Kabanata 34—Ang Labindalawang Tiktik
.
Labing-isang araw makalipas ang paglisan sa bundok ng Horeb ang mga Hebreo ay nagkampo sa Kadesh, sa ilang ng Paran, na hindi malayo sa mga hangganan ng Lupang Pangako. Dito ay imi- nungkahi ng bayan na magsugo ng mga tiktik upang suriin ang bansa. Ang bagay na iyon ay inihayag ni Moises sa Panginoon, at sila ay binigyan ng pahintulot, na ipinag-utos na isa sa mga pinuno ng bawat lipi ay piliin para sa layuning ito. Ang mga lalaki ay pinili ayon sa ipinag-utos, at sila ay sinugo ni Moises upang tingnan ang bansa, kung ano iyon, ang kalagayan at ang mga likas na kayamanan; at ang mga taong nakatira doon, kung sila ay malakas o mahina, kakaunti o marami; at upang bigyang pansin din ang likas ng lupa ang pagiging mabunga noon at upang magdala ng bunga ng lupain.MPMP 456.1
Sila ay humayo, at sinuri ang buong lupain, pumasok sa gawing hilaga hanggang sa gawing timog. Sila ay nagbalik makalipas ang apatnapung araw. Ang bayan ng Israel ay may matatayog na pag-asa at matamang naghintay na may pananabik. Ang balita tungkol sa pagbabalik ng mga tiktik ay masayang pinarating sa bawat lipi. Ang bayan ay mabilis na nagsilabas upang katagpuin ang mga sugo, na nakaligtas sa mga panganib ng kanilang lakad. Ang mga tiktik ay nagdala ng mga prutas ng lupain, na nagpapahayag ng katabaan ng lupa. Panahon noon ng mga hinog na ubas, at sila ay nagdala ng isang kumpol ng ubas na napakalalaki kaya't dala ng dalawang lalaki. Sila ay nagdala rin ng mga igos at granada na marami doon.MPMP 456.2
Ang bayan ay nagalak sapagkat sila'y titira sa isang mabuting lupain, at sila ay matamang nakinig sa mga ulat na pinarating kay Moises, upang huwag wala kahit isang salita ang hindi nila marinig. “Kami ay dumating sa lupaing yaong pinaparoonan mo sa amin,” simula ng mga tiktik, “at tunay na binubukalan ng gatas at pulot; at ito ang bunga niyaon.” Ang bayan ay masayang-masaya; may kasabikan nilang susundin ang tinig ng Panginoon, at mabilis na hahayo upang kupkupin ang lupain. Subalit matapos ilarawan ang kagandahan at katabaan ng lupain, ang lahat liban sa dalawa sa mga tiktik ay pi- nalaki ang mga kahirapan at mga panganib na nasa harapan ng mga Israelita kung kanilang isasagawa ang pagkupkop sa Canaan. Binay- bay nila ang makapangyarihang mga bansa na nasa iba't-ibang bahagi ng lupain, at sinabi na ang mga lungsod ay napapaderan at lubhang malalaki, at ang mga taong naninirahan doon ay malalakas, at imposible ang sila'y malupig. Kanila ring sinabi na sila'y nakakita ng mga taong malalaki, ang mga anak ni Anac, doon, at walang saysay ang isiping ang lupain ay kukupkupin.MPMP 456.3
Ang tagpo ay nagbago. Ang pag-asa at lakas ng loob ay nagbigay lugar sa pagkaduwag at kawalan ng pag-asa, samantalang isinasaysay ng mga tiktik ang damdamin ng kanilang di naniniwalang mga puso, na puno ng kawalan ng lakas ng loob dahil sa udyok ni Satanas. Ang kanilang di pananalig ay nagsabog ng malungkot na lilim sa kapisanan, at ang kapangyarihan ng Dios, na malimit na nahayag para sa Kanyang bayan, ay nakalimutan. Ang bayan ay hindi na nagbigay ng panahon upang magmuni-muni; hindi nila inisip na Siya na nag- hatid sa kanila hanggang sa lugar na kanilang kinaroroonan ay tiyak na ibibigay sa kanila ang lupain; hindi nila isinaisip ang kahanga- hangang pagliligtas sa kanila ng Dios mula sa mga nang-aapi sa kanila, na naghiwa ng landas sa dagat at pumatay sa humahabol sa kanila na hukbo ni Faraon. Hindi nila isinali sa usapan ang Dios, at kumilos na tila ang lahat ay nakasalalay sa kapangyarihan ng armas.MPMP 457.1
Sa kanilang hindi paniniwala ay linagyan ng hangganan ang kapangyarihan ng Dios at hindi pinagtiwalaan ang kamay na ligtas na nag- patnubay sa kanila hanggang sa dakong ito. At kanilang inulit ang dati nilang pagkakamali na pagreklamo laban kay Moises at kay Aaron. “Ito, ngayon, ang wakas ng ating matataas na pag-asa,” wika nila. “Ito ang lupain na ating nilakbay mula sa Ehipto upang kupkupin.” Pinaratangan nila ang kanilang mga pinuno ng panglilinlang sa bayan at paghahatid ng kaguluhan sa Israel.MPMP 457.2
Ang bayan ay naging desperado sa kanilang pagkabigo at kawalan ng pag-asa. Isang iyak ng paghihirap ang bumangon kasabay ng magulong pagrereklamo ng mga tinig. Hinarap ni Caleb ang kalagayan, at, matapang na tumindig upang ipagtanggol ang salita ng Dios, ginawa niya ang buo niyang makakayanan upang salungatin ang masamang impluwensya ng mga kasama niyang hindi tapat. Ang bayan ay biglang tumahimik upang pakinggan ang mga salita ng pag-asa at kalakasan ng loob tungkol sa mabuting lupain. Hindi niya sinalungat ang mga naunang sinabi; ang mga pader ay matataas at ang mga Canaanita ay malalakas. Subalit ipinangako ng Dios ang lupain sa Israel. “Ating akyatin paminsan, at ating ariin,” kanyang ipinagpilitan, “sapagkat kaya nating lupigin.”MPMP 457.3
Subalit ang sampu, sa pagsabat sa kanya, ay inilarawan ang mga kahirapan ng higit sa dati. “Hindi tayo makaakyat laban sa bayan,” ang pahayag nila; “sapagkat sila'y malakas kay sa atin.... Lahat ng bayan na aming nakita roon, ay mga taong malalaki. At doo'y aming nakita ang mga Nefilim, ang mga anak ni Anac, na mula sa mga Nefilim: at kami sa aming sariling paningin ay naging parang mga balang, at gayon din kami sa kanilang paningin.”MPMP 458.1
Ang mga lalaking ito sa pagkakasubo sa isang maling landas, ay nagmatigas sa kanilang paglaban kay Caleb at Josue, laban kay Moises, at laban sa Dios. Bawat hakbang ay lalo pang nagpatigas sa kanila. Sila ay nagpasyang huwag ituloy ang anomang hakbang upang ariin ang Canaan. Kanilang pinabulaanan ang katotohanan upang kanilang mapagtibay ang kanilang masamang impluwensya. Iyon ay “isang lupain na kinakain ang mga tumatahan,” wika nila. Hindi lamang ito isang masamang ulat, kundi isang kasinungalingan. Iyon ay nagkakasalungatan sa sarili niyon. Inihayag ng mga tiktik na ang lupain ay mabunga at maunlad, at ang mga tao ay malalaki, ang lahat ng iyon ay hindi maaaring maging totoo kung ang paligid ay hindi kaaya-aya at ang lupain ay masasabing “isang lupain na kinakain ang mga tumatahan.” Subalit kung ang puso ng tao ay mag- bigay daan sa di paniniwala kanilang inilalagay ang kanilang mga sarili sa pangangasiwa ni Satanas, at walang makapagsasabi kung hanggang saan niya sila aakayin.MPMP 458.2
“At ang buong kapisanan ay naglakas ng kanilang tinig, at humi- yaw; at ang bayan ay umiyak ng gabing yaon.” Paghihimagsik at hayagang pag-aalsa ang mabilis na sumunod; sapagkat puspos na ang pangangasiwa ni Satanas, at ang bayan ay tila nawala na sa sarili. Kanilang sinumpa si Moises at si Aaron, hindi iniisip na ang Dios ay nakikinig sa kanilang masasamang mga pananalita, at, nakakubli sa tila haliging ulap, ang Anghel ng Kanyang presensya ay nagmamasid sa kanilang kilabot na pagbubuhos ng galit. Sila'y umiyak na may kapaitan. “Nangamatay na sana tayo sa lupain ng Ehipto! o kaya'y nangamatay na sana tayo sa ilang na ito!” At ang kanilang damdamin ay nag-alsa laban sa Dios: “At bakit kaya tayo dinala ng Panginoon sa lupaing ito, upang tayo'y mabuwal sa tabak? Ang ating mga asawa at ang ating mga anak ay magiging mga huli: hindi ba magaling sa atin ang tayo'y magbalik sa Ehipto. At nangag-usapan sila, Tayo'y magla- gay ng isang kapitan at tayo'y magbalik sa Ehipto.” Sa gano'ng paraan ay kanilang pinaratangan hindi lamang si Moises, kundi pati ang Dios mismo, ng panglilinlang, sa pagbibigay ng pangako tungkol sa isang lupain na hindi nila maaaring ariin. At sila'y humantong pa sa pagpili ,ng isang kapitan upang manguna sa kanila pabalik sa lupain ng kanilang paghihirap at pagkaalipin, kung saan sila ay inialis ng makapangyarihang bisig ng Makapangyarihan sa Lahat.MPMP 458.3
Sa pagpapakumbaba at pagkalito “Si Moises at si Aaron ay nag- patirapa sa harap ng buong kapulungan ng kapisanan ng mga anak ni Israel,” hindi alam kung ano ang gagawin upang supilin ang kanilang marahas at mapagnasang layunin. Sinikap ni Caleb at ni Josue na payapain ang pagkakagulo. Sa kanilang pinunit na damit tanda ng kanilang kalungkutan at galit, sila ay pumunta sa mga tao, at ang kanilang tumataginting na mga tinig ay narinig sa kabila ng kagulu- han ng mga pag-iyak at mapanghimagsik na kalungkutan: “Ang lupain na aming dinaanan upang tiktikan ay isang napakainam na lupain. Kung kalugdan tayo ng Panginoon ay dadalhin nga Niya tayo sa lupaing yaon at ibibigay Niya sa atin; na yao'y lupaing binubukalan ng gatas at pulot. Huwag lamang kayong manghimagsik laban sa Panginoon, ni matakot sa bayan ng lupaing yaon, sapagkat sila'y tinapay sa atin; ang Kanyang kalinga ay inilayo sa kanila, at ang Panginoon ay sumasaatin: huwag kayong matakot sa kanila.”MPMP 459.1
Napuno ng mga Canaanita ang takal ng kanilang kasamaan, at ang Panginoon ay hindi na makapagpapaumanhin sa kanila. Sapagkat wala na ang Kanyang pag-iingat sa kanila, sila ay madaling mapinsa- la. Sa pamamagitan ng pangako ng Panginoon ang lupain ay na- kasiguro na sa Israel. Subalit ang hindi totoong ulat ng mga hindi tapat na tiktik ay tinanggap, at dahil doon ang buong kapisanan ay nalinlang. Nagawa na ng mga taksil ang kanilang gawain. Kung ang dalawang lalaki lamang ang naghatid ng masamang ulat, at ang lahat nang sampu ay umakit sa kanila upang angkinin ang lupain, kanila pa ring pakikinggan ang payo ng dalawa ng higit sa sampu. Subalit dalawa lamang ang naghahatid ng katotohanan, samantalang sampu ang nasa panig ng panghihimagsik.MPMP 459.2
Ang mga hindi tapat na tiktik ay bulgar sa kanilang pagtuligsa kay Caleb at kay Josue, at ang sigaw ay ibinangon upang sila ay batuhin. Ang kalipunan na nasiraan na ng bait ay dumampot ng mga bato upang patayin ang mga tapat na mga lalaki. Tumakbo sila patungo sa harap na may sigaw ng pagka-ulol, nang bigla na lamang nanghulog ang mga bato mula sa kanilang mga kamay, dumapo sa kanila ang katahimikan, at sila ay nanginig sa takot. Ang Dios ay namagitan upang supilin ang kanilang nakamamatay na panukala. Ang kaluwalhatian ng Kanyang presensya, tulad sa nagniningas na liwanag, ang nagliwanag sa tabernakulo. Nakita ng buong bayan ang hudyat ng Panginoon. Isang makapangyarihan sa kanila ang naghayag ng Kanyang sarili, ang walang sinomang nangahas na ipagpapatuloy ang kanyang paglaban. Ang mga tiktik na naghatid ng masamang ulat at tinamaan ng takot, ay madaling nagtungo sa kanilang mga tolda.MPMP 460.1
Si Moises ay tumindig at pumasok sa tabernakulo. Ang Panginoon ay nagpahayag sa kanya, “Aking sasaktan sila ng salot, at hindi ko sila pamamanahan at gagawin kita na isang bansang malaki at matibay kay sa kanila.” Subalit muling nakiusap si Moises alang- alang sa kanyang bayan. Hindi siya makapayag na sila ay puksain, at siya mismo ang gawing higit na matibay na bansa. Sa pakikiusap sa kaawaan ng Dios, ay kanyang sinabi: “Idinadalangin ko sa Iyo, na itulot Mo na ang kapangyarihan ng Panginoon ay maging dakila, ayon sa Iyong sinalita, na sinasabi. Ang Panginoon ay banayad sa pagkagalit at sagana sa kaawaan.... Ipatawad Mo isinasamo ko sa Iyo, ang kasamaan ng bayang ito ayon sa kalakhan ng Iyong kaawaan, at ayon sa Iyong pagpapatawad sa bayang ito, mula sa Ehipto hanggang ngayon.”MPMP 460.2
Ang Panginoon ay nangakong ililigtas ang Israel mula sa karakara- kang kamatayan; subalit dahil sa kanilang kaduwagan at di paniniwa- la hindi Niya maaaring ipahayag ang Kanyang kapangyarihan upang puksain ang kanilang mga kalaban. Kaya't sa Kanyang kaawaan ay inutusan Niya sila, bilang tangi nilang ikaliligtas, na bumalik sa daang patungo sa Dagat na Pula.MPMP 460.3
Sa kanilang panghihimagsik ang bayan ay nagsabi, “Nangamatay na sana tayo sa ilang na ito!” Ngayon ang dalanging ito ay tutugunin. Ipinahayag ng Panginoon: “Tunay na kung paano ang sinalita ninyo sa Aking pakinig ay gayon ang gagawin Ko sa inyo: ang inyong mga bangkay ay mangabubuwal sa ilang na ito; ay yaong lahat na nanga- bilang sa inyo ayon sa inyong kabuuan ng bilang, mula sa dala- wampung taong gulang na patanda.... Ngunit ang inyong mga bata, na inyong sinabing magiging mga huli ay Aking papapasukin, at kanilang makikilala ang lupain na inyong itinakwil.” At tungkol kay Caleb ay Kanyang sinabi, “Ang Aking lingkod na si Caleb, sapagkat siya'y nagtaglay ng ibang diwa at siya'y sumunod na lubos sa Akin, ay Aking dadalhin siya sa lupain na kanyang pinaroonan; at aariin ng kanyang lahi.” Kung paanong ang mga tiktik ay gumugol ng apatna- pung araw sa kanilang paglalakbay, gano'n din naman ang mga Israelita ay maglalagalag sa ilang sa loob ng apat na pung taon.MPMP 460.4
Nang ipahayag ni Moises sa bayan ang kapasyahan ng Dios, ang kanilang pagkagalit ay napalitan ng pagluksa. Alam nila na ang paru- sa sa kanila ay makatarungan. Ang sampung hindi tapat na mga tiktik, na hinampas ng Dios ng salot, ay nangamatay sa harap ng buong Israel; at sa nangyari sa kanila ay natanto ng bayan ang sarili nilang kahihinatnan.MPMP 461.1
Sila ay tila lubos na nagsisisi sa kasamaan ng kanilang ginawa; subalit sila ay nalungkot dahil sa ibinunga ng masama nilang ginawa sa halip na dahil sa pagkadama ng pagkakaroon nila ng kawalan ng utang na loob at pagiging masuwayin. Nang kanilang masumpungan na ang Panginoon ay hindi nabagbag sa Kanyang ipinasya, ang kanilang sariling kalooban ay muling nagbangon, at kanilang ipinahayag na hindi na sila babalik sa ilang. Sa pag-uutos sa kanila na umalis mula sa lupain ng kanilang mga kalaban, ay sinusubok ng Dios ang kanilang pagpapahayag ng pagpapasakop at napatunayan na iyon ay hindi tunay. Alam nila na sila'y lubhang nagkasala sa pagpapahin- tulot sa kanilang damdamin na mangibabaw sa kanila at sa pagta- tangkang patayin ang mga tiktik na pumipilit sa kanila na sundin ang Dios; subalit sila ay natakot lamang na masumpungang nakagawa ng isang kilabot na pagkakamali, na ang bunga noon ay kanilang ikapa- pahamak. Ang kanilang mga puso ay hindi pa rin nagbabago, at nangangailangan lamang sila ng dahilan upang isagawa muli ang anyong pag-aalsa. Ito ay nahayag nang si Moises, sa kapangyarihan ng Dios, ay nag-utos sa kanila na bumalik sa ilang.MPMP 461.2
Ang pahayag na ang Israel ay hindi papasok sa Canaan sa loob na apat na pung taon ay isang mapait na pagkabigo para kay Moises at kay Aaron, kay Caleb at kay Josue; subalit walang reklamo nilang tinanggap ang kapasyahan ng Dios. Subalit yaong mga nagreklamo sa pakikitungo ng Dios sa kanila, at nagpahayag na sila'y babalik sa Ehipto, ay lubhang tumangis at nalungkot nang ang pagpapalang kanilang itinakwil ay inalis mula sa kanila. Sila ay nagreklamo sa walang kadahilanan, at ngayon ay binigyan sila ng Dios ng dahilan upang turnangis. Kung sila lamang ay nalungkot dahil sa kanilang kasalanan nang iyon ay tapat na ihayag sa kanila, ang hatol na ito ay hindi na sana binanggit; subalit sila ay nalungkot dahil sa kaparusa- han; ang kanilang pagkalungkot ay hindi isang pagsisisi, at hindi maaaring maging dahilan upang ang hatol sa kanila ay mabago.MPMP 461.3
Ang gabi ay ginugol sa panaghoy, subalit kasama ng umaga ay dumating ang isang pag-asa. Sila ay nagpasyang tubusin ang kanilang kaduwagan. Nang sila ay inutusan ng Dios na humayo upang kunin ang lupain, sila ay tumanggi; at ngayon nang sila ay Kanyang sinabihang umurong sila ay gano'n pa rin na mapanghimagsik. Sila ay nagpasyang kunin ang lupain at ariin; marahil ay tatanggapin ng Dios ang kanilang gawa at babaguhin ang panukala para sa kanila.MPMP 462.1
Ginawa ng Dios na maging karapatan at tungkulin nila ang pasu- kin ang lupain sa panahon na Kanyang itinakda, subalit sa kanilang ipinasyang kapabayaan ang pahintulot na iyon ay binawi. Nakamtan ni Satanas ang kanyang layunin sa pag-iiwas sa kanila mula sa pagpa- sok sa Canaan; at ngayon ay pinipilit niya silang gawin ang bagay na iyon, sa harap ng pagbabawal ng Panginoon, sa tinanggihan nilang gawin nang ipinag-uutos ng Dios na gawin iyon. Kaya't ang dakilang manlilinlang ay nagkaroon ng malaking pagtatagumpay sa pag-akay sa kanila upang manghimagsik muli. Hindi sila nagtiwala sa kapangyarihan ng Panginoon na gagawang kasama nila sa pagkuha sa lupain ng Canaan; ngunit ngayon ay nagtitiwala sila sa sarili nilang lakas upang gampanan ang gawain iyon na hiwalay sa tulong ng Dios. “Kami ay nagkasala laban sa Panginoon,” wika nila, “kami ay sasam- pa at lalaban, ayon sa buong iniutos sa amin ng Panginoon naming Dios.” Deuteronomio 1:41. Lubos na silang binulag ng pagsalang- sang. Kailanman ay hindi nag-utos ang Dios sa kanila upang “humayo at lumaban.” Hindi Niya pinanukala na kanilang kunin ang lupain sa pamamagitan ng pakikipagdigma, kundi sa pamamagitan ng mahigpit na pagsunod sa Kanyang mga ipinag-uutos.MPMP 462.2
Bagaman ang kanilang mga puso ay di nagbago, ang bayan ay naakay upang magpahayag ng kasalanan at kahangalan ng kanilang panghihimagsik dahil sa ulat ng mga tiktik. Kanila ngayong nakita ang kahalagahan ng pagpapala na marahas nilang itinakwil. Kanilang inamin na ang di nila paniniwala ang dahilan kung bakit hindi sila makakapasok sa Canaan. “Kami ay nagkasala,” wika nila, tinatanggap na ang pagkakamali ay nasa kanilang mga sarili, at wala sa Dios na pinaratangan nila ng pagkabigo at hindi pagtupad sa Kanyang mga pangako sa kanila. Bagaman ang kanilang pagpapahayag ay di buhat sa tunay na pagsisisi, iyon ay nagsilbi upang patotohanan ang pagka- makatarungan ng Dios sa pakikutungo sa kanila.MPMP 462.3
Ang Panginoon ay gumagawa pa rin sa gano'ng paraan upang luwalhatiin ang Kanyang pangalan sa paghahatid sa tao upang kila- lanin ang Kanyang katarungan. Kapag yaong mga umiibig sa Kanya ay nagreklamo sa Kanyang pagpatnubay, itinakwil ang Kanyang mga pangako, nagbigay daan sa tukso, at nakiisa sa mga masasamang anghel sa pagsira sa mga panukala ng Dios, malimit ay ginagamit ng Dios ang pangyayaring iyon upang akayin ang mga taong iyon, bagaman hindi sila magkaroon ng tunay na pagsisisi, sila ay makadarama ng kanilang pagkakamali at mapipilitang aminin ang kasamaan ng kanilang landas at ang katarungan at kabutihan ng Dios sa Kanyang pakikitungo sa kanila. Kaya't ang Dios ay gumagawa ng paraan u- pang mahayag ang mga gawa ng kadiliman. At bagaman ang espiri- tung nag-udyok ng masamang gawa ay hindi sapilitang binabago, ang pag-amin ay isinasagawa na nagpapatotoo sa karangalan ng Dios at pawalang sala ang mga tapat Niyang tagasumbat, na kinalaban at inihayag sa maling paraan. Gano'n din naman kapag ang galit ng Dios ay ibuhos sa wakas. Kapag, “dumating ang Panginoon, na kasama ang Kanyang mga laksa-laksang banal, upang isagawa ang pag- huhukom sa lahat,” Kanya ring “susumbatan ang lahat ng masama sa lahat ng kanilang mga gawang masasama na kanilang ginawang may kasamaan.” Judas 14, 15. Ang bawat makasalanan ay dadalhin upang makita at makilala ang katarungan ng Kanyang parusa.MPMP 463.1
Sa kabila ng inihatol ng Dios, ang mga Israelia ay naghanda upang sakupin ang Canaan. Nasasandatahan ng armas at mga kasangka- pang pangdigma, sila ayon sa kanilang tantiya, ay lubos nang handa upang makipaglaban; subalit sila ay lubhang malaki pa ang kakula- ngan sa paningin ng Dios at sa Kanyang malungkot na mga lingkod. Nang, halos apat na pung taon ang makalipas, na pinangunahan ng Panginoon upang sakupin ang Jerico, Siya ay nangakong sasama sa kanila. Ang kaban na naglalaman ng Kanyang kautusan ay dinala sa harap ng kanilang mga kawal. Ang Kanyang mga pinili na mga pinuno ang mangunguna sa kanilang pagkilos, sa ilalim ng pangangasiwa ng Dios. Taglay ang gano'ng pagpatnubay, walang sakuna ang maaaring sumapit sa kanila. Subalit ngayon, labag sa ipinag- uutos ng Dios at sa solemneng pagbabawal ng kanilang mga pinuno, wala ang kaban, at wala si Moises, sila ay lumabas upang harapin ang mga kawal ng mga kalaban.MPMP 463.2
Ang pakakak ay naghudyat ng babala, at si Moises ay nagmadaling humabol sa kanila na may babala, “Bakit sinalangsang ninyo ngayon ang utos ng Panginoon, sa bagay na hindi ninyo ikasusulong? Huwag kayong umakyat, sapagkat ang Panginoon ay wala sa gitna ninyo; upang huwag kayong masaktan sa harap ng inyong mga kaaway. Sapagkat nandoon ang mga Amalecita at ang mga Cananeo sa harap ninyo, at kayo'y mangabubuwal sa tabak.”MPMP 464.1
Nabalitaan ng mga Canaanita ang makababalaghang kapangyarihan na tila nag-iingat sa bayang ito at ang mga kahanga-hangang naganap para sa kanila, at sila ay nag-anyaya ng malakas na puwersa upang labanan ang mga mananalakay. Ang lumusob na sandatahan ay walang pinuno. Walang dalanging inialay na sila ay bigyan ng Dios ng tagumpay. Sila ay humayo sa walang pag-asang layunin na baguhin ang kapalaran o mamatay sa labanan. Bagaman walang pagsasanay sa pakikipagdigma, sila'y isang sandatahan ng malaking karamihan, at sila ay umaasa na sa pamamagitan ng isang biglaan at malakas na paglubos na kanilang matatalo ang lahat ng lalaban. Naglakas loob silang hamunin ang kalaban na hindi nangahas lumusob sa kanila.MPMP 464.2
Ang mga Canaanita ay nakapuwesto sa isang mabatong talampas na mapapanhik lamang sa pamamagitan ng makipot na mga daang matarik ang pag-akyat. Ang malaking bilang ng mga Hebreo ay magpapalala lamang sa kanilang pagkatalo. Marahan nilang inakyat ang mga daan ng bundok, lantad sa mga nakamamatay na bala ng mga kaaway sa itaas. Malalaking mga bato ang inihuhulog, at du- madanak ang dugo ng mga patay sa kanilang dinaanan. Yaong mga nakarating sa itaas na pagod sa pag-akyat, malupit na linalabanan, at pinauurong na may malaking pagkatalo. Ang lugar ay napuno ng mga bangkay. Ang sandatahan ng Israel ay lubhang natalo. Pagkasira at kamatayan ang bunga ng mapanghimagsik na pangangahas na iyon.MPMP 464.3
Napilitang sumuko sa wakas, ang mga nakaligtas ay “bumalik, at umiyak sa harap ng Panginoon;” “ngunit hindi dininig ng Panginoon” ang kanilang tinig. Deuteronomio 1:45. Sa pamamagitan ng kanilang malaking pagtatagumpay ang mga kalaban ng Israel na dati'y nanginginig na naghihintay sa pagdating ng makapangyari- hang hukbong iyon ay nagkaroon ng lakas ng loob upang lumaban sa kanila. Ang lahat ng ulat na kanilang narinig tungkol sa mga kamanghamanghang mga bagay na ginawa ng Dios para sa Kanyang bayan, ay kanila ngayong itinuring na hindi totoo, at kanilang nadama na walang dahilan upang sila'y matakot. Ang unang pagkatalong iyon ng Israel, sa pagbibigay ng lakas ng loob sa mga Canaanita, ay lubhang nagparami sa kahirapan ng pagsakop. Wala nang iba pang mabuti para sa Israel ang hihigit kaysa sila ay umurong mula sa harap ng kanilang mga nagtagumpay na mga kalaban, tungo sa ilang, batid na narito ang magiging libingan ng isang buong kalahian.MPMP 464.4