Kabanata 18—Ang Gabi ng Pakikipagbuno
.
Bagaman si Jacob ay umalis sa Padan-aram sa pagsunod sa utos ng Dios, hindi nawalan ng pag-aalala na kanyang tinunton ang daan na kanyang dinaanan bilang isang takas dalawampung taon na ang nakalilipas. Ang kanyang kasalanan sa pandaraya sa kanyang ama ay nanatili sa kanyang harapan. Alam niya na ang matagal na pagkakatira niya sa malayo ay bunga ng kasalanang iyon, at pinag-iisipan niya ang mga bagay na ito araw at gabi, ang mga panunumbat ng mapagparatang na budhi, at ginagawang napakalungkot ang kanyang paglalakbay. Samantalang ang mga gulod ng kanyang lupang sinilangan ay kanya nang natatanaw, ang puso ng patriarka ay lubos na nakilos. Ang lahat ng nakalipas ay malinaw na nagbalik sa kanya. Kaugnay ng pag-alaala sa kanyang kasalanan ay dumating din ang kaisipan tungkol sa pagkalugod ng Dios sa kanya, at ang mga pangako ng tulong at pagpatnubay ng Dios.MPMP 229.1
Samantalang siya ay lumapit sa kahahantungan ng kanyang paglalakbay, ang pag-iisip tungkol kay Esau ay naghatid ng maraming pag-aalala. Noong si Jacob ay lumikas, itinuring na ni Esau ang kanyang sarili bilang nag-iisang tagapagmana ng mga ari-arian ng kanilang ama. Ang balita tungkol sa pagbabalik ni Jacob ay maaaring pumukaw sa pangamba na siya ay nagbabalik upang angkinin ang mana. Magagawa na ni Esau na saktan ang kanyang kapatid, kung kanyang gagawin, at maaaring siya ay makilos laban sa kanya, di lamang sa pagnanais na makapaghiganti, kundi upang ano mang hadlang sa pagmamay-ari ng lahat ng kayamanan na matagal na niyang itinuring na kanya.MPMP 229.2
Sa muli ang Panginoon ay nagbigay kay Jacob ng isang tanda ng pag-iingat ng Dios. Samantalang siya ay naglalakbay patungong timog mula sa bundok ng Galaad, dalawang hukbo ng mga anghel ng langit ang tila pumapalibot sa kanyang likuran at harapan, sumusulong na kasama ng kanyang grupo, tila upang sila ay maingatan. Naalaala ni Jacob ang pangitain sa Betel matagal nang panahon ang nakalilipas, at ang kanyang nabibigatang puso ay nagaanan sa katunayang ito na ang mga sugo ng langit upang maghatid sa kanya ng pag-asa at lakas ng loob sa kanyang pag-alis mula sa Canaan ay siya ring magiging tagapag-ingat niya sa kanyang pagbabalik. At kanyang sinabi, “Ito'y hukbo ng Dios: at tinawag niya ang pangalan ng dakong yaon na Mahanaim”—“dalawang hukbo, o kampo.”MPMP 229.3
Subalit si Jacob ay nakadarama na mayroon siyang dapat gawin para sa sarili niyang ikaliligtas. Kung kaya siya ay nagsugo ng mga lingkod upang maghatid ng pagbati ng isang pakikipagkasundo sa kanyang kapatid. Tinagubilinan niya sila ng tiyak na salitang bibigkasin kay Esau. Nagkaroon ng hula noon bago pa isilang ang magkapatid na ang matanda ay maglilingkod sa bata, at, dahilan sa ang pag-alaala nito ay baka maging sanhi ng galit, tinagubilinan ni Jacob ang kanyang mga lingkod na sila ay sinugo sa “aking panginoong si Esau;” kapag dinala sa harap niya, kinakailangang banggitin nila ang kanilang panginoon bilang “iyong alipin na si Jacob;” at upang alisin ang pangamba na siya ay nagbabalik na isang lagalag, upang angkinin ang kanyang mana sa mga magulang, si Jacob ay naging maingat sa pagsasabi sa kanyang pahayag, “Mayroon akong mga baka, at mga asno, at mga kawan, at mga aliping lalaki at babae: at ako'y nagpasugo upang magbigay alam sa aking panginoon, upang makasumpong ng biyaya sa iyong paningin.”MPMP 230.1
Subalit ang mga lingkod ay nagbalik na may balitang si Esau ay dumarating na may kasamang apat na raang mga lalaki at walang dalang tugon sa ipinahatid na mensahe. Nagmukhang tiyak na siya ay dumarating upang maghiganti. Ang kampamento ay napuno ng takot. “Natakot na mainam si Jacob at nahapis.” Hindi siya ma- kababalik, at siya ay natatakot magpatuloy. Ang kanyang mga kasama, walang armas at ano mang pangtanggol sa sarili, ay ganap na hindi handa upang humarap sa mga kalaban. Dahil dito ay hinati niya ang kanyang mga kasama sa dalawang grupo, upang kung ang isa ay lulusubin, ang isa ay maaaring magkaroon ng pagkakataon upang tumakas. Nagpadala siya mula sa kanyang maraming mga hayop ng maraming kaloob para kay Esau, na may pahayag ng pakikipagkaibigan. Ginawa niya ang lahat niyang magagawa upang mapatawad sa kamaliang ginawa niya sa kanyang kapatid at upang baguhin ang pinangangambahang panganib, at taglay ang pagpapakumbaba at pagsisisi siya ay humiling ng tulong sa Dios: Kayo ay “nagsabi sa akin, Magbalik ka sa iyong lupain at sa iyong kamag-anakan, at gagawan Kita ng magaling: hindi ako marapat sa kababaan ng lahat ng kaawaan, at ng buong katotohanan na iyong ipinakita sa iyong lingkod: sapagkat dala ko ang aking tungkod, na dinaanan ko ang Jordang ito; at ngayo'y naging dalawang pulutong ako. Iligtas Mo ako, ipinamamanhik Ko sa Iyo, sa kamay ng aking kapatid, sa kamay ni Esau: sapagkat ako'y natatakot sa kanya, baka siya'y dumating at ako'y saktan niya, ang ina pati ng mga anak.”MPMP 230.2
Sila ngayon ay nakarating na sa ilog ng Jaboc, at samantalang ang gabi ay sumasapit, ay pinatawid ni Jacob ang kanyang sambahayan sa kabila ng tawiran sa ilog, at siya ay nagpaiwang mag-isa. Siya ay nagpasiyang kanyang gugugulin ang gabi sa pananalangin, at ninais niyang siya ay mag-isang makasama ng Dios. Magagawa ng Dios ang palambutin ang puso ni Esau. Nasa Kanya ang tanging pag-asa ng patriarka.MPMP 231.1
Yaon ay isang malungkot na bulubunduking lugar, pinaglalagalagan ng mga mababangis na hayop at taguan ng mga magnanakaw at mga mamamatay tao. Mag-isa at di nakakanlungan, si Jacob ay yumukod sa lupa sa isang matinding pag-aalala. Noon ay hating gabi. Lahat ng nagpapahalaga ng buhay sa kanya ay nasa malayo, lantad sa panganib at kamatayan. Ang pinakamapait sa lahat ay ang isiping ang sarili niyang kasalanan ang naghatid ng panganib na iyon sa mga walang sala. May taimtim na pag-iyak at pagluha siya ay nanalangin sa Dios. Bigla na lamang isang malakas na kamay ang humawak sa kanya. Akala niya ay may isang kaaway na nais kunin ang kanyang buhay, at nakipagbuno siya upang makalaya sa pagkakahawak ng nananakit. Ang dalawa ay nagbuno sa kadiliman. Walang ano mang salita ang nabigkas, subalit ibinuhos ni Jacob ang buo niyang lakas, at hindi nagpahinga kahit isang sandali. Samantalang siya ay nasa gano'ng pakikipagpunyagi para sa kanyang buhay, ang pagkadama ng kanyang kasalanan ay naging matindi para sa kanya; ang kanyang mga kasalanan ay bumangon sa harapan niya upang ikubli siya mula sa Dios. Subalit sa kanyang kakilakilabot na hangganan ay kanyang naalaala ang mga pangako ng Dios, at ang kanyang buong puso ay nakiusap para sa Kanyang habag. Ang pakikipagbuno ay nagpatuloy hanggang magbubukang liwayway, nang ilagay ng di kilalang kapun- yagi ang kanyang daliri sa hita ni Jacob, at siya ay biglang napilay. Nabatid ng patriarka ang likas ng kanyang kapunyagi. Nabatid niya na siya ay nakikipagpunyagi sa isang sugo ng langit, at ito ang dahilan kung bakit ang halos higit pa sa lakas ng taong pagsisikap niya ay hindi manaig. Iyon ay si Kristo, “ang Anghel ng tipan,” ang napakita kay Jacob. Ang patriarka ay napilay at lubos na nasaktan, subalit hindi niya luluwagan ang kanyang pagkakapit, lubhang nagsisisi at nasaktan; “siya'y tumangis at namanhik” (Oseas 12:4), samantalang humihingi ng basbas. Kinakailangan niya ng katiyakan na ang kasalanan ay pinatawad. Ang nararamdaman ng kanyang katawan ay hindi makapag-aalis ng kanyang isip sa layuning ito. Naging higit na masidhi ang kanyang kapasyahan, ang kanyang pananampalataya ay naging higit na taimtim at mapagpunyagi, hanggang sa wakas. Sinikap ng anghel na makaalis; Kanyang ipinakiusap, “Bitiwan mo ako, sapagkat nagbubukang liwayway na;” subalit si Jacob ay tumugon, “Hindi kita bibitiwan hanggang hindi mo ako mabasbasan.” Kung iyon ay isang pagmamalaki, at di angkop na pagtitiwala sa sarili, si Jacob ay kaagad napatay; subalit nasa kanya ang katiyakan ng isang naghaha- yag ng kanyang pagiging di karapat-dapat, gano'n pa man ay nagtiti- wala sa katapatan ng isang Dios na nag-iingat ng tipan.MPMP 231.2
Si Jacob ay “nagtaglay ng kapangyarihan sa anghel, at nanaig.” Oseas 12:4. Sa pamamagitan ng pagpapakumbaba, pagsisisi, at pagsusuko ng sarili, ang makasalanan, at nagkakamaling ito ay nanaig sa Panginoon ng langit. Kanyang hinigpitan ang nanginginig niyang pagkakapit sa mga pangako ng Dios, at ang puso ng walang hanggang pag-ibig ay hindi matatalikuran ang pakiusap ng makasalanan.MPMP 232.1
Ang pagkakamaling naghatid ng kasalanan ni Jacob sa pagkakamit ng karapatan ng pagkapanganay sa pamamagitan ng pandaraya ay malinaw na nahayag sa kanya. Hindi siya lubos na nagtiwala sa mga pangako ng Dios, sa halip ay nagsikap sa pamamagitan ng sarili niyang magagawa upang gawin ang sana'y gagawin ng Dios sa sarili Niyang panahon at kaparaanan. Bilang tanda na siya'y pinatawad, ang kanyang pangalan ay pinalitan mula sa isa na nagpapaalaala ng kanyang kasalanan, ang ipinalit ay isang magpapaalaala ng kanyang pagtatagumpay. “Ang iyong pangalan,” wika ng anghel, ay “hindi na tatawaging Jacob [ang mang-aagaw], kundi Israel: sapagkat ikaw ay nakipagpunyagi sa Dios at sa mga tao, at ikaw ay nanaig.”MPMP 232.2
Tinanggap ni Jacob ang pagpapalang ninanasa ng kanyang kaluluwa. Ang kanyang kasalanan bilang mang-aagaw at manlilinlang ay pinatawad. Ang krisis sa kanyang buhay ay lumipas na. Ang pag-aalin- langan, pagkalito, at mataos na pagsisisi ay nakapagpapait sa kanyang buhay, subalit ngayon ang lahat ay nabago; at matamis ang kapayapaan ng pakikipagkasundo sa Dios. Si Jacob ay hindi na natatakot makipagtagpo sa kanyang kapatid. Ang Dios na nagpatawad sa kanyang kasalanan, ay magagawa ring kilusin ang puso ni Esau upang tanggapin ang kanyang pagpapakumbaba at pagsisisi.MPMP 232.3
Samantalang si Jacob ay nakikipagbuno sa anghel, isa pang sugo ng langit ang pinapunta kay Esau. Sa isang panaginip, nakita ni Esau ang kanyang kapatid na naninirahan sa malayong hiwalay sa kanyang ama; nasaksihan niya ang kanyang pagkalungkot sa pagkaalam ng pagkamatay ng kanyang ina; nakita niya siyang pinalilibutan ng mga hukbo ng Dios. Ang panaginip na ito ay binanggit ni Esau sa kanyang mga kawal at nagtagubiling huwag nilang sasaktan si Jacob, sapagkat ang Dios ng kanyang ama ay sumasa kanya.MPMP 235.1
Sa wakas ang dalawang pangkat ay nagkaharapan sa isa't isa, ang pinuno ng disyerto kasama ang kanyang mga kawal, at si Jacob kasama ang kanyang mga asawa at mga anak, pinaglilingkuran ng mga pastol at mga katulong na babae, at sinusundan ng napakaraming mga baka at tupa. Dala ang kanyang tungkod, ang patriarka ay humakbang sa harap upang kaharapin ang pangkat ng mga sundalo. Siya ay namumutla at pilay mula sa katatapos lamang na pakikipagbuno niya, at siya ay lumakad ng marahan at nasasaktan, tumitigil sa bawat hakbang; subalit ang kanyang anyo ay naliliwanagan ng kagalakan at kapayapaan.MPMP 235.2
Sa pagkakita sa nahihirapang pilay, “tumakbo si Esau na sinalubong siya, at niyakap siya at niyapos siya sa leeg, at hinagkan siya: at nag- iyakan.” Samantalang minamasdan ang nagaganap na iyon, maging ang puso ng mga malulupit na sundalo ni Esau ay nakilos. Sa kabila ng pagkakasaysay niya sa kanila ng kanyang panaginip, hindi nila maunawaan ang pagbabagong naganap sa kanilang pinuno. Bagaman nakikita nila ang paghihirap ng patriarka, hindi nila bahagyang maisip na ang kahinaang ito niya ang ginawang kanyang kalakasan.MPMP 235.3
Sa kanyang gabi ng paghapis sa tabi ng Jaboc, nang ang pagkawasak ay tila nasa harapan lamang niya, si Jacob ay naturuan kung gaano kawalang-kabuluhan ang maitutulong ng tao. Nakita niya na ang tanging tulong para sa kanya ay nagmumula sa nagawan niya ng napakalaking kasalanan. Walang kakayanan at di nararapat, nakiusap siya para sa ipinangakong kaawaan ng Dios sa nagsisising makasalanan.MPMP 235.4
Ang pangakong iyon ang kanyang katiyakan na siya ay patatawarin at tatanggapin ng Dios. Higit na madali pang lumipas ang langit at ang lupa kaysa ang di matupad ang salitang iyon; at ito ang nagpapanatili sa kanya sa panahong iyon ng nakakatakot na pakikipagbuno.MPMP 236.1
Ang karanasang iyon ni Jacob sa gabi ng pakikipagbuno at kapighatian ay kumakatawan sa pagsubok na dadanasin ng bayan ng Dios bago sumapit ang ikalawang pagdating ni Kristo. Ang propetang Jeremias, sa banal na pangitain tungkol sa kapanahunang ito, ay nagsabi, “Kami ay nangakarinig ng tinig ng panginginig, ng takot, at hindi ng kapayapaan.... Ang lahat na mukha ay naging maputla. Ay! sapagkat ang araw na iyon ay dakila, na anupa't walang gaya niyaon: siya ngang panahon ng kabagabagan ni Jacob; ngunit siya'y maliligtas doon.” Jeremias 30:5-7.MPMP 236.2
Kapag itinigil na ni Kristo ang Kanyang gawain bilang tagapama- gitan para sa kapakanan ng tao, ang panahong ito ng kaguluhan ay magsisimula. Kung magkagayon ang usapin ng bawat kaluluwa ay napagpasyahan na, at wala nang pangtubos na dugo upang maglinis ng kasalanan. Kapag iniwan na ni Kristo ang kanyang gawain bilang tagapamagitan ng tao sa harap ng Dios, ang banal na pahayag ay naganap na, “Ang liko ay magpakaliko pa: at ang marumi ay magpa- karumi pa: at ang matuwid, ay magpakatuwid pa: at ang banal, ay magpakabanal pa.” Apocalipsis 22:11. Kung magkagayon ang pumi- pigil na Espiritu ng Dios ay aalisin na mula sa lupa. Kung paanong si Jacob ay nangangambang mapapatay ng kanyang galit na kapatid, gano'n din naman ang bayan ng Dios ay mapapasa panganib ng mga masasamang magsisikap na sila ay patayin. At kung paanong ang patriarka ay nakipagbuno nang buong magdamag upang magkaroon ng kaligtasan mula sa mga kamay ni Esau, gano'n din naman ang mga matuwid ay mananalangin sa Dios araw at gabi upang mailigtas mula sa mga kaaway na nakapaligid sa kanila.MPMP 236.3
Inakusahan ni Satanas si Jacob sa harapan ng mga anghel ng Dios, inaangkin ang karapatan upang puksain siya dahil sa kanyang kasalanan; siya ay kumilos kay Esau upang humarap laban sa kanya; at sa panahon ng mahabang gabi ng pakikipagbuno, si Satanas ay nagsikap ipagdiinan sa kanya ang pagkadama ng kanyang kasalanan, upang sirain ang kanyang loob, at wasakin ang kanyang pagkakapit sa Dios. Nang sa kanyang kawalan ng pag-asa si Jacob ay kumapit sa anghel, ay may luhang nakiusap, ang makalangit na Sugo, upang siya'y subukin, ay pinaalalahanan din tungkol sa kanyang kasalanan, at nagsikap tumakas mula sa kanya. Subalit si Jacob ay di niya mapaaa- lis. Kanyang natutunan na ang Dios ay mahabagin, at kanyang inila- gak ang kanyang sarili sa Kanyang habag. Kanyang ipinaaalaala ang kanyang pagsisisi sa kanyang kasalanan, at humiling ng kaligtasan. Samantalang binabalikan niya ang kanyang buhay, siya ay halos naakay sa kawalan ng pag-asa; subalit maigting niyang hinawakan ang anghel, at may taimtim, at umiiyak na paghiling ay ipinilit ang kanyang kahilingan hanggang siya ay nanaig.MPMP 236.4
Gano'n ang magiging karanasan ng bayan ng Dios sa kanilang huling pakikipaglaban sa mga kapangyarihan ng masama, Susubukin ng Dios ang kanilang pananampalataya, pagtitiyaga, pagtitiwala at sa Kanyang kapangyarihang makapagliligtas sa kanila. Sisikapin ni Satanas na sila ay takutin sa pamamagitan ng kaisipan na ang kanilang kalagayan ay wala nang pag-asa; na ang kanilang kasalanan ay gano'n na lamang kalaki upang hindi na tumanggap ng kapatawaran. Sila ay magkakaroon ng malalim na pagkadama ng kanilang pagkukulang, at samantalang kanilang binabalikan ang kanilang mga buhay ang kanilang pag-asa ay maglalaho. Subalit sa pag-aalaala ng kadakilaan ng habag ng Dios, at ng kanilang ganap na pagsisisi, makikiusap sila ayon sa Kanyang mga pangako sa pamamagitan ni Kristo para sa mga walang kakayanan, at nagsisising makasalanan. Ang kanilang pananampalataya ay di manlulupaypay dahilan lamang sa ang kanilang mga dalangin ay di agad natutugon. Sila ay manghahawak sa kalakasan ng Dios, kung paanong si Jacob ay humawak sa Anghel, at ang magiging bigkasin ng kanilang kaluluwa ay, “Hindi Kita bibitiwan hanggang hindi Mo ako mabasbasan.”MPMP 237.1
Kung bago nangyari iyon ay hindi pa napagsisisihan ni Jacob ang pagkuha sa karapatan ng pagkapanganay sa pamamagitan ng pandaraya, ay hindi sana siya dininig ng Dios at sa habag ay hindi iniligtas ang kanyang buhay. Gano'n din naman sa panahon ng kabagabagan, kung ang bayan ng Dios ay mayroon mga kasalanang hindi napagsisisihan na haharap sa kanila samantalang sila ay pina- hihirapan ng takot at dalamhati, sila ay mapupuspos ng dalamhati; ang kawalan ng pag-asa ang puputol sa kanilang pananampalataya, at hindi sila magkakaroon ng lakas ng loob upang makiusap na sila ay iligtas ng Dios. Subalit kung sila ay nakadarama ng kanilang pagiging di karapat-dapat, sila ay walang natatagong mga kasalanang ihahayag.MPMP 237.2
Ang kanilang mga kasalanan ay napawi na ng dugo ni Kristo, at hindi na nila ito maalaala pang muli.MPMP 238.1
Inaakay ni Satanas ang marami upang isipin na babaliwalain ng Dios ang kanilang pagiging di tapat sa mga maliliit na bahagi ng buhay; subalit ipinakikita ng Panginoon sa Kanyang pakikitungo kay Jacob na kailan man ay di Niya ipapahintulot o babaliwalain ang kasamaan. Ang lahat ng magsisikap magdahilan o magkubli ng kanilang mga kasalanan, at nagpapahintulot na ang mga iyon ay manatiling nakatala sa mga aklat ng langit, hindi naihahayag at hindi napapatawad, ay madadaig ni Satanas. Kung mas mataas ang kanilang kalagayan, at mas marangal ang tungkuling kanilang ginagam- panan, ay higit na mas malala ang kanilang gawain sa paningin ng Dios, at mas tiyak ang pananaig ng dakilang katunggali.MPMP 238.2
Gano'n pa man ang kasaysayan ni Jacob ay isang kasiguruhan na hindi itatakwil ng Dios yaong mga nadaya upang magkasala, subalit nanumbalik sa Kanya na may tunay na pagsisisi. Sa pamamagitan ng pagsuko ng sarili at nagtatapat na pananampalataya nakamtan ni Jacob ang di niya makamtan sa pamamagitan ng pakikipaglaban sa sarili niyang lakas. Sa gano'ng paraan ay tinuruan ng Dios ang Kanyang lingkod na ang kapangyarihan at biyaya ng Dios lamang ang makapagbibigay sa kanya ng pagpapalang kinauuhawan niya. Gano'n din naman sa mga nabubuhay sa mga huling araw. Samantalang sila ay napapaligiran ng panganib, at ang kawalan ng pag-asa ay pumipigil sa kaluluwa, sila ay kinakailangang magtiwala lamang sa kabutihan ng pagtubos. Wala tayong magagawa sa ganang ating sarili lamang. Sa ating kawalan ng kakayanan at pagiging di karapat-dapat kinakailangang tayo ay magtiwala sa kabutihan ng ipinako at muling nabuhay na Tagapagligtas. Walang sino mang masasawi sa pagsasagawa nito. Ang mahaba, at maitim na listahan ng ating mga pagkukulang laging nakikita ng Dios. Ang talaan ay ganap; wala tayong kasalanang kinalilimutan. Subalit Siya na nakinig sa pag- iyak ng Kanyang mga lingkod noong una, ay makikinig sa dalangin ng pananampalataya at magpapatawad sa ating mga kasalanan. Siya ang nangako, at Kanyang tutuparin ang Kanyang salita.MPMP 238.3
Si Jacob ay nanaig sapagkat siya ay matiyaga at tiyak. Ang kanyang karanasan ay nagpapatotoo sa kapangyarihan ng masugid na pananalangin. Ngayon ang panahon upang matutunan natin ang liksyong ito tungkol sa nananaig na dalangin ng di sumusukong pana-nampalataya. Ang pinaka dakilang mga pagtatagumpay sa iglesia ni Kristo sa sino mang Kristiano ay hindi yaong nakamtan sa pamamagitan ng talento o edukasyon, kayamanan o kaluguran ng tao. Yaon ay mga pagtatagumpay na nakamtan sa harap ng pakikipag- ugnayan sa Dios, kapag ang taimtim, at naghihirap na pananampalataya ay nanghawak sa malakas na bisig ng kapangyarihan.MPMP 238.4
Yaong hindi handa upang iwaksi ang bawat kasalanan at masikap na hanapin ang pagpapala ng Dios, ay hindi magkakamit noon. Subalit ang lahat ng manghahawak sa mga pangako ng Dios gaya ng ginawa ni Jacob at magiging gano'n din kataimtim at katiyaga na gaya niya, ay magtatagumpay kung paanong siya ay nagtagumpay. “At hindi baga igaganti ng Dios ang Kanyang mga hirang, na sumisi- gaw sa Kanya sa araw at gabi, at Siya'y may pagpapahinuhod sa kanya? Sinasabi ko sa inyo, na sila'y madaling igaganti Niya.” Lucas 18:7, 8.MPMP 239.1