Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents

Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan

 - Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Pagiging Isa, Marso 19

    “At ang kaluwalhatiang ibinigay Mo sa Akin ay ibinigay Ko sa kanila, upang sila'y maging isa, na gaya naman Natin na iisa, Ako'y nasa kanila at Ikaw ay nasa Akin, upang sila'y maging ganap na isa upang malaman ng sanlibutan na Ikaw ang nagsugo sa Akin at sila'y lyong minahal kung paanong Ako'y lyong minahal,” Juan 17:22,23,TKK 86.1

    Anong laking puwedeng makamtan ang inilalahad para sa pagsusumikap ng Kristiyano, pero anong layo ng ating mga ginagawa. Kung kaayon lang sana ng utos ng ating Panginoon ang ating mga ginagawa, magiging maluwalhati ang resulta. Sabi Niya, “Gayunma'y hindi lamang sila ang idinadalangin Ko, kundi sila rin naman na mga sumasampalataya sa Akin sa pamamagitan ng kanilang salita, upang silang lahat ay maging isa. Gaya Mo, Ama, na nasa Akin at Ako'y sa Iyo, sana sila'y manatili sa Atin, upang ang sanlibutan ay sumampalataya na Ako'y sinugo Mo” (Juan 17:20, 21). . . .TKK 86.2

    Hindi nanalangin si Jesus para sa isang bagay na hindi natin kayang maabot,at kung posible naman pala ang pagkakaisang ito, bakit ang mga nagsasabing tagasunod ni Cristo ay hindi nakikipagpunyagi nang mas masikap para sa kalagayang ito ng biyaya? Kung tayo'y kaisa ni Cristo, magiging kaisa rin tayo ng Kanyang mga tagasunod. Ang malaking pangangailangan ng kaluluwa ay si Jesus, ang pag-asa ng kaluwalhatian. Sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ay maaaring makamtan ang pagkakaisang ito, at sasagana ang pagmamahal para sa mga kapatiran, at makikilala ng mga tao na nakasama natin si Jesus at natuto mula sa Kanya. Ang ating buhay ay magiging salamin ng Kanyang banal na karakter. Bilang mga mananampalataya sa Kanya kakatawanin natin ang kaamuan ng Kanyang espiritu, at ang kabaitan ng Kanyang kilos. Kailangang tugunin ng bawat isa sa iglesya ng Diyos ang panalangin ni Cristo hanggang sa makarating tayong lahat sa pagkakaisa ng Espiritu.TKK 86.3

    Ano ang nagiging sanhi ng awayan at di-pagkakaunawaan? Ito'y resulta ng paglakad nang hiwalay kay Cristo. Kapag malayo sa Kanya, nawawala ang pagmamahal natin sa Kanya, at nanlalamig tayo sa mga tagasunod Niya. Habang papalayo ang mga sinag ng liwanag sa sentro, mas malayo din ang mga ito sa isa't isa. Ang bawat mananampalataya ay isang sinag ng liwanag mula kay Cristo, ang Araw ng Katuwiran. Kung mas malapit tayong lumalakad kasama ni Cristo, ang sentro ng lahat ng pag-ibig at liwanag, mas magiging malaki rin ang pagmamahal natin sa Kanyang mga tagapagdala ng liwanag. Kapag ang mga banal ay napapalapit kay Cristo, natural na mapalapit din dapat sila sa isa't isa, sapagkat sama-samang ibubuklod ng nagpapabanal na biyaya ni Cristo ang kanilang mga puso. Hindi puwedeng mahal mo ang Diyos pero hindi mo naman magawang mahalin ang iyong mga kapatiran.— THE ELLEN G. WHITE 1888 MATERIALS, pp. 1048,1049 .TKK 86.4

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents