa patotoo ng apostol tungkol sa katapatan ng mga bagong tatag na iglesia ng mga Gentil. Ang mga lalaking kabilang sa mga tagapangasiwa ng gawain sa Jerusalem, ngunit may mungkahing ibang uri ng pagsupil sa kanyang gawain, ngayon ay naliwanagan at nakita ang paglilingkod ni Pablo sa ibang liwanag, at napaniwalang ang kanilang mga iniisip ay mali, at sila ay nabihag ng mga tradisyon at kaugalian ng mga Judio, at ang gawain ng ebanghelyo ay nahadlangang malaki ng kanilang hindi pagkilalang ang pader na nakapagitan sa Judio at Gentil ay nabuwag na sa kamatayan ni Kristo. Ito ang ginintuang pagkakataon para sa lahat ng pangunahing kapatid na ikumpisal na ang. Dios ay tunay ngang gumawa sa pamamagitan ni Pablo, at kung minsan sila ay nagkamali sa pagpapahintulot na ang mga ulat ng mga kaaway ay gumising ng kanilang inggit at maling akala. Ngunit sa halip na makisanib sa pagsisikap na bigyang katarungan ang isang nasugatan, ang ibinigay nila ay payo na naghahayag pa rin ng kanilang damdaming si Pablo ay dapat panagutin para sa kasalukuyang maling akala. Hindi sila tumayong marangal upang siya ay ipagtanggol, upang ipakita sa hindi nasisiyahan na sila ay namamali, kundi nagsikap na gumawa ng isang kompromiso sa pamamagitan ng pagpapayo sa kanya na gumawa ng hakbang upang maalis ang anumang maling isipan.AGA 304.3

    “Nakikita mo na, kapatid,” sabi nila, bilang tugon sa kanilang patotoo, “libu-libo ang mga Judio na nagsisisampalataya; at silang lahat ay pawang masisikap sa kautusan. At nabalitaan nila tungkol sa iyo, na itinuturo mo sa lahat ng mga Judio na nangasa mga Gentil na magsihiwalay kay Moises, na sinasabi mo sa kanila na huwag tuliin ang kanilang mga anak, ni mangagsilakad ng ayon sa mga kaugalian. Ano nga baga ito? tunay na kanilang mababalitaang dumating ka. Gawin mo nga itong sinasabi namin sa iyo: Mayroon kaming apat na katao na may panata sa kanilang sarili; isama mo sila, maglinis kang kasama nila, at pagbayaran mo ang kanilang magugugol, upang sila’y magpaahit ng kanilang mga ulo: at maalaman ng lahat na walang katotohanan ang mga bagay na kanilang nabalitaan tungkol sa iyo; kundi ikaw na rin naman ang lumalakad ng maayos na tumutupad ng kautusan. Ngunit tungkol sa mga Gentil na nagsisisampalataya, ay sinulatan namin, na pinagpayuhang sila’y magsiilag sa mga inihain sa mga diyus-diyusan, at sa dugo, at sa binigti, at sa pakikiapid.”AGA 305.1

    Umasa ang mga kapatid na sa pagsunod ni Pablo sa payong ito, na malalabanan niya ang mga maling ulat tungkol sa kanya. Tiniyak nila sa kanya na ang mga pasiya ng naunang konsilyo tungkol sa mga Gentil at sa mga batas seremonyal ay matibay pa rin. Ngunit ang payong ibinigay nila ngayon ay hindi katugma sa pasiyang iyon. Hindi ang Espiritu ng Dios ang nagbunsod ng gayong payo; ito ay bunga ng pagkaduwag. Alam ng mga lider sa Jerusalem na ang hindi pagsunod sa batas seremonyal ay maghahatid sa mga Kristiano ng galit ng mga Judio, at maglalantad sa kanila sa pag-uusig. Ang Sanhedrin ay gumagawa ng makakaya upang hadlangan ang paglago ng ebanghelyo. Mga lalaki ay pinili upang tugaygayan ang mga apostol, lalo na si Pablo at gumawa ng bawat paraan upang labanan ang kanilang paggawa. Kapag ang mga mananampalataya kay Kristo ay mahatulan sa harapan ng Sanhedrin, daglian ang magiging parusa sa kanila bilang mga tumalikod sa pananampalatayang Judio.AGA 305.2

    Marami sa mga Judiong tumanggap ng ebanghelyo ang nagmamahal pa rin sa mga batas seremonyal at handang makipagkompromiso, sa pag-asang makuha ang pagtitiwala ng mga kababayan, upang maalis ang maling pagkakilala, at maakit sila sa pananampalataya kay Kristo bilang Manunubos ng sanlibutan. Alam ni Pablo na habang ang mga lider ng relihiyon sa Jerusalem ay nananatili sa maling akala laban sa kanya, ang mga ito ay patuloy na gagawa upang labanan ang kanyang impluwensya. Nadama niyang sa isang makatuwirang pagbibigay ay maaakit niya sila sa katotohanan at maaalis ang isang malaking sagabal sa tagumpay ng ebanghelyo sa ibang mga dako. Ngunit hindi siya pinagkalooban ng Dios ng kapangyarihang magbigay ng anumang pahintulot.AGA 306.1

    Kapag naiisip natin ang dakilang naisin ni Pablo na maging kaisa ng mga kapatid, ang kanyang pagmamahal sa mga mahihina sa pananampalataya, ang paggalang niya sa mga apostol na nakasama ni Kristo, at kay Santiago na kapatid ng Panginoon, at ang kanyang adhikaing maging kaibigan ng lahat na hindi naman nagsasakripisyo ng simulain—kapag naiisip natin ang lahat ng ito, hindi tayo magtataka kung siya ay mailihis nang kaunti sa matatag na landas na kanyang tinatahak. Ngunit sa halip na matupad ang kanyang hangarin, ang kanyang mga pagsisikap sa pakikipagkasundo ay lalo lamang humila sa krisis, nag-akit ng kanyang inaasahang pagdurusa, at nagbunga ng pagkakahiwalay niya sa mga kapatid, upang mawala sa iglesia ang isa sa pinakamatibay na haligi, at naghatid ng kalumbayan sa mga Kristiano sa bawat lupain.AGA 306.2

    Kinabukasan ay sinimulan ni Pablo na isagawa ang payo ng mga matatanda. Ang apat na lalaking nasa ilalim ng panatang Nazareno (Bilang 6), na matatapos na halos ang panahong palugit, ay isinama ni Pablo sa templo, “na isinasaysay ang katuparan ng mga araw ng paglilinis, hanggang sa ialay ang handog patungkol sa bawat isa sa kanila.” Ang ilang tiyak na mamahaling alay para sa paglilinis ay ihahandog pa.AGA 306.3

    Di nakita ng mga nagbigay ng payo kay Pablo tungkol sa ganitong hakbang ang malaking panganib nito para sa kanya. Sa panahong ito, ang Jerusalem ay siksikan sa mga taong galing sa maraming lupain upang sumamba. Bilang pagtupad sa itinagubilin sa kanya ng Dios, si Pablo ay nagdala ng ebanghelyo sa mga Gentil, sa mga malalaking siyudad ng sanlibutan. Siya ay nakilala ng libu-libong taong ngayon ay nagtipon sa Jerusalem upang dumalo sa kapistahan. Kabilang sa mga ito ang mga malaki ang muhi kay Pablo, at ang pagpasok nito sa templo sa ganitong publikong pagtitipon ay isang panganib sa kanyang buhay. Sa ilang mga araw ay labas-pasok siya sa templo na halos hindi napapansin ng mga tao; datapuwat bago magtapos ang takdang panahon, samantalang siya ay nakikipag-usap sa isang saserdote tungkol sa mga sakripisyong ihahandog, nakilala siya ng mga Judiong mula sa Asia.AGA 307.1

    Taglay ang galit ng mga demonyo, dinaluhong siya ng mga lalaking ito, at nagsisisigaw, “Mga lalaki ng Israel, tulungan ninyo kami! Narito ang taong nagtuturo sa lahat ng tao sa bawat dako laban sa tao, laban sa kautusan, at sa dakong ito.” Sa pagtugon ng mga tao sa hibik ng tulong, isa pang paratang ang idinagdag,—“at nagdala pa siya ng mga Griyego sa templo, at pinadumi ang templo.”AGA 307.2

    Sa batas ng mga Judio isang krimeng may hatol na kamatayan para sa isang taong hindi tuli ang pumasok sa looban ng banal na gusali. Si Pablo ay nakita sa siyudad na kasama si Trofimo, isang taga Efeso, at sinapantahang isinama rin ito sa templo. Ito ay hindi niya ginawa; at bilang isang Judio, ang pagpasok niya sa templo ay hindi paglabag sa kautusan. Bagama’t ang paratang ay lubusang mali, ito ay sapat upang magbangon ng maling akala. Habang ang sigawang ito ay kumalat sa bakuran ng templo, ang mga nagkatipon ay nagkagulo. Ang balita ay madaliang kumalat sa buong siyudad, “at ang mga tao sa buong Jerusalem ay nagtakbuhan.”AGA 307.3

    Na ang isang tumalikod na Israelita ay magtangkang dumihan ang templo sa panahon na ang libu-libo ay nagkakatipon mula sa iba’t ibang bahagi ng lupa upang sumamba, ang gumising ng pinakamarahas na damdamin ng karamihan. “Hinuli nila si Pablo, at inilabas sa templo: at ang mga pintuan ay inilapat.”AGA 307.4

    “At samantalang pinagpipilitan nilang siya’y patayin, dumating ang balita sa pangulong kapitan ng pulutong, na ang buong Jerusalem ay nasa kaguluhan.” Kilalang-kilala ni Claudio Lysia ang mga magugulong elemento na kanyang pakikitunguhan, at “pagdaka’y kumuha siya ng mga kawal at mga senturyon, at sumagasa sa kanila: at sila nang kanilang makita ang pangulong kapitan at ang mga kawal ay nagsitigil sa paghampas kay Pablo.” Bagama’t hindi alam ang dahilan ng kaguluhan, ngunit sa pagkakitang kay Pablo nakatuon ang galit ng karamihan, naisip ng kapitang Romano na maaring ito ay isang Egipsyong rebelde na kanyang napakinggan, na nakatakas. “Nang magkagayo’y lumapit ang pangulong kapitan, at tinangnan siya, at siya’y ipinagapos ng dalawang tanikala; at itinanong kung sino siya, at kung ano ang ginawa niya.” Maraming tinig ang pasigaw at pagalit na nagparatang; ang ilan ay ganitong bagay, ang ilan naman ay ganoon naman. Nang hindi niya maunawaan ang katotohanan dahil sa kaguluhan, ay ipinadala siya sa kuta. Nang siya’y dumating sa hagdanan, ay nangyari na siya’y binuhat ng mga kawal dahil sa pag-agaw ng karamihan. Sapagkat siya’y sinusundan ng karamihan ng mga tao na nangagsisigawan, Alisin siya.”AGA 308.1

    Sa gitna ng kaguluhan ang apostol ay payapa at tahimik lamang. Ang kanyang diwa ay nakalagak sa Dios, at alam niyang ang mga anghel ng langit ay nakapalibot sa kanya. Hindi niya maiwanan ang templo na hindi nagtatangkang ilahad ang katotohanan sa kanyang mga kababayan. Nang siya ay ipapasok na sa kuta, sinabi niya sa pangulong kapitan, “Mangyayari bagang magsabi ako sa iyo ng anuman?” Tumugon si Lysias, “Marunong ka baga ng Griyego? Hindi baga ikaw yaong Egipsyo, na nang mga nakaraang araw ay naghihikayat sa kaguluhan at nagdala sa ilang ng apat na libong katao na mga mamamatay-tao?” Datapuwat sinabi ni Pablo, “Ako’y Judio, na taga Tarso sa Cilicia, isang mamamayan ng bayang hindi kakaunti ang kahalagahan: at, ipinamamanhik ko sa iyo, na ipahintulot mo sa aking magsalita sa bayan.”AGA 308.2

    Nang siya’y mapahintulutan niya, “si Pablo, na nakatayo sa hagdanan, inihudyat ang kamay sa bayan.” Ang pagkumpas ay nakatawag ng pansin, habang ang kanyang tindig ay nag-uutos ng paggalang. “At nang tumahimik nang totoo, siya’y nagsalita sa kanila sa wikang Hebreo, na sinasabi, “Mga kapatid na lalaki at babae at mga magulang, pakinggan ninyo ang pagsasanggalang ng gagawin ko ngayon sa harapan ninyo.” At nang marinig nilang siya’y kinakausap niya sa wikang Hebreo, “ay lalo pang tumahimik sila at sa pangkalahatang pagtahimik siya’y nagpatuloy:AGA 308.3

    “Ako’y Judio, na ipinanganak sa Tarso ng Cilicia, datapuwat pinapag-aral sa bayang ito, sa paanan ni Gamaliel, na tinuruan alinsunod sa mahigpit na kaparaanan ng kautusan ng ating mga magulang, palibhasa’y masikap tungkol sa Dios, na gaya ninyong lahat ngayon.” Walang sinumang makapagbubulaan sa mga salita ng apostol, sapagkat ang mga katunayang sinabi niya ay alam ng lahat na nakatira sa Jerusalem. Isinaysay niya ang dating sigasig sa pag-uusig sa mga alagad ni Kristo, hanggang sa kamatayan; at inilahad niya ang mga tagpo ng kanyang pagkahikayat, na sinabi sa nakikinig kung paanong ang kanyang mapagmataas na puso ay naakay na yumukod sa napakong Nazareno. Kung sinikap niyang makipag-argumento sa mga nakikinig, sila sana ay matigas na tumangging makinig sa kanya; datapuwat ang pagsasalaysay ng kanyang karanasan ay may taglay na kapangyarihang humikayat at sa sandaling iyon ay parang nagpalambot sa mga puso.AGA 309.1

    Sinikap niyang ipakita na ang paggawa niya sa mga Gentil ay hindi niya kagustuhan. Ninais niyang maglingkod sa sariling mga kababayan; datapuwat sa templo ding yaon ay nangusap ang tinig ng Dios sa kanya sa banal na pangitain, na nag-atas sa kanya “sa landas na patungo sa mga Gentil.”AGA 309.2

    Ang bayan ay matamang nakikinig, ngunit sa puntong si Pablo ay hinirang upang maging embahador sa mga Gentil, ang kanilang galit ay muling sumiklab. Nasanay sa pagtingin sa sarili bilang tanging bayan ng Dios, hindi sila handang bayaang ang kinamumuhiang mga Gentil ay makabahagi ng mga karapatang kanilang tinatamasa na parang sa kanila lamang. Nagtaas sila ng tinig at nagsigawan, “Alisin sa lupa ang isang gayong tao: sapagkat hindi marapat na siya’y mabuhay.”AGA 309.3

    “At samantalang sila’y nagsisigawan, at ipinaghahagisan ang kanilang mga damit, at nangagsasabog ng alabok sa hangin, ay ipinag-utos ng pangulong kapitan na siya’y ipasok sa kuta, na ipinag-uutos na siya’y sulitin sa pamamagitan ng paghampas; upang maalaman niya kung sa anong kadahilanan sila’y nangagsisigawan ng gayong laban sa kanya.AGA 309.4

    “At nang siya’y magapos na ng mga panaling katad, ay sinabi ni Pablo sa senturyong nakatayo sa malapit, Matuwid baga sa iyong hampasin ang isang taong taga Roma na hindi pa nahahatulan? At nang ito’y marinig ng senturyon, ay naparoon siya sa pangulong kapitan, at sa kanya’y ipinagbigay alam, na sinasabi, Ano baga ang gagawin ko? sapagkat ang taong ito ay taga Roma. At lumapit ang pangulong kapitan at sinabi sa kanya, Sabihin mo sa akin, ikaw baga’y taga Roma? At sinabi niya, Oo. At sumagot ang pangulong kapitan, Binili ko ng totoong mahal ang pagkamamamayang ito. At sinabi ni Pablo, ngunit ako’y katutubong taga Roma. Pagkaraka nga’y nagsilayo sa kanya ang mga sa kanya sana’y magsusulit: at ang pangulong kapitan din naman ay natakot nang maalamang siya’y taga Roma, at dahil sa pagkagapos niya sa kanya.AGA 309.5

    “Sa kinabukasan, sa pagkaibig na matanto ang katunayan kung bakit siya’y isinakdal ng mga Judio, ay kanyang pinawalan siya, at pinagpulong ang mga pangulong saserdote at ang buong Sanhedrin, at ipinapanaog si Pablo at iniharap sa kanila.”AGA 310.1

    Ang apostol ngayon ay lilitisin ng tribunal na doon ay naging kaanib siya sa nakaraan bago siya nahikayat. Sa pagtayo niya sa harapan ng mga pinuno ng mga Judio, siya ay payapa at sa kanyang mukha ay taglay ang kapayapaan ni Kristo. “At si Pablo na tumititig na mabuti sa Sanhedrin,” ay nagsabi, “Mga kapatid na lalaki, ako’y nabuhay sa harapan ng Dios sa buong kabutihan ng budhi hanggang sa mga araw na ito.” Pagkarinig ng mga salitang ito, ay muling nagningas ang kanilang galit; “at ang mataas na saserdote na si Ananias ay inutusan silang malapit sa kanya na siya’y saktan sa bibig.” Nang magkagayo’y sinabi sa kanya ni Pablo, “sasaktan ka ng Dios, ikaw na pinaputing pader, at nakaupo ka baga upang ako’y hatulan mo ayon sa kautusan, at ako’y sinasaktan mo ng laban sa kautusan?” “At sinabi ng nangakatayo sa malapit, Nilalait mo ang dakilang saserdote ng Dios?” At sinabi ni Pablo, “Hindi ko nalalaman mga kapatid na lalaki, na siya’y dakilang saserdote: sapagkat nasusulat, Huwag kang magsasalita ng masama sa isang pinuno ng iyong bayan.AGA 310.2

    “Datapuwat nang matalastas ni Pablo na ang isang bahagi ay mga Saduceo, at ang iba’y mga Fariseo, ay sumigaw siya sa Sanhedrin, Mga kapatid na lalaki, ako’y Fariseo, anak ng mga Fariseo; ako’y sinisiyasat tungkol sa pag-asa at pagkabuhay na mag-uli ng mga patay.AGA 310.3

    “At nang masabi na niya, nangyari ang isang pagtatalo sa mga Fariseo at Saduceo: at nagkabaha-bahagi ang kapulungan. Sapagkat sinasabi ng mga Saduceo na walang pagkabuhay na mag-uli, ni anghel, ni espiritu: datapuwat kapwa pinaniniwalaan ng mga Fariseo.” “At nagkaroon ng malaking sigawan, at nagsitindig ang ilan sa mga eskriba na kakampi ng mga Fariseo, at nakikipagtalo, na nagsipagsabi, Wala kaming masumpungang anumang kasalanan sa taong ito: at ano kung siya’y kinausap man ng isang espiritu, o ng isang anghel?”AGA 310.4

    Sa sumunod na kaguluhan, ang mga Saduceo ay nagsikap na agawin ang apostol, upang siya ay maipapatay; at ang mga Fariseo ay gayon ang pagsisikap upang siya naman ay isanggalang. “Sa takot ng pangulong kapitan na baka pagwaray-warayin nila si Pablo, pinapanaog ang mga kawal at ipinaagaw siya sa gitna nila, at siya’y ipinasok sa kuta.”AGA 311.1

    Habang iniisip ni Pablo ang mga pangyayari ng araw na iyon, nangamba si Pablo na ang ginawa niya ay maaaring hindi naging kalugod-lugod sa Dios. Maaari kayang nagkamali siya sa ginawang pagdalaw sa Jerusalem? Ang malaking naisin kaya niyang makasama ng mga kapatid ang nagtulak sa ganitong mapangwasak na bunga?AGA 311.2

    Ang paniniwala ng mga Judio bilang bayang pinili ng Dios sa isang sanlibutang walang pananampalataya ay nagbigay sa apostol ng matinding bagabag ng diwa. Ano na lamang ang sasabihin ng mga paganong opisyal sa kanila?—silang nag-aangkin ng pagsamba kay Jehova, at may banal na tungkulin, gayunman ay napadadala sa bulag at walang katarungang galit, nagsisikap na wasakin kahit na ang mga kapatid na naglakas-loob na maging kakaiba sa kanilang pananampalataya, at ang kanilang konsilyo ay maging dako ng sigalot at kaguluhan? Nadama ni Pablo na ang pangalan ng Dios ay naging kahihiyan sa mga mata ng mga pagano.AGA 311.3

    Ngayon ay nasa bilangguan siya, at alam niyang ang kanyang mga kaaway ay gagawa ng lahat ng paraan upang siya ay mapatay. Maaari kayang ang paggawa niya sa mga iglesia ay nagwakas na, at ang mga lobong maninila ay papasok na ngayon? Ang gawain ni Kristo ay napakalapit sa puso ni Pablo, at sa malalim na pagkabahala ay naisip niya ang mga panganib ng mga iglesiang lantad sa pag-uusig ng mga katulad na lalaking nakasagupa niya sa Sanhedrin. Sa panlulupaypay at bagabag siya ay tumangis at dumalangin.AGA 311.4

    Sa madilim na oras na ito ang Panginoon ay hindi nagpabaya sa Kanyang lingkod. Binantayan Niya ito sa mga taong may banta ng pagpatay sa bakuran ng templo; kasama rin Siya sa konsilyo ng Sanhedrin; pati doon sa kuta; at Siya ay naghayag sa tapat na saksing ito bilang tugon sa maningas na panalangin ng apostol ukol sa patnubay. “At nang sumunod na gabi ay lumapit sa kanya ang Panginoon, at sinabi, Lakasan mo ang iyong loob: sapagkat kung paano ang pagkapatotoo mo tungkol sa Akin sa Jerusalem, ay kailangang patotohanan mo ring gayon sa Roma.”AGA 311.5

    Matagal nang nais ni Pablo na makadalaw sa Roma; ninais niyang makasaksi para kay Kristo doon, ngunit nadama niyang ang kanyang adhikain ay napipigilan ng galit ng mga Judio. Hindi naisip kahit na ngayon, na ang pagdalaw niya roon ay magiging bilang isang bilanggo.AGA 312.1

    Samantalang pinasisigla ng Panginoon ang Kanyang lingkod, ang mga kaaway naman ni Pablo ay abalang nagpaplano ng kanyang kamatayan. “At nang araw na, ay nangagkatipon ang mga Judio, at sila’y nangagpanata sa ilalim ng sumpa, na nagsisipagsabi na hindi sila kakain ni iinom man hanggang sa kanilang mapatay si Pablo. At mahigit sa apatnapu ang nagsipanumpa ng ganito.” Narito ang uri ng ayuno na hinatulan ng Panginoon sa pamamagitan ni Isaias,— isang ayuno “para sa pakikipag-alit at pakikipagbaka, at upang ma’nakit ng suntok ng kasamaan.” Isaias 58:4.AGA 312.2

    Ang mga nagpakana “ay nagtungo sa punong saserdote at mga matanda at nagwika, Kami ay nagkasundo sa ilalim ng isang sumpa, na kami ay hindi kakain o iinom man hanggang sa aming maipapatay si Pablo. Ngayon ay nais naming sa pamamagitan ng konsilyong ito ay ipaalam sa punong kapitan na siya’y ibaba sa iyo sa kinabukasan, na nais mong magtanong pang higit sa kanya; at kami naman kung siya ay malapit sa amin, ay handa namin siyang patayin.”AGA 312.3

    Sa halip na sansalain ang malupit na pakanang ito, ang mga saserdote at pinuno ay masiglang sumang-ayon. Nagsalita si Pablo ng katotohanan nang sabihin niyang si Ananias ay tulad sa pinaputing libingan.AGA 312.4

    Ngunit ang Panginoon ay namagitan para sa buhay ng Kanyang lingkod. Ang anak na lalaki ng kapatid na babae ni Pablo, nang maalamang ang mga mamamatay-tao ay nakaabang sa kanya, “ay pumasok sa kuta at sinabi ito kay Pablo. Sa gayon ay tinawag ni Pablo ang isa sa mga senturyon at sinabi, Dalhin ninyo ito sa pangulong kapitan: sapagkat mayroon siyang sasabihin sa kanya. Kaya’t dinala nila ang kabataan sa pangulong kapitan, at nagsabi ang senturyon, si Pablo na bilanggo ay nakiusap sa akin na dalhin ko sa iyo ang kabataang ito, at mayroon siyang nais na sabihin sa iyo.” Magalak na tinanggap ni Claudio Lysia ang binata, at tinanong, “Ano yaong sasabihin mo sa akin?” Sumagot ang kabataan: “Pinagkasunduan ng mga Judio na sa iyo’y ipamanhik na iyong ipapanaog bukas si Pablo sa Sanhedrin, na waring ikaw ay may sisiyasating lalong ganap tungkol sa kanya.Huwag ka ngang palamuyot sa kanila: sapagkat binabakayan siya ng mahigit sa apatnapung katao sa kanila, na nangagsipanata sa ilalim ng sumpa, na hindi kakain at iinom man hanggang sa siya’y kanilang mapatay: at ngayo’y nangaghahanda sila, na nangaghihintay ng pangako mo.”AGA 312.5

    “Kaya’t pinaalis ng pangulong kapitan ang binata, na ipinagbilin sa kanya, Huwag mong sasabihin sa kaninuman na ipinahiwatig mo sa akin ang mga bagay na ito.”AGA 313.1

    Agad ay ipinasya ni Lysia na ilipat si Pablo sa pangangasiwa ni Felix na prokurador. Bilang isang bayan, ang mga Judio ay nasa kalagayan ng pananabik, at malimit ang kaguluhan. Ang patuloy na pananatili ng apostol sa Jerusalem ay maaaring magbunga ng panganib sa siyudad at kahit na rin sa kumandante. Sa ganito ay “tinawag niya ang dalawang senturyon, at pinahanda ng dalawang daang kawal upang magtungo sa Cesarea, at pitumpong mangangabayo, at dalawang daang may sibat, sa ikatlong oras ng gabi; at ipinaghanda sila ng mga hayop, upang maisakay doon si Pablo, at dalhin kay Felix na gobernador.”AGA 313.2

    Walang panahong dapat sayangin sa paglilipat kay Pablo. “At ayon sa tagubilin sa kanila ay dinala ng mga kawal si Pablo nang gabing iyon sa Antipatris.” Mula roon ang mga mangangabayo ay kasama ni Pablo na nagpatuloy sa Cesarea, samantalang ang apatnaraang kawal ay nagbalik sa Jerusalem.AGA 313.3

    Dinala si Pablo ng nangangasiwang opisyal kay Felix, taglay ang isang liham na ipinagkatiwala ng pangulong kapitan:AGA 313.4

    “Mula kay Claudio Lysia sa kagalagang-galang na gobernador Felix, isang pagbati. Ang lalaking ito ay inagaw sa mga Judio sapagkat papatayin na sana nila; ngunit dumating ako kasama ang aking hukbo at iniligtas siya, sa pagkaalam kong siya ay isang Romano. At upang maalaman ko ang dahilan ng paratang sa kanya, ay dinala ko siya sa konsilyo: at naalaman kong ang paratang ay tungkol sa kanilang kautusan, at walang anumang bagay na marapat sa kamatayan o tanikala. Nang iparating sa aking binabalak ng mga Judio na siya ay pataksil na papatayin, ay agad kong ipinadala siya sa iyo, at nagbigay ako ng utos sa mga nagpaparatang sa kanya na sa iyo iharap ang mga bagay na paratang nila sa kanya. Paalam.”AGA 313.5

    Matapos mabasa ang liham, si Felix ay nagtariong kung saang probinsya nagmula ang bilanggo, at nang maalamang ito ay buhat sa Cilicia, ay nagsabi: “Diringgin kita...kapag dumating na ang nagpaparatang sa iyo. At siya’y nag-utos na ingatan ang bilanggo sa bulwagan ni Herodes.”AGA 314.1

    Ang kaso ni Pablo ay hindi kauna-unahan na ang isang lingkod ng Dios ay nakasumpong ng kanlungan sa gitna ng mga Gentil mula sa masamang tangka ng mga nagpapanggap na bayan ni Jehova. Sa kanilang galit kay Pablo, ang mga Judio ay nagdagdag pa ng isang krimen sa maidm na talaang naging larawan ng kasaysayan ng bayang ito. Higit pang pinatigas nila ang kanilang mga puso laban sa katotohanan at lalo pang tinatakan ang kanilang pagkawasak.AGA 314.2

    lilan ang nakadadama ng buong kahulugan ng mga salita ni Kristo, sa sinagoga sa Nasaret, nang ihayag Niya ang sarili bilang Siyang Pinahiran. Inihayag Niya ang Kanyang misyong umaliw, magpala, at magligtas sa mga nalulumbay at makasalanan; at pagkakita sa pagmamataas at kawalang pananampalatayang nasa puso ng mga nakikinig sa Kanya, ipinaalaala Niyang sa mga nakaraang panahon ang Dios ay lumayo sa bayang pinili dahilan sa kanilang paghihimagsik at kawalang pananampalataya, at nagpahayag ng Sarili sa mga lupaing pagano na hindi tumanggi sa liwanag ng langit. Ang babaeng balo ng Sarepta at si Naamang Syriano ay nabuhay ayon sa liwanag na kanilang tinanggap; at sila ay nabilang na higit na matuwid kaysa bayang pinili ng Dios na tumalikod naman sa Kanya at nagsakripisyo ng simulain para sa ginhawa at karangalang panglupa.AGA 314.3

    Sinabi ni Kristo sa mga Judio sa Nasaret ang nakagigimbal na katotohanang walang kanlungan sa tumalikod na Israel para sa tapat na mensahero ng Dios. Hindi nila makikilala ang kanyang paggawa o kapakinabangan man. Habang ang mga lider ng Judio ay nagpapanggap ng dakilang sigasig para sa karangalan ng Dios at kabutihan ng Israel, sila sa katunayan ang mga kaaway ng mga bagay na ito. Sa utos at halimbawa ay papalayong inaakay nila ang bayan sa pagsunod sa Dios—na inaakay sila sa dakong hindi sila maisasanggalang ng Dios sa araw ng bagabag.AGA 314.4

    Ang mga pangungusap ng Tagapagligtas sa mga lalaki ng Nasaret ay angkop sa kaso ni Pablo, hindi lamang sa mga Judio na hindi nananampalataya, kundi gayon din sa kanyang mga kapatid sa pananampalataya. Kung ang mga lider ng iglesia ay lubos na nagpasakop lamang ng kanilang mga damdamin ng kapaitan sa apostol, at tinanggap siya bilang isang tanging tinawagan ng Dios upang magdala ng ebanghelyo sa mga Gentil, sana ay ipinagkaloob din si Pablo sa kanila. Ngunit hindi panukala ng Dios na ang paggawa ni Pablo ay magwakas agad; ngunit hindi naman Siya gumawa ng milagro upang labanan ang mga magkakasunod na pangyayari na ibinangon ng mga lider ng iglesia sa Jerusalem.AGA 314.5

    Ang katulad na diwa ay siya pa ring umaakay sa katulad na bunga. Ang pagpapabayang pasalamatan at mapasulong ang mga paglalaan ng biyaya ng Dios ang umaagaw sa iglesia ng maraming pagpapala. Gaano kadalas na napahaba sana ng Panginoon ang paggawa ng isang tapat na ministro, kung ang kanyang mga paggawa lamang ay kinalugdan. Ngunit pinahihintulutan ng iglesia na ang mga kaaway ng kaluluwa ang magpasama ng unawa, upang kanilang bigyang maling kahulugan ang mga salita at gawa ng lingkod ni Kristo; kung pababayaan nilang sila’y maging hadlang sa kanyang kagamitan, ang Panginoon ang mag-aalis kung minsan ng mga pagpapalang Kanyang kaloob.AGA 315.1

    Si Satanas ay patuloy na gumagawa sa kanyang mga ahensya upang pahinain ang loob at wasakin ang mga pinili ng Dios na gumanap ng isang dakilang gawain. Ang mga ito ay handa sanang maglaan pati na ng buhay sa ikasusulong ng gawain ni Kristo, ngunit ang dakilang mandaraya ay magmumungkahi sa mga kapatid ng alinlangan tungkol sa kanila na kung tatanggapin ay magpapasama ng larawan ng kanilang mga likas at magpapagupo ng kanilang kagamitan. Madalas na siya’y nagtatagumpay na magdala sa mga kapatid ng kapanglawan ng puso, ngunit ang Dios ay magiliw na namamagitan upang ang pinag-uusig na lingkod ay makapagpahinga. Matapos na ang mga palad ay maitiklop na sa dibdib na walang hininga, kapag ang tinig ng babala at pampasigla ay natahimik na, ay saka nila makikita ang kahalagahan ng mga pagpapalang nawala sa kanila. Ang kamatayan ng mga tapat na lingkod ng Dios ay makagaganap ng mga bagay na hindi nila nagampanan nang sila ay buhay pa.AGA 315.2

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents