Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents

Ang Kasaysayan ng MGA PATRIARKA at MGA PROPETA

 - Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Kabanata 2—Ang Paglalang

    Ang kabanatang ito ay batay sa Genesis 1 and 2.

    “Sa pamamagitan ng salita ng Panginoon ay nayari ang mga langit; at lahat ng natatanaw roon ay sa pamamagitan ng hininga ng Kanyang bibig.” “Sapagkat Siya'y nagsalita at nangyari;” “Siya'y nag-utos, at tumayong matatag.” Mga Awit 33:6, 9. Siya ang “naglagay ng mga patibayan ng lupa, upang huwag makilos magpakailanman.” Mga Awit 104:5.MPMP 46.1

    Nang ang sanlibutan ay manggaling sa kamay ng kanyang Manlalalang, yaon ay lubhang napakaganda. Ang ibabaw noon ay pinapaganda ng mga bundok, mga burol, kapatagan, pinaghihiwa- hiwalay ng mga marangal na mga ilog, kaibig-ibig na mga lawa; subalit ang mga burol at mga bundok ay hindi matatarik at malulubak, na puno ng mga bangin at nakakatakot na dawag tulad ngayon; ang matatalas, malubak na gilid ay nakapailalim sa matatabang lupa, na kahit saan ay tinutubuan ng magagandang halaman. Walang nakapangdidiring mga latian o mga kalbong disyerto. Magagandang mga halaman at mga bulaklak ang bumabati sa mga mata saan mang dako. Ang mga tugatog ay nakokoronahan ng matatayog na mga puno na wala na ngayon. Ang hangin, walang kasamang masamang amoy, ay maliwanag at nakapagpapalusog. Ang buong kalaparan ay maganda kaysa anumang pinagandang bakuran ng pinakamarangyang palasyo. Tinitingnan ng mga anghel ang tanawin ng may pagkasiya, at magalak sa kahanga-hangang mga gawa ng Dios.MPMP 46.2

    Matapos lalangin ang lupa kabilang ang mga halaman at mga hayop, ang tao, ang kahulihan sa mga ginawa ng Maylalang, na para sa kanya ang lupa ay ginayakan, at inilagay sa pagkilos. Sa kanya ay ibinigay ang kapamahalaan sa lahat ng makita ng kanyang mga mata; sapagkat “Sinabi ng Dios, Lalangin natin ang tao sa Ating larawan, ayon sa Ating wangis: at magkaroon sila ng kapangyarihan... sa buong lupa.... At nilalang ng Dios ang tao ayon sa Kanyang sariling larawan,... nilalang Niya sila na lalaki at babae.” Malinaw na ipinapahayag dito ang pinagmulan ng tao; gano'n na lamang kalinaw ang pagkakasaad sa banal na aklat ano pa't walang lugar para sa maling haka. Nilalang ng Dios ang tao ayon sa Kanyang sariling wangis. Dito ay walang hiwaga. Walang batayan ang kaisipang ang tao ay lumago ng unti-unti mula sa pagiging hayop o halaman. Ang gano'ng aral ay nagpapababa sa gawain ng Manlalalang sa naaabot ng makitid, at makalupang pananaw ng tao. Ang tao ay may pagkahilig sa di-pagkilala sa pagiging kataas-taasan ng Dios sa buong sansinukob, na minamaliit nila ang tao at naipagkakait sa kanya ang karangalan ng kanyang pinagmulan. Siya na naglagay ng mga bituin sa langit at nagkulay ng may kahusayan sa mga bulaklak na nasa parang, na Siyang pumuno sa lupa at sa langit ng mga kagandahan ng Kanyang kapangyarihan, noong Siya ay naparito upang gawin ang pangwakas Niyang gawain, upang maglagay ng isa na tatayo upang maging tagapamahala ng magandang lupa, hindi Siya nagkulang sa paglikha ng isang karapat-dapat sa ganoong kamay na nagbigay sa kanya ng buhay. Ang pinagmulan ng ating lahi, ayon sa Banal na Kasulatan, ay buhay pa, hindi sa isang linya ng nabuong mikrobyo, yamang dagat, at mga hayop na may apat na paa, kundi sa dakilang Manlalalang. Bagaman hinugis mula sa alabok, si Adan ay “anak ng Dios.”MPMP 46.3

    Siya ay inilagay bilang kinatawan ng Dios, sa itaas ng mga mabababang uri ng nilikha. Hindi nila nauunawaan o nakikilala man ang pagiging kataas-taasan ng Dios, subalit sila ay ginawang may kakayanan upang mahalin at paglingkuran ang tao. Ayon sa mang- aawit, “Iyong pinapagtataglay siya ng kapangyarihan sa mga gawa ng Iyong mga kamay; Iyong inilagay ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kanyang mga paa:... ang mga hayop sa parang; ang mga ibon sa himpapawid,... at anomang nagdaraan sa mga kalaliman ng mga dagat.” Mga Awit 8:6-8.MPMP 47.1

    Taglay ng tao ang larawan ng Dios, kapwa sa panlabas na anyo at sa likas. Si Kristo lamang ang tanging “tunay na larawan ng kanyang pagka-Dios” (Hebreo 1:3) ng Ama; subalit ang tao ay nilikha ayon sa larawan ng Dios. Ang kanyang likas ay kasang-ayon ng kalooban ng Dios. Ang kanyang pag-iisip ay may kakayanan upang umunawa ng mga banal na bagay. Ang kanyang mga pangdama ay dalisay; ang panglasa at kagustuhan ay nasa ilalim ng pagpigil ng katuwiran. Siya ay tapat at masaya sa pagtataglay ng larawan ng Dios at ganap na pagsunod sa Kanyang kalooban.MPMP 47.2

    Kung paanong ang tao ay nagmula sa mga kamay ng kanyang Manlalalang, siya ay may matingkad na tindig at sakdal na anyo. Ang kanyang hitsura ay nagtataglay ng bintog ng kalusugan at ningning ng liwanag ng buhay at kagalakan. Ang taas ni Adan ay higit sa taas ng mga lalaking naninirahan ngayon sa lupa. Si Eva ay mababa ng kaunti, subalit ang kanyang hugis ay marangal at puno ng kagandahan. Ang mag-asawang hindi pa nagkakasala ay hindi nagsusuot ng artipisyal na kasuutan; sila ay nararamtan ng tumatakip na liwanag at kaluwalhatian, tulad sa kasuotan ng mga anghel. Samantalang sila'y nabubuhay sa pagsunod sa Dios, ang damit na ito ng liwanag ay patuloy na bumalot sa kanila.MPMP 47.3

    Matapos lalangin si Adan, ang lahat ng mga nilikha ay dinala sa harap niya upang iyon ay pangalanan; nakita niyang ang bawat isa ay mayroong kapareha, subalit sa kanila ay “walang nasumpungang maging katulong niya.” Sa lahat ng mga nilalang ng Dios sa ibabaw ng lupa, wala ni isang kapantay ang tao. At sinabi ng Dios, “Hindi mabuti na ang lalaki ay mag-isa; siya'y ilalalang Ko ng isang katulong niya.” Ang tao ay hindi nilikha upang manahang nag-iisa; siya ay nilalang upang maldhalubilo. Sa kawalaan ng kasama ang kasiya-siyang gawain sa Eden at magagandang tanawin ay maaaring mabigo sa pagkakaloob ng ganap na kasiyahan. Maging ang pakikiugnay sa mga anghel ay maaaring hindi makasapat sa kanyang pagnanasa ng pakikiramay at pakikisama. Walang ganoong kauri na mamahalin at magmamahal.MPMP 48.1

    Ang Dios ang nagbigay kay Adan ng makakasama. Nagkaloob Siya “ng isang katulong niya”—isang katulong na katugma niya— isang nababagay upang maging kasama niya, at isa na maaaring makaisa niya sa pag-ibig at pakikiramay. Si Eva ay kinuha mula sa tagiliran ni Adan, nangangahulugang hindi siya ang ulo upang manguna sa lalaki, at hindi rin naman bahagi ng paa upang tapak-tapakan bilang nakakababa sa kanya, subalit upang tumayo sa kanyang piling bilang kapantay, upang mahalin at ingatan niya. Isang bahagi ng lalaki, buto ng kanyang mga buto, at laman ng kanyang mga laman, ang babae ay ikalawa niyang sarili, ipinakikita ang malapit na ugnayan at ang nagmamahalang kaugnayan na kinakailangang mamagitan sa kanila. “Sapagkat walang sinuman na napoot kailanman sa kanyang sariling katawan; kundi kinakandili at minamahal.” Efeso 5:29. “Kaya't iiwan ng lalaki ang kanyang ama at kanyang ina, at maldkipisan sa kanyang asawa: at sila'y magiging isang laman.”MPMP 48.2

    Ipinagdiwang ng Dios ang kauna-unahang kasal. Kaya't ang Manlalalang ng sansinukob ang pinagmulan ng institusyong iyon. “Marangal ang pag-aasawa” (Hebreo 13:4); isa ito sa mga unang kaloob ng Dios sa tao, at isa ito sa dalawang institusyon na, matapos ang Pagkahulog, ay dinala ni Adan sa labas ng Paraiso. Kapag ang mga alituntunin ay kinilala at sinunod sa ugnayang ito, ang pag-aasawa ay isang pagpapala; iniingatan nito ang kadalisayan at kaligayahan ng lahi, pumupuno ito sa pangangailangang sosyal ng tao, itinataas nito ang pangangatawan, kaisipan, at moralidad.MPMP 49.1

    “At naglagay ang Panginoong Dios ng isang halamanan sa Eden, sa dakong silanganan; at inilagay Niya roon ang taong Kanyang nilalang.” Ang lahat ng ginawa ng Panginoon ay kasakdalan ng kagandahan, at wala nang hahanapin pa upang makadagdag sa kaligayahan ng dalawang banal na mag-asawa; subalit ang Panginoon ay nagbigay ng isa pang pagpapahayag ng Kanyang pag-ibig, sa pamamagitan ng paghahanda ng isang halamanan upang maging kanilang tahanan. Sa halamanang ito ay may lahat ng uri ng punong-kahoy, marami sa kanila ay may nakasabit na mababango at masasarap na bunga. May magagandang baging, tuwid ang pagtubo, subalit naghahayag ng kahali-halinang anyo, may mga sangang iniyuyuko ng dalang bunga na pinakamayayaman at iba't-ibang kulay. Gawain ni Adan at ni Eva ang hutukin ang mga baging upang iyon ay maging mga arko, inaayos ang kanilang tirahang yari sa mga buhay na punong-kahoy na puno ng mga dahon at bunga. May mababangong mga bulaklak na may iba't-ibang kulay at napakarami. Sa gitna ng halamanan ay naroon ang puno ng buhay, na higit na maganda sa lahat ng mga puno. Ang mga bunga noon ay waring mga ginto at pilak na mansanas, at may kapangyarihan upang magpanatili ng buhay.MPMP 49.2

    Ang paglalang ay tapos na. “At nayari ang langit at ang lupa at ang lahat ng natatanaw sa mga iyon.” “At nakita ng Dios ang lahat ng Kanyang nilikha, at, narito, napakabuti.” Ang Eden ay yumabong sa lupa. Si Adan at si Eva ay malayang nakalalapit sa puno ng buhay. Walang anomang bahid ng kasalanan o anino ng kamatayan ang sumisira sa mga nilikha. “Nang magsiawit na magkakasama ang mga bituing pang-umaga, at ang lahat ng mga anak ng Dios ay naghihiyawan sa kagalakan.” Job 38:7.MPMP 49.3

    Ang dakilang si Jehova ang naglatag ng mga patibayan ng lupa; dinamtan Niya ang buong lupa ng kasuutan ng kagandahan at pinu- no ito ng mga bagay na kapaki-pakinabang sa mga tao; Siya ang gumawa ng lahat ng mga kahanga-hanga sa lupa at sa dagat. Sa loob ng anim na araw ang paglalang ay natapos. At ang Dios ay “nagpahinga ng ikapitong araw sa madlang gawa Niyang ginawa.” Tumingin ang Dios ng may kasiyahan sa mga gawa ng Kanyang kamay. Ang lahat ay sakdal, karapat-dapat sa banal na Maygawa niyaon, at nagpahinga Siya, hindi tulad sa isang napapagod, kundi lubos na nasisiyahan sa ibinunga ng Kanyang karunungan at kabutihan at sa mga pagpapahayag ng Kanyang kaluwalhatian.MPMP 49.4

    Matapos magpahinga ng ika-pitong araw, iyon ay Kanyang ipinangilin, o ibinukod, bilang araw ng kapahingahan para sa tao. Sa pagsunod sa halimbawa ng Manlalalang, ang tao ay kinakailangang magpahinga sa banal na araw na ito, upang samantalang siya ay tumitingin sa langit at sa lupa, siya ay makapagmuni-muni tungkol sa dakilang gawa ng Dios sa paglalang; at kung paanong kinakailangan niyang mamasdan ang karunungan at kabutihan ng Dios, at ang kanyang puso ay mapupuno naman ng pag-ibig at paggalang sa kanyang Manlalalang.MPMP 50.1

    Sa Eden, ang alaala ng Kanyang gawa sa paglalang ay itinatag ng Dios, sa paglalagay ng Kanyang pagpapala sa ikapitong araw. Ang araw ng kapahingahan ay irinagubilin kay Adan, ang ama at kinatawan ng buong sangkatauhan. Ang pangingilin noon ay isang pagpapahayag ng nagpapasalamat na pagkilala, sa bahagi ng lahat ng mananahang nasa lupa na ang Dios ang kanilang Manlalalang at ang kanilang marapat na Hari; na sila'y gawa ng Kanyang mga kamay at mga tao sa ilalim ng Kanyang kapamahalaan. Kung kaya't ang institusyong iyon ay isang alaala, at ibinigay sa buong sangkatauhan. Walang anumang limistasyon na iyon ay para lamang sa isang grupo ng mga tao.MPMP 50.2

    Nakita ng Dios na ang Araw ng Kapahingahan ay kailangan ng tao, maging sa Paraiso. Kinakailangan niyang isatabi ang sarili niyang kapakanan sa loob ng isang araw isang linggo, upang higit pa niyang mapagmuni-muni ang mga gawa ng Dios at makapagbulay-bulay sa Kanyang kapangyarihan at kabutihan. Kailangan niya ang Sabbath upang higit pang maalaala ang Dios at mapukaw ang pagpapasalamat sa lahat ng mga biyaya at tinatangkilik mula sa mapagpalang kamay ng Manlalalang.MPMP 50.3

    Ginawa ng Dios ang Sabbath upang akayin ang isip ng tao sa pagmumuni-muni sa mga gawa Niyang nilikha. Ang kalikasan ay nagsasalita sa kanilang mga pakiramdam, naghahayag na mayroong isang buhay na Dios, ang Manlalalang, ang Kataas-taasang Pinuno ng lahat. “Ang kalangitan ay nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Dios; at ipinakikilala ng kalawakan ang gawa ng Kanyang kamay. Sa araw-araw ay nagbabadya ng pananalita, at sa gabi-gabi ay nagpapakilala ng kaalaman.” Mga Awit 19:1, 2. Ang kagandahang bumabalot sa sanlibutan ay alaala ng pag-ibig ng Dios. Maaari nating mamasdan iyon sa mga walang hanggang mga burol, sa mga matataas na mga punong-kahoy, sa mga namumukadkad at masisilang mga bulaklak. Ang lahat ay nagsasalita sa atin tungkol sa Dios. Ang Sabbath, sa patuloy na pagtukoy sa Kanya na gumawa ng lahat, ay nag-aanyaya sa mga tao upang buksan ang dakilang aklat ng kalikasan at doon ay aninagin at salatin ang karunungan, kapangyarihan, at pag-ibig ng Manlalalang.MPMP 50.4

    Ang una nating mga magulang, bagaman nilikhang walang kasalanan at banal, hindi inilagay sa isang lugar na malayo sa paggawa ng kamalian, sila ay nilikha ng Dios na malayang makapamimili, may kakayanan upang mapahalagahan ang karunungan at mapagpalang likas at katarungan ng Kanyang mga patakaran, at may ganap na kalayaan upang sumang-ayon o tumanggi sa pagsunod. Sila'y masisiyahan sa pakikiugnay sa Dios at sa mga anghel; subalit bago sila tunay na maging gano'n, kinakailangang masubok ang kanilang pagtatapat. Sa pinakapasimula ng pagkakaroon ng tao ay may inilagay na pagpigil sa pagnanasa para sa kalayawan, ang nakamamatay na pagnanasa sa saligan ng pagkakahulog ni Satanas. Ang puno ng kaalaman, na nasa tabi ng puno ng buhay sa kalagitnaan ng halamanan, ay magsisilbing pagsubok sa pagsunod, pananampalataya, at pag-ibig ng una nating mga magulang. Bagaman pinapayagang kumain mula sa lahat ng ibang mga puno, sila ay binawalang tumikim mula dito, dahil sa pait ng kamatayan. Sila ay malalantad rin sa tukso ni Satanas; subalit kung sila ay magtatagumpay sa pagsubok, sila ay malalagay sa katayuang hindi na maaabot ng kanyang kapangyarihan, upang patuloy nang magalak sa katuwaan ng Dios.MPMP 51.1

    Inilagay ng Dios ang tao sa ilalim ng kautusan, bilang natatanging batayan ng kanyang pananatili. Siya ay kabilang sa banal na pamahalaan, at walang anumang pamahalaan na walang kautusan. Maaaring lalangin ng Dios ang tao na walang kapangyarihan upang lumabag sa utos; maaaring pinigilan Niya ang kamay ni Adan mula sa pagkuha sa ipinagbabawal na bunga; subalit sa gano'ng kalagayan ang tao'y, walang kalayaan sa pagpili, sa halip ay isang robot. Sa kawalan ng kalayaan upang pumili, ang kanyang pagsunod ay hindi magiging kusang-loob, kundi pinilit. Wala na sanang paglago ng likas. Ang ganoong paraan ay hindi sang-ayon sa panukala ng Dios sa pakilatungo sa mga naninirahan sa ibang daigdig. Hindi na sana naging karapat-dapat ang tao upang maging matalino, at maaaring manatili ang bintang ni Satanas tungkol sa pamumuno ng Dios.MPMP 51.2

    Ginawa ng Dios ang tao na matuwid; binigyan Niya siya ng marangal na ugali, walang pagkahilig sa kasamaan. Binigyan Niya siya ng mataas na kapangyarihan ng kaisipan, at ibinigay sa harap niya ang pinakamalakas na pang-akit upang maging tapat sa pagsunod sa Kanya. Ang pagsunod, sakdal at nagpapatuloy, ang tanging paraan ng walang hanggang kaligayahan. Sa paraang ito ay nagkakaroon siya ng kalayaang magtungo sa puno ng buhay.MPMP 52.1

    Ang tahanan ng una nating mga magulang ang huwaran para sa mga tahanan ng kanilang mga anak samantalang sila ay humahayo upang kalatan ang buong lupa. Ang tahanang iyon, na pinaganda ng kamay ng Dios, ay hindi isang malaking palasyo. Ang tao, sa kanilang pagmamataas, ay nasisiyahan sa matatayog at mamahaling mga gusali at naluluwalhati sa gawa ng sarili nilang kamay; subalit si Adan ay inilagay ng Dios sa isang halamanan. Ito ang kanyang tirahan. Ang mga asul na langit ang bubong; ang lupa, puno ng magagandang mga bulaklak, at mga buhay na luntiang alpombra, ang sahig, at ang mga madahong sanga ng mga punong-kahoy ang mga kulandong. Ang mga dingding niyaon ay nasasabitan ng pinakamagandang mga palamuti—ang gawa ng Dakilang Pintor. Sa kapaligiran ng banal na mag-asawa ay may isang aral para sa lahat ng panahon—na ang tunay na kaligayahan ay nasusumpungan, hindi sa pagmamataas at karangyaan, kundi sa pakikipag-ugnay sa Dios sa pamamagitan ng Kanyang mga nilikha. Kung ang tao ay magbibigay man lamang ng kaunting pansin sa mga bagay na artipisyal, at papagyamanin ang kasimplihan, sila ay higit na malalapit sa pagtugon sa layunin ng Dios sa pagkakalalang sa kanila. Ang pagmamataas at ambisyon ay hindi nasisiyahan. Subalit ang tunay na matalino ay makakasumpong ng sapat na kasiyahan sa mga kaloob ng Dios para sa kaligayahan na maaabot ng lahat.MPMP 52.2

    Sa mga naninirahan sa Eden ay itinagubilin ang pag-aalaga sa halamanan, “upang kanyang alagaan at ingatan.” Ang kanilang hanap-buhay ay hindi nakakapagod, sa halip ay kasiya-siya at naka- pagpapasigla. Itinalaga ng Dios ang hanap-buhay upang maging pag- papala sa tao, upang pagkaabalahan ng kanyang isip, upang magpala- kas sa kanyang katawan, at upang palaguin ang kanyang mga kakayanan. Sa paggamit sa kaisipan at sa pangangatawan ay nasumpu- ngan ni Adan ang isa sa pinakamatayog na kasiyahan sa kanyang banal na kalagayan. At noon, bunga ng kanyang pagsuway, siya ay pinalabas mula sa kanyang magandang tahanan, at napilitang makipagpunyagi sa isang lupang sinumpa para sa kanyang araw-araw na pagkain, yaong hanap-buhay na iyon, bagaman malaki ang kaibahan sa kasiya-siya niyang gawain sa halamanan, ay isang pangsanggalang laban sa tukso at isang pinagmumulan ng kaligayahan. Yaong mga tumitingin sa gawain bilang isang sumpa, bagaman iyon ay isinasagawang may pagpapagal at sakit ng katawan, ay may maling kaisipan. Ang mayaman ay malimit na tumitingin sa mga manggagawang mababa ang tingin, subalit ito ay ganap na taliwas sa layunin ng Dios ng likhain ang tao. Anong sinabi ng kayamanan ng pinakamayayaman kung ihahambing sa kayamanang ipinamana kay Adan? Gano'n pa man si Adan ay di dapat mawalan ng ginagawa. Ang ating Manlalalang, na nakauunawa sa pangangailangan ng tao upang maging masaya, ay nagbigay ng gawain kay Adan. Ang tunay na kaligayahan ay nasusumpungan lamang ng mga gumagawang mga lalaki at babae. Ang mga anghel ay masisipag na mga manggagawa; sila ang mga lingkod ng Dios sa mga anak ng tao. Ang Manlalalang ay hindi naglagay ng lugar para sa ugali ng katamaran.MPMP 53.1

    Samantalang sila ay nanatiling tapat sa Panginoon, si Adan at ang kanyang kasama ay mamumuno sa sanlibutan. Walang limitasyong pamumuno ang ibinigay sa kanila sa lahat ng mga bagay. Ang leon at tupa ay mapayapang magkasamang naglalaro sa paligid nila o mag- kasamang nahihiga sa kanilang paanan. Ang masasayang mga ibon ay nagliliparan sa tapat nila ng walang pangamba; at samantalang ang kanilang magagandang himig ay pumapailanglang sa pagpuri sa kanilang Manlalalang, si Adan at si Eva ay sumasama sa kanila sa pagpapasalamat sa Ama at sa Anak.MPMP 53.2

    Ang banal na mag-asawa ay hindi lamang nasa ilalim ng pangangalaga ng isang Ama subalit mga mag-aaral na tumatanggap ng turo mula sa Manlalalang na puspos ng lahat ng kayamanan. Sila'y dinadalaw ng mga anghel, at binigyan ng pagkakataon upang makipag-ugnayan sa kanilang Manlalalang, na walang nakakagulong kasamaan sa pagitan nila. Sila ay puspos ng kasiglahan mula sa puno ng buhay, at ang kakayanan ng kanilang pag-iisip ay kulang lamang ng kaunti sa kaisipan ng mga anghel. Ang hiwaga ng nakikitang sansinukob—“ang kagila-gilalas na mga gawa Niya na sakdal sa kaalaman” (Job 37:16)—nagkaloob ng di nauubusang bukal ng patnubay at kasiyahan. Ang mga utos at pagkilos ng kalikasan, na naging aralin ng mga tao sa loob ng anim na libong taon, ay nagbukas sa kanilang isipan ng walang hanggang Tagagawa at Tagapag-ingat ng lahat. Nagkaroon sila ng pag-uusap tungkol sa dahon, bulaklak, at puno, mula sa bawat isa noon ng mga lihim ng buhay. Sa lahat ng nabubu- hay na nilalang, mula sa mga dambuhalang buwaya na naglalaro sa mga tubig hanggang sa pinakamaliit sa mga insekto na makildtang lumulutang sa sinag ng araw, ay pawang alam ni Adan. Kanya iyong nabigyan ng pangalan, at alam niya ang likas at ugali ng lahat. Ang kaluwalhatian ng Dios sa mga langit, ang di mabilang na mga daigdig sa maayos nilang pag-ikot, “ang pagtitimbang ng mga ulap,” ang mga hiwaga ng liwanag at ng tunog, ng araw at ng gabi—ang lahat ay nakabukas sa pag-aaral ng una nating mga magulang. Sa bawat dahon sa kagubatan o bato sa kabundukan, sa bawat nagniningning na bituin, sa lupa at hangin at himpapawid, ang pangalan ng Dios ay nakasulat. Ang kaayusan at pagkakatugma ng nilalang ay nagsasalita sa kanila tungkol sa walang hanggang karunungan at kapangyarihan. Patuloy silang tumutuklas ng kaakit-akit na nagpupuno sa kanilang puso ng higit na malalim na pag-ibig at tumatawag sa sariwang pagpapahayag ng pagpapasalamat.MPMP 53.3

    Hangga't sila ay nagtatapat sa banal na kautusan, ang kanilang kakayanan upang makaalam, masiyahan, at umibig ay patuloy na lalago. Patuloy silang magkakamit ng bagong hiyas ng kaalaman, makatutuklas ng sariwang bukal ng kaligayahan, at magkakamit ng malinaw na pananaw sa di masukat, at di nagkukulang at nagbabagong pag-ibig ng Dios.MPMP 54.1

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents