Kabanata 47—Ang Pakikilakip sa mga Gabaonita
.
Mula sa Sichem ang mga Israelita ay bumalik sa kanilang kampamento sa Gilgal. Dito ay dinatnan sila ng isang di kilalang lupon ng mga sugo, na nagnanais makipagkasunduan sa kanila. Ang mga kinatawan ay nagsabing sila ay galing pa sa isang malayong lupain, at ito ay tila pinatutunayan ng kanilang hitsura. Ang kanilang damit ay luma at punit, ang kanilang mga pangyapak ay pudpod, at ang kanilang mga tinapay ay inaamag, at ang mga balat na nagsilbing sisidlan ng alak ay punit at may mga buhol, na tila madaliang inayos samantalang naglalakbay.MPMP 595.1
Sa kanilang malayong tahanan—na sinabing nasa labas ng hangganan ng Palestina—narinig ng kanilang mga kababayan, wika nila, ang mga kahangahangang bagay na ginawa ng Dios para sa Kanyang bayan, kaya't sila'y sinugo upang pumasok sa isang pakikipaglakip. Ang mga Hebreo ay binabalaan sa pakikilakip sa mga taga Canaan na sumasamba sa mga diyus-diyusan, at isang pagdududa sa katotohanan ng mga sinalita ng mga dayuhan ang bumangon sa isip ng mga pinuno. “Marahil kayo'y nananahang kasama namin,” wika nila. At ito ay sinagot lamang ng mga sugo, “kami ay iyong mga lingkod.” Subalit nang tuwirang itanong ni Josue, “Sino kayo? at mula saan kayo?” Inulit nila ang una nilang ipinahayag, at idinagdag, bilang patotoo sa kanilang pagkamatapat, “Itong aming tinapay ay kinuha naming mainit na pinakabaon namin mula sa aming mga bahay nang araw na kami ay lumabas na patungo sa inyo; ngunit ngayon, narito, tuyo at inaamag: at ang mga sisidlang balat na alak na ito na aming pinuno ay bago; at, narito, mga hapak: at itong aming bihisan at aming mga pangyapak ay naluma dahil sa totoong mahabang paglalakbay.”MPMP 595.2
Ang mga pagpapahayag na ito ay nanaig. Ang mga Hebreo ay “hindi humingi ng payo sa bibig ng Panginoon. At si Josue ay nakipagpayapaan sa kanila at nakipagtipan sa kanila, na pabayaan silang mabuhay: at ang mga prinsipe ng kapisanan ay sumumpa sa kanila.” Kaya't nagkaroon ng tipanan. Makalipas ang tatlong araw ang katotohanan ay nahayag. “Kanilang nabalitaan na sila'y kanilang kalapit bayan, at sila'y nananahang kasama nila.” Sa pagkaalam na imposibleng lumaban sa mga Hebreo, ang mga Gabaonita ay gumamit ng panlilinlang upang mailigtas ang kanilang mga buhay.MPMP 595.3
Galit na galit ang mga Israelita nang kanilang malaman ang naging panlilinlang sa kanila. At ito ay tumindi nang, makalipas ang tatlong araw na paglalakbay, sila ay nakarating sa mga bayan ng mga Gabaonita, na malapit sa sentro ng lupain. “Inupasala ng buong kapisanan ang mga prinsipe;” subalit ang mga prinsipe ay tumangging sirain ang tipanan, bagaman iyon ay nakamtan sa pamamagitan ng pagsisinungaling, sa dahilang sila ay “sumumpa sa kanila sa Pangalan ng Panginoon, ng Dios ng Israel.” “At hindi sila sinaktan ng mga anak ni Israel.” Ang mga Gabaonita ay nangakong itatakwil na nila ang pagsamba sa mga diyus-diyusan, at tatanggapin ang pagsamba kay Jehova at ang pagliligtas sa kanilang buhay ay hindi naging pag- labag sa utos ng Dios na patayin ang lahat ng mga taga Canaan na sumasamba sa mga diyus-diyusan. Kaya't ang mga Hebreo sa pamamagitan ng kanilang panunumpa ay nakamtan sa pamamagitan ng panlilinlang, iyon ay hindi kinakailangang mabaliwala. Ang tungkulin na ipinangako ng isa sa pamamagitan ng kanyang salita—kung iyon ay hindi naman nag-uutos sa kanyang gumawa ng kasalanan—ay kinakailangang ituring na banal. Walang pagpapahalaga sa pakinabang, paghihiganti, o pangsariling kapakinabangan, sa anomang paraan ay hindi maaaring maging dahilan upang mapawalang bisa ang isang panata o pangako. “Mga sinungaling na labi ay kasuklam-suklam sa Panginoon.” Kawikaan 12:22. Ang “aahon sa bundok ng Panginoon,” at “tatayo sa Kanyang dakong banal,” ay yaong “sumusumpa sa kanyang sariling ikasasama at hindi nagbabago.” Mga Awit 24:3; 15:4.MPMP 596.1
Ang mga Gabaonita ay pinahintulutang mabuhay, subalit inilakip bilang mga alipin sa santuwaryo, sa lahat ng hamak na mga gawain. “At ginawa sila ni Josue nang araw na yaon na mga mamumutol ng kahoy at mga mananalok ng tubig sa kapisanan, at sa dambana ng Panginoon.” Ang mga kondisyong ito ay malugod nilang tinanggap, batid na sila ay nagkasala, at galak na bayaran ang buhay sa ano mang paraan. “Narito, kami ay nasa iyong kamay,” wika nila kay Josue; “Kung ano ang inaakala mong matuwid at mabuti na gawin sa amin ay gawin mo.” Sa loob ng maraming daang taon ang kanilang mga inanak ay nakaugnay sa paglilingkod sa santuwaryo.MPMP 596.2
Ang nasasakupan ng mga Gabaonita ay binubuo ng apat na mga bayan. Ang mga tao ay wala sa ilalim ng isang hari, sa halip ay pinamamahalaan ng mga matanda, o mga senador. Ang Gabaon, na pinakamahalaga sa kanilang bayan, “ay malaking bayan na gaya ng isa sa mga bayan ng hari,” “at ang lahat ng mga lalaki roon ay mga makapangyarihan.” Iyon ay isang malinaw na patotoo tungkol sa takot na inihatid ng mga Israelita sa mga naninirahan sa Canaan, na ang mga tao sa gano'ng bayan ay napilitang humarap sa gano'ng kahihiyan iligtas lamang ang kanilang mga buhay.MPMP 597.1
Subalit naging pinaka mabuti sana para sa mga Gabaonita kung sila ay matapat na nakipag-ugnayan sa Israel. Bagamat ang kanilang pagpapasakop kay Jehova ay nagligtas sa kanilang mga buhay, ang kanilang panlilinlang ay naghatid sa kanila ng kahihiyan at pagkaalipin. Ang Dios ay nagbigay ng kondisyon na ang lahat na tatalikod sa pagsamba sa mga diyus-diyusan, at makikilakip sa Israel, ay kinakailangang makabahagi sa mga pagpapala ng tipan. Sila ay kabilang sa katagang, “taga ibang bayan na nakikipamayan sa inyo,” at liban lamang sa kaunting mga bagay ang grupong ito ay mayroong ka- tumbas na pagpapaunlak at mga karapatan tulad ng Israel. Ang utos ng Panginoon ay—MPMP 597.2
“Kung ang isang taga ibang bayan ay nakikipamayan na kasama ninyo sa inyong lupain, ay huwag ninyong gagawan ng masama. Ang taga ibang bayan na nakikipamayan na kasama ninyo, ay inyong aariing tubo sa lupain, at iibigin ninyo na gaya ng sa inyong sarili.” Levitico 19:33, 34. Tungkol sa Paskua at sa mga handog na mga hain ay ipinag-utos, “isang palatuntunan sa inyo, at sa taga ibang bayan na nakikipamayan sa inyo:...kung paano kayo, ay magiging gayon din ang taga ibang bayan sa harap ng Panginoon.” Mga Bilang 15:15.MPMP 597.3
Iyon sana ang naging batayan ng pagtanggap sa mga Gabaonita, kung hindi dahil sa panlilinlang na kanilang ginawa. Hindi isang magaang kahihiyan para sa mga mamayan ng isang “bayan ng hari,” “at lahat na lalaki roon ay mga makapangyarihan,” upang maging mga taga putol ng kahoy at taga kuha ng tubig sa lahat ng kanilang mga lahi. Subalit kanilang tinanggap ang damit ng karukhaan sa layuning manlinlang, at iyon ay ikinapit sa kanila bilang tanda ng pagkaalipin sa habang panahon. Kaya't sa lahat ng kanilang mga lahi, ang kanilang pagkaalipin ay nagpapatotoo sa pagkagalit ng Dios sa kasinungalingan.MPMP 597.4
Ikinabagabag ng mga hari sa Canaan ang naging pagpapasakop ng mga hari sa Canaan. Ang mga hakbang ay kaagad isinagawa upang parusahan yaong mga nakipagpayapaan sa mga dayuhan. Sa pamu- muno ni Adonizedec, hari ng Jerusalem, limang hari sa Canaan ang nagsanib ng kanilang puwersa laban sa Gabaon. Mabilis ang kanilang pagkilos. Ang mga Gabaonita ay hindi handa upang magtanggol sa sarili kaya't sila'y nagpadala ng mensahe kay Josue sa Gilgal: “Huwag mong palambutin ang iyong kamay sa iyong mga lingkod; sampahin mo kaming madali, at iligtas mo kami: sapagkat ang lahat ng mga hari ng mga Amorrheo na nangananahan sa lupaing maburol ay nagpipisan laban sa amin.” Ang panganib ay hindi lamang ukol sa mga taga Gabaon, kundi gano'n din sa Israel. Ang bayang ito ang may kapamahalaan sa mga daan tungo sa gitna at timog na bahagi ng Palestina, at iyon ay kinakailangang masakop upang ma-sakop ang lupain.MPMP 598.1
Si Josue ay madaling naghanda upang tumulong sa Gabaon. Ang mga naninirahan sa bayang sasalakayin ay nangamba na baka hindi pakinggan ni Josue ang kanilang panawagan, dahil sa isinagawa nilang panglilinlang; subalit sila'y sumuko sa kapamahalaan ng Israel, at tumanggap sa pagsamba sa Dios, nadama niya ang kanyang tungkulin na sila ay iingatan. Sa pagkakataong ito ay hindi siya kumilos na walang payo mula sa Dios, at siya ay pinasigla ng Dios sa gawaing iyon. “Huwag mo silang katakutan,” ang ipinahayag ng Dios; “sapagkat Aking ibinigay sila sa iyong mga kamay; walang lalaki roon sa kanila na tatayo sa harap mo.” “Sa gayo'y sumampa si Josue mula sa Gilgal, siya at ang buong bayang pandigma na kasama niya, at ang lahat ng mga makapangyarihang lalaki na matatapang.”MPMP 598.2
Sa pamamagitan ng paglalakbay sa buong magdamag ay naihatid niya ang puwersa ng Israel sa harap ng Gabaon nang kinaumagahan. Hindi pa natitipon ng mga prinsipe ang kanilang hukbo sa bayan nang si Josue ay sumalakay sa kanila. Ang paglusob ay humantong sa lubhang pagkalito ng mga kaaway. Ang malaking hukbo ay nagsitakas sa harap ni Josue paakyat tungo sa daan ng bundok patungo sa Bet-horon; at nang makarating sa itaas ay mabilis na tumakbo paibaba sa kabilang panig na mabangin. Dito sila ay tinamaan ng isang matinding ulan ng mga bato. “Binagsakan sila ng Panginoon ng malalaking bato mula sa langit:...sila'y higit na namatayan sa pamamagitan ng mga batong granizo kay sa pinatay ng mga anak ni Israel sa pamamagitan ng tabak.”MPMP 598.3
Samantalang ipinagpapatuloy ng mga Amorrheo ang kanilang pagtakas, na ang layunin ay makasumpong ng mapagkukublihan sa mga bundok, nakita ni Josue, sa pagtanaw mula sa isang tagaytay sa itaas, na magiging lubhang maiksi ang araw upang kanyang matapos ang kanyang gawain. Kung hindi lubos na mapupuksa, ang kanilang mga kalaban ay maaaring matipon muli para sa isa pang paglaban. “Nang magkagayo'y nagsalita si Josue sa Panginoon,...at kanyang sinabi sa paningin ng Israel, Araw, tumigil ka sa Gabaon; at ikaw, Buwan, sa libis ng Ajalon. At ang araw ay tumigil, at ang buwan ay huminto, hanggang sa ang bansa ay nakapanghiganti sa kanyang mga kaaway.... Ang araw ay tumigil sa gitna ng langit, at hindi nagmadaling lumubog sa isang buong araw.”MPMP 599.1
Bago sumapit ang gabi, ang pangako ng Dios kay Josue ay naganap. Ang buong hukbo ng mga kaaway ay napasa ilalim ng kanyang kamay. Ang mga naganap sa araw na iyon ay matagal inalala ng Israel. “At hindi nagkaroon ng araw na gaya noon bago nangyari yaon o pagkatapos niyaon, na ang Panginoon ay nakinig sa tinig ng tao: sapagkat ipinakipaglaban ng Panginoon ang Israel.” “Ang araw at buwan ay tumigil sa kanilang tahanan, sa liwanag ng Iyong mga pana habang sila'y nagsisiyaon, sa kislap ng Iyong makinang na sibat. Ikaw ay lumakad sa mga lupain sa pagkagalit, Iyong giniik ang ang mga bansa sa galit. Ikaw ay lumabas sa ikaliligtas ng Iyong bayan.” Habacuc 3:11-13.MPMP 599.2
Ang Espiritu ng Dios ang nagpasigla sa dalangin ni Josue, upang minsan pa ay makapagbigay ng patotoo tungkol sa kapangyarihan ng Dios ng Israel. Kung kaya't ang kahilingan ay hindi nagpahayag ng kapangahasan sa bahagi ng dakilang pinuno. Siya ay tumanggap ng pangako na tunay na ibabagsak ng Dios ang mga kaaway na ito ng Israel, gano'n pa man nagsikap siya na tila ang pagtatagumpay ay nakasalalay sa mga hukbo lamang ng Israel. Ginawa niya ang lahat ng magagawa ng lakas ng tao, at saka siya dumalangin na may pananampalataya sa tulong ng Dios. Ang libim ng tagumpay ay ang pagsasanib ng kapangyarihan ng Dios sa pagsisikap ng tao. Ang nagkakaroon ng pinakamalaking tagumpay ay yaong higit na nagtitiwala sa Bisig ng Makapangyarihan sa lahat. Ang lalaking nag- utos, “Araw, tumigil ka sa Gabaon; at ikaw, Buwan, sa libis ng Ajalon,” ay ang lalaki na sa maraming oras ay nakapatirapa sa lupa sa pananalangin sa kampamento sa Gilgal. Ang lalaking dumadalangin ay mga lalaking makapangyarihan.MPMP 599.3
Ang makapangyarihang himalang ito ay nagpapatotoo na ang nilalang ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Manlalalang. Sinisikap ni Satanas na ikubli sa tao ang mga ahensya ng Dios sa kalikasan, upang ialis sa paningin ang walang kapagurang pagkilos ng unang dakilang sanhi. Sa himalang ito, ang lahat ng nagtataas sa kalikasan na higit sa Dios ng kalikasan ay sinusumbatan.MPMP 600.1
Sa sarili Niyang kalooban, ginagamit ng Dios ang kapangyarihan ng kalikasan upang ibagsak ang lakas ng Kanyang mga kaaway— “apoy at granizo, nieve, at singaw; unos at hangin, na gumaganap ng Kanyang salita.” Mga Awit 148:8. Nang ang mga Amorrheong hindi kumikilala sa Dios ay gumayak upang labanan ang Kanyang mga layunin, ang Dios ay namagitan, naghulog “ng mga malaking bato na mula sa langit” sa mga kalaban ng Israel. Tayo ay sinabihan tungkol sa isang higit na malaking labanan sa pagtatapos ng kasaysayan ng daigdig. kapag “binuksan ng Panginoon ang Kanyang lalagyan ng almas, at inilabas ang mga almas ng Kanyang pagkagalit.” Jeremias 50:25. “Pumasok ka ba,” tanong niya, “sa mga tipunan ng nieve, o nakita mo ba ang mga tipunan ng granizo, na Aking itinaan laban sa panahon ng kabagabagan, laban sa kaarawan ng pagbabaka at pag- didigma?” Job 38:22, 23.MPMP 600.2
Inilarawan ng Revelador ang pagkawasak na magaganap kapag “ang isang malakas na tinig, mula sa templo ng langit” ay magsabing “Nagawa na.” wika niya, “Malaking granizo na kasinglaki ng talento ay lumagpak sa mga tao buhat sa langit.” Apocalipsis 16:17, 21.MPMP 600.3