Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents

Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan

 - Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Pagtitiwala, Marso 26

    Kaya't huwag ninyong itakuwil ang inyong pagtitiwala na may dakilang gantimpala. Hebreo 10:35.TKK 93.1

    Sinasabi ni Juan, “Ito ang ating kapanatagan sa kanya, na kung tayo'y humingi ng anumang bagay na ayon sa kanyang kalooban, tayo'y pinapakinggan niya. At kung ating nalalaman na tayo'y pinapakinggan niya sa anumang ating hingin, nalalaman natin na natanggap natin ang mga kahilingang hinihingi natin sa kanya” (1 Juan 5:14, 15). Talakayin natin nang higit ang mga puntong ito sa mga tao para lumawak pa ang kanilang mga pananaw, at madagdagan ang kanilang pananampalataya. Dapat silang mahimok na humingi nang malaki, at asahan nang walang pagdududa ang mga kayamanan ng Kanyang biyaya; sapagkat sa pamamagitan ni Jesus, makalalapit tayo sa silid-tanggapan ng Kataas-taasan. Sa pamamagitan ng Kanyang mga nagawa, makalalapit tayo sa Ama sa pamamagitan ng iisang Espiritu.TKK 93.2

    O, nawa'y magkaroon tayo ng mas malalim na karanasan sa pananalangin! Puwede tayong lumapit sa Diyos nang may pagtitiwala, na nalalaman kung ano ang ibig sabihin ng presensiya at kapangyarihan ng Kanyang Banal na Espiritu. Maaari nating ipagtapat ang ating mga kasalanan, at doon mismo, samantalang humihiling, ay alam nating pinatatawad Niya ang ating mga kasalanan, sapagkat nangako Siyang magpapatawad. Kailangan nating masanay na nananampalataya, at magpakita ng tunay na pagsisikap at pagpapakumbaba. Hindi natin ito magagawa nang wala ang biyaya ng Banal na Espiritu. Kailangan nating magpakumbaba sa paanan ni Jesus, at huwag maging makasarili, ni magpahayag ng pagmamataas, kundi sa kapayakan ay hanapin ang Panginoon, na hinihingi ang Kanyang Banal na Espiritu gaya ngpaghingi ng isang bata ng tinapay mula sa kanyang mga magulang.TKK 93.3

    Dapat nating gawin ang ating bahagi, tanggapin si Cristo bilang personal na Tagapagligtas, at habang nakatayo sa ilalim ng krus ng Kalbaryo, “Tumingin tayo at mabuhay.” Ibinubukod ng Diyos ang Kanyang mga anak para sa Kanyang sarili. At habang nakikipag-ugnayan sila sa Kanya, magkakaroon sila ng kapangyarihan sa Diyos at magtatagumpay (Genesis 32:28). Sa ating sarili ay wala tayong magagawa; ngunit sa pamamagitan ng biyaya ng Kanyang Banal na Espiritu, naibabahagi ang buhay at liwanag, at napupuno ang kaluluwa ng nananabik at marubdob na hangarin para sa Diyos, para sa kabanalan. Kung gayo'y ihahatid tayo ni Cristo sa trono ng biyaya at dadamitan tayo ng Kanyang katuwiran; dahil mahal tayo ng Panginoong Diyos sa langit. Sadya tayong magiging bulag at matigas ang ulo kung pagdududahan nating ang Kanyang puso ay nakakiling sa atin. Habang si Jesus, na Tagapamagitan natin, ay nagsusumamo para sa atin sa langit, gumagawa ang Banal na Espiritu sa atin, sa pagnanais at sa paggawa ng mabuti Niyang kalooban (Filipos 2:13). Interesado ang buong kalangitan sa kaligtasan ng kaluluwa. Kung gayo'y ano ang dahilan natin para magdudang tayo'y tutulungan at tinutulungan na ng Panginoon?— SIGNS of THE TIMES, October 3,1892 .TKK 93.4

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents